Wikipedia

Search results

Thursday, September 13, 2012

APEX Talumpatian


Noong Agosto 25, 2012 ay muli na namang lumahok ang aming paaralan sa taunang timpalak talumpatian ng APEX na ginanap sa Bulwagang Rizal ng San Pablo Central School.

Bagamat hindi nagwagi ng Unang Karangalan ang pambato namin na Mishael Pontanoza sapagkat pumangalawa lamang siya sa mag-aaral ng LSPU, natutuwa ako na napagtagumpayan pa rin niya ang laban dahil sa ikaanim na sunud-sunod na taon ay hindi pa rin nawawala ang aming paaralan sa talaan ng mga nananalo. 

Narito ang pyesa na kanyang binigkas sa nasabing paligsahan. 


            "Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino"               
                                                   ni Dennis B. Lacsam

               “The Filipino tilt-a-whirl operators are this nation’s backbone! Salamat”

            Ito ang mataginting na linyang binitawan ng kongresistang karakter ng Hollywood Actor na si Will Ferrell sa pelikulang “The Campaign”.  Bagamat noo’y “teaser” o patikim na eksena pa lamang ang ipinapakita sapagkat hindi pa naman lubusang ipinapalabas sa mga sinehan ang nasabing pelikula, animo’y virus na kumalat agad ito sa Internet at iba pang uri ng media. Sa puso at isip ng milyung-milyong Pinoy partikular ng mga Pilipinong naging bahagi ng pelikula, punung-puno sila ng pagmamalaki. Sa wakas ay nakikilala na sa buong daigdig hindi lang ang sipag at galing ng Pilipino, maging ang kanilang inang salita.

                Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa inyong lahat!

            Matibay na ebidens’ya ang inyong narinig na pahayag na global na ang Filipino! Kasabay kasi ng pagsikat ng marami nating kababayan sa iba’t ibang larangan ay ang pamamayagpag ng ating katutubong wika at kultura. Mula sa pahayag ng pasasalamat ng American Idol Runner-up na si Jessica Sanchez, hanggang sa mga diyalogo ng mga artistang Pilipino sa pelikulang The Bourne Legacy na kinunan pa ang ilang eksena sa bansa ay hindi mapasusubalian na tumatatag ang wikang Filipino.

            Nakatutuwang isipin na katulad ng mga rumaragasang sasakyan sa malawak na kalsada ng information superhighway ay patuloy na nakikipagtunggali ang wikang ating pagkakakilanlan na isang malinaw na pahiwatig ng katatagan nito. Marahil ay napagtatanto na ng marami sa atin na ang tunay na esensiya ng wikang Filipino ay nakasalig hindi lang sa responsableng paggamit dito bagkus ay kung paano itong pahahalagahan bilang importanteng sangkap ng pang-araw-araw nating pamumuhay. Sapagkat kailanman ay hindi matatawag na matatag ang isang wikang tila ikinakahiya ng mga gumagamit nito.

            Mga minamahal kong kababayan, sa mga oras na magbubukas ako ng computer, nangingilid sa luha ang aking mga mata at pumalakpak ang aking mga tenga sa tuwa kapag nakaririnig ako ng mga banyagang koro at orkestra na madamdaming umaawit ng Paruparong Bukid sa mga pambansa at pandaigdigang kumpetisyon.  Gayundin, tumataas ang aking balahibo kapag nakakakita ako ng mga batang kanluraning blonde ang buhok at berde ang mata na katulad ni Luke na may higit isang milyong “hits” sa YouTube na matatas na kumakanta ng mga awiting bayan tulad ng Bahay-Kubo at Sitsiritsit. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating pagmamalasakit sa katutubong salita.

            Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang wika na salamin ng ating pagkalahi ay siya rin nating lakas at kapangyarihan na mahalagang aspeto ng ating katatagan bilang Pilipino. Sabi nga ng isang blogger sa Internet, sa panahong ito na tayo’y minamaliit ng ibang bansa, inaangkin ang ating mga teritoryo at tila ipinapamukha sa ating wala tayong lakas, hindi mga malalaking submarine, fighter planes at dami ng sundalo ang ating  kailangan upang maipagtanggol ang ating bansa. Sapagkat hindi ito simpleng palakasan ng santadahan ng mga bansang nasasangkot. Ito ay palakasan ng pag-unawa at pagmamahal sa bayang kinabibilangan. Kung gusto nating lumakas, kailangang mapatatag natin ang mga mamamayan. At ang pagpapatatag sa mga mamamayan ay hindi kailanman magagawa kung hindi matatag ang ating wika. Makabuluhang hakbang ang pagpapatuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa maling pag-aakalang hindi na ito nababagay sa modernong panahon.

