Wikipedia

Search results

Sunday, March 30, 2008

Dizonians Go to Laiya

Panandali naming tinakasan ang pagtuturo. Bitbit ang suntan lotion, bathing suit at isang damukal na kwento, nagpunta ang kaguruan ng Col. Lauro Lauro Dizon Memorial National High School sa Laiya, Batangas.

Alas singko y medya ng umalis ang aming grupo. Apat na jeep na puno ng mga isinumpang guro ang unang tumulak papuntang Batangas. Sumunod naman noong alas syete ang isang grupo na tamad gumising sakay ng van na pag-aari ni Mr. Hernani Ang na guro sa matematika.


Katulad ng mga nauna naming pamamasayal, walang sawang kwentuhan ang namayagpag sa bawat sasakyan. Bawat jeep ay may kanya-kanyang bangka sa tawanan. At syempre pa ang mga hindi masyadong nagpasiklab sa kwentuhan ang sila namang kumabag ang tiyan sa katatawa.

Halos ilang taon ko ring hindi napasyalan ang nasabing paliguan. Hindi ko inakalang sa aking pagbabalik ay malaki na ang pinagbago nito. Oo nga't maalikabok pa rin ang ilang kalsada, hindi na ito katulad noong una na toneladang alikabok kapag tag-araw ang iyong masasanghab at pupuwing sa iyong mata bago marating ang dagat.

Puno na rin ng mga private resorts ang paligid ng Laiya. Halos wala na itong ipinagkaiba sa Puerto Galera ng Mindoro. Iyon nga lang mas pino ang buhangin at mas maraming pasyalan at water activities ang huli. Idagdag pa na mas sosyal nang kaunti ang mga parokyano sa Galera sapagkat mas nauna nang nakagawa ng pangalan ang nasabing beach resort kaya hindi rin kataka-taka na marami na ring hotels at rest houses ang nasabing resort.

Pagkarating na pagkarating sa beach resort na naupahan ng aming grupo, dismayado ang aming Punungguro na si Mrs. Evelyn Malabag at ang Faculty Club President na si Ma'am Nelly Cuasay sapagkat ang inaasahang mga cottages na laan para sa amin ay ay napunta sa iba. (Napagkasunduan na kasi ng may-ari at ng mga namuno ng outing ang tungkol sa cottages isang linggo bago ang swimming party ng mag-ocular visit ang pamunuan). Sakit na yata talaga ng ilang nesgosyanteng Pilipino ang hindi pagkakaroon ng palabra de honor kaya naman maraming negosyo ang nagsasara. Ngunit upang hindi masira ang momentum ng aming kasiyahan, isinawalang bahala na lamang ang problema.

Hindi man gustong mangyari ng grupo na magkaroon ng faction ang mga guro, hindi ito naiwasan sapagkat ilang maliliit na cottages ang nirentahan ng namuno. Kaya nagkanya-kanya pa ring barkada ang mahigit sa animnapung guro na sumama.

Matapos na mailagay sa kanya-kanyang lugar ang mga dalang gamit, gumanap na ng tungkuling iniatang sa kanila ang bawat isa. Nagtulung-tulong sa paghahanda ng pagkain at nag-isip ng mga palaro para sa mga parlor games.

Habang abala ang ilan sa pagluluto, naisipan naming rumenta ng bangka upang makapaglayag sa gitna ng dagat. Sa halagang siyamnapumpiso bawat isa, ipinasyal kami ng bangkero sa Lamesang Bato, isang bahagi ng dagat kung saan may masisisid na mga corals at iba pang lamang dagat. Sa pagtigil ng bangka sa Lamesang Bato, game na nagtampisaw ang aming punungguro sa tubig kasama ang mga gurong sina Jana Orillaza, Shirley Montaña, Khrys Labrado at personnal secretary ng prinsipal na si Allan Dayco.

Pagkarating namin mula sa Lamesang Bato ay sinimulan na ang pagkain. Masagana naming pinagsaluhan ang lechon, inihaw na pusit, sinaing na tulingan, alamang, singkamas, manggang hilaw, pinya at chopsuey na mas mukhang lumpiyang sariwa.

Matapos ang masaganang tanghalian at ilang oras na pamamahinga, sinimulan si Sir Egay Victorio na siyang pinuno para sa parlor games ang mga palaro. Lahat ng gurong naroon ay pinabunot ng munting papel kung saan nakasulat ang letra kung saan siya magiging kabilang na grupo.

