Wikipedia

Search results

Sunday, March 15, 2009

Sampung Pinakamahusay na Suring-Nobela

Danica Apiles

Gumawa si Edgar Calabia Samar ng isang malaking dibisyon mula sa nakasanayan na o nakagisnang istilo at pamamaraan ng pagbabalangkas at pagbuo ng isang akdang prosa. Ipinahayag niya sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog ang isang malaking pagbabago sa pagkokontrol sa mga damdaming ipinakikita ng bawat karakter ng istorya. Pinagaan ang pagsusulat at ginawang sensitibo sa pagpapahayag ng mga nararamdaman ng mga tauhan ng istorya upang makaagpang sa mga mambabasa.

Bagamat kathang-isip ang akda, napagtagumpayan nitong dalhin ang imahinasyon ng mambabasa sa walang hanggang lawak ng mundo ng mayaman at mabusising larangan ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng hayagang pagsurot sa malikot na imahinasyon ng mga ito at papaniwalain na ang kwento’y tunay na nangyari at nasaksihan sa lungsod ng San Pablo.

Bilang isa sa mga kabataang unang nakabasa ng nobelang ito patuloy kong iniisip kung posible o di yata nga’y maaaring ang nailahad sa nobela'y tunay ngang nasaksihan ng mundo lalo pa't madalas na sumasagi sa aking isipan ang mga pangyayari at tagpong aking nabasa sa akda na hanggang ngayo'y pamilyar pa sa mundo kong ginagalawan. Maging ang mga pangyayari sa Atisan na kalapit lugar lamang ng aming barangay ay nakakapagpapaisip at nagsisimulang magpalikot sa aking imahinasyon.

Lubos kong hinahangaan ang pagtatangka ng awtor na isulong ang pagkukwento ng hindi talaga nangyari sa paraang parang totoong nangyari sapagkat nakumbinsi ako ng akdang maniwala sa kayang ginawa.

Sa kabuuan nakapupukaw sa damdamin ang akda. Nakamit ni Edgar Calabia Samar ang inaasam na pagbabago - ang pagbubukas ng isang pinto na maaaring maging daan sa isang makabagong mundo na magpamulat ng hiwaga ng panitikan sa mga mambabasa.


Paul Jhon Dalisay

Sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog, ginamit ng awtor ang konseptong pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang mabuo, mahinuha, at masagot ang mga katanungang pilit na pumupukol sa isipan at damdamin ng mambabasa. Ginawang posible ng akdang ito ang mga bagay na inakala ng marami sa atin na imposibleng maganap sa totoong buhay.

Bagamat payak ang naging konsepto ng akda, masasabi pa rin na nag-iiwan pa rin ito ng mayabong at malawak na kaisipan sa mambabasa. Higit pa, pinagtibay ng akdang ito ang kakayanang ng bawat panatiko ng akdang pampanitikan na umunawa ng mga nakatagong mga talinhaga sa pagitan ng mga taludtod na naghuhumiyaw sa buong nobela.


Mariz Romero

Iba ito sa mga nabasa na nating panitikan dahil hindi sinasabi ang pahina, tanging mga kabanata lamang at ang bilang nito. Pinakikilala rin ng ilang ulit ang mga tauhan sa iba’t ibang paraan.

Hindi na ito ang tipikal na nobelang pinipilit itago ang payak na kahulugan sa pamamagitan ng matatalinhagang salita upang guluhin ang isipan ng mambabasa. Bagamat gumagamit pa rin ang awtor ng mga simbolismo at talinhaga, matatangay ang sinumang bumabasa ng kanyang emosyon dahilan para maunawaan ang daloy ng istorya. Matutuwa ang bumabasa kung natutuwa ang tauhan, magtataka at magtatanong kung naguguluhan ang bida. Dahil rito naniniwala ako na mabisa ang paraan ng paglalahad ng sumulat sapagkat nagiging bahagi ang mambabasa ng akda.



