Wikipedia

Search results

Sunday, August 28, 2011

Anomalya sa KawikaADS 2011

Sa mga bumubuo ng KawikaADS,


Sa kauna-unahang pagkakataon, ay bumaba ang respeto ko sa Uniberisdad ng Pilipinas na sa mahabang panahon ay kinilala ko bilang pinakamahusay na paaralan sa buong bansa.


Sa tootoo lang, hindi ako pinatulog ng dismaya sa naganap na KawikaAds Sabayang Pagbigkas. Hindi dahil sa hindi ang aming paaralan ang nagwagi kundi dahil sa maling diskarte at pamamalakad na ginawa ng inyong organisasyon sa ginanap na patimpalak. Wala sa hinagap na darating ako sa punto na magsusulat ng sentimyento dahil hindi ko ito nakagawian sapagkat alam ko na iba-iba ang panlasa ng manonood at mga hurado kaya nga may sinusunod na pamantayan. Ipinabatid ko na sa simula't simula pa sa aking mga estudyante na hindi ibig sabihin na kapag sila ay natalo ay hindi sila magaling. Maaring hindi lamang sila pumasa sa panlasa ng isang partikular na inampalan. Idagdag pa na nakatatak na sa puso at isip ko ang katotohanang ito sapagkat ako, na palagiang nakukuhang inampalan sa iba't ibang paligsahan pangkomunikasyon ay nakaranas nito dahil sa maraming pagkakataon ay nag-iiba-iba ang desisyon namin ng aking mga kapwa hurado. At ito ay iginagalang ng bawat isa. Ang mahalaga ay sinunod namin ang tuntunin at dikta ng aming kunsyensya.


Walang duda na napakagaling ng nagkampyong pangkat sapagkat bilang mambibigkas, tagapaglikha ng mga pyesa at nagtuturo ng iba’t ibang sining ng komunikasyon sa mga kumpetisyong pampaaralan, pandibisyon, panrehiyon at pambansa ay napukaw nila ang aking kamalayan sa mahusay nilang pagtatanghal. Hindi matatawaran ang ginawa nilang pagpapalutang ng damdamin sa pamamagitan ng pinagsama-samang boses, galaw, sayaw at iba pa. Kung itinanghal man silang kampyon sa kabila ng mga pagdududa, alegasyon o paratang ng pandaraya ay hindi nila iyon kasalanan sapagkat ibig sabihin nito ay pinayagan ninyo itong mangyari.Lagi n'yong tatandaan na sa anumang timpalak bigkasan, mapa-indibidwal o pangkatan man (pagbigkas ng tula, talumpati, sabayang pagbigkas, jazz chants, masinining na pagkukwento, debate, balagtasan atbp.) ang mekaniks o mga alituntunin ng kumpetisyon ang pinakamahalaga sa lahat sapagkat ito ang unang magiging basehan ng pagsali.


Hindi siguro lingid sa inyong kaalaman na ilang gurong tagapagsanay mula sa iba’t ibang paaralang kalahok kabilang ako ang lumapit sa ilan ninyong miyembro para ipaalam na lumabis sa itinakdang bilang ng kalahok ang ikalawang pangkat. Dahil ayon sa mekaniks na ipinadala ninyo sa aming paaralan na pinagbasehan namin ng paglahok ay 15-20 lamang ang bilang ng mag-aaral na pwedeng sumali sa kumpetisyon. Nakalulungkot na hindi n’yo agad ito nasolusyunan nang maaga habang hindi pa ipinahahayag ang resulta. Inantay n’yo pang umalma ang mga galit na manonood matapos ipahayag ang nagsipagwagi.


Paanong hinayaan n’yo pang umakyat ang ikalawang pangkat ng entablado gayong alam n’yo ng sa simula pa lamang ay labis na sila? Hindi ba’t bago ang kumpetisyon ay humingi na kayo on-line ng kumpletong talaan ng kalahok at kanilang gurong tagapagsanay? Sa mga updates ninyo pa sa e-mail ay inilahad n’yo pa sa inyong reminders na “Tanging ang mga istudyanteng nakasulat sa registration form ang siyang papayagang mga kalahok ng iskwelahan, hindi po papayagan ang mga substitute.”? Idagdag pa na bago ang kumpetisyon ay pinakilos pa ninyo ang inyong mga usherettes na bantay ng bawat kalahok na pangkat upang papirmahan sa mga estudyanteng kasali ang kanilang pangalan sa computerized attendance sheet na ginawa ng inyong grupo. At bago magsimula ang kumpetisyon, isa na namang kaanib ng inyong organisayon ang naglahad ng mekaniks sa lahat ng manonood sa tulong ng Power Point Presentation.


