Republic of the Philippines
Region IV-A CALABARZON
DIVISION OF SAN PABLO CITY
San Pablo City, Laguna
BALAGTASAN
Paksa:
Nakatutulong
ba ang Makabagong Teknolohiya sa Pagtataas ng Kalidad ng Edukasyon?
Mula sa panulat ni DENNIS B. LACSAM
MISHAEL F. PONTANOZA – bilang Lakandiwa
NORIELYN LAT – magtatanggol sa
Sang-ayon
ANNIE D. ATIENZA – magtatanggol
sa Di Sang-ayon
Lakandiwa:
Sa mga naririto na mutyang panauhin
Sa mga katunggali at kaibigang giliw
Pinagpalang araw po itong pagbati namin
Sana ay masiyahan sa tulaang gagawin.
Ako’y ‘sang lakandiwang ngayon ay naatasan
Manimbang ng katwiran nitong magtatagisan
Ng galing sa pagtula at sa pangangatwiran
Sa paksang napili na dapat pagtalunan.
Ano nga ba ang higit at sadyang mahalaga
Sa ating pag-aaral sa loob ng eskwela?
Makabagong paraan o ‘yung makaluma pa
Digital literacy, sang-ayon o
hindi ka?
Atin na pong tawagin dito sa entablado
Ang dal’wang maririlag, makatang magtatalo
Parehas pong magaling at magpapatotoo
Atin pong salubungin, palakpakang todo
Ang dal’wang maririlag, makatang magtatalo
Parehas pong magaling at magpapatotoo
Atin pong salubungin, palakpakang todo
Norielyn: (Pagpapakilala)
Ako’y si Norielyn Lat ngayo’y nagpapakilala
Handa nang tumula, panig ay ibandera.
Annie: (Pagpapakilala)
Sa inyo’y nagpupugay ngala’y Annie Atienza
Magtatanggol sa panig at nagpapakilala
Lakandiwa
At upang magkahugis napili ngayong paksa
Sa ‘ti’y maninindigan itong dal’wang makata
Na bantog hindi lamang sa kanilang pagtula
Maging sa katapangan at ganda ng adhika.
Ngayong nagampanan na ang una kong
tungkulin
Handa na ba kayo sa inyong gagawin?
Norielyn at Annie:
Handa na po kami.
Lakandiwa:
Kung gayo’y, halina’t simulan na natin
Ang pagtatagisan ng talinong angkin!
Ngayong uumpisahan ang ating Balagtasan
Ay napakahalaga’t marapat n’yong malaman
Na ang ating tulaan ay isang tunggalian
‘Di ng nararamdaman kung hindi ng isipan.
Sa pagpipingkian n’yo ng hinandang talino
Ay hindi maiwasang masugatan ang “ego”
Palaging unawain na ito’y hindi gulo
Balagtasa’y tapatan ng mapayapang ulo.
Kapag magsasalpukan nitong mga taludtod
At hindii maiwasang masaling ang ‘yong loob
Ang aking tagubilin ay iwasang mapoot
At maging mahinahon sa inyong paghahamok.
Ngayo’y unang titindig upang mangatwiran
Magandang binibini Nory ang kanyang ngalan.
Ipagtatanggol kusa sa kaniyang kalaban
Na sa ‘ting paaralan, digital ang kaylangan
Kaya upang magsilbing inspirasyon naman
Salubungin natin s’ya ng isang palakpakan.
Norilyn: (Unang Tindig)
Maraming salamat po mabunying lakandiwa
At sa lahat ng narito, ‘sang pagbating may
tuwa
Ngayo’y maninindigan at ‘di magpaparaya
Magtatanggol sa panig ng napili kong paksa.
Sa panahong moderno teknolohiya’y uso
‘Pag hindi mo ginamit sinauna kang tao
‘Di uunlad ang isip pupurol ang ‘yong ulo
‘Yan ba ang nais natin upang tayo’y matuto?
Sa daming pagbabago sa mga eskwelahan
Magpatalo’t magpahuli’y hindi dapat dahilan
Sapagkat ito’y ugat ng mga kamangmangan
Na pupwedeng mauwi sa ‘sang kapahamakan.