Mga kaibigan, ngayon na nasa yugto na tayo ng bagong henerasyon, nakapahalagang papurihan at tularan natin ang milyung-milyon nating kababayan na gumagamit wikang Filipino sa lahat ng uri ng pakikipagtalasan sa Internet dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang Filipino at nakikilala maging ang panitikan at kultura ng ating bansa sa buong daigdig. Mahalagang ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating ito na gumagamit ng Facebook, Twitter, YouTube, at iba pang uri ng social networking sites na kaakibat ng mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa na ang tunay na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi ay matatamo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at  mga bansa. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng kabalbalan, kamangmangan, at baluktot na impormasyon para isahan, lokohin o kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay gamitin natin ito nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki upang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan ng mga wika sa daigdig.

Mga kapamilya, kapuso, kapatid, ngayon na ipinagdiriwang natin ang ikapitumpu’t limang taon ng pagsulong ng wikang Filipino, nawa’y pagtibayin nating lalo ang pagkalinga sa ating inang salita sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagkasangkapan dito bilang lakas ng K to 12 na siyang pundasyon ng karunungan ng mga itinuturing na kabataan ng ikadalawampu’t isang siglo. Sapagkat sa mga kabataang ito magmumula ang bagong henerasyon ng mga Pilipinong magmamalasakit sa wikang hindi lang bahagi ng kultura bagkus ay mahalagang susi sa pagtatamo ng pambansang kapayapaan at ng matatag na lipunang Pilipino na siyang aakay sa ating lahat sa pagtahak sa isang tuwid na landas.

Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat tumatatag na ang ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang magpatuloy ang kasiglahan at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay pa rin sa ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito, responsableng sanayin natin ang atin mga sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Pananagutan ito na ganap na magpapatibay at magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika. Sa gayon, tayo bilang isang bansa ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na na siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa na siya nating intelektwal na kaakuhan at katatagan bilang isang bansa. At kapag nangyari ito, mapatutunayan natin ang pahayag ni Cam Brady na karakter ni Will Ferrer na tayo ngang mga mamamayang Pilipino ang pinakamatatag at pinakamatibay na sandigan ng bansang ito.

            Muli, magandang hapon at maraming salamat.

Sunday, June 10, 2012

Balagtasan sa Palawan



Republic of the Philippines
Region IV-A CALABARZON
DIVISION OF SAN PABLO CITY
San Pablo City, Laguna


BALAGTASAN

Paksa:

Nakatutulong ba ang Makabagong Teknolohiya sa Pagtataas ng Kalidad ng Edukasyon?


Mula sa panulat ni DENNIS B. LACSAM

MISHAEL F. PONTANOZA bilang Lakandiwa
NORIELYN LAT – magtatanggol sa Sang-ayon
ANNIE D. ATIENZA – magtatanggol sa Di Sang-ayon


Lakandiwa:

Sa mga naririto na mutyang panauhin
Sa mga katunggali at kaibigang giliw
Pinagpalang araw po itong pagbati namin
Sana ay masiyahan sa tulaang gagawin.

Ako’y ‘sang lakandiwang ngayon ay naatasan
Manimbang ng katwiran nitong magtatagisan
Ng galing sa pagtula at sa pangangatwiran
Sa paksang napili na dapat pagtalunan.

Ano nga ba ang higit at sadyang mahalaga
Sa ating pag-aaral sa loob ng eskwela?
Makabagong paraan o ‘yung makaluma pa
Digital literacy, sang-ayon o hindi ka?
Atin na pong tawagin dito sa entablado
Ang dal’wang maririlag, makatang magtatalo
Parehas pong magaling at magpapatotoo
Atin pong salubungin, palakpakang todo


Norielyn: (Pagpapakilala)

Ako’y si Norielyn Lat ngayo’y nagpapakilala
Handa nang tumula, panig ay ibandera.


Annie: (Pagpapakilala)

Sa inyo’y nagpupugay ngala’y Annie Atienza
Magtatanggol sa panig at nagpapakilala


Lakandiwa

At upang magkahugis napili ngayong paksa
Sa ‘ti’y maninindigan itong dal’wang makata
Na bantog hindi lamang sa kanilang pagtula
Maging sa katapangan at ganda ng adhika.

Ngayong nagampanan na ang una kong tungkulin
Handa na ba kayo sa inyong gagawin?


Norielyn at Annie:

Handa na po kami.



Lakandiwa:

Kung gayo’y, halina’t simulan na natin
Ang pagtatagisan ng talinong angkin!

