Wikipedia

Search results

Wednesday, December 17, 2008

Ako at ang Tatsulok Kong Daigdig

Napakahalaga para sa isang mag-aaral ng panitikan na kumilala ng mga anyo ng literatura na likha ng iba't ibang manunulat, sapagkat sa pamamagitan nito nagkakaroon siya ng malinaw na pananaw na may iba pang mundong umiikot bukod sa kanyang ginagalawan.

Narito sa ibaba ang ilan sa mga sariling kathang tula at larawan na ginawa ng aking mga estudyante tungkol sa pananaw nila sa panitikang Tatsulok na Daigdig, isang matalinhagang sanaysay ng isang alagad ng sining at relasyon niya sa mundong kanyang ginagalawan na kanlungan niya ng tunay na kaligayahan.

Bagamat bagito at sadyang hindi sanay sa pagguhit ang mga estudyante ito, piniga ko ang natutulog nilang talento sa sining. Ipinaguhit ko sa kanila ang kanilang sariling interpretasyon tungkol sa paksa. Bukod sa pagdo-drowing, ipinalahad ko rin ang kanilang opinyon sa pamamagitan ng isang saknong ng tula na may apat na taludtod at lalabinwaluhing pantig.

Nawa'y matuwa kayo sa panonood at pagbabasa.



KYDD CARL B. PANDANAN

Kapag tatsulok ang mundo buhay ng tao’y magbabago

Di malaman kung papaano di alam kung saan patungo

Landas man ay paliku-liko kaya’t hindi matungo-tungo

Kanyang hangarin na matanto ang nais na tunay na mundo



ROMMEL P. JAINAR

Pumapangibabaw na sinag lang ang nagbibigay-liwanag

Dito sa ating munting mundo na hugis tatsulok tinibag

Na naaayon sa dahilan na s’ya namang kumakatawan

Mahirap man o mayaman sana’y magkapantay-pantay



MARIZ ROMERO

Kayamanan ba ang sukatan dito sa mundong ibabaw?

Tila nasa ilalim lamang mahihirap na tumatanaw

Sa mayayamang walang budhi mga dukha’y tinatapakan

Na para bang di natatakot sa di man lang nag-alinlangan



RALPH RICO F. AQUINO

Ang tatsulok nating daigdig punung-puno ng kasamaan

Nagbabadya ang kalagiman nararapat nating iwasan

Landas ng buhay ay itama kabutiha’y ating panigan

Mamuhay tayong masagana patungo sa kinabukasan



RONALYN A. VILLAMARZO

Paaralang pinapasukan, araw-araw pinupuntahan

At sa tuwing awasan naman agad diretso sa tahanan

Ang simbahan nama’y takbuhan kapag ako’y may kailangan

Sa tatlong lugar na ‘to lamang umiikot ang aking buhay



DANIE JONES M. GRAPE

Kung tatsulok itong daigdig mahihirapan ang marami

May mga ilang mamamayan sa salapi’y di mangingimi

Nasa taas ang mayaman sa ibabaa ang walang pera

Sila’y magsisikap sa buhay para mas malaki ang kita



MELANIE L. CALUPAS

Kung ating pag-uusapan ay ang pagkakapantay-pantay

Iyang tatsulok na daigdig ay sadya ngang malupaypay

Sapagkat buong sanlibutan sa salapi nakasalalay

Walang ibang pinaiikot kundi ang perang nasa kamay




ARVIN C. EXCONDE

Sa tuwing naiisip ko ‘to laging tanong sa sarili ko

Ano ang kahihinatnan ko? Makukuntent na ba ako?

Sa daigdig na naiisip ko masasanay bang laging gan’to?

Isang mundong hugis tatsulok, ito ba ang titirahan ko?




PAUL JHON DALISAY

Mga kaisipang nilikha mula sa damdaming may diwa

Mapagkubling mga gawa kaisipang puno ng awa

Batid ay mga alaala ng daigdig na nagdurusa

Ito’y nagsisislbing liwanag patungo sa bagong pag-asa




JOHN CHESTER R. MANGUBAT

Sa ating tatsulok na mundo mayaman ang nagingibabaw

Mga taong naghihikahos sa ilalim matatagpuan

Pilitin man nilang iahon kahirapan ng kabuhayan

Lahat-lahat ng mga ito’y tatak na sa kanilang buhay




MIRACLE A. REYES

Mundong ito’y may tatlong sulok na mayroon ding kahulugan

Sa aki’y damdamin, kasiyahan, kalungkutan kabagabagan

Itong Magandang kalikasan simbulo’y kagalakan

Sa kamataya’y pagdaramdam pangamba’y dulot ng digmaan




EUNICE R. ABUYABOR

Kalikasan ang ating mundo kaaya-ayang tingnan ito

Binibigyan linaw ang bagay na gumagalaw sa isip ko

Sa tatlong suolok ng daigdig na siyang ginagalawan ko

Nakapgbibigay ng kulay sa kadiliman ng mundo




SAMANTHA L. ALCANTARA

Mga magagandang tanawin halina’t ating dungawin

Hanggang sa ilalim ng dagat ating languyin at sisirin

Ang halimuyak ng bulaklak damhin at langhapin natin

Mga problema ay limuti pakinggan ang mga witin


ARNOLD TAPAY

Sa tatsulok kong daigdig walang humpay ang saya’t ligaya

Puno ng nag-uumapaw na damdamin na nagpapasigla

Hatid ng magandang bulaklak at mababangong ponsentya

Tunay na mahalimuyak tulad sa paraisong likha Niya

Monday, November 3, 2008

Kalye

Sa lahat ng IV-B,

Sa gitna ng mga pambansang isyu na kinakaharap ng bansa ngayon tulad ng kurapsyon sa pulitika, krisis sa ekonomiya at iba, may mga isyung panlipunan na malimit ay napapabayaan ngunit nangangailangan ng higit na atensyon. Bagamat sa maraming pagkakataon ay hindi nalalathala bilang ulo ng balita sa mga pambansang pahayagan ang ilan sa mga isyung ito, hindi rin matatawaran ang esensiya ng ganitong balita sapagkat higit itong nakaaapekto sa mga simpleng mamamayan na bumubuo ng malaking porsyento ng populasyon ng sambayanan.

Bilang estudyante na nag-aaral ng panitikan, mahalaga na may sapat kayong kabatiran sa mga isyung ganito upang maging bukas ang inyong kamalayan sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa inyong pamayanan, kultura at pagkakakilanlan bilang mga pilipino.

Bilang takdang-aralin, nais kong panoorin ninyo at bigyang-reaksyon ang programang Kalye: Mga Kwento ng Lansangan sa ABS-CBN sa Lunes, Nob. 3. Ang programa at ini-eere pagkatapos ng Bandila, ang panggabing balita ng nasabing istasyon.

Sa reaksyon ninyong gagawin, ay nais kong ilahad ninyo ang inyong kumento sa programa at ang dating nito sa inyo bilang kabataan. Katulad ng nauna na nating gawain, kailangang mai-post ninyo ang inyong kumento sa link na matatagpuan sa ibaba ng post na ito.

Hangad ko ang matalino, masusi at balanse ninyong pamumuna.

Friday, October 24, 2008

Project Ay, Ayeng: Suring Pelikula

Sa lahat ng IV-B,

Bilang pagsulat na proyekto ninyo ngayong Ikalawang Markahan, nais kong gumawa kayo ng isang suring-pelikula tungkol sa pelikulang Ay, Ayeng na pinanood ninyo sa Ultimart Cinema noong ika-4 ng Oktubre.

