Wikipedia

Search results

Tuesday, October 20, 2009

Kalay, Ang Batang Ayaw Magsuklay


Akdang sinulat ni Kirby SediƱo, IV-B na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Pansilid na Paligsahan sa Pagkatha ng Maikling Kwento.
Nalathala sa Ang Laurel, Ang Opisyal na Pahayagan ng Col. Dizon MNHS



Si Kalay ang anak ng mag-asawang Mang Karlo at Aling Melay. Trabaho ni Mang Karlo ang paggawa ng suklay habang ang kanya namang asawa ang nagbebenta ng mga ito sa bayan.

Dahil babae at nag-iisang anak, espesyal at iba’t ibang mga suklay ang ginagawa ni Mang Karlo kay Kalay – kakaiba sa ipinagbibili ng kanyang asawa. Ngunit kahit kailan ay hindi man lamang natutunan ng kanyang anak na gamitin ang mga ito. Ginawa na ni Aling Melay ang lahat upang paalalahanan ang anak sa kahalagahan ng pagsusuklay ngunit nauuwi lamang sa wala ang kanyang mga tagubilin.

Nang walong taon na si Kalay, kakaibang suklay ang ginawa ni Mang Karlo sa kanyang anak bilang regalo. Nilagyan niya ito ng makukulay na sihay at malilit na kabibe na nasimot niya sa tabing dagat. Ibinalot pa ito ng kanyang asawa at nilagyan ng laso bago ibigay sa anak. Ngunit ng matanggap ito ni Kalay ay parang balewala lamang. Katulad ng iba pa niyang suklay ay hindi niya ito ginamit.

Isang araw, naglalaro si Kalay nang lapitan siya ng isang bata, “Hoy, Kalay! Bakit magulo ang buhok mo? Mukha kang bruha! Ha.Ha.Ha.”

“Wala kang pakialam!” tugon ni Kalay sa bata.

Isang araw ay pinipilit ni Aling Melay na suklayan si Kalay ng suklay na kaloob dito noong kanyang kaarawan. Dahil dito nagalit si Kalay. Ayaw na ayaw n’ya kasi na pinakikialaman ang kanyang buhok. Pumalag siya at tumakbo papalayo. Nang mapansing naiwang nakasabit sa kanyang magulong buhok ang suklay, hinablot niya ito at itinapon.

Hindi umuwi si Kalay sa kanila. Nagpalipas siya ng ilang oras sa isang abandonadong bahay. Laking gulat niya ng makita roon ang suklay na kanyang itinapon. Pupulutin n’ya sana ito nang bigla itong nagliwanag at nag-anyong mangkukulam. Galit itong lumapit sa kanya at sinabing, “Dahil sa ayaw mong magsuklay, ito ang nararapat sa iyo!” Nagtatakbo si Kalay habang humihingi ng saklolo “Huwag po!”

Bigla na lang nagising si Kalay. Nakatulugan pala niya ang pagmumukmok sa abandonadong bahay. “Buti na lang at panaginip lang pala ang lahat. Natakot ako roon ah! Makauwi na nga at baka hinahanap na ako nina Inay”

Umuwi na si Kalay sa kanilang bahay at humingi ng tawad sa kanyang mga magulang. Niyapos ni Aling Melay ang anak at hinaplos ang buhok nito na hindi napansing humaba na kaysa dati.


Nang nakahiga na si Kalay upang matulog ay biglang nagpakita sa kanya ang mangkukulam sa kanyang panaginip.

“Ikaw yung nakita ko kanina ah! Akala ko’y hindi ka totoo sa aking panaginip” sabi ni Kalay.
“Oo, ako nga!” ang pagalit na sagot ng mangkukulam.

Natakot si Kalay kayat nagtalukbong siya ng kumot. Sa isang iglap ay naglaho ang mangkukulam. Hindi na makatulog si Kalay sa sobrang takot kaya tumabi ito sa kanyang mga magulang.

Kinaumagahan, nagulat ang kanyang mga magulang nang makita ang buhok ni Kalay na sayad na sa lupa.

“Anong nangyari sa buhok mo anak, bakit biglang humaba?” tanong ni Aling Melay

Umiiyak na sumagot si Kalay, “Hindi ko po alam Inay, natatakot po ako.”

Umisip ng paraan ang ama ni Kalay. Agad na kinuha ang gunting at ginupit nito ang mahabang buhok ng anak. Sa halip na umikli ay lalo pa itong humaba na lalong ikinaiyak ni Kalay.

Dahil sa pangyayari, napilitang isangguni ng mag-asawa ang kalagayan ni Kalay sa isang albularyo. Ipinatawas (paraan ng mga albularyo upang malaman kung ano ang sakit ng nagpapagamot) nila ang anak upang malaman kung ano ang tunay na nangyari.

“Misis, nakulam ho ang anak n’yo. Nagalit ang mangkukulam na natamaan sa itinapong suklay ng inyong anak. Ang tanging paraan para gumalingsiya ay ang bawiin sa mangkukulam ang itinapong gamit at ipagamit ito sa kanya sa lahat ng pagkakataon.” ang sabi ng albularyo.

Nag-usal ng salitang Latin ang albularyo at tinawag ang pangalan ng mangkukulam. Agad itong lumitaw. Bagamat gulat ang mga magulang ni Kalay sa mga pangyayari ay nakiusap ang mga ito na ibalik ang suklay na itinapon ng kanilang anak. Hindi pumayag ang mangkukulam. Sa halip ay pinalago at pinapulupot pa niya ang buhok ni Kalay sa buong katawan. Humahagulhol na nagmamakaawa si Kalay sa mangkukulam.

“Kung mangangako ka na araw-araw ay magsusuklay at mag-aayos ng sarili, isasauli ko sa iyo ang suklay na makapagpapabalik sa normal mong anyo.”

Agad na nangako si Kalay na susundin ang kagustuhan ng mangkukulam. Magsusuklay na siya at pipiliting maging malinis sa lahat ng pagkakataon. Dahil sa narinig ng mangkukulam, ibinalik nito kay Kalay ang suklay na no’oy hindi na makita dahil balot na balot na ng mahabang buhok ang kanyang buong katawan.

Pagkaabot na pagkaabot ng mangkukulam ng suklay ay agad itong ginamit ni Aling Melay sa buhok ng anak. Habang sinusuklay niya ang buhok ni Kalay ay unti-unting bumabalik ito sa dati.

Mula noon ay hindi na nila nakikita si Kalay na gulo-gulo at sabit-sabit ang buhok. Natutunan na ni Kalay ang kahalagahan ng kaayusan at kalinisan hindi lang sa buhok maging sa buong katawan.