Ngayong uumpisahan ang ating Balagtasan
Ay napakahalaga’t marapat n’yong malaman
Na ang ating tulaan ay isang tunggalian
‘Di ng nararamdaman kung hindi ng isipan.

Sa pagpipingkian n’yo ng hinandang talino
Ay hindi maiwasang masugatan ang “ego”
Palaging unawain na ito’y hindi gulo
Balagtasa’y tapatan ng mapayapang ulo.

Kapag magsasalpukan nitong mga taludtod
At hindii maiwasang masaling ang ‘yong loob
Ang aking tagubilin ay iwasang mapoot
At maging mahinahon sa inyong paghahamok.

Ngayo’y unang titindig upang mangatwiran
Magandang binibini Nory ang kanyang ngalan.
Ipagtatanggol kusa sa kaniyang kalaban
Na sa ‘ting paaralan, digital ang kaylangan

Kaya upang magsilbing inspirasyon naman
Salubungin natin s’ya ng isang palakpakan.


Norilyn: (Unang Tindig)

Maraming salamat po mabunying lakandiwa
At sa lahat ng narito, ‘sang pagbating may tuwa
Ngayo’y maninindigan at ‘di magpaparaya
Magtatanggol sa panig ng napili kong paksa.

Sa panahong moderno teknolohiya’y uso
‘Pag hindi mo ginamit sinauna kang tao
‘Di uunlad ang isip pupurol ang ‘yong ulo
‘Yan ba ang nais natin upang tayo’y matuto?

Sa daming pagbabago sa mga eskwelahan
Magpatalo’t magpahuli’y hindi dapat dahilan
Sapagkat ito’y ugat ng mga kamangmangan
Na pupwedeng mauwi sa ‘sang kapahamakan.

‘Pag ‘di natin binago mga nakasanayan
‘Di magawang mag-up-grade ng mga nalalaman
Tiyak na pupulutin tayo sa kangkungan
Sapagkat mababaog ang ating karunungan.

Kayat sa ganang akin, digital ay isulong
Upang ang pag-aaral ay hindi papaurong
Lalo na sa panahong maraming sinusuong
Ang makupad ay talo’t iwanang bumubulong.



Lakandiwa:

Magaling ang tinura’t ginawang unang ulos
Ng ating binibining ‘di yata mapapaos
Bagamat mahinahon at bigkas ay malamyos
Ramdam mong matapang sapagkat nagpupuyos.

Ngayo’y titindig naman dalagang kasalpukan
Ng tulang may haraya at may paninindigan
Ipagtatanggol niya at pangangatwiranang
Itong teknolohiya’y ‘di sagot kaylan pa man.

Atin nang papurihan mutyang maninindigan
Annie, kanyang pangalan halina’t palakpakan


Annie: (Unang Tindig)

Marami pong salamat sa mga palakpakan
Pati sa lakandiwang puno ng Balagtasan
Ako po ay tumayo nang makapangatwiran
Sa paksang atin ngayon ay pinagtatalunan.

Batid siguro natin na sa mahabang taon
Edukasyo’y umusbong ng hindi nakakahon
Kuryente’t baterya ay hindi naging tugon
Para lang itong leksyon sa bata’y maiayon.

Ang paaralan nating pintungan ng talino
Na nagmula sa guro na matalinong tao
Na siyang lumilikha ng teknolohiya mo
Ano pang dahilan at kaylangang magbago?

Ang mga kaalamang dati nang nalalaman
Ngayon ay ikinahon at pinagalaw lamang
Ngunit ang kaisipang tinataglay naman
Ay luma’t dati na pagkat nirepaso lang.

Kaya ang aking hiling, digital ‘wag asahan
Upang kaisipan ay lumago nang tuluyan
Ang ating katamaran ay ‘wag gawing sandigan
Matinong edukasyon ang kaylangan ng bayan.


Lakandiwa:

Sadyang ‘di patatalo dalagang minumutya
Sa kalabang kanina ay pa-ismid na tumula
Sa matalas na bigkas ng tulang may haraya
Bakas ang katapanga’t walang kahiya-hiya.

Mainit itong dal’wa kayat ako ay tatabi
Maggirian na lamang hanggat may masasabi
At kayong madlang people na ngayo’y sumasaksi
Gamitin mga kamay upang ganahan kami.


Norielyn: (Ikalawang Tindig)

Ito pong si Anitang katunggaling dalaga
Luma na ang itsura isipa’y walang kwenta
Hindi kataka-takang utak ay ‘sinasara
Sa mga pagbabago na para rin sa kanya.

