Wikipedia

Search results

Sunday, March 23, 2008

Semana Santa

Taun-taon ay bahagi ng aking paggunita ng Semana Santa ang pagsama sa prusisyon tuwing Biyernes Santo. Hindi ako relihiyosong tao ngunit nakasanayan ko na ang ganitong gawain sapul noong ako'y bata pa. Isa lamang ito bukod sa Pasko sa dadalawang okasyon kung saan regular na pumupunta ang aming mag-anak sa simbahan.

Katulad ng mga nagdaang Biyernes Santo, marami pa ring tao sa loob at labas ng simbahan. Kilala Kasi ang San Pablo sa buong bansa sa may pinakamagarbong prusisyon ng mga antigong imahen ng mga santo at santa. Hindi iilang pambansang pahayagan at palabas sa telebisyon ang naglathala ng mga artikulo at nagpalabas ng mga dokumentaryo tungkol dito. Kayat hindi kataka-taka kung dinarayo ito ng mga turista at kilalang mga personalidad.

Ngayong taong ito kakaiba ang prusisyon sapagkat pagkalipas ng maraming taon muling pinagsama ang mga imahen ng simbahan at ng mga santo ng mga kilalang tao sa San Pablo. Hindi katulad ng mga nagdaan Semana Santa kung saan bukod ang prusisyon ng "mayaman" at "mahirap". Naging bukambibig raw ito ng mga panatiko ng prusisyon simula nang ihiwalay ng simbahan sa pamumuno nang noo'y Kura Paroko na si Padre Dolleton ang kanilang mga santo sa mga imahen na pag-aari ng mga mayayamang angkan sa bayan na pinamumunuan naman ni Ado Escuderro. Ayon daw kasi sa simbahan, hindi raw makatarungan na magsama ng mga artista sa prusisyon para makahikayat ng maraming tao sapagkat nawawala raw ang kabanalan ng Semana Santa. Idagdag pa na sa halip daw na pagdarasal ang unahin ng mga tao habang lumalakad ang prusisyon ay ang walang katapusang paglingon sa iniidolong artista ang inuuna. Kayat ang nangyayari, ang papuri sa banal na Mahal na Ina o kay Hesuskristong tumubos ng kasalanan ng sanlibutan ay napupukol sa ganda o kinis ng balat ng artista o kaya'y damit na suot niya. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari, sa mahabang taon ay naging dalawa nga ang prusisyon at naging dahilan nang pagkalito ng sambayanan. May mga taon pa nga raw na parang nagpapasiklaban ang dalawang kampo kung saan prusisyon mas marami ang sumasama. At syempre pa, usap-usapan din lagi taun-taon kung kaninong karosa ang higit na maganda at higit na pabulosa. At ang nakalulungkot pa, ang ganitong senaryo ay hindi lamang tuwing Biyernes Santo nagtatapos sapagkat ang iringan ay umaabot pa hanggang Pasko ng Pagkabuhay. Iba ang seremonya ng "Salubong" sa loob ng simbahan at iba rin syempre ang bersyon ng mayayaman nang pagtatagpo ni Hesus at ni Maria sa gitnang bahagi ng plaza ng bayan.

Ngayong taon na bati ang simbahan at ang angkan ng mayayaman, nagkaisa muli ang buong bayan. Sabay-sabay na sumama sa iisang prusisyon ang lahat. Kung noo'y marami ang mga poong nasa karosa ngayo'y higit pang nadagdagan dahil sa magkasanib na pwersa kayat walang paglagyan ng papuri ang lahat nang makakita. At kung noo'y umaawit ng papuri ang mga sikat na artista sa entablado sa gitna ng plaza kapag dumaraan ang mga santong kanilang pinapupurihan, ngayo'y kumakanta na rin sa mga misa sa loob mismo ng simbahan.




Kanina, habang nagninilay ako sa mga tagpo sa buhay ng ating Panginoon sa loob ng simbahan sa pagdalo ko ng Misa ng Muling Pagkabuhay. Iniisip ko ang tunay na kabuluhan ng Mahal na Araw. Kapag kasi nakikita ko ang mga santong nagagayakan ng magagarang kasuotan at ang mga taong dumadaluhong sa mga sariwang bulalak kahit hindi pa nababasbasan ng pari ang gayak ng mga pabulosang karosa ng mga santo, gusto kong isipin kung minsan na bahagi lang talaga yata ng ating kultura ang Semana Santa. Na ang marami sa atin ay sumisimba lamang kahit hindi alam ang tunay na kabuluhan nito sa ating buhay. Idagdag pa na karamihan ay sumasama lamang sa prusisyon hindi dahil sa marubdob na panata kundi dahil nakasanayan na lamang.

Nawa'y pagtibayin at patatagin ang ating pananampalataya tungo sa isang mayapa, maunlad at nagkakaisang bansa.

No comments: