Wikipedia

Search results

Monday, February 21, 2011

Pambansang Wika: Matatag na Bansa

(Talumpating kinatha ni G. Dennis Lacsam na binigkas ni Kristine Grace Paras na nagkamit ng Unang Gantimpala sa APEX Talumpatian noong Agosto 2007)


“Upang mabuhay tayo sa kasalukuyang panahon, kailangan natin ng wikang dayuhan ngunit para mabuhay ng habampanahon, kailangan natin ng wikang katutubo na ating pagkakakilanlan.” Isang makatas na pahayag mula sa isang American Indian na magpapatunay sa tunay na kahulugan ng hindi maipagkakailang relasyon ng wika sa buhay ng tao.

Mga giliw kong tagapakinig, isang mapagpalang hapon sa inyong lahat.
Sa narinig n’yong pambungad na pahayag tungkol sa esensiya ng wika bilang sangay ng kultura, hindi mapasusubalian na ang relasyon nito sa ating buhay ay mananatiling magkaugnay. Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at sulat na ginagamit ng tao sa pagpapatalas ng isip at damdamin para makaagapay sa kasalukuyang panahon, kailangan nitong dumanas ng mga pagbabago. Mga pagpababagong tutulong sa pagbulas nito upang makipagtagisan sa anumang wika sa daigdig.

Mga kaibigan, tandaan nating ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at komiks mababasa gaya ng mga likha nina Mars Ravelo, Carlo Caparas at Nerissa Cabral. Matutunghayan din ito sa mga walang kamatayang panitikan tulad ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos at Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez, o sa mga tula at nobelang pam-Palanca nina Genoveva Edroza Matute, Rogelio Sikat at Edgar Calabia Samar at sa salin ng mga classics ng pandaigdigang panitikan tulad ng Hamlet ni Shakespeare ni Rolando Tinio. Ito ang wikang hindi lamang nakasulat sa mga polyeto ng mga kandidatong pulitiko at sa patalastas ng mga produkto. Ito rin ang wika sa mga aklat na nagbibigay-kahulugan sa esensiya ng katarungan, kabuhayan, batas at pamamahala. Ito ang wikang hindi lamang nagpapahayag ng lahat ng damdadamin gaya ng tindi ng pag-ibig, silakbo ng galit, simbuyo ng tuwa at pait ng lungkot. Ito rin ang wikang nakapagpapaliwanag maging ng pinakamaliit na detalye ng paggalaw ng atom at pag-expand ng universe. Sa maikling salita, ito ang wikang namumukod na katangian, kaakuhan, at kabansaan ng mga mamamayan ng Pilipinas.

Ang labanan ng Filipino at iba pang wika sa daigdig ay mananatiling walang katapusan. Unawain natin na bahagi ng anumang kultura sa daigdig ang panghihiram. Na ang wika bilang isa sa mga sangay nito ay kailangan ding dumanas ng mga pagbabago. Alalahanin nating walang wika sa daigdig ang nabuhay na hindi naramyuhan ng iba pang wika. Huwag nating hayaang masadlak ang Filipino sa tadhana ng mga wikang Ameridian tulad ng Quecha at Guarani na ngayo’y naghihingalo sapagkat hindi nakaagapay sa mga iba pang wika sa daigdig na patuloy na nakikipagtagisan sa Internet sa panahong ito ng World Wide Web. Iyan ang mas malalim na dahilan kung bakit kailangang payabungin natin ang wikang pambansa sa lahat ng aspeto ng buhay.

Mga kaibigan, mapagpupunan lamang natin ang kakulangan natin sa ating wika sa pamamagitan nang pagpapaunlad at pagpapabulas nito sa paggamit sa anumang larangan. Pakatandaan natin na tayo mismo ang kultura at ang wikang Filipino ang ating daigdig. At habang pinagyayaman natin ang ating wika at kultura ay nag-iibayo ang pagtingin natin sa ating mga pagkatao at nabubuo ang tinatawag na lunggati. Ang lunggating ito ang patuloy na huhubog sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao bilang Pilipino at magtuturo sa mga dapat nating kalagyan sa mga darating na panahon. Kaya’t dakilain nating lahat hindi lang ang walumpung milyong Pilipino sa buong kapuluan na nagsasalita ng wikang pambansa maging ang kababayan natin sa Amerika, Canada, Middle East, Australia, Asya at Europa, at iba pang panig ng mundo na gumagamit ng wika na ating pagkakakilanlan. Papurihan natin ang mga guro na nagtuturo ng Filipino at palakpakan natin ang mga banyaga na marunong magsalita o kaya’y nag-aaral ng ating wika. At higit sa lahat, kilalanin natin ang mga natatanging kababayan na patuloy na nagtataguyod at nagsusulong ng mga websites na Filipinung-Filipino sa Internet dahil sa pamamagitan nila nakaagapay ang ating wikang pambansa sa iba pang wika sa daigdig.

Mga minamahal kong tagapakinig, totoong malaki ang ginagampanan ng wika sa paghubog ng isang matatag na republika sapagkat malinaw na pinatutunayan nito na malakas ang pagkakaisa ng isang bansa kung may isang wika sapagkat sa pamamagitan nito, nagkakaunawaan ang mga mamamayan, lumalakas ang panitikan at patuloy na yumayabong ang kultura. Hindi marapat na maging sanhi ito ng ating pagkalito na sa kalauna’y maging pag-iwas sa paggamit rito. Alalahanin nating buhay ang wikang Filipino. Hindi ito isang bagay na nakasuspinde sa kawalan. Tandaan natin na sa pagbabago ng ortograpiya, yumayaman, lumalago, umuunlad, at nakaaangkop ang ating wika sa tawag ng panahon.

