Wikipedia

Search results

Tuesday, September 15, 2009

Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas

Talumpating nilikha ni Dennis Lacsam at binigkas ni John Paul Manalang na nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa APEX Talumpatian 2009.


“Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.” Literal na pahayag na nakatala sa Seksiyong 6, Artikulo XIV ng Pambansang Konstitusyon ng 1987. Isang malinaw na kaisipan na magpapatotoo na sadyang kinikilala maging ng kataas-taasang saligang batas ang pagsulong ng wika na siyang bukal ng kamalayan ng isang bansa. Isang pananagutang magpapatibay na hindi maihihiwalay kailanman ang pag-unlad ng wika sa pag-usad ng panahon – palatandaang patuloy na magpapaalala na buhay ito katulad ng ating hininga na siyang pangunahing pangangailangan natin upang mabuhay at makipag-ugnayan.

Mga kababayan, halos pitumpung taon na nang ideklara ni Manuel Luis Quezon na tubong Baler, Quezon ang Tagalog bilang wikang pambansa sa Kumbensiyong Konstitusyunal ng 1939. Bagamat umani ng batikos partikular sa mga Sebwano ang aksyong ito ng dating Pangulo sapagkat hindi raw natutugunan nito ang pambansang tatak at diwa ng sambayanan, sa halip ay ng mga pangkat etniko lamang, hindi mapasusubalian na yumabong at naging katanggap-tanggap na ito sa pagdaan ng panahon. Sa paniniwalang mas agpang sa pagkilala sa maraming katutubo, ang Tagalog ay naging Pilipino at ang Pilipino sa kalauna’y napalitan ng Filipino – mga pagbabagong nalinang sa kabila ng iba’t ibang nagpanukala, bumatikos, nagtanggol, at nagtrabaho alang-alang sa iisang mithiin na pagkakaroon ng isang pambansang wika na magtataguyod ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Mga kaibigan, maaring tapos na ang papantig na pagbigkas ng mga titik ng ABAKADA at napalitan na ng Ingles na baybay ng ABCD na mas angkop sa modernong mundo ng haute couture at Cyberspace ngunit hindi nangangahulugan ito na tinatalikdan natin ang ortograpiya ng ating pagkalahi. Pinayayabong lamang natin ang ating balarila bilang pagpapatunay na pinapahalagahan natin ang importansya ng dibersidad at multilinggwalismo ng ating Inang Wika upang mabuhay, umunlad at makipagsabayan sa panahon ng globalisasyon.

Ang wikang Filipino, kahit bali-baliktarin, pagandahin o gawing makabago ng sinumang Pilipino na magtatangkang paimbulugin ito sa anumang larangan – pasulat man o pasalita, sa kalauna’y ang paggamit pa rin nito ang higit na mas mahalaga. Walang sinuman ang makapagsasabi na binabastos at pinawawalang-halaga natin ang sarili nating kultura sapagkat bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang interpretasyon kung papaano natin ito mamahalin at ilalapit sa puso bilang tunay at responsableng Pilipino.

Sa aminin man natin o hindi, ay nagdiwang tayo nang pumailanlang sa mga istasyon ng radyo at telebisyon sa Amerika ang kantang Bebot ni Apl. de Ap ng Black Eyed Peas na ayon mismo sa Wikipedia na isang on-line Encyclopedia sa World Wide Web ay nagmula sa balbal na salitang Filipino na tumutukoy sa isang magandang babae.

Malayo na ang narating ng ating Inang Wika. Ang noo’y diyalekto lamang ng Baler at buong Katagalugan ngayo’y wika na ng kapuluan at siya nating pambansang espiritu. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng modernisasyon tulad ng Internet at iba pang midyum ng komunikasyon ay nakikilala na ito hindi lamang sa buong bansa bagkus ay sa buong mundo.

Nakalulugod na hindi natin ipinagpapasa-Diyos ang kahihinatnan ng ating katutubong salita, ngunit lagi nating tandaan na hindi na rin nakatutulong ang mga pagtatalo tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Pakaaalalahanin natin na ang pagmamahal sa wika ay naipapahayag sa mga pangmatagalang programa at proyektong inako nitong isakatuparan para sa kabutihan ng buong bayan.

Kung naniniwala tayo sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan – maging ito ma’y sa inisyatiba para sa katutubong kaalaman, kaligirang pangliterasiya, integrasyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya at katatagang pampulitika. Napakahalaga na ipabatid sa bawat isang Pilipino na makabuluhan ang wika na siya nating lunggati sa ating pinagmulang lahi. Marapat na umigpaw sa ating mga sarili ang pagsibol ng totoong diwa ng nasyonalismo. Kailangan natin ang marami pang Felipe Jose, Wenceslao Vinzons, Tomas Confesor, Hermenegildo Villanueva at Norberto Romualdez na bagamat hindi masyadong kinilala ng kasaysayan bilang mga unang arkitekto at bayani ng wikang pambansa ay naging huwaran naman ng kadakilaan at tunay na pagmamalasakit sa ating Inang Bayan.

Mga minamahal kong kababayan, ngayon ang simula upang maging bayani tayo ng wikang pambansa. Paimbulugin natin ang kadakilaan nito sa isip, sa salita at sa gawa.

No comments: