Sa ikalimang beses sa sunud-sunod na taon ay muli na namang nagwagi ang aming paaralan sa APEX Talumpatian na ginanap sa Laguna College noong ika-27 ng Agosto 2011. Bagamat wala ako sa kumpetisyon sapagkat lumahok rin ang aming paaralan sa paligsahan ng Sabayang Pagbigkas ng KawikaADS sa UPLB, natuwa ako sa balitang natanggap na nagpagtagumpayan ng aming mag-aaral na si Kenna Evangelista ng III-Science Curriculum ang kamyonato sa nasabing paligsahan. Narito ang kabuuan ng pyesa na kanyang binigkas na nilikha ng inyong lingkod.
"Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas"
ni Dennis B. Lacsam
“Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan, walang maiiwan.”
Ito ang mga salitang binitawan ni P-Noy na umalingawngaw sa buong Luneta sa kanyang inagurasyon bilang ikalabinlimang Pangulo ng bansa. Mapithayang paanyaya sa wikang Filipino na humihimok sa buong sambayanan na sabay-sabay na kumilos at magsagawa ng magandang pagbabago para sa tagumpay ng isang bayang patuloy na nagbibigay ng buhay at pag-asa sa kanyang mga mamamayan.
Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa inyong lahat.
Maliwanag ang paanyaya ng kasalukuyang Pangulo ng bansa sa ating lahat – samahan natin siya sa pagtahak sa tuwid na landas tungo sa isang bagong Pilipinas. Kung saan magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan at maibabalik ang tadhana ng bawat isang Pilipino sa tamang kalagayan.
Bagamat suntok sa buwan para sa karamihan ang magandang adhikaing ito ni P-Noy, hindi mapasusubalian na tumagos ito sa puso at isip ng sangkapilipinuhan sapagkat malinaw at madamdaming itong binigkas sa Filipino na siyang wikang lunggati ng buong bayan.
Mga kababayan, marapat na maunawaan nating lahat na ang wika ay hindi lamang nagsisilbing simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Matibay itong kalasag ng isang bansa para sa kaunlarang pangkabuhayan, pangkapayapaan at pagkakaisa. Kung hahayaan lamang nating gamitin ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang mga responsableng Pilipino, hindi malayong maipapahayag natin nang tama ang mga ideya ng ating kaisipan at mapagsasama-sama natin ang ating mga gawa na siyang repleksyon ng ating kultura na pinakadaluyan ng kaalaman. Pakatandaan natin na malaki ang oryentasyon sa ating kultura at ang wikang tatak ng ating pagkalahi ang nagsisilbing mabisang kasangkapan sa pagpapabulas nito. Walang ngayong dahilan upang hindi tayo makabuo ng isang pambansang ideolohiya na magbibigkis sa ating mga Pilipino sapagkat matatanggap natin ang bawat isa sa kani-kanilang indibidwalidad, pagkakatulad at pagkakaiba. At kapag nangyari ito, maiiwasan ang dibisyon at mananaig ang nasyonalismo na ilaw at lakas sa isang tuwid na landas na pinapangarap nating lahat para sa kaunlaran at kabuhayan ng Inang-Bayan.
Mga kaibigan, nasa yugto na tayo ngayon ng tinatawag na Panahon ng Kaalaman o Information Age. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ang pagpapaabot, pagpapalitan at pagpapaunawa ng kaalaman o mga kaisipan upang makamit ang mithiing kaunlaran. Sabi nga ni Propesor Randy David, kailangan nating sanayin ang ating mga sarili na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Mahalagang nakikipag-usap ang ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na ipinagwawalang-bahala ito sa maling paniniwala na hindi na ito akma sa makabagong panahon. Kaya’t sa halip na batikusin natin ang mga milyung-milyong kababayan ng bagong henerasyon na hindi kayang mag-Ingles sa mga pandaigdigang websites, social networking sites at blogsites, tulad ng Youtube, Facebook, Twitter, Multiply, blogspot, atbp., dakilain natin silang lahat dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang panitikang Filipino at nakikilala maging ang kultura ng ating bansa sa buong daigdig. Gayundin papurihan natin ang mga kababayan sa lahat ng panig ng daigdig na patuloy na nagtataguyod at nagsusulong ng mga websites na Filipinung-Filipino tulad ng WikiPilipino na isang bayanihang proyekto ng mga boluntaryong nagmamalasakit sa Pilipinas na naglalayong makabuo ng malawak, malalim, at makabuluhang pintungan ng karunungang magagamit ng bawat isang Pilipino saanmang panig ng mundo siya naroroon. Importanteng ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating ito, na kaakibat ng mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa sa atin na ang tunay na karunungan ay natatamo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at mga bansa.
Mga minamahal kong kababayan, sa ayaw man natin o hindi, tayong lahat ay may malaking pananagutan sa bansang ito. Upang higit nating maunawaan ang ating kabuluhan bilang mga responsableng mamamayan, buhayin natin sa ating mga sarili ang kaisipang ikinintal ni Rizal sa El Filibusterismo sa pamamagitan ng mapangaraping kabataan na si Isagani na “Ang buhay na hindi iniukol sa isang dakilang layon, ay tulad sa isang bato na napatapon sa ilang at hindi na napasama sa pagbuo ng isang gusali.” Magnilay tayo, mga kaibigan. Pakalimiin nating lahat na sa pagsasakaturapan ng dakilang mithiin para sa pagtahak sa tuwid na landas ng kaunlaran at karunungan ng ating Inang Bansa, ang wika na kung minsa’y inaaba ng marami, ang siya ring wika na tatanglaw sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao at magtuturo sa mga dapat nating kalagyan sa mga darating na panahon. Panuntunan ito: isabuhay at isadiwa ang pagmamalasakit sa wikang Filipino. Simulan natin ngayon at buhayin ang tunay na Pilipino – sa isip, sa salita at sa gawa.
No comments:
Post a Comment