Danica Apiles Gumawa si Edgar Calabia Samar ng isang malaking dibisyon mula sa nakasanayan na o nakagisnang istilo at pamamaraan ng pagbabalangkas at pagbuo ng isang akdang prosa. Ipinahayag niya sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog ang isang malaking pagbabago sa pagkokontrol sa mga damdaming ipinakikita ng bawat karakter ng istorya. Pinagaan ang pagsusulat at ginawang sensitibo sa pagpapahayag ng mga nararamdaman ng mga tauhan ng istorya upang makaagpang sa mga mambabasa.
Bagamat kathang-isip ang akda, napagtagumpayan nitong dalhin ang imahinasyon ng mambabasa sa walang hanggang lawak ng mundo ng mayaman at mabusising larangan ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng hayagang pagsurot sa malikot na imahinasyon ng mga ito at papaniwalain na ang kwento’y tunay na nangyari at nasaksihan sa lungsod ng San Pablo.
Bilang isa sa mga kabataang unang nakabasa ng nobelang ito patuloy kong iniisip kung posible o di yata nga’y maaaring ang nailahad sa nobela'y tunay ngang nasaksihan ng mundo lalo pa't madalas na sumasagi sa aking isipan ang mga pangyayari at tagpong aking nabasa sa akda na hanggang ngayo'y pamilyar pa sa mundo kong ginagalawan. Maging ang mga pangyayari sa Atisan na kalapit lugar lamang ng aming barangay ay nakakapagpapaisip at nagsisimulang magpalikot sa aking imahinasyon.
Lubos kong hinahangaan ang pagtatangka ng awtor na isulong ang pagkukwento ng hindi talaga nangyari sa paraang parang totoong nangyari sapagkat nakumbinsi ako ng akdang maniwala sa kayang ginawa.
Sa kabuuan nakapupukaw sa damdamin ang akda. Nakamit ni Edgar Calabia Samar ang inaasam na pagbabago - ang pagbubukas ng isang pinto na maaaring maging daan sa isang makabagong mundo na magpamulat ng hiwaga ng panitikan sa mga mambabasa.
Paul Jhon Dalisay
Sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog, ginamit ng awtor ang konseptong pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang mabuo, mahinuha, at masagot ang mga katanungang pilit na pumupukol sa isipan at damdamin ng mambabasa. Ginawang posible ng akdang ito ang mga bagay na inakala ng marami sa atin na imposibleng maganap sa totoong buhay.
Bagamat payak ang naging konsepto ng akda, masasabi pa rin na nag-iiwan pa rin ito ng mayabong at malawak na kaisipan sa mambabasa. Higit pa, pinagtibay ng akdang ito ang kakayanang ng bawat panatiko ng akdang pampanitikan na umunawa ng mga nakatagong mga talinhaga sa pagitan ng mga taludtod na naghuhumiyaw sa buong nobela.
Mariz Romero
Iba ito sa mga nabasa na nating panitikan dahil hindi sinasabi ang pahina, tanging mga kabanata lamang at ang bilang nito. Pinakikilala rin ng ilang ulit ang mga tauhan sa iba’t ibang paraan.
Hindi na ito ang tipikal na nobelang pinipilit itago ang payak na kahulugan sa pamamagitan ng matatalinhagang salita upang guluhin ang isipan ng mambabasa. Bagamat gumagamit pa rin ang awtor ng mga simbolismo at talinhaga, matatangay ang sinumang bumabasa ng kanyang emosyon dahilan para maunawaan ang daloy ng istorya. Matutuwa ang bumabasa kung natutuwa ang tauhan, magtataka at magtatanong kung naguguluhan ang bida. Dahil rito naniniwala ako na mabisa ang paraan ng paglalahad ng sumulat sapagkat nagiging bahagi ang mambabasa ng akda.
Arnold Tapay
Ang nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog ay kinapapalooban ng iba’t ibang elemento na may kanya-kanyang kakintalan sa bawat mambabasa kung kaya’t masasabing may sariling anyo na mas nakahihigit sa tradisyunal na nobelang Filipino na ating kinalakihan.
Binubuksan nito ang isang dimensyon sa ating isipan dahilan kung bakit kawili-wili itong basahin. Inilahad ng awtor na hindi lang mga bata ang dapat mawili sa walang hanggang imahinasyon bagkus ang sinumang tagasubaybay ng nobela.
Nakatutuwa ring malaman na pilit sinubukan nitong isulong na maaring kumatha ng isang kuwentong walang malinaw na basehan upang magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng panitikang tuluyan.
Ipinakita ang kasiningan ng elemento ng nobela nang tangkain ng sumulat na ipaunawa sa mambabasa ang kababalaghang bumabalot sa karakter ng pangunahing tauhan sa pamamagitan ng mga matatalinhagang pahayag na mabilis na maunawaan.
Para sa isang mambabasang laki sa modernisasyon tulad ko, mahusay at mabils na maunawaan ang paglalahad ng awtor ang ebolusyon ng mga salita hindi katulad ng mga sinaunang akda na kinakailangan pang halungkatin sa lumang baul ang kahulugan ng bawat salita para lamang maunawaan ang istorya.
Eunice Abuyabor
Isang nobelang pumukaw sa aking makabagong mundo ang Walong Diwata ng Pagkahulog na obra ng kababayan kong si Egay Samar. Isang natatanging katha na nakapagpalikot sa aking imahinasyon at nakapagpagulo sa aking prinsipyo.