Gamit ang mga tanong at panuntunan sa ibaba, kailangang mai-post ninyo ang inyong suring pelikula sa pamamagitan ng isang kumento na kailangang mailathala (publish) sa blog na ito sa o bago ang Nobyembre 4, 2008 gamit ang buong pangalan. Matatagpuan ang link sa kumento (comments) sa ibaba ng post na ito.

Lahat ng suring peilkula na hindi maipo-post sa blog na ito sa itinakdang araw ay may katapat na markang 65%. Tandaan na ang marka para sa proyekto ay 25% ng kabuuang marka para sa Ikalawang Markahan.

Panuntunan:

1. Ang suring-pelikula ay kinakailangan nasa anyong sanaysay.

2. Ang bilang ng talata ay depende sa bilang ng mga tanong na nakalaan bukod pa sa tig-isang talata para sa simula at sa wakas. Ibig sabihin, isang talata ang nakalaan para sa paliwanag sa bawat isang katanungan. (Walang limitasyon sa bilang ng pangungusap. Ang mahalaga ay ang kaisahan ng kaisipan)

3. Mga tanong na dapat masagot sa suring pelikula.

a. Makatotohanan ba ang istorya? (Maaring maglahad ng tiyak na pangyayari upang mapatunayan ang pagpapakatotoo sa pelikula)

b. Angkop ba ang mga artista sa papel na kanilang ginampanan? (Ilahad kung konsistent sila sa kanilang pagganap, kung over acting o under acting)

c. Aling bahagi ng pelikula ang nagpapakita ng pagkamadula o kagalingan sa pagganap ng tiyak na artista at bakit?

d. Paano nakatutulong sa ikagaganda ng buong pelikula ang paglalapat ng ilaw, tunog, kasuotan at tagpuan?

e. May napabayaan bang elemento ang pelikula? Alin ito?

f. Kung ikaw ang tatanungin, naipahatid ba ng pelikula ang mensaheng nais nitong iparating?


Pamantayan sa Pagmamarka

50% - Pagsunod sa Panuntunan
45% - Orihinalidad ng Gawa
____
95% - Kabuuan



Hangad ko ang matalino, masusi at makatarungan ninyong pag-aanalisa.

Happy Semestral Vacation!

Sunday, September 28, 2008

WATER: Gift and Responsibility

by Dennis Lacsam


“The earth was formed out of water and by water”. This verbatim pronouncement in Peter 2 3:5 of the Holy Bible proves that even long before the olden times of creation, water is with God and God is with water. To show Almighty’s love to humanity, and by his prodigious hands, He landscaped and provided the universe with all the things, things which every part is believed to be “all water”.

Ladies and gentlemen, water is much more than we know. Although it may appear colorless to our naked eye, flavorless to our taste buds, or odorless to our olfactory, there is much more to know about this ancient substance that supports and sustains humanity for thousands of years. It has been proven that the water in its natural and healthy state of purity and integrity is an intelligent and highly responsive substance to all other forms of life.

In most religions, water is considered an absolute purifier. Major faiths incorporate washing into their rituals. It is used from baptism, the innermost sacrament of Christianity to the ritual bath performed for the dead in religions like Judaism and Islam. It seems effortless to mention its vitality in our being for it does not only cleanse our body but symbolically cleanses our soul.

As we all live together on this water planet, in our water bodies, we are inherently and naturally attracted to healthy water. We love it, we play in it, and we holiday near it. Our affinity to this precious resource is undoubtedly inimitable. Scientists and researchers continue to show us that our thoughts affect our own vibrational energy, which directly affects the structure of the very water within our bodies and in our environment. It is therefore no longer a theory, that the water, like everything else, has consciousness. No wonder why this enigmatic substance is an indispensable element in our existence.

Water, no doubt, is an essential part of our lives. Human survival relies on it. It is responsible for carrying nutrients and oxygen to cells, removing toxins to wastes, converting food into energy, cushioning joints, hydrating skins, protecting tissues and organs, and empowering the body’s natural healing processes. A living creature could not survive without the bag of water inside its mother’s womb that protects and nourishes it for nine long months, and conversely, lack of water in the body can be the cause of countless ailments.

Cities and communities have proliferated where water reserve is overflowing. Quality water has become a prerequisite ingredient of our nation’s progress and improvement. The flowing water spins a turbine generator, which then generates electricity. The spent water coming out of the turbine can still be used for irrigation or water supply for homes. Water dynamism in our survival seems endless, but is this really our foremost concern? The infinite uses of the valuable resource God has abundantly bestowed each upon us?

Friends, water quality is a growing global concern. It is heartrending to know that polluted water and inadequate sanitation kill two children every thirty seconds worldwide; and, that the water we drink which literally becomes us since a large percentage of our bodies is water, is the same water that poisons the future generations. Many of us have unfortunately lost respect and concern for water and Mother Nature. We are rapidly destroying water’s life-giving capacities. Water, the lifeblood of human race, has been deserted and contaminated to the limits.

In the local scene, DENR reported that none of the country’s 158 major rivers was clean enough to drink in their natural flowing state. Of the 421 rivers in the country, 50 were considered biologically dead. And, only obnoxious creatures that cause diseases could be found in these rivers due to their rotten condition.

Just recently, massive oil spills in Semirara and Guimaras have tainted our watersheds. It is so depressing to think that the seas that are home to teeming water creatures have become a dumping ground of man’s toxic wastes.

Friends, let us strengthen our relationship with the miraculous element that gives us life. Remember that our concern for water is a public and patrimonial obligation. The protection, revaluation, and sustainable development of the water resources are actions of general interest. The right to use water, as well as the corresponding duties resulting from the water resources protection and conservation shall be exercised in accordance with the provisions of the present law. The human right to water is essential for leading a healthy life in human dignity. It is a pre-requisite to the realization of all other human rights.

Let us actively involve ourselves in taking care of our environment, our nature, our water. We should not stop thinking and putting into actions the most effective ways to conserve and protect our water supply. Using too much or wasting water should have some kind of feeling or sense of concern – some sort of responsibility and a sense of discipline. We must treat water as the most precious thing in the world for us to understand its true worth. Let us be economical with water! Don’t waste it! We still have time to do something about the water problem before it’s too late. Let us give water a healing hand. Let us not wait for the ill-fate to come our way. Let us be responsive to the call so that the prediction in Koran, the war of the twenty-first century is the fight over water, will never become a reality.

Ladies and gentlemen, remember that when God created the universe, He said fence! He created us human with the highest intellect among His creations to guard all the worthy things He has given us including the valuable water we inhabit. I therefore say, that it is our sole responsibility to protect water, God’s ultimate gift to humanity, for water means LIFE.

APEX TALUMPATIAN

Noong Agosto 25, 2008, muling nasilat ng aming paaralan ang korona sa Pandibisyong Paligsahan sa Talumpatian na iniisponsoran ng APEX San Pablo taun-taon. Noong isang taon, kaugnay ng selebrasyon ikadalawampu't limang taong nang pagkakatatag ng nasabing samahan ay pinagreynahan ng aming estudyante na si Kristine Grace Paras ang kumpetisyon. Ngayong taon naman ay pinagharian ito ni Marvin B. Custodio sa paksang "Wika Mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!". Narito ang pyesa na ipinanalo ni Marvin at ang ilang larawang kuha sa timpalak na ginanap sa Bulwagang Rizal ng Paaralang Sentral ng San Pablo.