Arnold
Tapay

Ang nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog ay kinapapalooban ng iba’t ibang elemento na may kanya-kanyang kakintalan sa bawat mambabasa kung kaya’t masasabing may sariling anyo na mas nakahihigit sa tradisyunal na nobelang Filipino na ating kinalakihan.

Binubuksan nito ang isang dimensyon sa ating isipan dahilan kung bakit kawili-wili itong basahin. Inilahad ng awtor na hindi lang mga bata ang dapat mawili sa walang hanggang imahinasyon bagkus ang sinumang tagasubaybay ng nobela.

Nakatutuwa ring malaman na pilit sinubukan nitong isulong na maaring kumatha ng isang kuwentong walang malinaw na basehan upang magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng panitikang tuluyan.

Ipinakita ang kasiningan ng elemento ng nobela nang tangkain ng sumulat na ipaunawa sa mambabasa ang kababalaghang bumabalot sa karakter ng pangunahing tauhan sa pamamagitan ng mga matatalinhagang pahayag na mabilis na maunawaan.

Para sa isang mambabasang laki sa modernisasyon tulad ko, mahusay at mabils na maunawaan ang paglalahad ng awtor ang ebolusyon ng mga salita hindi katulad ng mga sinaunang akda na kinakailangan pang halungkatin sa lumang baul ang kahulugan ng bawat salita para lamang maunawaan ang istorya.


Eunice Abuyabor

Isang nobelang pumukaw sa aking makabagong mundo ang Walong Diwata ng Pagkahulog na obra ng kababayan kong si Egay Samar. Isang natatanging katha na nakapagpalikot sa aking imahinasyon at nakapagpagulo sa aking prinsipyo.

Para ngang walang imposible sa nobelang ito dahil nilalampasan nito ang kamalayan maging ng mga paham sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga usapin ng kababalaghan na bagamat hindi tinatanggap ng marami na totoo ay pilit na pinauunawa na maaaring totoo talaga para sa ilan.

Walang limitasyon ang mga salitang ginamit ni Egay pero kahit ganon pa man ay hindi nawawalan ng kasiningan ang kwento. May mga salitang nakakagulat talaga para sa isang batang mambabasa pero nailahad ito sa paraang hindi nababastos ang sinumang bumabasa.

Bilang isang mag-aaral, nakakatuwang basahin ang ganitong uri ng akdang pampanitikan. Tumatalas ang aking isipan at nagkakaroon ako ng kamuwangan sa realidad ng buhay. Natuto akong mapagnilayan ang mga bagay-bagay na bumabagabag sa aking uhaw na isipan.


Samantha Alcantara

Pagsulong ng istruktura, at paglampas sa batayan ng isang naratibong nobela. Ito ang makabagong akdang sining na handog sa mambabasa ng bagong sibol na manunulat na si Edgar Calabia Samar.

Masasabi kong isang obra ang nobelang ito sapagkat bihira lamang ang mga manunulat na nakapagpapabago ng batayan sa pagsulat. Pumukaw sa akin ang isang daan walumpu’t limang pahina dahil sa kakaibang istilo nito. Kailangan munang mag-isip at malito upang mahulaan ang ideyang nais iparating.

Binago ng nobela ang makalumang istilo nang paglalahad ng damdamin sa mambabasa. Ang gasgas na kwento na malungkot at masaklap ay napalitan ng kakaibang istilo ng paglalahad ng realidad ng buhay. Dramatiko ngunit nagpapakita ng katotohanan.


Arlene Diñoso

Pakiramdaman ko tuwing isasara ko ang libro ay inaakit ako nitong ipagpatuloy pa ang pagbabasa sapagkat alam kong may mga mangyayaring hindi dapat malampasan. Kung sino man ang makakabasa nito ay mauunawaan ang nais kong ipakahulugan.

