Noong Agosto 25, 2012 ay muli na namang lumahok ang aming paaralan sa taunang timpalak talumpatian ng APEX na ginanap sa Bulwagang Rizal ng San Pablo Central School.
Bagamat hindi nagwagi ng Unang Karangalan ang pambato namin na Mishael Pontanoza sapagkat pumangalawa lamang siya sa mag-aaral ng LSPU, natutuwa ako na napagtagumpayan pa rin niya ang laban dahil sa ikaanim na sunud-sunod na taon ay hindi pa rin nawawala ang aming paaralan sa talaan ng mga nananalo.
Narito ang pyesa na kanyang binigkas sa nasabing paligsahan.
"Tatag ng
Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino"
ni Dennis B. Lacsam
“The Filipino tilt-a-whirl operators are this nation’s
backbone! Salamat”
Ito ang mataginting na linyang binitawan ng kongresistang
karakter ng Hollywood Actor na si
Will Ferrell sa pelikulang “The Campaign”.
Bagamat noo’y “teaser” o patikim na
eksena pa lamang ang ipinapakita sapagkat hindi pa naman lubusang ipinapalabas
sa mga sinehan ang nasabing pelikula, animo’y virus na kumalat agad ito sa Internet at iba pang uri ng media. Sa puso at isip ng
milyung-milyong Pinoy partikular ng mga Pilipinong naging bahagi ng pelikula,
punung-puno sila ng pagmamalaki. Sa wakas ay nakikilala na sa buong daigdig
hindi lang ang sipag at galing ng Pilipino, maging ang kanilang inang salita.
Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa
inyong lahat!
Matibay na ebidens’ya ang inyong narinig na pahayag na
global na ang Filipino! Kasabay kasi ng pagsikat ng marami nating kababayan sa
iba’t ibang larangan ay ang pamamayagpag ng ating katutubong wika at kultura. Mula
sa pahayag ng pasasalamat ng American
Idol Runner-up na si Jessica Sanchez, hanggang sa mga diyalogo ng mga
artistang Pilipino sa pelikulang The Bourne
Legacy na kinunan pa ang ilang eksena sa bansa ay hindi mapasusubalian na
tumatatag ang wikang Filipino.
Nakatutuwang isipin na katulad ng mga rumaragasang
sasakyan sa malawak na kalsada ng information
superhighway ay patuloy na nakikipagtunggali ang wikang ating pagkakakilanlan
na isang malinaw na pahiwatig ng katatagan nito. Marahil ay napagtatanto na ng
marami sa atin na ang tunay na esensiya ng wikang Filipino ay nakasalig hindi
lang sa responsableng paggamit dito bagkus ay kung paano itong pahahalagahan bilang
importanteng sangkap ng pang-araw-araw nating pamumuhay. Sapagkat kailanman ay hindi
matatawag na matatag ang isang wikang tila ikinakahiya ng mga gumagamit nito.
Mga minamahal kong kababayan, sa mga oras na magbubukas
ako ng computer, nangingilid sa luha
ang aking mga mata at pumalakpak ang aking mga tenga sa tuwa kapag nakaririnig
ako ng mga banyagang koro at orkestra na madamdaming umaawit ng Paruparong
Bukid sa mga pambansa at pandaigdigang kumpetisyon. Gayundin, tumataas ang aking balahibo kapag
nakakakita ako ng mga batang kanluraning
blonde ang buhok at berde ang mata na katulad ni Luke na may higit isang
milyong “hits” sa YouTube na matatas na kumakanta ng mga awiting bayan tulad ng
Bahay-Kubo at Sitsiritsit. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating
pagmamalasakit sa katutubong salita.
Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang
wika na salamin ng ating pagkalahi ay siya rin nating lakas at kapangyarihan na
mahalagang aspeto ng ating katatagan bilang Pilipino. Sabi nga ng isang blogger sa Internet, sa panahong ito na
tayo’y minamaliit ng ibang bansa, inaangkin ang ating mga teritoryo at tila
ipinapamukha sa ating wala tayong lakas, hindi mga malalaking submarine,
fighter planes at dami
ng sundalo ang ating kailangan upang
maipagtanggol ang ating bansa. Sapagkat hindi ito simpleng palakasan ng
santadahan ng mga bansang nasasangkot. Ito ay palakasan ng pag-unawa at
pagmamahal sa bayang kinabibilangan. Kung gusto nating lumakas, kailangang
mapatatag natin ang mga mamamayan. At ang pagpapatatag sa mga mamamayan ay
hindi kailanman magagawa kung hindi matatag ang ating
wika. Makabuluhang hakbang ang pagpapatuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t
katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa
maling pag-aakalang hindi na ito nababagay sa modernong panahon.
Mga kaibigan, ngayon na nasa
yugto na tayo ng bagong henerasyon, nakapahalagang papurihan at tularan natin
ang milyung-milyon nating kababayan na gumagamit wikang Filipino sa lahat ng
uri ng pakikipagtalasan sa Internet dahil sa pamamagitan nila patuloy na
umuunlad ang Filipino at nakikilala maging ang panitikan at kultura ng ating
bansa sa buong daigdig. Mahalagang ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating
ito na gumagamit ng Facebook, Twitter, YouTube, at iba pang uri ng social networking sites na kaakibat ng
mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang
hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin
bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa na ang
tunay na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi ay matatamo
sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa
kapahamakan ng kapwa, institusyon at mga
bansa. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng
kabalbalan, kamangmangan, at baluktot na impormasyon para isahan, lokohin o
kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay gamitin natin ito nang mahusay, matalisik,
at may pagmamalaki upang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng
kapangyarihan ng mga wika sa daigdig.
Mga kapamilya, kapuso, kapatid, ngayon na
ipinagdiriwang natin ang ikapitumpu’t limang taon ng pagsulong ng wikang
Filipino, nawa’y pagtibayin nating lalo ang pagkalinga sa ating inang salita sa
mga paaralan sa pamamagitan ng pagkasangkapan dito bilang lakas ng K to 12 na
siyang pundasyon ng karunungan ng mga itinuturing na kabataan ng ikadalawampu’t
isang siglo. Sapagkat sa mga kabataang ito magmumula ang bagong henerasyon ng mga
Pilipinong magmamalasakit sa wikang hindi lang bahagi ng kultura bagkus ay
mahalagang susi sa pagtatamo ng pambansang kapayapaan at ng matatag na lipunang
Pilipino na siyang aakay sa ating lahat sa pagtahak sa isang tuwid na landas.
Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat
tumatatag na ang ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang
magpatuloy ang kasiglahan at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay
pa rin sa ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito, responsableng
sanayin natin ang atin mga sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng
kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Pananagutan ito
na ganap na magpapatibay at magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika.
Sa gayon, tayo bilang isang bansa ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na
na siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa na siya
nating intelektwal na kaakuhan at katatagan bilang isang bansa. At kapag
nangyari ito, mapatutunayan natin ang pahayag ni Cam Brady na karakter ni Will
Ferrer na tayo ngang mga mamamayang Pilipino ang pinakamatatag at pinakamatibay
na sandigan ng bansang ito.
Muli,
magandang hapon at maraming salamat.