Isang buwan bago ang bakasyon, ibinigay na sa wakas ng aking kapwa guro na si Sir Carlo Carag ang asong ipinangako niya sa akin. Kakaiba ang tuwa ko, sapagkat dalmatian ang tutang bigay niya. May lahi, kumbaga. Alam kong mahal ang presyo nito kung bibilhin lalo pa't kumpleto ng papeles at vaccination. Nagpaumanhin pa nga siya sapagkat may maliit na sugat ang tuta sa kanang paa nito na nakuha raw noong gabi bago ibigay ito sa akin.
Pagkabigay na pagkabigay, iniuwi ko agad ang tuta sa bahay at agad ibinili ng gatas. Sabi kasi, ni Sir Carag, payat ang tuta kasi tamad magpasuso ang ina nito kaya painumin ko pa rin daw ng gatas para tumaba.
Ilang araw na paiba-iba ang pangalan ng tuta sapagkat wala akong magandang maisip na pangalan. Minsan Spotty, minsan Baxter, minsan Baki hanggang sa nauwi sa Bobi. Pati ispeling ng pangalan ay pinag-isipan ko talaga. Hindi B-o-b-b-y, at lalong hindi B-a-b-i. Parang pangalan ng babae na parang hindi. Aminado ako na noong una ay gusto kong isunod ang pangalan nito sa pangalan ng tao na kinasusuklaman ko para kahit papaano ay makaganti ako. Ang kaso, babae ang tuta at mukhang malambing. Sa isip-isip ko, hindi bagay ang pangalan at isa pa lalo lamang akong magngingitngit kapag nilambing ko ang aso. Para ko na ring nilalambing ang kaaway ko.
Naaliw talaga ang Inay ko kay Bobi. Para niya itong bunsong anak na pinaliliguan makalipas ang dalawang araw nitong paglilimayon sa apat na sulok ng aming bahay. Idagdag pa syempre na bagong laba ang gagamitin nitong tuwalya mula sa pinaglumaang damit ng Tiyo ko na dati niyang asawa.
Sa simula ay mahirap pakainin si Bobi sapagkat hindi niya gusto ang dog food na binili ko sa kanya. Nangamba nga ako na obligado ko yatang gastusan ang aso kasi baka naamoy nito na mumurahing klase ng pagkain ang binili ko hindi kagaya ng mga iniaanunsyo sa telebisyon na kinakain ng mga mayayamang aso. Pero sa bandang huli, napatunayan ko na kahit ano pala ay kinakain nito. Kagaya ko lang ito na ayaw na paulit-ulit ang pagkain. Kumbaga, kapag kinain na sa umaga dapat ay hindi na uulitin sa tanghali o sa gabi. Kaya malimit eh nag-iiskarsyon ako sa mga tindahan ng ulam sa kabilang riles ng aming tinitirhang bahay. At take note, paborito niya ang bopis at chopsuey na talaga namang ikinamangha at ikinatakot ko kasi bihira akong makakita ng aso na kumakain ng gulay. Isa pa natatandaan ko kasi ang sinabi sa akin noong bata pa ako, na kapag kumain daw ng damo ang isang tuta eh malapit na itong mamatay. Ngayon ko lamang tuloy nalaman na nagoyo ako kung sino man ang nagpauso ng paniniwalang iyon.
Noong mga unang araw, sa loob lamang ng bahay naglalagi si Bobi sapagkat binebeybi siya ng Inay. Ngunit nang maging malimit ang pagdumi nito sa loob ng bahay ay agad na rin bumili ang Inay ng mumurahing kadena at itinali ito sa may veranda (Naks, parang mayaman! paltan ko na lang ang "veranda" kapag naisip ko na ang tamang terminolohiya sa bulok na harapan ng aming inuupahang bahay.) Kapag walang tao sa bahay, ipinapasok siya sa loob at doon hinahayaang maggala o kaya nama'y mamahinga sa kaisa-isang naming sofa. (O 'di ba sosyal?)
Dahil sanay na si Bobi sa veranda (hindi ko pa rin naiisip!), malimit ay doon na lang siya naglalagi. Doon pinapakain at doon na rin natutulog. Hindi na siya pinapapasok sa bahay maliban na lamang kung bagong paligo o gustong makipagharutan ng sino man sa amin.
Marami kami noong balak para kay Bobi. Binalak ko na kasangkapanin siya sa pagpapayat ko. Sabi ko, ipapasyal ko siya tuwing umaga sa Sampaloc Lake pero ang totoo eh para makapag-ehersisyo ako at kahit papaano'y makapagpahili katulad ng iba na mayroon akong imported na aso. (Kolonyal nga talaga siguro ang maraming pinoy, ano? Bibihira kasing askal ang nakikita kong ipinapasyal ng kanilang amo.) Ang kapatid ko namang si Randy, balak na turuan si Bobi ng mga dog tricks kapag tumanda-tanda na ito.
Makalipas ang halos dalawang buwan, isang umagang malakas ang ulan, nawala si Bobi kasama ng kanyang mumurahing kadena. Sa aming hinala, tinalon ng magnanakaw ang bakod ng aming harapan at kinuha si Bobi habang nakatali ito sa rehas ng aming bintana. Sa sapantaha naman ng ilan, ninakaw ang aso noong kasagsagan ng ulan ng hatinggabi. Hindi naman ito kaduda-duda sapagkat mabait at maamong alaga ang mga dalmatian at hindi ito kagaya ng ibang lahi ng aso na kumikilala ng kanilang amo o kakahol kapag may ibang tao o nakaamoy ng panganib.
Para akong nawalan ng kapatid sa pagkawala ni Bobi. Ang Inay naman, parang inagawan ng anak.
Naibigay ko tuloy ng biglaan sa aking tiyahing may alaga ring aso ang mamahaling kadena na binili ko para kay Bobi na gagamitin ko sana sa aming pamamasyal.