‘Pag ‘di natin binago mga nakasanayan
‘Di magawang mag-up-grade ng mga nalalaman
Tiyak na pupulutin tayo sa kangkungan
Sapagkat mababaog ang ating karunungan.
Kayat sa ganang akin, digital ay isulong
Upang ang pag-aaral ay hindi papaurong
Lalo na sa panahong maraming sinusuong
Ang makupad ay talo’t iwanang bumubulong.
Lakandiwa:
Magaling ang tinura’t ginawang unang ulos
Ng ating binibining ‘di yata mapapaos
Bagamat mahinahon at bigkas ay malamyos
Ramdam mong matapang sapagkat nagpupuyos.
Ngayo’y titindig naman dalagang kasalpukan
Ng tulang may haraya at may paninindigan
Ipagtatanggol niya at pangangatwiranang
Itong teknolohiya’y ‘di sagot kaylan pa
man.
Atin nang papurihan mutyang maninindigan
Annie, kanyang pangalan halina’t palakpakan
Annie: (Unang Tindig)
Marami pong salamat sa mga palakpakan
Pati sa lakandiwang puno ng Balagtasan
Ako po ay tumayo nang makapangatwiran
Sa paksang atin ngayon ay pinagtatalunan.
Batid siguro natin na sa mahabang taon
Edukasyo’y umusbong ng hindi
nakakahon
Kuryente’t baterya ay hindi naging tugon
Para lang itong leksyon sa bata’y maiayon.
Ang paaralan nating pintungan ng talino
Na nagmula sa guro na matalinong tao
Na siyang lumilikha ng teknolohiya mo
Ano pang dahilan at kaylangang magbago?
Ang mga kaalamang dati nang nalalaman
Ngayon ay ikinahon at pinagalaw lamang
Ngunit ang kaisipang tinataglay naman
Ay luma’t dati na pagkat nirepaso lang.
Kaya ang aking hiling, digital ‘wag asahan
Upang kaisipan ay lumago nang tuluyan
Ang ating katamaran ay ‘wag gawing sandigan
Matinong edukasyon ang kaylangan ng bayan.
Lakandiwa:
Sadyang ‘di patatalo dalagang minumutya
Sa kalabang kanina ay pa-ismid na tumula
Sa matalas na bigkas ng tulang may haraya
Bakas ang katapanga’t walang kahiya-hiya.
Mainit itong dal’wa kayat ako ay tatabi
Maggirian na lamang hanggat may masasabi
At kayong madlang people na ngayo’y sumasaksi
Gamitin mga kamay upang ganahan kami.
Norielyn: (Ikalawang Tindig)
Ito pong si Anitang katunggaling dalaga
Luma na ang itsura isipa’y walang kwenta
Hindi kataka-takang utak ay ‘sinasara
Sa mga pagbabago na para rin sa kanya.
Dalagang katunggali sa aki’y makinig ka
Sapagkat ang nais ko sana’y matauhan ka
Nababatid mo pa ba na sa loob ng eskwela
Leksyon ay iba-iba’t may pamamahayag pa.
Ngayon ba’y gagamit pa ng lumang makinilya?
Pudpod na ang daliri ‘pag mali’y uulit pa
Kaya naman itong balitang ipapasa
Kung hindi man bilasa ay wala na sa moda.
Balita’y panitikang laging nagdudumali
Maghatid ng mensahe na walang pasubali
Sa mambabasang uhaw sa mga nangyayari
Na ayaw maungusan at ayaw magpahuli.
Kung ang teknolohiya ay hindi gagamitin
Itong pamamahayag ay sinusupil natin
Na tuluyang lumago’t manatiling inutil
Dahil sa pag-iisip na medyo mapaniil.
Kawawang paraluman ng lumang pahayagan
Wala ng ibubuga’y nakikipagtalbugan
Sa makabagong Facebook, lubha kang maiiwan
At pati na sa Twitter sadyang pangmabilisan
Kung mananatili kang sa luma’y dedepende
At pakaaabangang malimbag ang detalye
Baka ang balita mong tungkol sa duwende
‘Pag nabasa ng tao’y ukol na sa higante.