Ang katatagan ng isang bansa pakalimiin natin ay hindi lamang nakasalig sa wika na kanyang pagkakakilanlan bagkus ay sa kanyang mga responsableng mamamayan. Responsableng gamitin natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay ang wikang salamin ng ating pagkalahi. Alalahanin natin ang sinabi ni Propesor Randy David na “Walang wikang umuunlad kung hindi ito naisusulat at nababasa at kung hindi ito sinasanay na maglulan ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura.” Kailangang makipag-usap ang ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isantabi ito, sa maling pag-aakalang hindi na ito angkop sa bagong panahon. Sa gayon, tayo bilang isang bansa ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na intelektuwalisasyon at siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa, na siyang ating intelektwal na kaakuhan.

“Sa Pangagalaga sa Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan”

ni Dennis Lacsam


Matuling dumating ang pinangangambahan
Sinasaklot ng lagim itong kalikasan
Parang wikang pinagwaswasan ng kolonyal na kaisipan
Na matapos pakinabangan ay binalewala lamang.

Walang abog
Saganang bundok ay tinupok
mga punong malabay ay sinunog
Ginawang uling na panggatong
Sa maingay na makinarya na patuloy sa pagyabong

Walang habas
Kagubatan ay tinabas
Hinukay… pinatag… nilagas
Upang pamugaran at gawing sugalan ng mga ahas

Walang awa
Nilason itong dagat maging ilog at ang sapa
Dinamitang mapamuksa... nanalanta…
Lahat ng buhay kinawawa.

Walang humpay
Hangin naming nilalanghap unti-unting pinapatay
Maging anghel na walang malay
Sa sinapupunan ng isang nanay
Namimeligrong makasalba… isang paa ay nasa hukay.

Kayo nga, kayo ang magiting na ninunong pabaya’t sukaban
Na tanging dahilan nitong katampalasan
Kung bakit itong aming Inang Kalikasan
Ngayo’y nananaghoy, nagngangalit, at nagbabadya ng libong dusa’t kapighatian.

Umaalingawngaw ang tinig ni Baylen… nanunumbat… nang-uusig…

Ito ba ang lupang aming aangkinin
Na tira-tirahan ng apoy at talim?
Ito ba ang manang aming bubungkalin
Na sambuntong abo at nangangag libing?


Ito ba ang mundong hinila kung saan
Ng gulong ng inyong hidwang kaunlaran?
Ito ba ang bunga ng sining mo’t agham?
Ito ba ang aking manang kalinangan?

Iyan ba ang parang at iyan ang bundok
Na aming daratnang uling na at tuod?
Iyan ba ang wakas ng layon ng Diyos
Na ang unang tao ay abutan ng dulos?

Iyan ba ang bukid na walang naimbak
Kundi mga bungo ng mga kaanak?
Binaog ng inyong punlong makamandag
At wala ni damo na diya’y mag-ugat?

Kahubdan at gutom, isipang salanta,
Bigong pananalig at pag-asang giba:
Ito ba ang aming manang mapapala
Na labi ng inyong taniman at sumpa?

Sa sumbat ng mga inapo at lahing susunod sa inyo, ano ang isasagot n’yo?

Wikang Filipino’y gamiting instrumento
Palaganapin ang kamalayan sa mga pagbabago
Huwag hayaang maging mangmang ang isip ng isang tao
At maging hirati na lamang sa gawang makamundo

Itong wika’t kalikasa’y mananatiling magkaugnay
Bahagi ito ng kulturang sa atin ay gumagabay
Kalingain ng pag-ibig, pangalagaan nang buong-husay
Kasaganaan nito’y laging nasa mabunyi nating kamay.

Wika’t kalikasan mahalin at pangalagaan
Maningning itong biyaya ng Maykapal sa ating bayan.

15th Coco Festival Street Dancing Music

Indayog sa Pyesta ng Niyog
Composed by Dennis B. Lacsam
Arranged by Michael Austria
Interpreted by Leah Marie Hernandez


Bayle sa kalye ang buong Pitong Lawa
Nagpupugay sa D’yos na dakila
Nagkaloob ng niyog na biyaya
Puno ng buhay sa ‘sang nilikha

Imbay ng galaw ay sadyang masaya
Kulay ng suot ay pinasigla
Talagang nilikha bilang pampagana
Sa matang uhaw sa magaganda

Chorus:

Magsaya’t magyugyugan sa kalye
Sumabay sa mga nagbabayle
Kembot na’t padyak at makisali
Sa naiibang pistang kawili-wili

Hataw na sa sayaw sa kalsada
Sabayan ng indak ang trumpeta
Payabungin itong Mardi Gras
Kultura ng San Pablong naiiba


Harurot ng jeep ng gawang San Pablo
Tunog sa tenga’y nakakaengganyo
Disenyong makulay, pang-akit sa turismo
Kapag sumakay ay hindi ka kabado

Kung papasyalan itong aming bayan
Sagana sa yaman na pupuntahan
Magiliw ang tao at nagmamahalan
Nagkakaisa at nagtutulungan

Repeat Chorus 2x

Sumigaw at humataw ng todo
Makiindayog sa pyesta ng coco
Natatanging sayang San PableƱo
Coco-Festival ng San Pablo

Repeat 3x



(Repeat the Chorus 3rd stanza 2x)


CODA

Coco Festival (4x)

….. ng San Pablo