Dahil sa kakaibang istruktura at paraan ng paglalahad ng akda ang ipinakilala ni Egay, naniniwala ako na gagayahin ang pagbabagong ito mga makabagong manunulat na huhubog upang makatulong sa paglago ng panitikang Pilipino.

Hangad ko lamang ang makapaghikayat pa ng ibang mambabasa ang akda nang sa ganon mas mauunawaan ang iba’t ibang bagay na hindi na nabibigyang pansin at tila nalimot na ng makabago at modernong panahon.



Melanie Calupas

Napapagaan ng kakaibang akda ni Egay kahit papaano ang damdamin ng mambabasa, sapagkat nakokontrol na ng manunulat ang posibleng nararamdaman ng mga karakter. Malaki ang magiging epekto ng nobela sa mga mambabasa dahil minsan may mga nag-iisip at nagpapalagay na sila mismo ang karakter na nabanggit sa isang kwento.

Sa kabuuan, nagtataka ako kung bakit kahit medyo sensitibo ang tinatalakay ay naipahahayag pa rin ito nang malinaw at walang pag-aalinlangan. May mga pahayag rin na matatalinhaga ngunit sa halip na tumulong upang magpagulo ng isipan at tumutulong pang lalo na magpagana ng utak ng mambabasa.

Halos lahat ng aspeto ay nakapaloob sa nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog. Hindi aakalain ng sinumang babasa ng akda na ito ay kathang-isip lamang sapagkat nararamdaman sa pagitan ng taludtod ang iba't ibang eksena tulad ng romansa, komedya, drama, at trahedya na karaniwang nangyayari sa buhay ng isang tao.

Tinataglay ng manunulat ang mga katangian ng isang magaling at bihasang manunulat na mahirap matagpuan sa ibang awtor. Nakamamanghang malaman na nagawa n'ya ang akda sa edad na 25.


Angela De Castro

Napakamalikhain ng paglalahad na ito na pumupukaw sa ating atensyon o kamalayan bilang isang mambabasa. Nagbibigay- aral din ito sa pag-unlad ng ating buhay. Maaari din nating ihambing ang ating sarili sa pangunahing tauhan upang mas lalo nating maunawaan ang nararamdaman ng bida at nang mas lalo tayong maaliw sa pagbabasa. Sa akdang ito mas lalo akong naging interesado sapagkat ang pangunahing tagpuan ay ang Atisan sa San Pablo.

Hinahalina ako ng akda na maniwala at patuloy na magtanong kung bakit nahuhulog tayo sa ating damdamin, gaya noong tayo’y mga bata pa.



Miracle Reyes

Sa pagbabasa ko ng bagong nobela ni Edgar, mapapansin agad ang pagkakaiba ng mga salita o terminong ginamit sa kwento kumpara sa mga iba pang akdang pampanitikan. Di hamak na mas madaling intindihin ang mga pananalita rito sapagkat pamilyar ang mga salita sa mambabasa dahil madalas itong gamitin sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Sa “Walong Diwata ng Pagkahulog” lantarang ipinahahayag ang mga katangian ng karakter sa paraang hindi mahalay. Pinabulusok ng awtor sa damdamin ng mambabasa ang pagnanasang nadarama at nararanasan ng bawat tauhan sa nobela.

Isa pang natatanging kakanyahan ng akda ang pag-iiwan nito ng marka sa isipan ng mambabasa. Nagagawa nitong papag-isipin ang bumasa at ipagpatuloy ang paggana ng imahinasyon kahit nakapinid na ang mga pahina ng aklat.