Binibining maitim matuto kang gumising
Magmulat ka ng mata at umiwas sa dilim
Tanawin ang liwanag ng ating journalism
Ngayon ay nasa kamay at hawak-hawak natin!
Annie: (Ikalawang Tindig)
Ako’y pinatatawa ng unanong lukresya
Na nanggagalaiti sa paksa kanina pa
Pinangangalandakang ang bago ay maganda
Paghihitsura naman ay muchachang pindangga!
Pinanghihimasukan ang leksyon sa eskwela
Na paglipas ng taon ay nagpaiba-iba
Pati pamamahayag kanyang idinamay pa
Ang lahat na’y nakita gayong pikloy ang
mata.
Marahil nga kung minsan balita ay mabagal
Sigurado ka namang ‘di kasinungalingan
Sapagkat matutukoy na pinanggagalinga’y
Peryodistang marangal at hindi kung sino
lang
Ang
computer na high tech, mabilis at
bago nga
Makinilyang hinamak sadyang walang panama
Ngunit kapag ang virus ay umatakeng bigla
Balita’y ‘tiyak wala, babasa ay kawawa.
Ang ‘yong pagmamataas ‘pag ‘nilagay sa utak
Nakatitiyak ako na ikaw ay babagsak
Sapagkat ang tulad mong, utang na loob ay
salat
Kung hindi man pumalya ay tiyak lalagapak!
‘Pinagmamalaki mo itong Facebook at Twitter
Na siyang sinisisi kung ba’t sa ispeling ay
under
‘Tong mga kabataan na laging walang answer
Sa eksamen ay hulog, sa twina ay repeater.
Iyong pakatandaan, maputlang paraluman
Na ang mamamahayag ay may pananagutan
Sa kanyang mambabasa na pinag-aalayan
Ng balitang nakalap at mga panitikan.
Kaya sa’yo ang payo ko manahimik sandali
Itikom ang ‘yong bibig at linisin ang budhi
Sa halip mangatwira’y bumalik sa dating
gawi
Upang pamamahayag sa bansa ay maghari.
Lakandiwa:
Painit nang painit itong balitaktakan
Dalawang nagtatalo panay ang pagalingan
Maamong mga tupa sa simula ng laban
Ngayon ay mga tigreng mananakmal na lamang.
Kayat upang lalo pang tayo’y maliwanagan
At nang tumigil na rin ang mga iringan
Ngayo’y tatapusin na ng dalawang naglalaban
Ang salpukan ng tula na may paninindigan.
Norielyn: (Ikatlong Tindig)
Pasikat kong kalaban ako’y pinatitigil
Ipagtanggol ang panig pagkat takot marahil
Ano pa kaya kapag, bao’y isa-isahin
Tiyak na magtatago’t ‘di alam ang gagawin.
Ang mga katulad mo na sa isip ay salat
Ang tunay na dahilan kung ba’t tayo’y
kulelat
Sa talaan ng bansang patuloy sa pagsikad
Kayat sa buong mundo ay namamayagpag
‘Di ka ba natutuwa na may kaagapay ka
Sa iyong pag-aaral sa loob ng eskwela?
Madali ang gawain at nagiging global pa
Pupwede pang iimbak, i-integrate sa iba.
Sa mundong makabago ito ang tandaan mo
Sa ating pag-aaral, pwedeng ‘di magsaulo
Pagkat itong leksiyon masyado ng tekniko
Nakalimbag lang sa net, tablet at telepono.
Maging mga pahayagan ay blog na ang itsura
Piktyur ay gumagalaw may vidyong naka-link pa
Kaya po naman itong pinoy na bumabasa
Kung ‘di man tuwang –tuwa, lumuluwa ang
mata
Kaya po binibini na nagpapatahimik
Ba’t di pa mag-impake, umuwi at umidlip
Kapag nahalata ka nila na naiinggit
Kukutyain kang labis kukurutin sa singit.
