Wikipedia

Search results

Sunday, March 16, 2008

Pamahiin

Namatay si Lola Gloria noong isang araw sa edad na 94. Iyon eh kung tama ang kalkulasyon ng kanyang mga anak sa edad n'ya. Taun-taon kasi ay iba-iba ang petsa ng kanyang kaarawan sapagkat isinilang raw si lola ng Sabado de Gloria. Kayat kung ipinagdiriwang man ang kanyang kaarawan bawat taon ay isinasabay na lamang ito sa panahon kung saan pinatutunayan ng mga batang lalaki ang kanilang pagkalalaki.

Sa pagpanaw ng aming lola, marami ang nagsasabi na may agimat raw ang matanda. Bihira na raw kasi sa kasalukuyang panahon ang humahaba ng ganoon katagal ang buhay. Idagdag pa na hindi man lamang daw ito dinapuan ng sakit katulad ng ilang matanda na naratay muna sa banig ng karamdaman bago binawian ng buhay. Sa madaling salita, pumanaw si Lola nang dahil sa katandaan at hindi sa kung ano pa man.

Ilang buwan bago mamatay si Lola, marami ang nagsabi bulungan na raw namin siya na paluwain ang anting-anting nito o kaya'y ipasa sa iba para ito'y makapamahinga na. Ilan din ang nagpayo na ipakumpisal na ito sa pari at hilingin na sa Panginoon na bawiin na ang buhay nito upang hindi na maghirap pa. Kayat ilang linggo rin siyang pinadasalan ng kanyang mga anak sa pamangkin nitong alagad ng simbahan.

Sa paglisan ni Lola, sari-sari ang pamahiin sa kanyang burol. Hindi naman ito bago sapagkat si Lola noong nabubuhay pa ay isang matandang mahilig rin maniwala sa mga sinaunang kaugalian kaya naman hindi kataka-taka na naipasa niya ang ganitong klase ng makalumang gawain sa kanyang mga anak.

Ewan ko pero hindi ko lubos na maisip at matanggap ang ilan sa mga pamahiin sa lamayan. Gusto kong isipin na ang daming Pilipino na nauto ng ganitong kultura na pinakalat ng sinumang Pontio Pilato. Sa tuwing sinasabi ko na isama na sana ni Lola sa kanyang hukay ang mga pamahiing ito, lagi ay pinagagalitan ako ng aking mga tiyahin. Ano ba naman daw ang ipinagsisintimyeto ko eh wala namang mawawala kung susunod sa mga ito.
Kung sabagay, may punto de bista ang mga tiyahin ko. Pero matay ko mang isipin parang wala ng saysay na sundin pa ang ganitong mga kaugalian sa makabagong panahon.

Ano ba naman ang kaugnayan nang pagwawalis, paliligo, pagsusuot ng matitingkad na kulay ng damit at paggugupit ng kuko sa pagkamatay ng isang tao? At sino naman kayang henyo ang nakaisip na ang pagpapatung-patong ng mga pinggang hugasin, pagkain ng mga gulay na gumagapang at pagpapalit ng kandila sa tabi ng ataul ng hindi nililinis ang kandelabra ay nangangahulugang pagpanaw ng susunod na miyembro ng pamilya? Idagdag pa na huwag raw iiwanang walang bantay ang ataul sapagkat kukuhanin raw ng aswang ang bangkay ng namatay. Hindi ko rin maunawaan kung bakit kailangan pang takpan ang salamin sa bahay upang hindi raw makita ang repleksyon ng yumao. Maging ang mga kamag-anak kong babae na dinatnan ng buwanang dalaw ay pinagbabawalan ring makipaglamay sapagkat maari raw maging dahilan ito ng pag-urong ng kanyang regla. Gusto ko tuloy paniwalaan na ang mga kamag-anak ko mismo ang gumagawa ng sarili nilang multo na sa kalauna'y sila rin ang matatakot.

No comments: