(Paksa: Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran)
Wikipedia
Monday, August 1, 2016
GLOBAL ANG FILIPINO!
(Paksa: Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran)
Tuesday, April 12, 2016
Ang Wika Natin ay ang Wika sa Pangangalaga ng Kalikasan
Sunday, August 10, 2014
Ang Wika Natin ang Daang Matuwid
Thursday, September 13, 2012
APEX Talumpatian
Sunday, August 28, 2011
"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas"
Sa ikalimang beses sa sunud-sunod na taon ay muli na namang nagwagi ang aming paaralan sa APEX Talumpatian na ginanap sa Laguna College noong ika-27 ng Agosto 2011. Bagamat wala ako sa kumpetisyon sapagkat lumahok rin ang aming paaralan sa paligsahan ng Sabayang Pagbigkas ng KawikaADS sa UPLB, natuwa ako sa balitang natanggap na nagpagtagumpayan ng aming mag-aaral na si Kenna Evangelista ng III-Science Curriculum ang kamyonato sa nasabing paligsahan. Narito ang kabuuan ng pyesa na kanyang binigkas na nilikha ng inyong lingkod.
"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas"
ni Dennis B. Lacsam
“Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan, walang maiiwan.”
Ito ang mga salitang binitawan ni P-Noy na umalingawngaw sa buong Luneta sa kanyang inagurasyon bilang ikalabinlimang Pangulo ng bansa. Mapithayang paanyaya sa wikang Filipino na humihimok sa buong sambayanan na sabay-sabay na kumilos at magsagawa ng magandang pagbabago para sa tagumpay ng isang bayang patuloy na nagbibigay ng buhay at pag-asa sa kanyang mga mamamayan.
Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa inyong lahat.
Maliwanag ang paanyaya ng kasalukuyang Pangulo ng bansa sa ating lahat – samahan natin siya sa pagtahak sa tuwid na landas tungo sa isang bagong Pilipinas. Kung saan magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan at maibabalik ang tadhana ng bawat isang Pilipino sa tamang kalagayan.
Bagamat suntok sa buwan para sa karamihan ang magandang adhikaing ito ni P-Noy, hindi mapasusubalian na tumagos ito sa puso at isip ng sangkapilipinuhan sapagkat malinaw at madamdaming itong binigkas sa Filipino na siyang wikang lunggati ng buong bayan.
Mga kababayan, marapat na maunawaan nating lahat na ang wika ay hindi lamang nagsisilbing simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Matibay itong kalasag ng isang bansa para sa kaunlarang pangkabuhayan, pangkapayapaan at pagkakaisa. Kung hahayaan lamang nating gamitin ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang mga responsableng Pilipino, hindi malayong maipapahayag natin nang tama ang mga ideya ng ating kaisipan at mapagsasama-sama natin ang ating mga gawa na siyang repleksyon ng ating kultura na pinakadaluyan ng kaalaman. Pakatandaan natin na malaki ang oryentasyon sa ating kultura at ang wikang tatak ng ating pagkalahi ang nagsisilbing mabisang kasangkapan sa pagpapabulas nito. Walang ngayong dahilan upang hindi tayo makabuo ng isang pambansang ideolohiya na magbibigkis sa ating mga Pilipino sapagkat matatanggap natin ang bawat isa sa kani-kanilang indibidwalidad, pagkakatulad at pagkakaiba. At kapag nangyari ito, maiiwasan ang dibisyon at mananaig ang nasyonalismo na ilaw at lakas sa isang tuwid na landas na pinapangarap nating lahat para sa kaunlaran at kabuhayan ng Inang-Bayan.
Mga kaibigan, nasa yugto na tayo ngayon ng tinatawag na Panahon ng Kaalaman o Information Age. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ang pagpapaabot, pagpapalitan at pagpapaunawa ng kaalaman o mga kaisipan upang makamit ang mithiing kaunlaran. Sabi nga ni Propesor Randy David, kailangan nating sanayin ang ating mga sarili na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Mahalagang nakikipag-usap ang ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na ipinagwawalang-bahala ito sa maling paniniwala na hindi na ito akma sa makabagong panahon. Kaya’t sa halip na batikusin natin ang mga milyung-milyong kababayan ng bagong henerasyon na hindi kayang mag-Ingles sa mga pandaigdigang websites, social networking sites at blogsites, tulad ng Youtube, Facebook, Twitter, Multiply, blogspot, atbp., dakilain natin silang lahat dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang panitikang Filipino at nakikilala maging ang kultura ng ating bansa sa buong daigdig. Gayundin papurihan natin ang mga kababayan sa lahat ng panig ng daigdig na patuloy na nagtataguyod at nagsusulong ng mga websites na Filipinung-Filipino tulad ng WikiPilipino na isang bayanihang proyekto ng mga boluntaryong nagmamalasakit sa Pilipinas na naglalayong makabuo ng malawak, malalim, at makabuluhang pintungan ng karunungang magagamit ng bawat isang Pilipino saanmang panig ng mundo siya naroroon. Importanteng ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating ito, na kaakibat ng mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa sa atin na ang tunay na karunungan ay natatamo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at mga bansa.