Friday, March 6, 2009

Suring-Nobela



Sa lahat ng IV-B,


Natutuwa ako na binasa n'yo ang ang aklat ni Egay nang walang pasubali dahil sa gusto ninyong makapasa sa Ikaapat na Markahan. Bagama't mahabang panahon ang ginugol n'yo sa pagbabasa ng akda sapagkat isinisingit n'yo lang ito sa iba ninyong gawain sa paaralan ay lubos pa rin akong nasisiyahan sapagkat alam ko na napagtagumpayan ko ang tunay kong layunin na hikayatin kayong magbasa ng isang buong aklat. Bibihira na ngayon ang kabataang tulad n'yo. Sana'y magpatuloy kayo sa maganda at produktibong ugali na pagbabasa dahil higit sa lahat, kayo ang unang makikinabang nito. Anumang salita, pangungusap, kaisipan, diwa, at mensahe na inyong nabatid ay karagdagang talino sa inyo bilang tao na magagamit ninyo hindi lang sa pang-araw-araw na buhay bagkus sa pagharap sa lahat ng aspeto ng buhay.

Bilang pangwakas na pagsulat na gawain, nais kong gumawa kayo ng isang pagsusuri tungkol sa Walong Diwata ng Pagkahulog. Sa akdang inyong gagawin, nais kong patunayan o pasubalian ninyo ang pahayag ni Jun Cruz Reyes tungkol sa nobela na matatagpuan sa likod na pabalat ng aklat ni Egay. Lahat ng suring-nobela ay kailangang maipasa sa Miyerkules (March 11, 2009). Tandaan na bukod sa mababang marka, ang estudyanteng hindi makapagpapasa ng suri sa itinakdang araw ay huli sa talaan ng mga estudyanteng pagkakalooban ng pirma sa "clearance" para sa inaasam na graduation.

Panuntunan:

1. Ang suring nobela ay kinakailangang nasa anyong sanaysay na may simula, katawan at wakas at nagtataglay ng 700-1000 na salita.

2. Ang akda ay kailangang naka-type sa "short bond paper". Gamit ang Font Style na Times New Roman, kinakailangang 12 pt. ang sukat ng buong teksto at 15 pt. ang pamagat

3. Kinakailangang mapatunayan o mapasubalian sa suri ang obserbasyon ni Jun Cruz Reyes tungkol sa nobela sa paraang hindi maligoy at paulit-ulit sa pamamagitan ng paggawa ng talataan.

4.
Ang dalawampung (20) pinakamahuhusay na suri ay mailalahatla sa blog na ito


Hangad ko ang inyong pagiging mapanuri.

Saturday, January 10, 2009

Walong Diwata ng Pagkahulog


Artwork sa pabalat ng Walong Diwata ng Pagkahulog ni Jason Moss ("Mortality")
"Binubuksan ng nobelang ito ang panibagong yugto sa pagsusulat ng nobela. Malayo na ito sa tradisyon ng mga romantisista at modernista, na laging mabigat sa dibdib ang paglalahad ng naratibo. Sa akdang ito wala nang imposible sa materyal at maging sa pamamaraan ng paglalahad nito... Tinatangka nitong lampasan ang wika ng isipang malay, at nagtatangkang isulong na posibleng ikuwento ang wala o hindi nangyari... Ikinakatuwa ko ang mga akdang tulad nito na nangangahas magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng naratibo."

- Jun Cruz Reyes

Mapangahas ang anyaya ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes para basahin ang kauna-unahang nobela ni Egay Calabia Samar ngunit para siguro sa sinumang manunulat o panatiko sa pagbabasa ng mga akdang pampapanitikan na nababagot sa sinaunang istilo ng paglalahad ng akda, nakadaragdag pa lalo ito ng interes.


Book Launch Programme

Bilang guro sa Filipino sa ikaapat na antas ng sekundarya, inobliga ko ang aking mag-aaral na bumili ng aklat ni Egay bilang panghuling proyekto nila sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Ilang bagay ang aking isinaalang-alang para dito bilang motibasyon sa aking mga estudyante. Una, ang awtor ay kapwa ko manunulat sa Barkada News Magazine sa San Pablo kung saan kami (kasama sina Sol Aragones ng ABS-CBN, Geoff Borgonia ng Bayan Knights Comics) unang nakatikim ng bayad sa pagsusulat. Ikalawa, bukod sa pagiging kapwa San Pableño, premyadong awtor si Egay. Patunay nito ang ilang mga parangal na natanggap niya mula sa iba't ibang timpalak sa pagsusulat tulad ng PBBY Salanga at Palanca Awards at ilang aklat na nailathala sa kanyang pangalan tulad ng kwentong pambata na Uuwi na ang Nanay kong si Darna at ang National Book Award Finalist for Poetry na Pag-aabang sa Kundiman, Isang Tulambuhay. Ikatlo, bukod sa panibagong istilo sa pagsusulat ng naratibo, San Pablo ang pangunahing tagpuan sa ilang kabanata ng nobela.