Wika Mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!

Nagpupuyos sa galit sa pagkukwento ang Bisayang kapitbahay namin matapos mapanood sa pinilakang-tabing ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo ng paborito niyang si Juday. Maliwanag daw kasi na sa isang eksena ng pelikula ay harap-harapang niyurakan ang kanyang pagkalahi ng karakter ni Gloria Diaz na isang mayamang lola na walang-pasintabing kinuwestyon ang katulong ng kanyang manugang kung bakit pinalalaking

Bisaya ang kanyang apo. Ang lubha pang nagpasama ng loob ng dismayado naming kapitbahay ay nang palalain pa raw ang eksena sa hindi maingat na pagbibitiw ng diyalogo ni Juday na gumanap bilang ina ng bata, na nagsabing “Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino!” Na sa paniniwala niya’y mabilis na sinang-ayunan ng mga manonood sa pamamagitan ng umaatikabong halakhakan na may halong pangmamaliit na umalingawngaw hindi lang sa buong sinehan bagkus ay sa kanyang kinawawang pagkatao.

Ang nakalulungkot na eksena ng pelikula, sa tanggapin man natin o hindi, ay isang malinaw na realidad na malimit na nangyayari sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang Pilipino. Sa bulag nating paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong ginagamit ng karamihan sa lipunan, ay tayo pa mismo ang nagluluklok dito sa itaas upang ito’y maging makapangyarihan na sa kalaunay nagpapatingkad lang lalo ng ating mga kahinaan. At sa maraming pagkakataon ay ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging purista sa ating kinasanayang wika o di kaya’y pagyakap sa kultura ng iba kasabay nang pagtatakwil sa mga sarili nating kaangkinan.

Kung tutuusin, sa panahong ito ng information age, hindi na nakatutulong ang mga balitaktakan tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Ang mahalaga ay nakikipagsabayan ang ating katutubong salita sa pag-uunahan ng mga wika na animo’y humahagibis na sasakyan sa malawak na kalsada ng information highway ng Cyberspace. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap nating mga Pilipino sa mga bagong karunungang makaaagapay sa atin sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig.

Kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa.

Huwag tayong maniwalang dahop ang Filipino bilang wika ng akademya katulad ng laging sinasabi ng ilang walang malasakit na Pilipino sa ating Inang Wika, sa halip ay tumulong tayo upang payabungin ito sa lahat ng dako. Lagi nating unawain ang pamosong kasabihan ng mga taong masisikap at may positibong pananaw sa buhay na “Kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan!

Mga kaibigan, bagamat ang pagiging Pilipino kailanman lagi nating pakatatandaan ay hindi lamang nakikita at nasusukat sa tatas ng dila ng isang tao sa pagsasalita ng wikang kanyang kinamulatan, gawin nating huwaran ang maraming kababayang sa halip na gawing sagabal ang pagsasalita ng ating wika sa ibang bansa ay kinasangkapan pa nila ito upang makilala ang lahing Pilipino sa mundo. Tulad na lamang nina Allan Pineda na miyembro na tanyag na bandang Black Eyed Peas at Charmaine Clamor na kilalang mang-aawit ng kundiman sa Hollywood. Patunay ang kanilang mga mabentang awitin na tanggap maging ng ibang lahi ang wikang Filipino hindi katulad ng ipinangangalandakan ng iba na walang puwang ang wikang katutubo sa panahon ng globalisasyon.

Mga minamahal kong tagapakinig, katulad ng sinabi ni Propesor Randy David, huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Kailangang makipag-ugnayan ang ating mga katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na balewalain ito, sa maling paniniwalang hindi na ito nababagay sa makabagong panahon. At kapag nangyari ito, dito magmumula ang bukal ng kamalayan sapagkat mananatiling magkaugnay ang pag-unlad ng wika at pag-usbong ng malayang kaisipan dahil sa nag-iisang ugat na kanilang dinadaluyan – ang paggamit nito sa lahat ng anyo ng pakikipagtalastasan.

Mga kaibigan, darakila ang wikang Filipino at ang bansang Pilipinas! Makiisa ka lamang!

Isang magandang hapon sa inyong lahat.

Thursday, August 28, 2008

Wika Mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!

ni Dennis Lacsam

Nagpupuyos sa galit sa pagkukwento ang Bisayang kapitbahay namin matapos mapanood sa pinilakang-tabing ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo ng paborito niyang si Juday. Maliwanag daw kasi na sa isang eksena ng pelikula ay harap-harapang niyurakan ang kanyang pagkalahi ng karakter ni Gloria Diaz na isang mayamang lola na walang-pasintabing kinuwestyon ang katulong ng kanyang manugang kung bakit pinalalaking Bisaya ang kanyang apo. Ang lubha pang nagpasama ng loob ng dismayado naming kapitbahay ay nang palalain pa raw ang eksena sa hindi maingat na pagbibitiw ng diyalogo ni Juday na gumanap bilang ina ng bata, na nagsabing “Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino!” Na sa paniniwala niya’y mabilis na sinang-ayunan ng mga manonood sa pamamagitan ng umaatikabong halakhakan na may halong pangmamaliit na umalingawngaw hindi lang sa buong sinehan bagkus ay sa kanyang kinawawang pagkatao.

Ang nakalulungkot na eksena ng pelikula, sa tanggapin man natin o hindi, ay isang malinaw na realidad na malimit na nangyayari sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang Pilipino. Sa bulag nating paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong ginagamit ng karamihan sa lipunan, ay tayo pa mismo ang nagluluklok dito sa itaas upang ito’y maging makapangyarihan na sa kalaunay nagpapatingkad lang lalo ng ating mga kahinaan. At sa maraming pagkakataon ay ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging purista sa ating kinasanayang wika o di kaya’y pagyakap sa kultura ng iba kasabay nang pagtatakwil sa mga sarili nating kaangkinan.

Kung tutuusin, sa panahong ito ng information age, hindi na nakatutulong ang mga balitaktakan tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Ang mahalaga ay nakikipagsabayan ang ating katutubong salita sa pag-uunahan ng mga wika na animo’y humahagibis na sasakyan sa malawak na kalsada ng information highway ng Cyberspace. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap nating mga Pilipino sa mga bagong karunungang makaaagapay sa atin sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig.

Kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa.

Huwag tayong maniwalang dahop ang Filipino bilang wika ng akademya katulad ng laging sinasabi ng ilang walang malasakit na Pilipino sa ating Inang Wika, sa halip ay tumulong tayo upang payabungin ito sa lahat ng dako. Lagi nating unawain ang pamosong kasabihan ng mga taong masisikap at may positibong pananaw sa buhay na “Kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan!”

Mga kaibigan, bagamat ang pagiging Pilipino kailanman lagi nating pakatatandaan ay hindi lamang nakikita at nasusukat sa tatas ng dila ng isang tao sa pagsasalita ng wikang kanyang kinamulatan, gawin nating huwaran ang maraming kababayang sa halip na gawing sagabal ang pagsasalita ng ating wika sa ibang bansa ay kinasangkapan pa nila ito upang makilala ang lahing Pilipino sa mundo. Tulad na lamang nina Allan Pineda na miyembro na tanyag na bandang Black Eyed Peas at Charmaine Clamor na kilalang mang-aawit ng kundiman sa Hollywood. Patunay ang kanilang mga mabentang awitin na tanggap maging ng ibang lahi ang wikang Filipino hindi katulad ng ipinangangalandakan ng iba na walang puwang ang wikang katutubo sa panahon ng globalisasyon.

