ni Dennis Lacsam
Nagpupuyos sa galit sa pagkukwento ang Bisayang kapitbahay namin matapos mapanood sa pinilakang-tabing ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo ng paborito niyang si Juday. Maliwanag daw kasi na sa isang eksena ng pelikula ay harap-harapang niyurakan ang kanyang pagkalahi ng karakter ni Gloria Diaz na isang mayamang lola na walang-pasintabing kinuwestyon ang katulong ng kanyang manugang kung bakit pinalalaking Bisaya ang kanyang apo. Ang lubha pang nagpasama ng loob ng dismayado naming kapitbahay ay nang palalain pa raw ang eksena sa hindi maingat na pagbibitiw ng diyalogo ni Juday na gumanap bilang ina ng bata, na nagsabing “Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino!” Na sa paniniwala niya’y mabilis na sinang-ayunan ng mga manonood sa pamamagitan ng umaatikabong halakhakan na may halong pangmamaliit na umalingawngaw hindi lang sa buong sinehan bagkus ay sa kanyang kinawawang pagkatao.
Ang nakalulungkot na eksena ng pelikula, sa tanggapin man natin o hindi, ay isang malinaw na realidad na malimit na nangyayari sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang Pilipino. Sa bulag nating paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong ginagamit ng karamihan sa lipunan, ay tayo pa mismo ang nagluluklok dito sa itaas upang ito’y maging makapangyarihan na sa kalaunay nagpapatingkad lang lalo ng ating mga kahinaan. At sa maraming pagkakataon ay ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging purista sa ating kinasanayang wika o di kaya’y pagyakap sa kultura ng iba kasabay nang pagtatakwil sa mga sarili nating kaangkinan.
Kung tutuusin, sa panahong ito ng information age, hindi na nakatutulong ang mga balitaktakan tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Ang mahalaga ay nakikipagsabayan ang ating katutubong salita sa pag-uunahan ng mga wika na animo’y humahagibis na sasakyan sa malawak na kalsada ng information highway ng Cyberspace. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap nating mga Pilipino sa mga bagong karunungang makaaagapay sa atin sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig.
Kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa.
Huwag tayong maniwalang dahop ang Filipino bilang wika ng akademya katulad ng laging sinasabi ng ilang walang malasakit na Pilipino sa ating Inang Wika, sa halip ay tumulong tayo upang payabungin ito sa lahat ng dako. Lagi nating unawain ang pamosong kasabihan ng mga taong masisikap at may positibong pananaw sa buhay na “Kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan!”
Mga kaibigan, bagamat ang pagiging Pilipino kailanman lagi nating pakatatandaan ay hindi lamang nakikita at nasusukat sa tatas ng dila ng isang tao sa pagsasalita ng wikang kanyang kinamulatan, gawin nating huwaran ang maraming kababayang sa halip na gawing sagabal ang pagsasalita ng ating wika sa ibang bansa ay kinasangkapan pa nila ito upang makilala ang lahing Pilipino sa mundo. Tulad na lamang nina Allan Pineda na miyembro na tanyag na bandang Black Eyed Peas at Charmaine Clamor na kilalang mang-aawit ng kundiman sa Hollywood. Patunay ang kanilang mga mabentang awitin na tanggap maging ng ibang lahi ang wikang Filipino hindi katulad ng ipinangangalandakan ng iba na walang puwang ang wikang katutubo sa panahon ng globalisasyon.
Mga minamahal kong tagapakinig, katulad ng sinabi ni Propesor Randy David, huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Kailangang makipag-ugnayan ang ating mga katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na balewalain ito, sa maling paniniwalang hindi na ito nababagay sa makabagong panahon. At kapag nangyari ito, dito magmumula ang bukal ng kamalayan sapagkat mananatiling magkaugnay ang pag-unlad ng wika at pag-usbong ng malayang kaisipan dahil sa nag-iisang ugat na kanilang dinadaluyan – ang paggamit nito sa lahat ng anyo ng pakikipagtalastasan.
Mga kaibigan, darakila ang wikang Filipino at ang bansang Pilipinas! Makiisa ka lamang!
Isang magandang hapon sa inyong lahat.