Jim Cruz Reyes habang ipinakikilala ang nobela

Audio-Visual Presentation ng Walong Diwata ng Pagkahulog Launch

Bilang paghahanda sa suring-nobela na gagawin ng aking mga estudyante, ipinakilala ko muna sa kanila si Egay sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang impormasyon tungkol sa kanya. Hinayaan ko rin sila sa aking computer class na mag-surf sa Internet ng mga karagdagang impormasyon upang ipaalam sa kanila na hindi ko lamang ginagawa ang pagpapasuri ng nobela para lamang makatulong sa isang kaibigan na bumenta ang kanyang akda kundi dahil bilib ako mismo sa sumulat.

Si Egay at Ako habang pinipirmahan ang aking personal na kopya
Kaugnay pa rin ng nobela, pinilit kong makadalo sa book launch nito sa Ateneo de Manila noong ika-27 ng Enero. Bagamat nakita ko na sa aking Facebook account na dadalo sa pagtitipon ang ilang naging estudyante ko sa Laguna College, natuwa pa rin ako na makita sila ng personal lalo pa't wala akong kontak sa kanila sa loob ng ilang taon matapos nilang grumadweyt ng hayskul. Natutuwa akong malaman na mga young professionals na ang mga dati kong estudyanteng sina Vinnie Brugada, Vernessa Belarmino, Philip Ramos, at Jozzel Ong. Sa kanila ko na rin nalaman na magkakasama pala sila ni Egay sa isang samahan sa simbahang bayan. Ipinakila rin nila sa akin sina Genesis Gubaton at Ma. Aiza Alivio na noong una kita ko'y inakala ko pang mag-syota.


Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis

Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis, Phillip at Egay


Aiza, Vinne, Phillip, Genesis, National Artist Virgilio Almario, Vernessa with Egay

Sa nasabing ring pagpapakilala ng akda, personal kong nakita at nakilala ang ilang sikat na manunulat ng panitikan na kalimita'y sa mga libro ko lamang noong hayskul at college nababasa ang pangalan. Natawa nga ako sa ilang naging obserbasyon ko. Ewan ko ba, hindi ko kasi akalain na mataba at mukhang hasendero pala ang National Artist na si Rio Alma a.k.a.Virgilio Almario. Akala ko kasi eh payat rin siya katulad ng mga nakikita kong manunulat na mukhang walang tulog sapagkat ibinuhos na yata ang lahat ng oras sa pagsusulat ng obra. Nasiyahan rin ako sa mga patawa ng hinahangaan kong manunulat na si Jun Cruz Reyes nang ipakilala niya ang akda ni Egay. Natawa nga ako sa kumento n'ya na hindi ako "insecure" na guro nang sabihin ko sa kanya na ipinababasa ko sa aking mga estudyante ang akda niyang Utos ng Hari na kalimita'y iniiwasang ipabasa ng ilang guro sa kanilang mga estudyante kahit pa sabihin parte iyon ng kanilang batayang aklat sapagkat patungkol ang istorya nito sa pananaw at bansag ng mga estudyante sa kanilang mga guro. Nakabibilib malaman na sa bibig mismo niya na malaki ang magiging partisipasyon ni Egay sa magiging pagbabago ng mga akdang naratibo sa darating na panahon. Personal ko ring nakilala ang may akda ng nobelang Peksman na si Eros Atalia na ayon kay Philip ay magandang akda. Ipinangako ko sa sarili ko na bibili ako ng aklat niya parabasahin sa susunod na bisita ko sa Maynila.


Egay, National Artist Virgilio Almario at Dennis


Dennis, Jun Cruz Reyes at Phillip


Dennis at Eros Atalia

Matapos ang book launch ay nagtuloy kaming mga taga-San Pablo (maliban kay Vinnie na may date yata noong gabing 'yun) sa Gateway Mall para maghapunan. Ilang oras din kaming nagkwentuhan ng mga dati kong estudyante. Sa pagkakaalala ko, iyon ang kauna-unahan kong pagkakataon na lumabas na kasama ang ang aking estudyante.

Habang nagkukwentuhan, ini-upload ni Genesis ang mga kuha naming larawan sa Ateneo sa kanyang laptop (may dala kasing mamahaling camera si Jozzel bukod sa pipitsuging digicam na dala ko). Makalipas ng ilang oras ay dumating ang magpaparing kaklase ni Philip na si Dexter at ang kaibigan nilang lahat na si Dennis Hernandez kasama ang kanyang girlfriend. Bagamat taga-San Pablo rin ang aking tukayo ay noon ko lang siya personal na nakilala.

Matapos ang ilang oras na pagtambay sa Gateway, nagkanya-kanya na kami ng uwian.


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, Phillip


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, at Dennis

Sunday, January 4, 2009

A Poem for the Spitz

Sobra ang cute ng mga tuta ni Ms. Katrina Ponce Enrile na nakita ko sa aking Facebook account. Hindi ko napigilan ang aking sarili na hindi sila papurihan lalo't naka-chat ko pa nang saglit ang mabait na may-ari. Nabasa ko rin ang ilang testimonya ng kanyang mga kaibigan tungkol sa kanyang mga alagang aso kaya naman umapaw ang berso sa looob ng ilang minuto. Narito ang tula at ang larawan ng aso na inumit ko lang mula sa posted pictures ng may-ari sa kanyang Facebook account.

A Poem for the Spitz

(Sabine, Zazu, Channel, Hiro and Iago)


Beleaguered by the pictures of their fuzzy white hair,

mesmerized by the flippant glow of the possessor,

and bystander of the verbatim pronouncement of cyber onlookers…

I felt a sense of elation!

Magnanimous!

…a foremost companion thriving on human contact and attention.



Wednesday, December 17, 2008

Ako at ang Tatsulok Kong Daigdig

Napakahalaga para sa isang mag-aaral ng panitikan na kumilala ng mga anyo ng literatura na likha ng iba't ibang manunulat, sapagkat sa pamamagitan nito nagkakaroon siya ng malinaw na pananaw na may iba pang mundong umiikot bukod sa kanyang ginagalawan.

Narito sa ibaba ang ilan sa mga sariling kathang tula at larawan na ginawa ng aking mga estudyante tungkol sa pananaw nila sa panitikang Tatsulok na Daigdig, isang matalinhagang sanaysay ng isang alagad ng sining at relasyon niya sa mundong kanyang ginagalawan na kanlungan niya ng tunay na kaligayahan.

Bagamat bagito at sadyang hindi sanay sa pagguhit ang mga estudyante ito, piniga ko ang natutulog nilang talento sa sining. Ipinaguhit ko sa kanila ang kanilang sariling interpretasyon tungkol sa paksa. Bukod sa pagdo-drowing, ipinalahad ko rin ang kanilang opinyon sa pamamagitan ng isang saknong ng tula na may apat na taludtod at lalabinwaluhing pantig.

Nawa'y matuwa kayo sa panonood at pagbabasa.