Mga minamahal kong tagapakinig, katulad ng sinabi ni Propesor Randy David, huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Kailangang makipag-ugnayan ang ating mga katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na balewalain ito, sa maling paniniwalang hindi na ito nababagay sa makabagong panahon. At kapag nangyari ito, dito magmumula ang bukal ng kamalayan sapagkat mananatiling magkaugnay ang pag-unlad ng wika at pag-usbong ng malayang kaisipan dahil sa nag-iisang ugat na kanilang dinadaluyan – ang paggamit nito sa lahat ng anyo ng pakikipagtalastasan.

Mga kaibigan, darakila ang wikang Filipino at ang bansang Pilipinas! Makiisa ka lamang!

Isang magandang hapon sa inyong lahat.

Tuesday, May 20, 2008

Bobi

Matagal-tagal na ring panahon na wala kaming inaalagang hayop sa bahay. Maliban sa mga pusang gala na paminsan-minsang naliligaw at namamahay sa amin ng ilang araw na agad din namang iniliigaw ng Inay sa oras na mabuntis o kayay makapanganak.

Isang buwan bago ang bakasyon, ibinigay na sa wakas ng aking kapwa guro na si Sir Carlo Carag ang asong ipinangako niya sa akin. Kakaiba ang tuwa ko, sapagkat dalmatian ang tutang bigay niya. May lahi, kumbaga. Alam kong mahal ang presyo nito kung bibilhin lalo pa't kumpleto ng papeles at vaccination. Nagpaumanhin pa nga siya sapagkat may maliit na sugat ang tuta sa kanang paa nito na nakuha raw noong gabi bago ibigay ito sa akin.

Pagkabigay na pagkabigay, iniuwi ko agad ang tuta sa bahay at agad ibinili ng gatas. Sabi kasi, ni Sir Carag, payat ang tuta kasi tamad magpasuso ang ina nito kaya painumin ko pa rin daw ng gatas para tumaba.

Ilang araw na paiba-iba ang pangalan ng tuta sapagkat wala akong magandang maisip na pangalan. Minsan Spotty, minsan Baxter, minsan Baki hanggang sa nauwi sa Bobi. Pati ispeling ng pangalan ay pinag-isipan ko talaga. Hindi B-o-b-b-y, at lalong hindi B-a-b-i. Parang pangalan ng babae na parang hindi. Aminado ako na noong una ay gusto kong isunod ang pangalan nito sa pangalan ng tao na kinasusuklaman ko para kahit papaano ay makaganti ako. Ang kaso, babae ang tuta at mukhang malambing. Sa isip-isip ko, hindi bagay ang pangalan at isa pa lalo lamang akong magngingitngit kapag nilambing ko ang aso. Para ko na ring nilalambing ang kaaway ko.

Naaliw talaga ang Inay ko kay Bobi. Para niya itong bunsong anak na pinaliliguan makalipas ang dalawang araw nitong paglilimayon sa apat na sulok ng aming bahay. Idagdag pa syempre na bagong laba ang gagamitin nitong tuwalya mula sa pinaglumaang damit ng Tiyo ko na dati niyang asawa.

Sa simula ay mahirap pakainin si Bobi sapagkat hindi niya gusto ang dog food na binili ko sa kanya. Nangamba nga ako na obligado ko yatang gastusan ang aso kasi baka naamoy nito na mumurahing klase ng pagkain ang binili ko hindi kagaya ng mga iniaanunsyo sa telebisyon na kinakain ng mga mayayamang aso. Pero sa bandang huli, napatunayan ko na kahit ano pala ay kinakain nito. Kagaya ko lang ito na ayaw na paulit-ulit ang pagkain. Kumbaga, kapag kinain na sa umaga dapat ay hindi na uulitin sa tanghali o sa gabi. Kaya malimit eh nag-iiskarsyon ako sa mga tindahan ng ulam sa kabilang riles ng aming tinitirhang bahay. At take note, paborito niya ang bopis at chopsuey na talaga namang ikinamangha at ikinatakot ko kasi bihira akong makakita ng aso na kumakain ng gulay. Isa pa natatandaan ko kasi ang sinabi sa akin noong bata pa ako, na kapag kumain daw ng damo ang isang tuta eh malapit na itong mamatay. Ngayon ko lamang tuloy nalaman na nagoyo ako kung sino man ang nagpauso ng paniniwalang iyon.

Noong mga unang araw, sa loob lamang ng bahay naglalagi si Bobi sapagkat binebeybi siya ng Inay. Ngunit nang maging malimit ang pagdumi nito sa loob ng bahay ay agad na rin bumili ang Inay ng mumurahing kadena at itinali ito sa may veranda (Naks, parang mayaman! paltan ko na lang ang "veranda" kapag naisip ko na ang tamang terminolohiya sa bulok na harapan ng aming inuupahang bahay.) Kapag walang tao sa bahay, ipinapasok siya sa loob at doon hinahayaang maggala o kaya nama'y mamahinga sa kaisa-isang naming sofa. (O 'di ba sosyal?)

Dahil sanay na si Bobi sa veranda (hindi ko pa rin naiisip!), malimit ay doon na lang siya naglalagi. Doon pinapakain at doon na rin natutulog. Hindi na siya pinapapasok sa bahay maliban na lamang kung bagong paligo o gustong makipagharutan ng sino man sa amin.

Marami kami noong balak para kay Bobi. Binalak ko na kasangkapanin siya sa pagpapayat ko. Sabi ko, ipapasyal ko siya tuwing umaga sa Sampaloc Lake pero ang totoo eh para makapag-ehersisyo ako at kahit papaano'y makapagpahili katulad ng iba na mayroon akong imported na aso. (Kolonyal nga talaga siguro ang maraming pinoy, ano? Bibihira kasing askal ang nakikita kong ipinapasyal ng kanilang amo.) Ang kapatid ko namang si Randy, balak na turuan si Bobi ng mga dog tricks kapag tumanda-tanda na ito.

Makalipas ang halos dalawang buwan, isang umagang malakas ang ulan, nawala si Bobi kasama ng kanyang mumurahing kadena. Sa aming hinala, tinalon ng magnanakaw ang bakod ng aming harapan at kinuha si Bobi habang nakatali ito sa rehas ng aming bintana. Sa sapantaha naman ng ilan, ninakaw ang aso noong kasagsagan ng ulan ng hatinggabi. Hindi naman ito kaduda-duda sapagkat mabait at maamong alaga ang mga dalmatian at hindi ito kagaya ng ibang lahi ng aso na kumikilala ng kanilang amo o kakahol kapag may ibang tao o nakaamoy ng panganib.

Para akong nawalan ng kapatid sa pagkawala ni Bobi. Ang Inay naman, parang inagawan ng anak.

Naibigay ko tuloy ng biglaan sa aking tiyahing may alaga ring aso ang mamahaling kadena na binili ko para kay Bobi na gagamitin ko sana sa aming pamamasyal.


Monday, May 19, 2008

Dalawang Tula

Kakaiba ang anyaya ng patak ng ulan sa aming bubungan. Inobliga akong kumatha ng tula. Hinayaan kong anurin ang aking gunita ng nag-uumapaw na talinhaga. Sampu lamang minuto ang aking ginugol at nakalikha na agad ako ng dalawang obra.

