Balagtasang nilikha nina Gng. Rinia Ilagan at G. Dennis Lacsam
Lakandiwa:
Sa mga naritong mga panauhin
Mga katunggali’t kaibigang giliw
Magandang araw po ang pagbati namin
Sana’y masiyahan sa tulaan natin.
Akong lakandiwang ngayo’y naatasan
Na magpakilala sa magtatagisan
Sa paksang napili: na kung kailangan
Na mag-uniporme sa ‘ting paaralan.
Itong si Bernadette ay handang-handa na
Na maipagtanggol yaong panig niya
Dapat mag-uniform ang mga eskwela
Sa kanyang pagtindig, palakpakan sana.
Binatang si Patrick hindi palalamang
Sa pagsasanggalang: na di kailangan
Ang mag-uniporme nitong mag-aaral
Sa pagtayo niya’y ating palakpakan.
Ngayong nagampanan ang aking tungkulin
Handa na ba kayo sa inyong gagawin?
Bernadette at Patrick:
Handa na po kami!
Lakandiwa:
Kung gayon, halina’t simulan na natin
Ang pagtatagisan ng talinong angkin.
Sa pag-uumpisa nitong Balagtasan
Napakahalaga na inyong malaman
Na itong tulaa’y isang tunggalian
Hindi ng damdamin kundi ng isipan
Sa pagpipingkian ng mga talino
At sa pagtatanggol ay mag-ingat kayo
Baka masugatan inyong mga “ego”
Kumulo ang dugo’t uminit ang ulo
Sa pagsasalpukan ng mga taludtod
‘Di maiwasang masaling ang loob
Aking tagubilin, iwasang mapoot
Maging mahinahon sa ‘nyong paghahamok
Sa unang pagtindig atin pong pakinggan
Itong si Bernadette sa kanyang katwiran
At upang magsilbing inspirasyon naman
Salubungin natin niyong palakpakan.
Bernadette:
Salamat sa inyo bunying lakandiwa
At sa inyong lahat pagbating may tuwa
Kahit ako’y isang anak maralita
Sa ‘king pag-aaral ay nagtitiyaga.
Sa kasuotan ko’y inyong makikita
Na ako’y eskwelang mayrong disiplina
Pagkat sumusunod at nakikiisa
Na mag-uniporme upang makilala.
Itong uniporme ay sadyang sagisag
Na ako’y kabilang sa kilalang pangkat
Mga mag-aaral na nagsusumikap
Marating ang tuktok ng magandang bukas.
Ang aking magulang labis ang ligaya
Kapag uniporme’y suot ko sa twina
May kipkip na aklat, bag na maganda
Sa paningin nila’y ulirang eskwela.
At sa bawat araw di na iniisip
Kung ano ang aking gagamiting damit
Dahil uniform ko’y haya’t nakasabit
Handa nang isuot pagkat malilinis
Pag naka-uniform kay gandang pagmasdan
Mga estudyante nitong paaralan
Subalit pag sila ay nakasibilyan
Parang batang kalyeng dito ay naligaw.
Kapag ang uniform ay pinabayaang
Hindi na isuot nating mag-aaral
Ito ang simula nitong kaguluhan
At sa paarala’y walang kaayusan
Ang simpleng tuntunin kapag di sinunod
Gaya ng uniform na dapat isuot
Ay ano pa kaya ang susunding lubos
Nitong estudyanteng hindi natatakot?
Lakandiwa:
Inyo pong narinig sa unang pagtindig
Magandang pahayag nitong si Bernadette
Ngayo’y palakpakan sa pagmamatuwid
Binatang si Patrick likas na makisig.
Patrick:
Maraming salamat sa inyong palakpak
At sa lakandiwang mahal nating lahat
Ako’y estudyanteng likas na masikap
Pilit nag-aaral kahit na mahirap.
Dahil sa buhay ko na kapus na kapos
Isang uniporme’y di makapagsuot
Bakit pipigilan sa aking pagpasok
Nang sa paaralan dunong ko’y mahubog?
Mahalaga pa ba ang suot na damit
Kaysa sa matalas at matinong isip?