Mga minamahal kong kababayan, sa ayaw man natin o hindi, tayong lahat ay may malaking pananagutan sa bansang ito. Upang higit nating maunawaan ang ating kabuluhan bilang mga responsableng mamamayan, buhayin natin sa ating mga sarili ang kaisipang ikinintal ni Rizal sa El Filibusterismo sa pamamagitan ng mapangaraping kabataan na si Isagani na “Ang buhay na hindi iniukol sa isang dakilang layon, ay tulad sa isang bato na napatapon sa ilang at hindi na napasama sa pagbuo ng isang gusali.” Magnilay tayo, mga kaibigan. Pakalimiin nating lahat na sa pagsasakaturapan ng dakilang mithiin para sa pagtahak sa tuwid na landas ng kaunlaran at karunungan ng ating Inang Bansa, ang wika na kung minsa’y inaaba ng marami, ang siya ring wika na tatanglaw sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao at magtuturo sa mga dapat nating kalagyan sa mga darating na panahon. Panuntunan ito: isabuhay at isadiwa ang pagmamalasakit sa wikang Filipino. Simulan natin ngayon at buhayin ang tunay na Pilipino – sa isip, sa salita at sa gawa.
Monday, February 21, 2011
Pambansang Wika: Matatag na Bansa
“Upang mabuhay tayo sa kasalukuyang panahon, kailangan natin ng wikang dayuhan ngunit para mabuhay ng habampanahon, kailangan natin ng wikang katutubo na ating pagkakakilanlan.” Isang makatas na pahayag mula sa isang American Indian na magpapatunay sa tunay na kahulugan ng hindi maipagkakailang relasyon ng wika sa buhay ng tao.
Mga giliw kong tagapakinig, isang mapagpalang hapon sa inyong lahat.
Sa narinig n’yong pambungad na pahayag tungkol sa esensiya ng wika bilang sangay ng kultura, hindi mapasusubalian na ang relasyon nito sa ating buhay ay mananatiling magkaugnay. Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at sulat na ginagamit ng tao sa pagpapatalas ng isip at damdamin para makaagapay sa kasalukuyang panahon, kailangan nitong dumanas ng mga pagbabago. Mga pagpababagong tutulong sa pagbulas nito upang makipagtagisan sa anumang wika sa daigdig.
Mga kaibigan, tandaan nating ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at komiks mababasa gaya ng mga likha nina Mars Ravelo, Carlo Caparas at Nerissa Cabral. Matutunghayan din ito sa mga walang kamatayang panitikan tulad ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos at Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez, o sa mga tula at nobelang pam-Palanca nina Genoveva Edroza Matute, Rogelio Sikat at Edgar Calabia Samar at sa salin ng mga classics ng pandaigdigang panitikan tulad ng Hamlet ni Shakespeare ni Rolando Tinio. Ito ang wikang hindi lamang nakasulat sa mga polyeto ng mga kandidatong pulitiko at sa patalastas ng mga produkto. Ito rin ang wika sa mga aklat na nagbibigay-kahulugan sa esensiya ng katarungan, kabuhayan, batas at pamamahala. Ito ang wikang hindi lamang nagpapahayag ng lahat ng damdadamin gaya ng tindi ng pag-ibig, silakbo ng galit, simbuyo ng tuwa at pait ng lungkot. Ito rin ang wikang nakapagpapaliwanag maging ng pinakamaliit na detalye ng paggalaw ng atom at pag-expand ng universe. Sa maikling salita, ito ang wikang namumukod na katangian, kaakuhan, at kabansaan ng mga mamamayan ng Pilipinas.