Poetiko

Sumasayad ang dulo ng panulat
sa pagitan ng guhit ng papel.
Tila may isip na iniaarko
ang bawat titik
…ng bawat kataga
…ng bawat pithaya.
Nilalagyan ng imahe maging ang masalimuot
na bunga ng abstraktong guniguni
at makapangyarihang lumilikha
ng berso ng tanaga at ambahan.
Sa kaibuturan ng nag-uumapaw na tayutay at talinhaga,
bilanggo ang damdamin ng poetiko.
Pipit sa isang kuyom na palad ng paslit
at makalawang na rehas
sa kapus-palad na pinagkaitan ng pag-asa.
Bahagi na yata talaga ng pagiging makata
ang pakikibaka sa pangungulila
at isatitik ang dalamhati
sa pagkatha ng tula.


Ganti

Sagana sa karanasan ang aking kamusmusan.
Hindi iilang premyo ang naging gantimpala ko
mula sa mabigat na kamay
sa panahong walang paglagyan
ang kakulitan at kalikutan.

Bumakat sa pisngi.
Lumatay sa balat.
Bumugbog sa laman.
At nag-iiwan ng isanlibo’t isang marka
ng karahasan sa murang isipan.

Gumanti ako.
Hindi sa pananampalasan
o pagiging alibugha
sapagkat batid ko ang tunay
na pagdurusa ng nagpaparusa.

Sa mga gabing tulog maging ang buwan,
at payapang nakahimlay
ang pagal at dikit-dikit na katawan,
Nilulunod ng naghuhumindig kong kaakuhan ang higaan.

Baguntao na ako
nang mapagtagumpayan ko ang paghihiganti
ng walang nakakaalam.

Friday, April 18, 2008

Celebrity Morph by MyHeritage

Grabe ang pagkainip ko ngayong bakasyon at pinapasok na yata ng hangin ang ulo ko. Dala ng sobrang pagkabagot, sari-sari ang pinagkakaabalahan ko para lamang may magawa. Kanina lamang ay pinangahasan kong subukan ko ang isang natatanging website tungkol sa face recognition. Sadyang nakakaaliw ang site kasi hinahanapan ng mga kamukhang artista at sikat na personalidad ang mga pangkaraniwang tao sa pamamagitan ng pagba-browse at pag-i-scan sa kanyang litrato.

Ngayon, wala ng dahilan ang aking ina upang hindi maniwala na magandang lalaki ang kanyang anak. Isipin mo na lang, dahil sa makabagong teknolohiyang ito biglang naging kamukha ko ang isa itinuturing na "Sexiest Man Alive" ng Hollywood samantalang kahit sa bangungot ay hindi man lamang sumagi ang ganito.

Masdan ang aking transformation at huwag kukurap. Mamangha kayo sa patunay! He.he.he.


MyHeritage: Family trees - Genealogy - Celebs

Wednesday, April 9, 2008

The Color Quiz

Dala nang pagkainip, pinatulan ko ang anyaya ng aming Gilas instuctor na si Jerome Blanco na bisitahin ang online personality quiz ng isang website. Bakit naman ako hindi maeengganyo, eh daig pa ng aming Sir ang mga mahuhusay mang-utong counter persons ng Jollibee sa kanilang pangungumbinsi sa mga kostumer na magdagdag sa kanilang order ng mga produktong hindi masyadong bumebenta. Isipin mo na lang ang mga katagang ito mula sa kanya: "Its amazingly accurate!" O di ba? Dapat siguro ay binabayaran ng kung sino mang gumawa ng website ang aming Sir dahil sa dami ng kanyang makukumbinsi.
In fairness, medyo nga may katotohanan nga yata ang mga teorya ng gumawa ng limang minutong test na ito. Ilan kasi sa mga resulta ay tugma talaga sa aking rousing personality. Kaya naisipan kong isama ito sa aking blog para naman makilala ako ng mga mambabasa ko (Naks! Parang andaming avid reader). Pero 'wag pakaseryosohin lalo na ang resulta tungkol sa aking mga Restrained Characteristics at Desired Objectives ha. Para tuloy totoo 'yung banta ni Sir sa kanyang invitation na medyo scary ang site. Pereho siguro ang assessments at findings sa aming dalawa ni Dr. Max Luscher, ang doktor na nakaimbento ng psychological test na ito. He.he.he.

Now, savor at least 69% of my character traits.
('Yan ha, pinangatawanan ko na 'yung test for the sake of fun!)

My Existing Situation
Imaginative and sensitive; seeking an outlet for these qualities--especially in the company of someone equally sensitive. Interest and enthusiasm are readily aroused by the unusual or the adventurous.

My Stress Sources
An existing situation or relationship is unsatisfactory, but he feels unable to improve it without willing cooperation. Unwilling to expose his vulnerability and therefore considers it inadvisable to display affection or to be over-demonstrative. He regards the relationship as a depressing tie but, although he wants to be independent and unhampered, he does not want to risk losing anything. All this leads him to react touchily and with impatience, while the urge to 'get away from it all' results in considerable restlessness. The ability to concentrate may suffer.

My Restrained Characteristics
Willing to become emotionally involved and able to achieve satisfaction through sexual activity. Feels that he cannot do much about his existing problems and difficulties and that he must make the best of things as they are. Able to achieve satisfaction from sexual activity.

My Desired Objective
Preoccupied with things of an intensely exciting nature, whether erotically stimulating or otherwise. Wants to be regarded as an exciting and interesting personality with an altogether charming and impressive influence on others. Uses tactics skillfully so as to avoid endangering his chances of success or undermining others' confidence in himself.

My Actual Problem
Fights against restriction or limitation, and insists on developing freely as a result of his own efforts.

My Actual Problem #2
Anxiety and restless dissatisfaction, either with circumstances or with unfulfilled emotional requirements, have produced stress. He tries to escape by intense activity, directed either towards personal success or towards variety of experience.

Thursday, April 3, 2008

PABLIK

Hindi ko alam kung consuelo de bobo o pampalakas ng loob pero sa maraming pagkakataon ay pinaniniwala ko ang aking sarili na ang napili kong propesyon ang pinakadakila at pinakamarangal na trabaho na naimbento ng tao. Ngunit sa mga oras na isinisiksik ko ang ganitong paniniwala sa aking kukote, ay malaking bahagi nito ang namamanhid at ayaw gumana sapagkat maaring hindi kumbinsido.

Alam kong hindi ako yayaman sa pagtuturo. Batid ko na ang katotohanang ito bago pa man ako kumuha ng kursong Edukasyon. Tanda ko na malimit sabihin sa aming mga estudyante ng aming Dekana sa kolehiyo na kung ang pangunahin raw naming dahilan para magturo ay upang magkamal ng salapi kagaya ng ilang propesyon, umpisa pa lamang daw ay sumuko na kami dahil napakalayo raw nito sa katotohanan. Wala raw kasi ni isang guro sa istorya na naitala sa kasaysayan ng pagtuturo ang naging milyonaryo dahil lamang sa kanyang kinikita.