Bilang mag-aaral laging ginagamit
Itong pang-unawa sa lahat ng saglit.
Kahit na nga ako’y di maka-uniform
Itong disiplina’y laging naroroon
Ang aking isipan at itong emosyon
Natuturuan kong maging mahinahon.
Iilan kong damit laging nakahanda
Iba ang pampasok, iba ang panggala
Iba ang pantulog, iba ang panggawa
Kaya ang damit ko ay nagtatagal nga.
Samantalang kapag walang uniporme
Yaong makukulit, pilyong estudyante
Anuman ang gawin sa labas ng kalye
Paaralan natin tiyak malilibre.
Nakalimutan mo yata kaibigan
Yaong palasak na ating kasabihan
Na di nararapat na ating hatulan
Itong mga aklat sa pabalat lamang.
Kagaya rin naman niyong estudyante
Kung sila man ay di naka-uniporme
Hindi masasabing sila ay salbahe
Walang disiplina at hindi disente
Bernadette:
Disiplinado raw at matalino pa
Pero sa uniform di nagpahalaga
Alam mo bang kapag naka-uniform ka
Mayroong dignidad at tiyak na ligtas ka!
Paaralan nati’y walang security
Pag di nag-uniform, outsider dadami
At kapag nagrambol, pano mahuhuli
Pasaway at pilyong mga estudyante?
Pag naka-uniform, di maglalakwatsa
Sa mall at sa parke ay iiwas sila
Pagkat may surveillance sa mga eskuwela
Bawal magcutting-class, mabibisto sila.
Kapag may uniform ay nakakatipid
Di nahahalatang konti lang ang damit
Kahit na nga luma pag ito’y malinis
Ay magandang tingna’t disente ang bihis.
Ang pagkakaroon nitong uniporme
Sadyang mahalaga sa ‘ting estudyante
Saanmang anggulo tunay na ismarte
Sa lakad, sa kilos, napakadisente
Pag naka-uniform nagiging maingat
Sa pagsasalita maging sa paglakad
Pagkat batid nilang kapag nadupilas
Pangalan ng iskul ang mapapahamak
Minsan ang uniform nagiging kalasag
At sa estudyante ay tagapaglitas
Dahilan sa suot nakilala agad
Hindi naituloy ang masamang balak
Hindi tinatanggap doon sa bilyaran
At sa computer shop, at mall na pasyalan,
Sa mga videoke at bar na lasingan
Ang naka-uniform pinagbabawalan.
Patrick:
Ang naka-uniform disente raw tingnan
Ang walang uniform batang kalye naman
Pero pagmasdan mo’t nangagsisigawan
Daig pa ang mga nasa karerahan.
Disente bang tingnan ang naka-jogging pants?
Kababaeng tao ay pakaang-kaang!
Blusa ay maikli, kita na ang tiyan
Kaya naman sila’y pinagtatawanan.
Iyang palda ninyong minsan ay mahaba
Ang peklat sa binti’y tinatakpan yata
Na kapag naupo’y sagad na sa lupa
Laylaya’y kay dumi, at nanggigitata!
Kahit na nga sila ay naka-uniform
Tuloy pa rin silang nakikipagrambol
Kaya naman itong pangalan ng school
Sa matinding hiya ay napaparool.
Sinabi mong ligtas sa masamang balak
Ang naka-uniform na batang lagalag
Ika’y namamali, iyan nga ang hanap
Niyong mga hoodlums na gawa’y mangidnap
Hindi nakikinig kahit pangaralan
Hayun sa tindahan at nag-iinuman
Naninigarilyo’t iba’y nagsusugal
Suot na uniform di na iginalang.
Pag walang uniform maisusuot ko
Damit na binigay kahit hindi bago
Ang mas importante ay malinis ito
Kaya komportable ang pakiramdam ko.
Mura lang ang damit d’yan sa ukay-ukay
Kaya mas matipid sa uniform na yan
Mga signature pa at sadyang matibay
Pwede pang pamporma sa nililigawan.
