Poetiko
Sumasayad ang dulo ng panulat
sa pagitan ng guhit ng papel.
Tila may isip na iniaarko
ang bawat titik
…ng bawat kataga
…ng bawat pithaya.
Nilalagyan ng imahe maging ang masalimuot
na bunga ng abstraktong guniguni
at makapangyarihang lumilikha
ng berso ng tanaga at ambahan.
Sa kaibuturan ng nag-uumapaw na tayutay at talinhaga,
bilanggo ang damdamin ng poetiko.
Pipit sa isang kuyom na palad ng paslit
at makalawang na rehas
sa kapus-palad na pinagkaitan ng pag-asa.
Bahagi na yata talaga ng pagiging makata
ang pakikibaka sa pangungulila
at isatitik ang dalamhati
sa pagkatha ng
Ganti
Sagana sa karanasan ang aking kamusmusan.
Hindi iilang premyo ang naging gantimpala ko
mula sa mabigat na kamay
sa panahong walang paglagyan
ang kakulitan at kalikutan.
Bumakat sa pisngi.
Lumatay sa balat.
Bumugbog sa laman.
At nag-iiwan ng isanlibo’t isang marka
ng karahasan sa murang isipan.
Gumanti ako.
Hindi sa pananampalasan
o pagiging alibugha
sapagkat batid ko ang tunay
na pagdurusa ng nagpaparusa.
Sa mga gabing tulog maging ang buwan,
at payapang nakahimlay
ang pagal at dikit-dikit na katawan,
Nilulunod ng naghuhumindig kong kaakuhan ang higaan.
Baguntao na ako
nang mapagtagumpayan ko ang paghihiganti
ng walang nakakaalam.