Tatlong masasayang palaro ang nilaro ng mga guro: Maria Went to Laiya, Paggawa ng Human Sand Castle at Race to Laiya's Beach. Katulad ng inaasahan, syempre nagtulung-tulong ang mga titser na magkakagrupo dahil sa premyong Php 1,500. Hindi ko alam kung consuelo de bobo o sadyang mataas lang talaga ng taste ng mga judges kaya nanalo ang dadalawang grupong naglaban. Parang Saturday Edition ng Thats Entertainment noon ni Kuya Germs na lahat ng grupo mula Monday hanggang Friday eh panalo sa production number competition. Wala nga namang sasama ang loob.

Matapos ang mga palaro humataw naman ang mga gurong panatiko ng videoke sa pagkanta. Dito naghari si Mr. Aguedo Laiño at namayagpag naman bilang mga reyna sina Gng. Rosy Audije, Gng. Lynn Yu, at Gng. Delmina Baylon. Nakatutuwang makita ang mga gurong hapit sa pag-awit na para bang nag-a-awdisyon sa Pinoy Idol. Dito ko napatunayan na marami talagang talented teachers sa school namin.

Pasado alas singko ng tumulak ang maraming guro pauwi ngunit nagpaiwan para mag-overnight kaming mga batang titser sa patnubay ng de-otong si Mr. Ang. (Syempre, mahirap yatang maglakad pauwi.)
Nang makaalis na ang aming mga kasama isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Nang makipag-usap ang aking kapwa guro sa may-ari ng beach cottages na tinuluyan namin para humingi ng diskwento sa aming magiging overnight stay ay kung anu-ano ang sinabi nito na hindi maganda sa pandinig. Ewan ko kung tamang maging asal ng isang negosyante ang mambastos ng parokyano lalo pa't mga guro ang mga ito. Kaya dala ng sama ng loob, napilitan kaming lumipat ng ibang resort kung saan namin inubos ang magdamag.

Mahigit isang dosena kaming guro na nagpakasaya noong gabing iyon. Bukod sa cottage na aming nirentahan ng mas mura at mas maganda sa una naming tinuluyan ay pinayagan pa kaming magtayo ng tent katabi ng aming pwesto na kaharap mismo ng dagat ng Laiya.

Planado ang pagpapaiwang ito ng mga batang guro kaya baha rin ang pagkain na inihanda ni Girlie Deomano at ng Ang's Angels. Bukod pa sa mga iniwang pagkain ng faculty. Kunswelo rin ang mga iniwang tsibog ng faculty at red at white wine na bigay naman nina Mrs. Rhodora Loteria at Aylene Reyes.

Grabe ang naging pictorial na aming grupo sa akto ko bilang potograpo. Kung anu-anong pose at kung saan-saang lugar kami nag-photo shoot. Game na nagpakuha sa tabi ng dagat, gilid ng bangka, loob ng tent, at facade ng iba't ibang magagandang resort ang grupo. Idagdag pa ang solo pictorials ng bawat isa na para bang mga kadidata ng Bb. Pilipinas o Ms. Gay Philippines sa kanilang swimwear portion.

Sa tindahang katabi ng aming cottage na nirentahan ay inubos ng ilang gurong malakas ang loob bumirit ang kanilang barya sa paghuhulog sa makinang nagluluwa ng sari-saring kanta. Dito, iniwan nila ang kahihiyan at kumanta ng ano mang makahiligan. Nagpasiklaban sa pag-awit ang mga diva at feeling divang teachers na sina Lea Capule, Jana Orillaza, Mayvelyn Tolentino, Liza Gesmundo, Aylene Reyes, Lynn Yu, Sarah Sario at Claire Rivera habang walang sawang nakikinig at pumapalakpak ang ultimate hunk at artistang si John Apacible na naroon din sa resort na iyon. Sa pagitan ng bakbakan ng boses ang solo pictorial ng bawat isa kasama ang nasabing artista maliban kay Janice Nuevo at Girlie Deomano na mas pinili pang magbulok ng mata.

Sikat na ang araw ng umalis ang aming grupo. Dahil walang tulog ang marami sa amin, asahan pa na ang may-ari lamang ng sasakyan ang gising habang binabagtas ang daan pauwi.



1 comment:

Unknown said...

saya naman nila.hehe:)