Bernadette:
Hayan! Lumabas din ang iyong natural
Pamporma lang pala ang hangad mo riyan
Di ka natatakot na sa ukay-ukay
Karaniwa’y damit ng mga namatay!
Ang aking uniform na pang-academic
Minana ko lamang sa aking kapatid
Kaya di magastos at sadyang matipid
Sa perang pambili niyong mga damit.
Saka sa sasakyan pag naka-uniform
Agad na may discount sa pasahe ngayon
Pag nakasibilyan at nakapuruntong
Pagdududahan ka, sori ka na lang Dong.
Pag walang uniform lalo nang kawawa
Ang mga tulad kong anak-maralita
Ang iilang damit agad masisira
Walang ibibili’t sa pera’y salat nga.
Pag anak-mayaman damit mamahalin
Araw-araw iba, ‘di na uulitin
Pag anak-mahirap suot… mumurahin
Kaya nahihiya at baka hamakin
Patrick:
Di ko akalaing ika’y ipokrita
Pati ukay-ukay ay hinahamak pa
Iya’y mga damit ng mga artista
At mga mayamang sa damit sawa na.
Di ba ‘pag may party tayo ay excited
At maisusuot paboritong damit
Dahil ang uniform ay napakainit
Sa ‘king pag-aaral di makapag-isip.
Sa sasakyan naman basta’t mayroong I.D.
Ay mabibigyan ka ng discount sa dyipni
Kaya kahit di ka nakauniporme
Makakatipid din sa ‘yong pamasahe.
Bakit maiinggit sa anak-mayaman
Dahil mamahalin yaong kasuotan?
Dapat mong alamin na hindi sukatan
Ng katalinuhan, damit sa katawan.
Bakit iisipin ang sa ibang suot
Ang mas mahalaga’y malinis ang saplot
Pag amoy pawis na uniform na gusot
Ang makakatabi’y sadyang sisimangot!
Bernadette:
Naku, nagsalita ang mamang mabango
Sa suot mong iya’y mukha kang sanggano.
Patrick:
Kung mukhang sanggano sa kasuotan ko
Para kang pindangga sa uniporme mo!
Bernadette:
Hoy! Ang pinandanggang ‘tong pinipintasan mo
Ay model student ng paaralan ko
Patrick:
At itong sanggano na sinasabi mo
Ay iskolar yata, anong panama mo!
Barnadette:
Palibhasa’y tamad hindi naglalaba
Kaya sa uniform ay tumatanggi ka.
Patrick:
Di na kailangang mag-uniporme pa
Basta mag-aral ka, ‘yan ang mahalaga!
Bernadette:
Hus.. bistado ka na, lalaking mayabang!
Batid na ng taong hangad mo’y porma lang!
Patrick:
Asus nagmagaling, aleng sinungaling!
Sa iyong paratang baka ka maduling!
Lakandiwa:
Tama na! Tigil na ang baliktaktakan
Sapat na ang inyong mga katuwiran
Baka pa humantong sa pag-aawayan
Itong ginagawa nating Balagtasan.
Hindi ko na gusto ang pangangatwiran
Pagkat ang tono nyo’y nagpepersonalan
Uniporme lamang pinagtatalunan
Subalit humantong sa pagyayabangan
Di dapat limutin na sa Balagtasan
Ang mas mahalaga punto ng katwiran
Kapag isinama ang nararamdaman
Ay tiyak na gyera’t kapwa masasakta
Sa mga katwiran na aking narinig
Parehong mahusay dalawang nagtagis
Lubhang mahalaga, maayos na bihis
Maging uniporme’t karaniwang damit.
At sa paaralang hulmahan ng modo
Hindi importante ang isusuot n’yo
Mas makabubuti’y magpakatalino
Huwag magbulakbol nang kayo’y matuto.
Bagamat isyu nga sa bagong panahon
Wastong pagsusuot ng damit sa iskul
Di na kailangang pagtalunan iyon
Lalo’t naghihirap bayan natin ngayon.
Kung ang paghatol ko’y di n’yo naibigan
Kayo ang humatol pagdating sa bahay
Paalam sa inyo mga kaibigan
Mabuhay! Mabuhay! Ating Balagtasan!