Wikipedia

Search results

Sunday, August 10, 2014

Ang Wika Natin ang Daang Matuwid

ni Dennis Lacsam

“Ang Kolonyalismo at ang Di-mapag-isang Wika’t Pagkatao”

Ito ang nakapanlulumong mensahe ng pamagat ng akda ng dalubwika at manunulat na si Propesor Michael Coroza na nagkamit ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagsulat ng Sanaysay ngayong taon. Bagamat hindi ko pa nababasa ang akda sapagkat wala pa namang napapalimbag na sipi nito, mapa-hard o soft copy man sa Internet, hindi ko maipagkakailang tumagos ang mensahe ng pamagat nito sa aking kamalayan at nag-iwan ng isanlibo’t isang katanungan sa mura kong isipan.

Sinimulan ko ang aking pahayag sa ganitong alalahanin upang ipabatid sa ating lahat na sa ayaw man natin o hindi, ang wika, kultura, kasaysayan at pagkatao ng mga mamamayan ng isang bansa ay hindi kailanman mapaghihiwalay. Isang malinaw itong patotoo na kung anong kalagayan mayroon ang ating katutubong salita sa kasalukuyan ay repleksyon ito kung paanong pinahalagahan ng ating mga kababayan sa nakalipas na mga panahon.

Nakalulungkot isipin, na simula nang itatag ang wikang pambansa noong 1936 na dapat sana’y bibigkis sa atin bilang isang lahi ang siya pang nagiging dahilan upang lalo tayong magkawatak-watak. Sa nakalipas ng ilang dekada, hindi na natapos-tapos ang mga balitaktakan kung ano ba talaga ang wikang dapat mamayani sa buong kapuluan. Nakatatawang taun-taon partikular tuwing Agosto, kung saan pa ipinagdiriwang ang kadakilaan ng ating Inang Salita ay salimbayan naman ang mga diskusyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor na may kaugnayan sa wika. Kanya-kanya ng katwiran! Hindi padadaig ang bawat isa! Mga pagtatalong malimit ay nauuwi lamang sa kawalan dahilan kung bakit patuloy na nauudlot ang pagyabong ng wika sa lahat ng aspeto ng buhay.

Mga minamahal kong tagapakinig huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Huwag tayong mabulag sa maling paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong sinasalita ng karamihan sa lipunan dahil lalo lamang itong nagpapatingkad ng ating mga kahinaan. Tandaan natin na sa panahong ito ng kaalaman hindi na mahalaga kung anong wika o diyalekto ng bansa ang hinirang na wikang panlahat! Ang higit na mahalaga ay patuloy na nakikipag-usap ang ating mga wika sa iba’t ibang wika ng kapuluan at ng buong mundo. Iwasan na natin sana ang pagiging purista sa mga wikang ating nakasanayan sapagkat lalo lamang hindi bubulas ang kapangyarihan nito. Itaguyod natin ang paggamit ng Filipino bilang wikang pambansa habang pinangangalagaan ang mga wikang katutubo sa Pilipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa at pag-unlad ng sambayanang Pilipino. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng bansa at ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap niya sa mga bagong karunungang makaaagapay sa kanya sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig. At higit sa lahat, pakalimiin natin na ang mga wika natin ay hindi lang daan sa kasaganaan manapay sa pagtatamo ng katarungan at kapayapaan. Ito rin ang mga wikang lalaban sa talamak na katiwalian sa pamahalaan at lipunan, mangangalaga sa kapaligiran at gagamot sa ating kahirapan.

Kung tutusin, napakalayo na ng narating ng ating mga wika. Ang noo’y mga diyalekto lamang ngayo’y wika na ng buong kapuluan at siya nating pambansang espiritu. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng modernisasyon tulad ng Internet at iba pang midyum ng komunikasyon ay nakikilala na ang mga ito hindi lamang sa buong bansa bagkus ay sa buong mundo. Kung noo’y natuwa tayo nang awitin ni Apl de Ap ng Black Eyed Peas sa Hollywood ang Bebot at Tayo’y mga Pinoy na nasusulat sa wikang pambansa, ngayo’y pati tenga nati’y pumapalakpak sapagkat pumapailanlang na rin sa mga himpilan sa radyo at telebisyon sa buong mundo ang awiting Mekeni na nasulat naman sa diyalektong Pampango.

Kung naniniwala tayo sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan – maging ito ma’y sa inisyatiba para sa katutubong kaalaman, kaligirang pangliterasiya, integrasyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya at katatagang pampulitika. Napakahalaga na ipabatid sa bawat isang Pilipino na makabuluhan ang wika na siya nating lunggati sa ating pinagmulang lahi. Marapat na umigpaw sa ating mga sarili ang pagsibol ng totoong diwa ng nasyonalismo dahil ito ang diwang aakay sa atin sa tuwid na daan upang matamo ang tunay na tagumpay.

Mga kaibigan, totoong malaki ang ginagampanan ng wika sa paghubog ng isang matatag na republika sapagkat malinaw na pinatutunayan nito na malakas ang pagkakaisa ng isang bansa kung may isang wika sapagkat sa pamamagitan nito, nagkakaunawaan ang mga mamamayan, lumalakas ang panitikan at patuloy na yumayabong ang kultura. Hindi marapat na maging sanhi ito ng ating pagkalito na sa kalauna’y maging pag-iwas sa paggamit dito. Alalahanin nating buhay ang wikang Filipino at iba pang wika ng kapuluan. Hindi ito mga bagay na nakasuspinde sa kawalan. Tandaan natin na sa pagbabago ng ortograpiya, yumayaman, lumalago, umuunlad, at nakaaangkop ang ating mga wika sa tawag ng panahon. Kaya’t kung mayroon mang magaganap na pagbabago sa ating wika, tulad ng nakaambang papagpalit ng titik na F sa P ng Pilipinas, nawa’y magkaisa tayong lahat na tanggapin ito nang buong puso upang sa ganoon ay ganap nating mayayakap ang itelikwalisasyon at siyentipikasyon ng ating wika na huhubog sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao bilang Pilipino. At kung hindi man lahat tayo nagkakasundo, nagkakaintindihan o nagkakaunawaan sa makabuluhang misyon na panaigin ang kapangyarihan ng wikang Filipino at iba pang wikang katutubo sa lahat ng larangan, ang mahalaga ay patuloy tayong nag-uusap sa wikang nagbibigay sa atin ng buhay at pag-asa. Sabi nga ni Tito Boy, kaibigan, usap tayo!


Isang pinagpapalang hapon at sana’y maging bayani tayong lahat ng wikang Filipino na siyang wika, puso at kaluluwa natin sa pagtahak sa daang matuwid.