PAGBABAGO
ni Dennis B. Lacsam
Sa kabila ng pananakop ng dayuhang mapaniil
Naibangon ng Asyano ang bayan sa hilahil
Pagkatapos ng digmaa’y iwinaksi ang panimdim
Taas-noong tinutulan ang kalabang sukab at sakim.
Transisyon ng mga bansa sa Timog nitong Asya
Nasilayan ng pagbabago, at kakaibang pag-asa
Monarkiyang tradisyunal napaltan ng republika
Pantay-pantay na karapatan, isinulong ng demokrasya
Edukasyon na pundasyon nitong baya’y pinayabong
Pinalakas ang panitikan bilang sandata sa pagbangon.
Pinayaman maging sining at kultura ng rehiyon
Itinuro ang disiplina, kasangkapan ang relihiyon.
Nagsumikap ang Asyanong magkaroon ng karapatan
Na magpaunlad ng ekonomiya at kulturang nakasanayan
Sandata ang kasipagan na likas sa mamamayan
Nakipagpalitan ng kalakal sa iba’t ibang bayan.
Kababaiha’y pinaimik, pinakilos at hinamon
Binigyan ng tungkulin at hindi ikinahon.
Hinayaang makibaka at makipagpulong
Manindigan sa sarili at mamuno ng isang nasyon.
Sa pagdaan ng panahon Timog Asya’y nakikila
Hindi lamang sa sining na komplikado’t sinauna.
Bantog din sa sipag at kakaibang disiplina
Mapagmahal sa kasaysayan, may malasakit sa pamilya.
No comments:
Post a Comment