KYDD CARL B. PANDANAN

Kapag tatsulok ang mundo buhay ng tao’y magbabago

Di malaman kung papaano di alam kung saan patungo

Landas man ay paliku-liko kaya’t hindi matungo-tungo

Kanyang hangarin na matanto ang nais na tunay na mundo



ROMMEL P. JAINAR

Pumapangibabaw na sinag lang ang nagbibigay-liwanag

Dito sa ating munting mundo na hugis tatsulok tinibag

Na naaayon sa dahilan na s’ya namang kumakatawan

Mahirap man o mayaman sana’y magkapantay-pantay



MARIZ ROMERO

Kayamanan ba ang sukatan dito sa mundong ibabaw?

Tila nasa ilalim lamang mahihirap na tumatanaw

Sa mayayamang walang budhi mga dukha’y tinatapakan

Na para bang di natatakot sa di man lang nag-alinlangan



RALPH RICO F. AQUINO

Ang tatsulok nating daigdig punung-puno ng kasamaan

Nagbabadya ang kalagiman nararapat nating iwasan

Landas ng buhay ay itama kabutiha’y ating panigan

Mamuhay tayong masagana patungo sa kinabukasan



RONALYN A. VILLAMARZO

Paaralang pinapasukan, araw-araw pinupuntahan

At sa tuwing awasan naman agad diretso sa tahanan

Ang simbahan nama’y takbuhan kapag ako’y may kailangan

Sa tatlong lugar na ‘to lamang umiikot ang aking buhay



DANIE JONES M. GRAPE

Kung tatsulok itong daigdig mahihirapan ang marami

May mga ilang mamamayan sa salapi’y di mangingimi

Nasa taas ang mayaman sa ibabaa ang walang pera

Sila’y magsisikap sa buhay para mas malaki ang kita



MELANIE L. CALUPAS

Kung ating pag-uusapan ay ang pagkakapantay-pantay

Iyang tatsulok na daigdig ay sadya ngang malupaypay

Sapagkat buong sanlibutan sa salapi nakasalalay

Walang ibang pinaiikot kundi ang perang nasa kamay




ARVIN C. EXCONDE

Sa tuwing naiisip ko ‘to laging tanong sa sarili ko

Ano ang kahihinatnan ko? Makukuntent na ba ako?

Sa daigdig na naiisip ko masasanay bang laging gan’to?

Isang mundong hugis tatsulok, ito ba ang titirahan ko?