Dalagang katunggali sa aki’y makinig ka
Sapagkat ang nais ko sana’y matauhan ka
Nababatid mo pa ba na sa loob ng eskwela
Leksyon ay iba-iba’t may pamamahayag pa.

Ngayon ba’y gagamit pa ng lumang makinilya?
Pudpod na ang daliri ‘pag mali’y uulit pa
Kaya naman itong balitang ipapasa
Kung hindi man bilasa ay wala na sa moda.

Balita’y panitikang laging nagdudumali
Maghatid ng mensahe na walang pasubali
Sa mambabasang uhaw sa mga nangyayari
Na ayaw maungusan at ayaw magpahuli.

Kung ang teknolohiya ay hindi gagamitin
Itong pamamahayag ay sinusupil natin
Na tuluyang lumago’t manatiling inutil
Dahil sa pag-iisip na medyo mapaniil.

Kawawang paraluman ng lumang pahayagan
Wala ng ibubuga’y nakikipagtalbugan
Sa makabagong Facebook, lubha kang maiiwan
At pati na sa Twitter sadyang pangmabilisan

Kung mananatili kang sa luma’y dedepende
At pakaaabangang malimbag ang detalye
Baka ang balita mong tungkol sa duwende
‘Pag nabasa ng tao’y ukol na sa higante.

Binibining maitim matuto kang gumising
Magmulat ka ng mata at umiwas sa dilim
Tanawin ang liwanag ng ating journalism
Ngayon ay nasa kamay at hawak-hawak natin!



Annie: (Ikalawang Tindig)

Ako’y pinatatawa ng unanong lukresya
Na nanggagalaiti sa paksa kanina pa
Pinangangalandakang ang bago ay maganda
Paghihitsura naman ay muchachang pindangga!


Pinanghihimasukan ang leksyon sa eskwela
Na paglipas ng taon ay nagpaiba-iba
Pati pamamahayag kanyang idinamay pa
Ang lahat na’y nakita gayong pikloy ang mata.

Marahil nga kung minsan balita ay mabagal
Sigurado ka namang ‘di kasinungalingan
Sapagkat matutukoy na pinanggagalinga’y
Peryodistang marangal at hindi kung sino lang

Ang computer na high tech, mabilis at bago nga
Makinilyang hinamak sadyang walang panama
Ngunit kapag ang virus ay umatakeng bigla
Balita’y ‘tiyak wala, babasa ay kawawa.

Ang ‘yong pagmamataas ‘pag ‘nilagay sa utak
Nakatitiyak ako na ikaw ay babagsak
Sapagkat ang tulad mong, utang na loob ay salat
Kung hindi man pumalya ay tiyak lalagapak!

‘Pinagmamalaki mo itong Facebook at Twitter
Na siyang sinisisi kung ba’t sa ispeling ay under
‘Tong mga kabataan na laging walang answer
Sa eksamen ay hulog, sa twina ay repeater.

Iyong pakatandaan, maputlang paraluman
Na ang mamamahayag ay may pananagutan
Sa kanyang mambabasa na pinag-aalayan
Ng balitang nakalap at mga panitikan.

Kaya sa’yo ang payo ko manahimik sandali
Itikom ang ‘yong bibig at linisin ang budhi
Sa halip mangatwira’y bumalik sa dating gawi
Upang pamamahayag sa bansa ay maghari.






Lakandiwa:

Painit nang painit itong balitaktakan
Dalawang nagtatalo panay ang pagalingan
Maamong mga tupa sa simula ng laban
Ngayon ay mga tigreng mananakmal na lamang.

Kayat upang lalo pang tayo’y maliwanagan
At nang tumigil na rin ang mga iringan
Ngayo’y tatapusin na ng dalawang naglalaban
Ang salpukan ng tula na may paninindigan.


Norielyn: (Ikatlong Tindig)

Pasikat kong kalaban ako’y pinatitigil
Ipagtanggol ang panig pagkat takot marahil
Ano pa kaya kapag, bao’y isa-isahin
Tiyak na magtatago’t ‘di alam ang gagawin.

Ang mga katulad mo na sa isip ay salat
Ang tunay na dahilan kung ba’t tayo’y kulelat
Sa talaan ng bansang patuloy sa pagsikad
Kayat sa buong mundo ay namamayagpag

‘Di ka ba natutuwa na may kaagapay ka
Sa iyong pag-aaral sa loob ng eskwela?
Madali ang gawain at nagiging global pa
Pupwede pang iimbak, i-integrate sa iba.

Sa mundong makabago ito ang tandaan mo
Sa ating pag-aaral, pwedeng ‘di magsaulo
Pagkat itong leksiyon masyado ng tekniko
Nakalimbag lang sa net, tablet at telepono.