Kung tutuusin, aksidente lamang naman talaga ang pagiging guro ko. Pinili ko lamang ang kursong Edukasyon nang sunggaban ko ang plano ng aking tiyahin na papag-aralin ako ng kolehiyo matapos ang tatlong taong pagtatrabaho pagkagradweyt ko ng hayskul. Kung ako lang kasi talaga ang masusunod at sa sariling bulsa ko manggagaling ang pangmatrikula sa pag-aaral, sigurado na kukuha ako ng mga kursong may kinalaman sa pagsusulat o sa komunikasyon. Hilig ko na kasi sapul pagkabata ang pagkatha ng iba't ibang sulatin at pagmamasid sa paligid. Idagdag pa na ipinanganak akong sadyang may angking kakapalan ng mukha na walang takot humarap sa maraming tao kayat buo ang aking paniniwala noon na mabilis akong magtatagumpay kung ang mga gusto kong kurso ang aking pag-aaralan sa kolehiyo. Ngunit sa kasamaang palad, hindi pa napapag-isipan ng mga dalubhasaan sa San Pablo noon na isama ang mga kursong Journalism at Mass Communication sa listahan ng mga propesyon na pupwedeng piliin ng sinumang estudyante na nais mag-aral ng tersyarya. Kayat pikit mata kong kinuha ang karerang Edukasyon sa paniniwalang magagamit kong lahat ang aking talino at talento sa kursong ito. Isa pa, sobrang kahihiyan na pati siguro kung kukumbinsihin ko pa ang nagpaaral sa aking tiyahin kung sa Maynila pa ako mag-aaral samantalang ang kaniyang mga anak ay sa mga paaralan lamang dito sa probinsya nagsumiksik.

Tanda ko na sa simula pa lamang ay kalbaryo na agad ang dinanas ko sa pagtuturo sa pampublikong paaralan. Dalawampu't apat kaming mga bagong guro na pinilit bigyan ng aytem ng lokal na pamahalaan sapagkat salat sa mga guro ang dibisyon. Malawakan kasi noong inimplimento ang Basic Education Curriculum sa buong bansa kung saan umunti ang oras ng bawat asignatura kaya't ang resulta, nagkulang ang mga guro sa mga paaralan dahilan kung bakit "sinuwerte" kaming ma-empleyo. Sabi ng iba, magandang senyales daw iyon sapagkat agad kaming magkakaroon ng national item. Madalang pa raw kasi sa patak ng ulan sa mga lugar na tagtuyot ang pagbuhos ng ganoong karaming bakanteng posisyon kaya "napakapalad" raw namin. Hindi ko alam kung bakit magandang kapalaran ngang maituturing ang ganoong karanasan. Sa pagkakaalala ko, baon na kami sa utang eh hindi pa namin nasasahod ang ilang buwan naming pinagtrabahuhan. At dahil inampon nga lamang kami ng pamahalaang lokal, sabihin pa na ang munisipyo mismo ang nagpapasahod sa amin hindi katulad ng mga gurong mayron ng seguridad na hindi na sakop ng kapitolyo kahit pa sabihing empleyado pa rin ng gobyerno.

Nakalulungkot isipin na sa loob ng mahigit na apat na taon naming panunungkulan bilang mga locally funded teachers ay dumanas kami ng napakaraming hirap. Kung maituturing ang mga iyon na baptism of fire para sa mga bagong titser, salamat at hindi kami natusta, nasunog at naabo sa apoy ng kamalasan. Isipin n'yo na lang ang buwang-buwang pamamalimos ng pirma sa mga kinauukulang dapat lumagda sa payroll. Magkulang lang ng isa at tiyak na ang sweldo naming inaasam na pambayad ng mga utang ay mapupurnada. Idagdag pa na kinakailangan namin na kahit papaano'y "maglagay" sa sinumang pinagpalang guro na naatasang gumagawa ng "ginintuang payroll" kahit pa sabihing kapalit ng kabawasan ng kanyang teaching load ang pagtupad dito. At ang masama pa, dahil lokal na pamahalaan ang nagpapasahod, mandatoryo na makipagbalyahan ang bawat isa sa amin sa mga ibang kawani ng pamahalaan tulad ng mga basurero at casual employees sa oras ng bigayan ng sweldo sa opisina ng kahera tuwing kubrahan ng sahod. At dahil inampon nga lamang kami ng ng kapitolyo, sabihin pa na may mga natatanggap na benepisyo ang mga may seguridad ng guro na hindi namin natatanggap.

Nang may dumating na national item ang dibisyon, hindi ko na ipagkakaila na isa ako sa agad na natuwa sapagkat buo ang kumpiyansa ko sa sarili na kabilang ako sa unang mabibiyayaan. Nag-rank 1 kasi ako sa listahan ng aming kagawaran na ang pinagbasehan ay ang mga pertinent papers. Idagdag pa na mataas rin naman ang nakuha kong performance rating mula sa aking prinsipal. Isa pa, nangangailangan talaga ng guro sa Filipino ang paaralang pinagdalahan sa akin kaya walang dahilan para hindi ako makakakuha ng aytem. Ngunit sa kasamaang palad, nasilat ang aytem at napunta sa iba sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Talagang ipinagsintimyeto ko nang husto ang pangyayaring iyon ngunit kailanman ay hindi ako gumawa ng marahas na hakbang sa pangambang lalo akong mawawalan ng posisyon katulad ng ilang mga napabalitang aplikante na matapang na ipinaglaban ang kanilang aytem sa punto ng legalidad. Ilang buwan pa ang aking ipinagtiis at ilang mga nasa posisyon sa Division Office koang muntik ko pang makaaway o dalhin ang ang pangalan sa region para isumbong. Malimit ko ngang biruin ang aking mga kasamahan sa pagtuturo na muntik pang mauna ang aking international item bago ang national na agad din naman nilang sinasang-ayunan sapagkat "gamit na gamit" na nga raw naman ako ng paaralan at ng buong dibisyon eh hindi pa pala lehitimo ang pagiging guro ko.

Nang maluwalhati kong napagdaanan ang pagiging ampon ng pamahalaang lokal, akala ko ay doon na magtatapos ang aking mga kalbaryo sapagkat sa wakas ay miyembro na ako ng matatag na samahan ng mga legal na guro na hindi na kinakailangang mangamba sa seguridad ng kanilang aytem. Kumbaga, wala nang dahilan para paulit-ulit pa akong mag-aplay taun-taon o kaya nama'y mag-substitute sa pagtuturo sa sinumang guro na manganganak, magkakasakit o kaya'y tatakas na sa kagawaran papuntang ibang bansa. Hindi katulad ng dinaranas ng mga "Para Teachers" ngayon na nakukompormisong magtyaga sa maliit na sahod kapalit ng mailap na pag-asang mapagkakalooban sila ng ginintuan ngunit mailap na "security of tenure". Ngunit hindi lang pala ang pagkakaroon ng pinagpalang seguridad ang pinaka-esensiya o pinakakabuluhan ng pagtuturo sa pablik.

Sa halos pitong taon kong pamamalagi sa pampublikong paaralan kung saan ako nagtuturo hanggang ngayon, sumabay ako sa agos ng kalakalan. Niyakap ko nang lubusan kung ano man ang nakadulog sa aking harapan sa paniniwalang mas mabuting magtyaga sa halip na maging miserable. Wala naman kasing akong pagpipilian. Kung mayron man, ito ay ang pag-alis sa institusyon at paghahanap ko ng ibang trabaho katulad ng ibang guro na napilitang mandayuhan sa ibang lugar o kaya nama’y napuwersang mamasukan sa ibang institusyon kahit walang kaugnayan sa kursong tinapos nila ang kanilang napiling trabaho. Ngunit wala sa aking hinagap ang alin man sa mga nabanggit. Ang sa akin lang, ay bakit kailangang dumanas ng pagpapakababa ang mga guro gayong propesyunal? Kinakailangan ba talaga ang labis na pagpapakasakit tulad ni Kristo para masabing lubos ang kabuluhan ng pagtuturo?

