Wika Mo , Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!
Nagpupuyos sa galit sa pagkukwento ang Bisayang kapitbahay namin matapos mapanood sa pinilakang-tabing ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo ng paborito niyang si Juday. Maliwanag daw kasi na sa isang eksena ng pelikula ay harap-harapang niyurakan ang kanyang pagkalahi ng karakter ni Gloria Diaz na isang mayamang lola na walang-pasintabing kinuwestyon ang katulong ng kanyang manugang kung bakit pinalalaking
Bisaya ang kanyang apo. Ang lubha pang nagpasama ng loob ng dismayado naming kapitbahay ay nang palalain pa raw ang eksena sa hindi maingat na pagbibitiw ng diyalogo ni Juday na gumanap bilang ina ng bata, na nagsabing “Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino!” Na sa paniniwala niya’y mabilis na sinang-ayunan ng mga manonood sa pamamagitan ng umaatikabong halakhakan na may halong pangmamaliit na umalingawngaw hindi lang sa buong sinehan bagkus ay sa kanyang kinawawang pagkatao.
Ang nakalulungkot na eksena ng pelikula, sa tanggapin man natin o hindi, ay isang malinaw na realidad na malimit na nangyayari sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang Pilipino. Sa bulag nating paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong ginagamit ng karamihan sa lipunan, ay tayo pa mismo ang nagluluklok dito sa itaas upang ito’y maging makapangyarihan na sa kalaunay nagpapatingkad lang lalo ng ating mga kahinaan. At sa maraming pagkakataon ay ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging purista sa ating kinasanayang wika o di kaya’y pagyakap sa kultura ng iba kasabay nang pagtatakwil sa mga sarili nating kaangkinan.
Kung tutuusin, sa panahong ito ng information age, hindi na nakatutulong ang mga balitaktakan tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Ang mahalaga ay nakikipagsabayan ang ating katutubong salita sa pag-uunahan ng mga wika na animo’y humahagibis na sasakyan sa malawak na kalsada ng information highway ng Cyberspace. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap nating mga Pilipino sa mga bagong karunungang makaaagapay sa atin sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig.
Kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa.
Huwag tayong maniwalang dahop ang Filipino bilang wika ng akademya katulad ng laging sinasabi ng ilang walang malasakit na Pilipino sa ating Inang Wika, sa halip ay tumulong tayo upang payabungin ito sa lahat ng dako. Lagi nating unawain ang pamosong kasabihan ng mga taong masisikap at may positibong pananaw sa buhay na “Kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan!”
Mga kaibigan, bagamat ang pagiging Pilipino kailanman lagi nating pakatatandaan ay hindi lamang nakikita at nasusukat sa tatas ng dila ng isang tao sa pagsasalita ng wikang kanyang kinamulatan, gawin nating huwaran ang maraming kababayang sa halip na gawing sagabal ang pagsasalita ng ating wika sa ibang bansa ay kinasangkapan pa nila ito upang makilala ang lahing Pilipino sa mundo. Tulad na lamang nina Allan Pineda na miyembro na tanyag na bandang Black Eyed Peas at Charmaine Clamor na kilalang mang-aawit ng kundiman sa
Mga minamahal kong tagapakinig, katulad ng sinabi ni Propesor Randy David, huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Kailangang makipag-ugnayan ang ating mga katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na balewalain ito, sa maling paniniwalang hindi na ito nababagay sa makabagong panahon. At kapag nangyari ito, dito magmumula ang bukal ng kamalayan sapagkat mananatiling magkaugnay ang pag-unlad ng wika at pag-usbong ng malayang kaisipan dahil sa nag-iisang ugat na kanilang dinadaluyan – ang paggamit nito sa lahat ng anyo ng pakikipagtalastasan.
Mga kaibigan, darakila ang wikang Filipino at ang bansang Pilipinas! Makiisa ka lamang!
Isang magandang hapon sa inyong lahat.
2 comments:
ang galing talaga ng nagtuturo!
tsk tsk tsk. . .
May isang pelikula na tumatak sa isipan ng mga taong nanood dahil sa magandang mensaheng iniwan nito.At ito rin ay nag-iwan ng ibat-ibang katanungan sa atin.Ito ay ang Ay Ayeng.
Para sa akin ang palabas na Ay Ayeng ay isang makatotohanang pangyayari sa buhay ng tao.Ipinakita sa palabas ang pagtatalo ni Umay(Maria Isabel Lopez) at ni Ayeng(Heart Evangelista) tungkol sa edukasyon.Gusto ni Ayeng naturuan ang mga bata ngunit sinabi ni umay na ano naman daw ang mapapala nila sa tinuturo ni ayeng kung sila naman daw ay mamamatay sa gutom kaya mas gugustuhin pa niya na pagbungkalin ng lupa at magtanim ang kanyang mga anak.Sa buhay nating ngayon maraming pamilya ang nagugutom dahil sa hirap ng buhay kaya naman ang mga anak ay nagtatrabaho kahit nasa murang edad pa lamang ang mga ito.Ito ay dahil na rin sa utos ng mga magulang at dahil na rin sa kumakalam nilang sikmura kaya mas pinili nila na magtrabaho kaysa pumasok sa paaralan.Ngunit may ilan din naman na nagpupursigeng mag-aral kahit na sila ay mahirap lamang dahil para sa kanila na hindi hadlang ang kahirapan upang makamtam ang kanilang pangarap.
Masasabi ko na ang ilang artista ay di angkop sa papel na kanilang ginampanan.Tulad ni Heart Evangelista, hindi siya bagay na maging katutubo dahil siya ay maganda at makinis ang kutis at sa pagkakaalam ko na ang katutubo ay bilad sa init.Si Sheena Joy naman ay di masyadong nagampanan ang kanyang papel dahil siguro ay di pa siya sanay.At sina Jao Mapa,John Arcilla at Maria Isabel Lopez ay mga sanay na sa pag arte.
Ang pagtatalo ni Ayeng at ni Umay ang nagpakita ng kagalingan nila sa pag arte.Kung mapapansin mo na parang nagtatalo lamang ang inyong kapitbahay.
Ang paglalapat ng ilaw sa pelikula,ang nagbibigay ng tamang dilim at liwanag.Ang paglalapat ng tunog ay nagpapaganda ng pelikula malalaman mo kung ang isang bahagi ng pelikula ay may pangamba o kasiyahan.Sa kasuotan makikita natin na ang ilang artista ay nagsuot ng damit ng katutubo at ito ay bumagay sa papel na kanilang ginampanan.Ang tagpuan ay nagpapaganda sa pelikula kung ito ay angkop sa istorya at ganun nga ang nangyari sa Ay Ayeng.
Sa tingin ko wala namang napabayaan na elemento ang pelikula dahil maganda ang pagkagawa nito kaya maganda rin ang naging resulta.
Naipahatid ang mensaheng nais iparating nito sa mga manonood. maraming aral ang matututunan dito.Naantig rin ang damdamin ng mga nanood dahil may ilang napaiyak at natuwa.
Ang pelikulang Ay Ayeng ay isang magandang palabas. Ito ay nagbibigay ng ibat-ibang emosyon sa tao tulad na lang ng tuwa,galit at iba pa.Ang ganitong palabas ay nakakatulong sa atin mga kabataan upang tayo'y maging matatag at matalino sa lahat ng bagay.
Post a Comment