Aawitin ang aking komposisyon sa mismong araw ng inyong graduation. Nawa'y magustuhan ninyo ang melodiya ng kanta ay pumasok sana sa inyong mga puso ang literal na mensahe nito.
Sinadya ko na hindi lang gawing pasasalamat ang titik ng awit bagkus ay maging pangako upang magsilbing panuntunan ninyo sa buhay sapagkat lubos akong naniniwala na may tungkulin kayo higit sa lahat sa inyong magulang, paaralan at bayang patuloy na nagbibigay sa inyo ng buhay.
inilagay ko sa blog na ito ang titik ng awitin. Pag nagkaroon na ako ng pagkakataon ay isusunod ko naman ang video.
Hangad ko na maging matagumpay kayong lahat sa anumang larangan na inyong tatahakin.
Paalam Na
Composed by: Dennis Lacsam
Arranged by: Elaine Adajar
Interpreted by: Wilkester Pujanes
Ito na ang aming pinakahihintay
Hawak na ang diploma sa kamay
Lilisanin na ang nagdaang ilang taon… ng panahon...
At haharap sa mga panibagong hamon
Salamat sa mga guro na sa amin ay nagturo
Nag-alay ng talino at pagmamahal
Iingatan namin ang inyong pangaral
Pangakong gagamitin lang sa kabutihan.
Sa mahal naming magulang na laging gumagabay
Kami sa inyo ngayon ay nagpupugay
Sumpang aalagaan ang yamang n’yong bigay
Payayabungin upang magtagumpay
Chorus:
Pagyayamanin namin ang mga natutunan
Gagawa kami ng pangalan
Huhubog ng isang katauhan
Upang maging dangal ng paaralan
Paalam na sandaling iiwan
Mga kaklaseng tunay na naging kaibigan
Hinding-hindi malilimutan ang mga pinagsamahan
Alaalang kay sarap na balikan
Paalam na mutyang paaralan
Mga anak kaming sayo'y nagpapaalam
Lilikha ng kapalaran
Uugit ng isang kasaysayan
Upang ikarangal nitong bayan
Babalik kaming dala ang natupad naming misyon
Isasapuso ang pasasalamat
Sa nagpunla ng magandang pangarap
(Repeat the first and third stanza of the Chorus)