Para ngang walang imposible sa nobelang ito dahil nilalampasan nito ang kamalayan maging ng mga paham sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga usapin ng kababalaghan na bagamat hindi tinatanggap ng marami na totoo ay pilit na pinauunawa na maaaring totoo talaga para sa ilan.
Walang limitasyon ang mga salitang ginamit ni Egay pero kahit ganon pa man ay hindi nawawalan ng kasiningan ang kwento. May mga salitang nakakagulat talaga para sa isang batang mambabasa pero nailahad ito sa paraang hindi nababastos ang sinumang bumabasa.
Bilang isang mag-aaral, nakakatuwang basahin ang ganitong uri ng akdang pampanitikan. Tumatalas ang aking isipan at nagkakaroon ako ng kamuwangan sa realidad ng buhay. Natuto akong mapagnilayan ang mga bagay-bagay na bumabagabag sa aking uhaw na isipan.
Samantha Alcantara
Pagsulong ng istruktura, at paglampas sa batayan ng isang naratibong nobela. Ito ang makabagong akdang sining na handog sa mambabasa ng bagong sibol na manunulat na si Edgar Calabia Samar.
Masasabi kong isang obra ang nobelang ito sapagkat bihira lamang ang mga manunulat na nakapagpapabago ng batayan sa pagsulat. Pumukaw sa akin ang isang daan walumpu’t limang pahina dahil sa kakaibang istilo nito. Kailangan munang mag-isip at malito upang mahulaan ang ideyang nais iparating.
Binago ng nobela ang makalumang istilo nang paglalahad ng damdamin sa mambabasa. Ang gasgas na kwento na malungkot at masaklap ay napalitan ng kakaibang istilo ng paglalahad ng realidad ng buhay. Dramatiko ngunit nagpapakita ng katotohanan.
Arlene DiƱoso
Pakiramdaman ko tuwing isasara ko ang libro ay inaakit ako nitong ipagpatuloy pa ang pagbabasa sapagkat alam kong may mga mangyayaring hindi dapat malampasan. Kung sino man ang makakabasa nito ay mauunawaan ang nais kong ipakahulugan.
Dahil sa kakaibang istruktura at paraan ng paglalahad ng akda ang ipinakilala ni Egay, naniniwala ako na gagayahin ang pagbabagong ito mga makabagong manunulat na huhubog upang makatulong sa paglago ng panitikang Pilipino.
Hangad ko lamang ang makapaghikayat pa ng ibang mambabasa ang akda nang sa ganon mas mauunawaan ang iba’t ibang bagay na hindi na nabibigyang pansin at tila nalimot na ng makabago at modernong panahon.
Melanie Calupas
Napapagaan ng kakaibang akda ni Egay kahit papaano ang damdamin ng mambabasa, sapagkat nakokontrol na ng manunulat ang posibleng nararamdaman ng mga karakter. Malaki ang magiging epekto ng nobela sa mga mambabasa dahil minsan may mga nag-iisip at nagpapalagay na sila mismo ang karakter na nabanggit sa isang kwento.
Sa kabuuan, nagtataka ako kung bakit kahit medyo sensitibo ang tinatalakay ay naipahahayag pa rin ito nang malinaw at walang pag-aalinlangan. May mga pahayag rin na matatalinhaga ngunit sa halip na tumulong upang magpagulo ng isipan at tumutulong pang lalo na magpagana ng utak ng mambabasa.
Halos lahat ng aspeto ay nakapaloob sa nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog. Hindi aakalain ng sinumang babasa ng akda na ito ay kathang-isip lamang sapagkat nararamdaman sa pagitan ng taludtod ang iba't ibang eksena tulad ng romansa, komedya, drama, at trahedya na karaniwang nangyayari sa buhay ng isang tao.
Tinataglay ng manunulat ang mga katangian ng isang magaling at bihasang manunulat na mahirap matagpuan sa ibang awtor. Nakamamanghang malaman na nagawa n'ya ang akda sa edad na 25.
Angela De Castro
Napakamalikhain ng paglalahad na ito na pumupukaw sa ating atensyon o kamalayan bilang isang mambabasa. Nagbibigay- aral din ito sa pag-unlad ng ating buhay. Maaari din nating ihambing ang ating sarili sa pangunahing tauhan upang mas lalo nating maunawaan ang nararamdaman ng bida at nang mas lalo tayong maaliw sa pagbabasa. Sa akdang ito mas lalo akong naging interesado sapagkat ang pangunahing tagpuan ay ang Atisan sa San Pablo.
Hinahalina ako ng akda na maniwala at patuloy na magtanong kung bakit nahuhulog tayo sa ating damdamin, gaya noong tayo’y mga bata pa.
Miracle Reyes
Sa pagbabasa ko ng bagong nobela ni Edgar, mapapansin agad ang pagkakaiba ng mga salita o terminong ginamit sa kwento kumpara sa mga iba pang akdang pampanitikan. Di hamak na mas madaling intindihin ang mga pananalita rito sapagkat pamilyar ang mga salita sa mambabasa dahil madalas itong gamitin sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.
Sa “Walong Diwata ng Pagkahulog” lantarang ipinahahayag ang mga katangian ng karakter sa paraang hindi mahalay. Pinabulusok ng awtor sa damdamin ng mambabasa ang pagnanasang nadarama at nararanasan ng bawat tauhan sa nobela.
Isa pang natatanging kakanyahan ng akda ang pag-iiwan nito ng marka sa isipan ng mambabasa. Nagagawa nitong papag-isipin ang bumasa at ipagpatuloy ang paggana ng imahinasyon kahit nakapinid na ang mga pahina ng aklat.