Kung tutuusin, masarap sanang magtrabaho sa pablik. May professional growth ang mga guro dahil sa dami ng mga libreng seminar. Hindi katulad sa mga pribadong paaralan, na kung gusto mong madagdagan ang iyong kaalaman, ay kailangan pang magbayad para rito. Iyon nga lang, kung pinalad kang idapala sa mga pagtitipong may kaugnayan sa pagpapalawak ng kaalaman, buong giting mo dapat itong seryosohin sapagkat nangangahulugan ito ng karagdagang trabaho ngunit hindi karagdagang sweldo para sa iyo. Isipin mo na lang na ilang guro ang makikinig at mang-ookray sa iyo ng ilang araw kapag inobliga ka ng dibisyon para ibahagi ang iyong natutunan sa seminar sa pamamagitan ng ilang araw na re-echo. Tiyak na kapag walang naintindihan o di kaya nama'y pinasurasahan mo lamang ang mga kapwa guro mong nagsidalo sa pamamagitan ng pagbibigay na karagdagang gawain katulad na malimit mangyari sa mga dumadalong titser sa seminar, siguradong isusumpa ka ng buong kaguruan at kukwestyunin ang iyong natatanging kredibilidad kung bakit ikaw pa ang "mapalad na napili" na dumalo sa seminar at hindi sila. Malimit kasing pinagtatalunan ang pagpapadala ng paaralan ng mga guro sa seminar dahil katumbas ng mga sertipiko ng mga pagtitipong ito ang pagpapataas ng ranggo ng posisyon at ang pagdadagdag ng kaunting umento sa dati nang kakarampot na sweldo pagdating ng araw.

Speaking of sweldo, isa ito sa pinamalaking hinanakit ng mga guro sa buong kapuluan sa gobyernong Pilipino. Kaya't hindi na bago na malaman na may mga titser na sumasama sa pag-aaklas at magpiket sa mga kalsada na humihingi ng dagdag na umento sa kanilang mga sahod o kaya nagsa-side-line sa pagtitinda ng kung anu-ano sa loob ng paaralan kahit pa sabihing kasalanang mortal ito sa kagawaran ng edukasyon sapagkat nagpapababa raw ng imahe ng isang guro. Ewan kung hindi pa ba maituturing na pagpapakababa ng dignidad ang mahabang listahan ng mga gurong laging nakapila kung saan may mauutangan o kung hindi man ay ang dumaraming bilang ng mga titser na nagbebenta ng kung anu-ano sa loob ng paaralan para lamang makaraos sa hirap ng buhay.
 
Maaaring  hindi nga kasing-aba ang buhay ng mga guro kumpara sa ibang propesyunal kung ang pagbabasehan ay kinikita, ngunit isang malaking katotohanan rin na hindi nito kayang agpangan ang pangangailangan ng bawat isang titser para mabuhay nang panatag sa isang materyalistikong mundo ng walang pangamba at pag-aalinlangan. Nakalulunos isipin ang sinabi sa akin ng isa kong kaibigang nagtatrabaho sa isang credit card company na ang mga guro raw ang nangunguna sa listahan ng mga propesyunal na delingkwenteng magbayad ng kanilang utang. Kayat bihira na raw payagan ang sinumang titser na pagkalooban ng credit card sa ngayon. Sampal ito burukrasya na patuloy na naniniwalang walang bahid ng kabalasubasan ang "dakilang propesyong " ito.

Sa totoo lang, mabibilang na yata sa daliri ang mga titser na walang bahid ng kautangan. Paano mo nga ba naman kasi pagkakasyahin ang mahigit sa sasampung libong sweldo sa loob ng isang buwan kung hindi ka mangungutang? Kahit pa siguro anong pagtitipid ang gawin ng isang guro ay mahihirapan siyang lagpasan ito lalo na sa hirap ng panahon ngayon na ang tanging libre na lamang ay ang mangarap. Isipin mo na lang ang araw-araw na gastusin sa bahay - mahal na pagkain, mataas na bayad sa tubig at kuryente, damit at iba pa. Idagdag pa ang gastusin sa pagpapaaral ng mga anak - matrikula, pambaon sa araw-araw, pamasahe, proyekto sa paaralan at iba pa. Paano kung isasama pa ang mga hindi inaasahang gastusin tulad ng mga biglaang pagkakasakit at marami pang iba? Kunswelo na nga lang ng maraming guro ang sinasabi na ilan na pampalubag-loob na sadyang mahal raw ng Panginoon ang mga guro dahil sa pagiging matiisin ng mga ito kaya hindi Niya ito pababayaan. At dahil din siguro sa paniniwalang ito, kaya marami ang patuloy na nagtitiis. Bahagi na kasi ng sistema ng bawat isang alagad ng karunungan ang magpaka-masokista sa paniniwalang wala sa ideolohiya ng pagtuturo ang ang pagkakasangkot sa mga isyu na may kaugnayan sa pananalapi. Hindi raw dahilan ang pera, para hindi makatupad ang guro sa kanyang tungkulin bilang ehemplo at tagapagpalaganap ng karunungan at mabuting asal. Napakaganda sana kung tutuusin ang ganitong paniniwala ngunit maliwanag itong kabalintunaan sa tunay na nangyayari kapag kumakalam na ang sikmura at nagpapatung-patong na ang mga suliranin ng isang guro.

Sa huli, bagamat alam na namin ang lahat ng katotohanang ito, patuloy pa rin kaming nagsisilbi nang buong puso sa paniniwalang pinakamarangal pa rin na propesyon ang napili namin sa kabila ng lahat. Sana nga...

Wednesday, April 2, 2008

Senglot

Sinasakmal na naman ako ng lagim ng gabi
at pinasisikdo ang pintig ng aking dibdib.
Habang tinititigan ko ang hindi maipintang
hugis ng buwan sa mapanglaw at malabong kalangitan,
nanggigitata sa aking isipan ang makulay na nakaraang
pinipilit takasan. Tigib ang mata ng mga butil ng tubig
habang bumabaha ang alalahanin at kawalan ng pag-asa.
Nakikipagtagisan at nakikipagtigasan
ang pagal na katawan sa rinding isipan;
lumalaban kahit walang laban
sa esensya ng kalungkutan.
Muli, hinayaan kong maghari sa templo ng kaluluwa
ang kamandag ng espirito ng markang demonyo.
Ilang lagok ang aking pinakawalan...
bago ako nawala nang tuluyan.

Sunday, March 30, 2008

Dizonians Go to Laiya

Panandali naming tinakasan ang pagtuturo. Bitbit ang suntan lotion, bathing suit at isang damukal na kwento, nagpunta ang kaguruan ng Col. Lauro Lauro Dizon Memorial National High School sa Laiya, Batangas.

Alas singko y medya ng umalis ang aming grupo. Apat na jeep na puno ng mga isinumpang guro ang unang tumulak papuntang Batangas. Sumunod naman noong alas syete ang isang grupo na tamad gumising sakay ng van na pag-aari ni Mr. Hernani Ang na guro sa matematika.


Katulad ng mga nauna naming pamamasayal, walang sawang kwentuhan ang namayagpag sa bawat sasakyan. Bawat jeep ay may kanya-kanyang bangka sa tawanan. At syempre pa ang mga hindi masyadong nagpasiklab sa kwentuhan ang sila namang kumabag ang tiyan sa katatawa.