Ang labanan ng Filipino at iba pang wika sa daigdig ay mananatiling walang katapusan. Unawain natin na bahagi ng anumang kultura sa daigdig ang panghihiram. Na ang wika bilang isa sa mga sangay nito ay kailangan ding dumanas ng mga pagbabago. Alalahanin nating walang wika sa daigdig ang nabuhay na hindi naramyuhan ng iba pang wika. Huwag nating hayaang masadlak ang Filipino sa tadhana ng mga wikang Ameridian tulad ng Quecha at Guarani na ngayo’y naghihingalo sapagkat hindi nakaagapay sa mga iba pang wika sa daigdig na patuloy na nakikipagtagisan sa Internet sa panahong ito ng World Wide Web. Iyan ang mas malalim na dahilan kung bakit kailangang payabungin natin ang wikang pambansa sa lahat ng aspeto ng buhay.
Mga kaibigan, mapagpupunan lamang natin ang kakulangan natin sa ating wika sa pamamagitan nang pagpapaunlad at pagpapabulas nito sa paggamit sa anumang larangan. Pakatandaan natin na tayo mismo ang kultura at ang wikang Filipino ang ating daigdig. At habang pinagyayaman natin ang ating wika at kultura ay nag-iibayo ang pagtingin natin sa ating mga pagkatao at nabubuo ang tinatawag na lunggati. Ang lunggating ito ang patuloy na huhubog sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao bilang Pilipino at magtuturo sa mga dapat nating kalagyan sa mga darating na panahon. Kaya’t dakilain nating lahat hindi lang ang walumpung milyong Pilipino sa buong kapuluan na nagsasalita ng wikang pambansa maging ang kababayan natin sa Amerika, Canada, Middle East, Australia, Asya at Europa, at iba pang panig ng mundo na gumagamit ng wika na ating pagkakakilanlan. Papurihan natin ang mga guro na nagtuturo ng Filipino at palakpakan natin ang mga banyaga na marunong magsalita o kaya’y nag-aaral ng ating wika. At higit sa lahat, kilalanin natin ang mga natatanging kababayan na patuloy na nagtataguyod at nagsusulong ng mga websites na Filipinung-Filipino sa Internet dahil sa pamamagitan nila nakaagapay ang ating wikang pambansa sa iba pang wika sa daigdig.
Mga minamahal kong tagapakinig, totoong malaki ang ginagampanan ng wika sa paghubog ng isang matatag na republika sapagkat malinaw na pinatutunayan nito na malakas ang pagkakaisa ng isang bansa kung may isang wika sapagkat sa pamamagitan nito, nagkakaunawaan ang mga mamamayan, lumalakas ang panitikan at patuloy na yumayabong ang kultura. Hindi marapat na maging sanhi ito ng ating pagkalito na sa kalauna’y maging pag-iwas sa paggamit rito. Alalahanin nating buhay ang wikang Filipino. Hindi ito isang bagay na nakasuspinde sa kawalan. Tandaan natin na sa pagbabago ng ortograpiya, yumayaman, lumalago, umuunlad, at nakaaangkop ang ating wika sa tawag ng panahon.
Ang katatagan ng isang bansa pakalimiin natin ay hindi lamang nakasalig sa wika na kanyang pagkakakilanlan bagkus ay sa kanyang mga responsableng mamamayan. Responsableng gamitin natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay ang wikang salamin ng ating pagkalahi. Alalahanin natin ang sinabi ni Propesor Randy David na “Walang wikang umuunlad kung hindi ito naisusulat at nababasa at kung hindi ito sinasanay na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura.” Kailangang makipag-usap ang ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isantabi ito, sa maling pag-aakalang hindi na ito angkop sa bagong panahon. Sa gayon, tayo bilang isang bansa ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na intelektuwalisasyon at siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa, na siyang ating intelektwal na kaakuhan.
Tuesday, September 15, 2009
Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas
“Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.” Literal na pahayag na nakatala sa Seksiyong 6, Artikulo XIV ng Pambansang Konstitusyon ng 1987. Isang malinaw na kaisipan na magpapatotoo na sadyang kinikilala maging ng kataas-taasang saligang batas ang pagsulong ng wika na siyang bukal ng kamalayan ng isang bansa. Isang pananagutang magpapatibay na hindi maihihiwalay kailanman ang pag-unlad ng wika sa pag-usad ng panahon – palatandaang patuloy na magpapaalala na buhay ito katulad ng ating hininga na siyang pangunahing pangangailangan natin upang mabuhay at makipag-ugnayan.