Annie: (Ikatlong Tindig)
Ako’y hindi pasikat ayaw lang magpakutya
Lalo na sa tulad mong may lason ang salita
‘Di ako naparito upang magpakumbaba
Hangad ko ay tumula’t ipagtanggol ang nasa.
Baliw kong katalo na tila nahihibang
Lumalalim ang hapon bibig ay umaanghang
Sa iyong kagustuhan na ako’y maungusan
Ay ipapahamak mo ‘tong ating Inang Bayan.
Ilan na ang nasadlak sa kapariwaraan
Ng Facebook at Internet na ipinagyayabang?
Kabataang nalisya ay hindi na mabilang
Sapagkat impormasyo’y bastos at
mapanlinlang!
‘Wag mo akong sisihin sa ’yong kapabayaan
Na kinambalan mo pa ng iyong katamaran
Ang lakas ng loob mo na makapangatwiran
Gayong alam ko namang mayrong
pinagtatakpan.
Palagay mo’y kaya ba ng bansa na mag-isa?
Na makipagtagisan ng leksyon sa iba
Ngayon ngang sa cyberspace ika’y kakaba-kaba
Sapagkat nabalitang Wikipedia’y magsasara.
Ba’t ako maiinggit sa mukha mong kay pangit
Na tinernuhan yata ng utak na makitid
Kaya po itong madlang sa ati’y nakikinig
Kung hindi man masuka sa tawa’y nag-iihit.
Balitaktakan:
Norielyn:
Ginagatungan mo pa ‘tong madlang manonood
Na kanina pa yatang sayo’y nayayamot
Natutulig ang isip at sa mukha mo’y takot
Lalo na pag ‘yong mata at ulo’y umiikot
Annie:
Nagsalita si Aneng na mukha’y parang mamaw
Kaya naman ‘tong madla sa tawa’y namamagaw
Nawawalan ng gana at gusto nang umayaw
Sapagkat kanina pang palahaw nang palahaw.
Norielyn:
Ikaw ang mukhang mamaw babaeng ulikba
Sapagkat ang tulad mo’y sa dilim yata
ginawa
Hindi ka na natakot na ako’y ipahiya
Gayong kasangkapan mo ang digital sa paggawa.
Annie:
Unanong paraluman ‘wag mo akong sumbatan
Sapagkat kailanman ‘di kita kinaylangan
Sa panahong makabago ako ay nagpaiwan
At tumanaw ng loob sa aking nakagisnan.
Norielyn:
Weh ‘di nga? Kaya pala! Sa Multiply, up-dated ka!
Mga picture mong kay pangit sine-share pa!
Annie:
Ang personal kong buhay ay huwag mong
iramay!
Kung ayaw mong masuntok ang mukha ng
kaaway!
Lakandiwa:
Tama na at itigil itong balitaktakan
Sapat na ang narinig inyong mga katwiran
At baka pa humantong sa matinding awayan
Ang ating ginagawa na pagba-Balagtasan.
‘Di na nagugustuhan inyong pangangatwiran
Sapagkat mga tono ay nagpepersonalan
Pamamahayag lamang ang pinagtatalunan
Subalit nauuwi sa mga pasiklaban
Hindi dapat limutin, sa bawat Balagtasan
Higit na mahalaga, ay punto ng katwiran
Kapag ‘yong isinama itong nararamdaman
Ay siguradong g’yera at kapwa masasaktan.
Sa mga paliwanag na kanina’y narinig
Ay parehong mahusay ang dalawang nagtagis
Kaya akong lakandiwa ngayon ay nahahapis
Kung anong hatol dapat ipataw sa nanangis.
Bagaman at isyu nga sa modernong panahon
Kung itong edukasyon ay ‘di dapat ikahon
Sa ‘king paniniwala ay hindi s’yang
solusyon
Ang mga pagtatalo, sapagkat kunsumisyon.
Kung aking pipiliting paksa ngayo’y lutasin
Sa halip na maayos baka lalong lumalim
Kaya po ang payo ko ay inyong marapatin
Ang dalwa’y palakpakan at ngayo’y
pag-ayusin.
No comments:
Post a Comment