Halos ilang taon ko ring hindi napasyalan ang nasabing paliguan. Hindi ko inakalang sa aking pagbabalik ay malaki na ang pinagbago nito. Oo nga't maalikabok pa rin ang ilang kalsada, hindi na ito katulad noong una na toneladang alikabok kapag tag-araw ang iyong masasanghab at pupuwing sa iyong mata bago marating ang dagat.

Puno na rin ng mga private resorts ang paligid ng Laiya. Halos wala na itong ipinagkaiba sa Puerto Galera ng Mindoro. Iyon nga lang mas pino ang buhangin at mas maraming pasyalan at water activities ang huli. Idagdag pa na mas sosyal nang kaunti ang mga parokyano sa Galera sapagkat mas nauna nang nakagawa ng pangalan ang nasabing beach resort kaya hindi rin kataka-taka na marami na ring hotels at rest houses ang nasabing resort.

Pagkarating na pagkarating sa beach resort na naupahan ng aming grupo, dismayado ang aming Punungguro na si Mrs. Evelyn Malabag at ang Faculty Club President na si Ma'am Nelly Cuasay sapagkat ang inaasahang mga cottages na laan para sa amin ay ay napunta sa iba. (Napagkasunduan na kasi ng may-ari at ng mga namuno ng outing ang tungkol sa cottages isang linggo bago ang swimming party ng mag-ocular visit ang pamunuan). Sakit na yata talaga ng ilang nesgosyanteng Pilipino ang hindi pagkakaroon ng palabra de honor kaya naman maraming negosyo ang nagsasara. Ngunit upang hindi masira ang momentum ng aming kasiyahan, isinawalang bahala na lamang ang problema.

Hindi man gustong mangyari ng grupo na magkaroon ng faction ang mga guro, hindi ito naiwasan sapagkat ilang maliliit na cottages ang nirentahan ng namuno. Kaya nagkanya-kanya pa ring barkada ang mahigit sa animnapung guro na sumama.

Matapos na mailagay sa kanya-kanyang lugar ang mga dalang gamit, gumanap na ng tungkuling iniatang sa kanila ang bawat isa. Nagtulung-tulong sa paghahanda ng pagkain at nag-isip ng mga palaro para sa mga parlor games.

Habang abala ang ilan sa pagluluto, naisipan naming rumenta ng bangka upang makapaglayag sa gitna ng dagat. Sa halagang siyamnapumpiso bawat isa, ipinasyal kami ng bangkero sa Lamesang Bato, isang bahagi ng dagat kung saan may masisisid na mga corals at iba pang lamang dagat. Sa pagtigil ng bangka sa Lamesang Bato, game na nagtampisaw ang aming punungguro sa tubig kasama ang mga gurong sina Jana Orillaza, Shirley Montaña, Khrys Labrado at personnal secretary ng prinsipal na si Allan Dayco.

Pagkarating namin mula sa Lamesang Bato ay sinimulan na ang pagkain. Masagana naming pinagsaluhan ang lechon, inihaw na pusit, sinaing na tulingan, alamang, singkamas, manggang hilaw, pinya at chopsuey na mas mukhang lumpiyang sariwa.

Matapos ang masaganang tanghalian at ilang oras na pamamahinga, sinimulan si Sir Egay Victorio na siyang pinuno para sa parlor games ang mga palaro. Lahat ng gurong naroon ay pinabunot ng munting papel kung saan nakasulat ang letra kung saan siya magiging kabilang na grupo.

Tatlong masasayang palaro ang nilaro ng mga guro: Maria Went to Laiya, Paggawa ng Human Sand Castle at Race to Laiya's Beach. Katulad ng inaasahan, syempre nagtulung-tulong ang mga titser na magkakagrupo dahil sa premyong Php 1,500. Hindi ko alam kung consuelo de bobo o sadyang mataas lang talaga ng taste ng mga judges kaya nanalo ang dadalawang grupong naglaban. Parang Saturday Edition ng Thats Entertainment noon ni Kuya Germs na lahat ng grupo mula Monday hanggang Friday eh panalo sa production number competition. Wala nga namang sasama ang loob.

Matapos ang mga palaro humataw naman ang mga gurong panatiko ng videoke sa pagkanta. Dito naghari si Mr. Aguedo Laiño at namayagpag naman bilang mga reyna sina Gng. Rosy Audije, Gng. Lynn Yu, at Gng. Delmina Baylon. Nakatutuwang makita ang mga gurong hapit sa pag-awit na para bang nag-a-awdisyon sa Pinoy Idol. Dito ko napatunayan na marami talagang talented teachers sa school namin.

Pasado alas singko ng tumulak ang maraming guro pauwi ngunit nagpaiwan para mag-overnight kaming mga batang titser sa patnubay ng de-otong si Mr. Ang. (Syempre, mahirap yatang maglakad pauwi.)
Nang makaalis na ang aming mga kasama isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Nang makipag-usap ang aking kapwa guro sa may-ari ng beach cottages na tinuluyan namin para humingi ng diskwento sa aming magiging overnight stay ay kung anu-ano ang sinabi nito na hindi maganda sa pandinig. Ewan ko kung tamang maging asal ng isang negosyante ang mambastos ng parokyano lalo pa't mga guro ang mga ito. Kaya dala ng sama ng loob, napilitan kaming lumipat ng ibang resort kung saan namin inubos ang magdamag.

Mahigit isang dosena kaming guro na nagpakasaya noong gabing iyon. Bukod sa cottage na aming nirentahan ng mas mura at mas maganda sa una naming tinuluyan ay pinayagan pa kaming magtayo ng tent katabi ng aming pwesto na kaharap mismo ng dagat ng Laiya.

Planado ang pagpapaiwang ito ng mga batang guro kaya baha rin ang pagkain na inihanda ni Girlie Deomano at ng Ang's Angels. Bukod pa sa mga iniwang pagkain ng faculty. Kunswelo rin ang mga iniwang tsibog ng faculty at red at white wine na bigay naman nina Mrs. Rhodora Loteria at Aylene Reyes.

Grabe ang naging pictorial na aming grupo sa akto ko bilang potograpo. Kung anu-anong pose at kung saan-saang lugar kami nag-photo shoot. Game na nagpakuha sa tabi ng dagat, gilid ng bangka, loob ng tent, at facade ng iba't ibang magagandang resort ang grupo. Idagdag pa ang solo pictorials ng bawat isa na para bang mga kadidata ng Bb. Pilipinas o Ms. Gay Philippines sa kanilang swimwear portion.

Sa tindahang katabi ng aming cottage na nirentahan ay inubos ng ilang gurong malakas ang loob bumirit ang kanilang barya sa paghuhulog sa makinang nagluluwa ng sari-saring kanta. Dito, iniwan nila ang kahihiyan at kumanta ng ano mang makahiligan. Nagpasiklaban sa pag-awit ang mga diva at feeling divang teachers na sina Lea Capule, Jana Orillaza, Mayvelyn Tolentino, Liza Gesmundo, Aylene Reyes, Lynn Yu, Sarah Sario at Claire Rivera habang walang sawang nakikinig at pumapalakpak ang ultimate hunk at artistang si John Apacible na naroon din sa resort na iyon. Sa pagitan ng bakbakan ng boses ang solo pictorial ng bawat isa kasama ang nasabing artista maliban kay Janice Nuevo at Girlie Deomano na mas pinili pang magbulok ng mata.

Sikat na ang araw ng umalis ang aming grupo. Dahil walang tulog ang marami sa amin, asahan pa na ang may-ari lamang ng sasakyan ang gising habang binabagtas ang daan pauwi.