Mga kababayan, halos pitumpung taon na nang ideklara ni Manuel Luis Quezon na tubong Baler, Quezon ang Tagalog bilang wikang pambansa sa Kumbensiyong Konstitusyunal ng 1939. Bagamat umani ng batikos partikular sa mga Sebwano ang aksyong ito ng dating Pangulo sapagkat hindi raw natutugunan nito ang pambansang tatak at diwa ng sambayanan, sa halip ay ng mga pangkat etniko lamang, hindi mapasusubalian na yumabong at naging katanggap-tanggap na ito sa pagdaan ng panahon. Sa paniniwalang mas agpang sa pagkilala sa maraming katutubo, ang Tagalog ay naging Pilipino at ang Pilipino sa kalauna’y napalitan ng Filipino – mga pagbabagong nalinang sa kabila ng iba’t ibang nagpanukala, bumatikos, nagtanggol, at nagtrabaho alang-alang sa iisang mithiin na pagkakaroon ng isang pambansang wika na magtataguyod ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Mga kaibigan, maaring tapos na ang papantig na pagbigkas ng mga titik ng ABAKADA at napalitan na ng Ingles na baybay ng ABCD na mas angkop sa modernong mundo ng haute couture at Cyberspace ngunit hindi nangangahulugan ito na tinatalikdan natin ang ortograpiya ng ating pagkalahi. Pinayayabong lamang natin ang ating balarila bilang pagpapatunay na pinapahalagahan natin ang importansya ng dibersidad at multilinggwalismo ng ating Inang Wika upang mabuhay, umunlad at makipagsabayan sa panahon ng globalisasyon.
Ang wikang Filipino, kahit bali-baliktarin, pagandahin o gawing makabago ng sinumang Pilipino na magtatangkang paimbulugin ito sa anumang larangan – pasulat man o pasalita, sa kalauna’y ang paggamit pa rin nito ang higit na mas mahalaga. Walang sinuman ang makapagsasabi na binabastos at pinawawalang-halaga natin ang sarili nating kultura sapagkat bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang interpretasyon kung papaano natin ito mamahalin at ilalapit sa puso bilang tunay at responsableng Pilipino.
Sa aminin man natin o hindi, ay nagdiwang tayo nang pumailanlang sa mga istasyon ng radyo at telebisyon sa Amerika ang kantang Bebot ni Apl. de Ap ng Black Eyed Peas na ayon mismo sa Wikipedia na isang on-line Encyclopedia sa World Wide Web ay nagmula sa balbal na salitang Filipino na tumutukoy sa isang magandang babae.
Malayo na ang narating ng ating Inang Wika. Ang noo’y diyalekto lamang ng Baler at buong Katagalugan ngayo’y wika na ng kapuluan at siya nating pambansang espiritu. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng modernisasyon tulad ng Internet at iba pang midyum ng komunikasyon ay nakikilala na ito hindi lamang sa buong bansa bagkus ay sa buong mundo.
Nakalulugod na hindi natin ipinagpapasa-Diyos ang kahihinatnan ng ating katutubong salita, ngunit lagi nating tandaan na hindi na rin nakatutulong ang mga pagtatalo tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Pakaaalalahanin natin na ang pagmamahal sa wika ay naipapahayag sa mga pangmatagalang programa at proyektong inako nitong isakatuparan para sa kabutihan ng buong bayan.
Kung naniniwala tayo sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan – maging ito ma’y sa inisyatiba para sa katutubong kaalaman, kaligirang pangliterasiya, integrasyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya at katatagang pampulitika. Napakahalaga na ipabatid sa bawat isang Pilipino na makabuluhan ang wika na siya nating lunggati sa ating pinagmulang lahi. Marapat na umigpaw sa ating mga sarili ang pagsibol ng totoong diwa ng nasyonalismo. Kailangan natin ang marami pang Felipe Jose, Wenceslao Vinzons, Tomas Confesor, Hermenegildo Villanueva at Norberto Romualdez na bagamat hindi masyadong kinilala ng kasaysayan bilang mga unang arkitekto at bayani ng wikang pambansa ay naging huwaran naman ng kadakilaan at tunay na pagmamalasakit sa ating Inang Bayan.
Mga minamahal kong kababayan, ngayon ang simula upang maging bayani tayo ng wikang pambansa. Paimbulugin natin ang kadakilaan nito sa isip, sa salita at sa gawa.