(Paksa: Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran)
Mabuhay!
Ito ang
pambungad na bati ni Danica Salazar na kinatawan ng Oxford English Dictionary
sa kanyang on-line editorial nang opisyal
niyang ihayag noong Hunyo ang pagsasama ng apatnapung katutubong salita ng
Pilipinas sa pinakabagong edisyon ng diksyunaryong Ingles. Sa nasabi kasing
bersyon ng talahulugan, maliwanag na ihahanay ang ilang salitang bahagi ng
ating kultura at pagkakakilanlan tulad ng utang
na loob, halo-halo, buko juice, barkada, KKB, sinigang, suki, baro’t saya,
at iba pa sa mahabang talaan ng salitang Ingles na pag-aaralan at gagamitin ng
buong mundo.
Mga
giliw kong tagapakinig at kapwa kabalikat sa pagpapayabong ng Wikang Filipino,
isang mapagpalang hapon sa ating lahat.
Maliwanag
ang pagpapatunay ng Oxford English Dictionary na global na ang Wikang Filipino.
Kung dati-rati’y tayo lamang ang gumagamit ng ating mga katutubong salita, ngayo’y
hindi mapasusubalian na tatanggapin, sasalitain at palalaganapin na rin ng
ibang lahi ang wikang ating pagkakakilanlan. Indikasyon ito nang lumalaki
nating ambag sa ebolusyon ng Wikang Ingles, na isa sa mga pangunahing
lengguwahe sa buong mundo. At ang nakatutuwa pa, sa panahon ng globalisasyon, Internet,
at social media kung saan napaka-aktibo nating mga Pilipino ay lalo pa itong
magpapatuloy sa pag-unlad.
Kung tutuusin, hindi na naman dapat maging
kagulat-gulat pa ang mga kaganapang ito, dahil bukod sa kilala ang ating bansa
bilang texting capital ng Asya, kundi
man ng mundo ay ang bansa rin natin ang pangunahing pinagmumulan ng migranteng
propesyunal at manggagawa sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sabihin pa, kasabay
nang pagte-text at nang marubdob na paglilingkod ng mga kapatid nating ito sa
ibang bansa, ang maalab na pagpapamalas ng ating wika at kulturang kinagisnan. Kaya
hindi na nakapagtataka ang dumaraming bilang ng mga banyagang viral
ang video ngayon sa Internet
dahil sa matatas na pagsasalita at pag-awit ng mga katutubong awiting Tagalog
at iba pang wikain ng bansa na natutunan nila sa mga Pilipinong nakakasalamuha
nila. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating pagmamalasakit sa ating
katutubong salita.
Tunay na napakahalaga ng tema ng Buwan ng
Wika ngayong taon – “Filipino: Wika ng
Pambansang Kaunlaran”. Sa makabuluhang paksang ito, tahasang ipinakikita na
ang wika ang nagbibigkis sa naratibo ng ating kasaysayan at sa ating mga
hangarin bilang isang bansa.
Nakatutuwang isipin na sa panahon ng bagong
administrasyon, batid natin ang malaking papel na ginagampanan ng Wikang
Filipino maging sa mga reporma sa sistemang pang-edukasyon na noo’y malimit na
ipinagsasawalang bahala lamang natin. Sabi nga ng pahayag ng Tagapangulo ng
Komite ng Edukasyon ng Senado na si Sen. Pia Cayetano sa kanyang makatas na
talumpati sa Kongreso tungkol sa pagpaplano ng Wikang Filipino, “Sa ilalim ng K-12, itinaguyod ang
programang ‘Mother-Tongue Based Multi-Lingual Education’ mula Kinder hanggang
Grade 3. Kasama ng Wikang Tagalog ang Kapampangan, Pangasinense, Ilokano,
Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Maguindanaoan, Maranao, at Chavacano
bilang ‘medium of instruction’ o wikang panturo habang lalong palalawigin and
pagkatuto ng Ingles at Filipino. Magiging pangunahin kasing layunin ng programa
ang mas epektibong pagkatuto ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng
pagtuturo ng mga akda sa wikang una nilang nakagisnan at mas madaling
maintindhan.”
Mga kababayan, kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng
ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa,
makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga
wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na
magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at
pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga
wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura,
etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang
layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa. Pakatandaan natin na ang tunay
na kaunlaran ay magiging mas masaklaw lamang kung ito’y tunay na nararamdaman
ng bawat mamamayan.
Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang wika ang
kaluluwa ng ating pagkalahi at ang edukasyon, literatura at komunikasyon naman
ang mga salik na nagbibigay-buhay rito. Kung gusto nating tunay umunlad bilang bansa, kailangang mapatatag muna
natin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng epektibong
paggamit — imbis na magpagamit – sa makabagong teknolohiya at komunikasyon.
Mga kaibigan, alam natin kung saan patungo
ang Wikang Filipino sapagkat nasa ating mga kamay ang maraming kaalaman at
kakayahan para siguruhin ang pagsulong nito sa makabagong panahon. Kung
mapapahamak tayo balang araw dahil sa maling paggamit nito sa iba’t ibang
aspeto ng ating buhay, katulad ng ilang negatibong pagbabagong kinakaharap ng
ating wika na resulta nang pagbilis at pagdali ng palitan ng impormasyon sa panahon ng texting, internet messaging, Facebook at
Twitter, tayo ang may kasalanan at dapat na sisihin. Kailangang ipaunawa
natin bilang mga tagapagtaguyod ng wika, sa bawat isang mamamayan na ang tunay
na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi na maaari nating
magamit sa pagtatamo ng na kaunlaran ay makakamtan sa pamamagitan ng
pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa
kapahamakan ng kapwa, institusyon at mga bansa. Huwag nating gamitin
ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng kabalbalan, kamangmangan, at baluktot
na impormasyon para isahan, lokohin o kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay
gamitin natin ito nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki upang makapasok
ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan ng mga wika sa daigdig. Makabuluhang
hakbang na patuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t katutubong wika sa mga
wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa maling pag-aakalang hindi
na ito nababagay sa modernong panahon ngunit hindi dapat na binabago nito ang
ating esensiya at pagkakakilanlan bilang mga tunay na Pilipino.
Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat tumatatag na ang
ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang magpatuloy ang kasiglahan
at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay pa rin sa
ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito para makaagapay sa
pagtatamo ng pambansang kaunlaran, responsableng sanayin natin ang ating mga
sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang
hango sa maraming kultura. Pananagutan ito na ganap na magpapatibay at
magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika na maaari nating
kasangkapanin sa pagtatamo ng isang maunlad na Pilipinas.