Maging mga pahayagan ay blog na ang itsura
Piktyur ay gumagalaw may vidyong naka-link pa
Kaya po naman itong pinoy na bumabasa
Kung ‘di man tuwang –tuwa, lumuluwa ang mata

Kaya po binibini na nagpapatahimik
Ba’t di pa mag-impake, umuwi at umidlip
Kapag nahalata ka nila na naiinggit
Kukutyain kang labis kukurutin sa singit.


Annie: (Ikatlong Tindig)

Ako’y hindi pasikat ayaw lang magpakutya
Lalo na sa tulad mong may lason ang salita
‘Di ako naparito upang magpakumbaba
Hangad ko ay tumula’t ipagtanggol ang nasa.

Baliw kong katalo na tila nahihibang
Lumalalim ang hapon bibig ay umaanghang
Sa iyong kagustuhan na ako’y maungusan
Ay ipapahamak mo ‘tong ating Inang Bayan.

Ilan na ang nasadlak sa kapariwaraan
Ng Facebook at Internet na ipinagyayabang?
Kabataang nalisya ay hindi na mabilang
Sapagkat impormasyo’y bastos at mapanlinlang!

‘Wag mo akong sisihin sa ’yong kapabayaan
Na kinambalan mo pa ng iyong katamaran
Ang lakas ng loob mo na makapangatwiran
Gayong alam ko namang mayrong pinagtatakpan.

Palagay mo’y kaya ba ng bansa na mag-isa?
Na makipagtagisan ng leksyon sa iba
Ngayon ngang sa cyberspace ika’y kakaba-kaba
Sapagkat nabalitang Wikipedia’y magsasara.

Ba’t ako maiinggit sa mukha mong kay pangit
Na tinernuhan yata ng utak na makitid
Kaya po itong madlang sa ati’y nakikinig
Kung hindi man masuka sa tawa’y nag-iihit.



Balitaktakan:


Norielyn:

Ginagatungan mo pa ‘tong madlang manonood
Na kanina pa yatang sayo’y nayayamot
Natutulig ang isip at sa mukha mo’y takot
Lalo na pag ‘yong mata at ulo’y umiikot
Annie:

Nagsalita si Aneng na mukha’y parang mamaw
Kaya naman ‘tong madla sa tawa’y namamagaw
Nawawalan ng gana at gusto nang umayaw
Sapagkat kanina pang palahaw nang palahaw.


Norielyn:

Ikaw ang mukhang mamaw babaeng ulikba
Sapagkat ang tulad mo’y sa dilim yata ginawa
Hindi ka na natakot na ako’y ipahiya
Gayong kasangkapan mo ang digital sa paggawa.


Annie:

Unanong paraluman ‘wag mo akong sumbatan
Sapagkat kailanman ‘di kita kinaylangan
Sa panahong makabago ako ay nagpaiwan
At tumanaw ng loob sa aking nakagisnan.


Norielyn:

Weh ‘di nga? Kaya pala! Sa Multiply, up-dated ka!
Mga picture mong kay pangit sine-share pa!



Annie:

Ang personal kong buhay ay huwag mong iramay!
Kung ayaw mong masuntok ang mukha ng kaaway!


Lakandiwa:

Tama na at itigil itong balitaktakan
Sapat na ang narinig inyong mga katwiran
At baka pa humantong sa matinding awayan
Ang ating ginagawa na pagba-Balagtasan.

‘Di na nagugustuhan inyong pangangatwiran
Sapagkat mga tono ay nagpepersonalan
Pamamahayag lamang ang pinagtatalunan
Subalit nauuwi sa mga pasiklaban

Hindi dapat limutin, sa bawat Balagtasan
Higit na mahalaga, ay punto ng katwiran
Kapag ‘yong isinama itong nararamdaman
Ay siguradong g’yera at kapwa masasaktan.

Sa mga paliwanag na kanina’y narinig
Ay parehong mahusay ang dalawang nagtagis
Kaya akong lakandiwa ngayon ay nahahapis
Kung anong hatol dapat ipataw sa nanangis.

Bagaman at isyu nga sa modernong panahon
Kung itong edukasyon ay ‘di dapat ikahon
Sa ‘king paniniwala ay hindi s’yang solusyon
Ang mga pagtatalo, sapagkat kunsumisyon.

Kung aking pipiliting paksa ngayo’y lutasin
Sa halip na maayos baka lalong lumalim
Kaya po ang payo ko ay inyong marapatin
Ang dalwa’y palakpakan at ngayo’y pag-ayusin.