Sa aking paniniwala, mali rin ang paunang diskarte na ginawa ninyo na ang lupon pa ng inampalan ang pinagdesiyon n’yo sa problemang ito nang marinig ang ilang reklamo mula sa mga kalabang pangkat matapos magtanghal ang ikalawang kalahok. Ang masama pa, hindi naman nagpaliwanag ang sino man sa inampalan sa lahat ng manonood sa halip ay ipinagpatuloy pa ang kumpetisyon na naging dahilan ng mga batikos at protesta matapos ihayag ang resulta ng mga nagsipagwagi.


Totoong may kalayaan ang mga inampalan sa pagpili ng mga nagsipagwagi dahil subjective naman talaga ang paghuhusga sa anumang kumpetisyong pagkomunikasyon ngunit naunawaan ba ng mga hurado ninyong napili na hindi magiging patas ang laban? Kahit pa sabihing magkakasinggaling ang mga nagtuturo at mga kalahok, walang duda na makalalamang pa rin ang maraming miyembro kaysa kaunti. Una, malakas ang boses ng 23 sa 20. Ikalawa, mas marami rin ang magiging karater at ikatlo, higit na mapupuno at magagamit ng husay ang entablado. Hindi ba’t sa boxing nga eh may weigh-in pa bago ang laban at kinakailangan pang ipakita at idokumento sa ito sa publiko para lamang ipaalam sa kanila na patas ang magiging labanan?


Wala sanang alingasngas sa timpalak kung hindi lamang kayo nagkulang sa pagpapaliwanag sa simula pa lamang. Hindi ‘yung kung kailan na naihayag ang mga nagsipagwagi eh saka pa kayo nagpupumilit sa pagpapaunawa sa mga galit na galit na manonood na hindi na kayo pinakikinggan at nagmamadali nang umalis dahil sa dismaya. Mabilis naman kaming mga guro at tagapagsanay at kausap. Kung hindi n’yo nagawang i-disqualified agad eh sana ay tinanong n’yo kami mga guro at tagapagsanay kung payag pa rin ba kaming makipagtunggali o hindi. Kung payag ang lahat eh di walang sanang problema o alingasngas. Ang nangyari kasi sa pakiramdam namin eh nabalewala ang aming mga protesta na sa aming paniniwala’y pagbabalewala rin ninyo sa aming mga karapatan. Nakalulungkot ito ng todo sapagkat ang paligsahan pa naman ay isinagawa sa isang paaralang radikal pagdating sa karapatan.


Alam kong bata pa kayo at maaring hindi pa bihasa o sanay sa ganitong gawain, kaya't inilalahad ko san inyo ang suliraning ito na sana’y maging panuntunan n’yo sa mga susunod na kumpetisyon kahit hindi na kami sasali pa. Upang sa gayon ay hindi mabawasan ang inyong kredibilidad maging ng magaling na kagawaran at paaralang kumukupkop sa inyo. Lagi ninyong tandaan, ang kredibilidad na ito ang magtuturo sa inyo sa mga dapat ninyong kalagyan bilang mga responsableng mamahayag sa darating na panahon.


Sana'y maunawaan n'yo ako at huwag ipagsambahala ang ganitong suliranin sapagkat malilisya ang sinumang kabataang sasali sa inyong mga patimpalak kapag naulit ang ganitong senaryo. Unawain n'yo rin sana na hindi biro ang pagod, panahon at pera ang ginugugol sa pagsasanay ng mga estudyante.


Kayo ang gumawa ng batas pero kayo rin ang unang sumuway. Ito ba 'yung kaayusan na sinasabi niyo sa mga paalala n'yo sa e-mail? Eh bakit ang gulo ng pagtatapos? Nagtatanong lang!



Lubos na nagpapaunawa,


DENNIS B. LACSAM

"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas"

Sa ikalimang beses sa sunud-sunod na taon ay muli na namang nagwagi ang aming paaralan sa APEX Talumpatian na ginanap sa Laguna College noong ika-27 ng Agosto 2011. Bagamat wala ako sa kumpetisyon sapagkat lumahok rin ang aming paaralan sa paligsahan ng Sabayang Pagbigkas ng KawikaADS sa UPLB, natuwa ako sa balitang natanggap na nagpagtagumpayan ng aming mag-aaral na si Kenna Evangelista ng III-Science Curriculum ang kamyonato sa nasabing paligsahan. Narito ang kabuuan ng pyesa na kanyang binigkas na nilikha ng inyong lingkod.


"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas"

ni Dennis B. Lacsam

“Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan, walang maiiwan.”

Ito ang mga salitang binitawan ni P-Noy na umalingawngaw sa buong Luneta sa kanyang inagurasyon bilang ikalabinlimang Pangulo ng bansa. Mapithayang paanyaya sa wikang Filipino na humihimok sa buong sambayanan na sabay-sabay na kumilos at magsagawa ng magandang pagbabago para sa tagumpay ng isang bayang patuloy na nagbibigay ng buhay at pag-asa sa kanyang mga mamamayan.

Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa inyong lahat.

Maliwanag ang paanyaya ng kasalukuyang Pangulo ng bansa sa ating lahat – samahan natin siya sa pagtahak sa tuwid na landas tungo sa isang bagong Pilipinas. Kung saan magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan at maibabalik ang tadhana ng bawat isang Pilipino sa tamang kalagayan.

Bagamat suntok sa buwan para sa karamihan ang magandang adhikaing ito ni P-Noy, hindi mapasusubalian na tumagos ito sa puso at isip ng sangkapilipinuhan sapagkat malinaw at madamdaming itong binigkas sa Filipino na siyang wikang lunggati ng buong bayan.

Mga kababayan, marapat na maunawaan nating lahat na ang wika ay hindi lamang nagsisilbing simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Matibay itong kalasag ng isang bansa para sa kaunlarang pangkabuhayan, pangkapayapaan at pagkakaisa. Kung hahayaan lamang nating gamitin ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang mga responsableng Pilipino, hindi malayong maipapahayag natin nang tama ang mga ideya ng ating kaisipan at mapagsasama-sama natin ang ating mga gawa na siyang repleksyon ng ating kultura na pinakadaluyan ng kaalaman. Pakatandaan natin na malaki ang oryentasyon sa ating kultura at ang wikang tatak ng ating pagkalahi ang nagsisilbing mabisang kasangkapan sa pagpapabulas nito. Walang ngayong dahilan upang hindi tayo makabuo ng isang pambansang ideolohiya na magbibigkis sa ating mga Pilipino sapagkat matatanggap natin ang bawat isa sa kani-kanilang indibidwalidad, pagkakatulad at pagkakaiba. At kapag nangyari ito, maiiwasan ang dibisyon at mananaig ang nasyonalismo na ilaw at lakas sa isang tuwid na landas na pinapangarap nating lahat para sa kaunlaran at kabuhayan ng Inang-Bayan.

Mga kaibigan, nasa yugto na tayo ngayon ng tinatawag na Panahon ng Kaalaman o Information Age. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ang pagpapaabot, pagpapalitan at pagpapaunawa ng kaalaman o mga kaisipan upang makamit ang mithiing kaunlaran. Sabi nga ni Propesor Randy David, kailangan nating sanayin ang ating mga sarili na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Mahalagang nakikipag-usap ang ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na ipinagwawalang-bahala ito sa maling paniniwala na hindi na ito akma sa makabagong panahon. Kaya’t sa halip na batikusin natin ang mga milyung-milyong kababayan ng bagong henerasyon na hindi kayang mag-Ingles sa mga pandaigdigang websites, social networking sites at blogsites, tulad ng Youtube, Facebook, Twitter, Multiply, blogspot, atbp., dakilain natin silang lahat dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang panitikang Filipino at nakikilala maging ang kultura ng ating bansa sa buong daigdig. Gayundin papurihan natin ang mga kababayan sa lahat ng panig ng daigdig na patuloy na nagtataguyod at nagsusulong ng mga websites na Filipinung-Filipino tulad ng WikiPilipino na isang bayanihang proyekto ng mga boluntaryong nagmamalasakit sa Pilipinas na naglalayong makabuo ng malawak, malalim, at makabuluhang pintungan ng karunungang magagamit ng bawat isang Pilipino saanmang panig ng mundo siya naroroon. Importanteng ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating ito, na kaakibat ng mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa sa atin na ang tunay na karunungan ay natatamo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at mga bansa.

Mga minamahal kong kababayan, sa ayaw man natin o hindi, tayong lahat ay may malaking pananagutan sa bansang ito. Upang higit nating maunawaan ang ating kabuluhan bilang mga responsableng mamamayan, buhayin natin sa ating mga sarili ang kaisipang ikinintal ni Rizal sa El Filibusterismo sa pamamagitan ng mapangaraping kabataan na si Isagani na “Ang buhay na hindi iniukol sa isang dakilang layon, ay tulad sa isang bato na napatapon sa ilang at hindi na napasama sa pagbuo ng isang gusali.” Magnilay tayo, mga kaibigan. Pakalimiin nating lahat na sa pagsasakaturapan ng dakilang mithiin para sa pagtahak sa tuwid na landas ng kaunlaran at karunungan ng ating Inang Bansa, ang wika na kung minsa’y inaaba ng marami, ang siya ring wika na tatanglaw sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao at magtuturo sa mga dapat nating kalagyan sa mga darating na panahon. Panuntunan ito: isabuhay at isadiwa ang pagmamalasakit sa wikang Filipino. Simulan natin ngayon at buhayin ang tunay na Pilipino – sa isip, sa salita at sa gawa.