TSISMIS
ni Dennis B. Lacsam
Kultura na ng napakaraming Pilipino
Ang manghalukay ng buhay ng kung sino-sino
Wala tayong pinapatawad kung ito ma’y negatibo
O magdudulot ng kapighatian sa isang tao.
Sabi nga sa awit ni Rico Blanco ng Rivermaya
Ang chismis ay pambansang marijuana
May opyo ang balita kaya’t sa bibig ay sanga-sanga
Nagpe-pyesta ang tsimosa sa inimbentong intriga.
Ang tsismis ay walang saysay na usapan
Paninirang-puri’t puro kasinungalingan
Karaniwang taglay nito ang masamang hangarin
Na ang biktima ay saktan kung hindi man ay sirain.
Tinataglay ng isang masugid na dalahira
Ang magkalat ng istoryang kanyang gawa-gawa
Mga kwentong hindi kapani-paniwala
Na lalason sa isipan ng bulag na maniniwala.
Kaya’t huwag na tayong magtataka
Kung bakit maging fake news ay bumebenta
Sapagkat ang sambayanan ay patuloy na umaasa
Sa balitang walang kwenta at walang sustansya!
Madali para sa atin ang makisawsaw
Lalo na’t bago ang balita, hindi tayo magkamayaw!
Pinupupog natin ng likes at heart ang isang video
O kaya’y ise-share pa kung kani-kanino.
Tuwang-tuwa tayo sa mga scandal
Trending na tsismis ng mga kahihiyan
Nagdiriwang tayong mabalitaan
Na ang ating kakilala’y may kabalahuraan.
Kung ang tsismis ay isa mang bisyo
O kaya naman ay isang opisyo
Wag tayong tayong mamuhunan sa buhay ng isang tao
Pagkat ito’y di tama at gawang makatao!