PAUL JHON DALISAY

Mga kaisipang nilikha mula sa damdaming may diwa

Mapagkubling mga gawa kaisipang puno ng awa

Batid ay mga alaala ng daigdig na nagdurusa

Ito’y nagsisislbing liwanag patungo sa bagong pag-asa




JOHN CHESTER R. MANGUBAT

Sa ating tatsulok na mundo mayaman ang nagingibabaw

Mga taong naghihikahos sa ilalim matatagpuan

Pilitin man nilang iahon kahirapan ng kabuhayan

Lahat-lahat ng mga ito’y tatak na sa kanilang buhay




MIRACLE A. REYES

Mundong ito’y may tatlong sulok na mayroon ding kahulugan

Sa aki’y damdamin, kasiyahan, kalungkutan kabagabagan

Itong Magandang kalikasan simbulo’y kagalakan

Sa kamataya’y pagdaramdam pangamba’y dulot ng digmaan




EUNICE R. ABUYABOR

Kalikasan ang ating mundo kaaya-ayang tingnan ito

Binibigyan linaw ang bagay na gumagalaw sa isip ko

Sa tatlong suolok ng daigdig na siyang ginagalawan ko

Nakapgbibigay ng kulay sa kadiliman ng mundo




SAMANTHA L. ALCANTARA

Mga magagandang tanawin halina’t ating dungawin

Hanggang sa ilalim ng dagat ating languyin at sisirin

Ang halimuyak ng bulaklak damhin at langhapin natin

Mga problema ay limuti pakinggan ang mga witin


ARNOLD TAPAY

Sa tatsulok kong daigdig walang humpay ang saya’t ligaya

Puno ng nag-uumapaw na damdamin na nagpapasigla

Hatid ng magandang bulaklak at mababangong ponsentya

Tunay na mahalimuyak tulad sa paraisong likha Niya

Monday, November 3, 2008

Kalye

Sa lahat ng IV-B,

Sa gitna ng mga pambansang isyu na kinakaharap ng bansa ngayon tulad ng kurapsyon sa pulitika, krisis sa ekonomiya at iba, may mga isyung panlipunan na malimit ay napapabayaan ngunit nangangailangan ng higit na atensyon. Bagamat sa maraming pagkakataon ay hindi nalalathala bilang ulo ng balita sa mga pambansang pahayagan ang ilan sa mga isyung ito, hindi rin matatawaran ang esensiya ng ganitong balita sapagkat higit itong nakaaapekto sa mga simpleng mamamayan na bumubuo ng malaking porsyento ng populasyon ng sambayanan.

Bilang estudyante na nag-aaral ng panitikan, mahalaga na may sapat kayong kabatiran sa mga isyung ganito upang maging bukas ang inyong kamalayan sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa inyong pamayanan, kultura at pagkakakilanlan bilang mga pilipino.

Bilang takdang-aralin, nais kong panoorin ninyo at bigyang-reaksyon ang programang Kalye: Mga Kwento ng Lansangan sa ABS-CBN sa Lunes, Nob. 3. Ang programa at ini-eere pagkatapos ng Bandila, ang panggabing balita ng nasabing istasyon.

Sa reaksyon ninyong gagawin, ay nais kong ilahad ninyo ang inyong kumento sa programa at ang dating nito sa inyo bilang kabataan. Katulad ng nauna na nating gawain, kailangang mai-post ninyo ang inyong kumento sa link na matatagpuan sa ibaba ng post na ito.

Hangad ko ang matalino, masusi at balanse ninyong pamumuna.

Friday, October 24, 2008

Project Ay, Ayeng: Suring Pelikula

Sa lahat ng IV-B,

Bilang pagsulat na proyekto ninyo ngayong Ikalawang Markahan, nais kong gumawa kayo ng isang suring-pelikula tungkol sa pelikulang Ay, Ayeng na pinanood ninyo sa Ultimart Cinema noong ika-4 ng Oktubre.

Gamit ang mga tanong at panuntunan sa ibaba, kailangang mai-post ninyo ang inyong suring pelikula sa pamamagitan ng isang kumento na kailangang mailathala (publish) sa blog na ito sa o bago ang Nobyembre 4, 2008 gamit ang buong pangalan. Matatagpuan ang link sa kumento (comments) sa ibaba ng post na ito.

Lahat ng suring peilkula na hindi maipo-post sa blog na ito sa itinakdang araw ay may katapat na markang 65%. Tandaan na ang marka para sa proyekto ay 25% ng kabuuang marka para sa Ikalawang Markahan.

Panuntunan:

1. Ang suring-pelikula ay kinakailangan nasa anyong sanaysay.

2. Ang bilang ng talata ay depende sa bilang ng mga tanong na nakalaan bukod pa sa tig-isang talata para sa simula at sa wakas. Ibig sabihin, isang talata ang nakalaan para sa paliwanag sa bawat isang katanungan. (Walang limitasyon sa bilang ng pangungusap. Ang mahalaga ay ang kaisahan ng kaisipan)

3. Mga tanong na dapat masagot sa suring pelikula.

a. Makatotohanan ba ang istorya? (Maaring maglahad ng tiyak na pangyayari upang mapatunayan ang pagpapakatotoo sa pelikula)

b. Angkop ba ang mga artista sa papel na kanilang ginampanan? (Ilahad kung konsistent sila sa kanilang pagganap, kung over acting o under acting)

c. Aling bahagi ng pelikula ang nagpapakita ng pagkamadula o kagalingan sa pagganap ng tiyak na artista at bakit?

d. Paano nakatutulong sa ikagaganda ng buong pelikula ang paglalapat ng ilaw, tunog, kasuotan at tagpuan?

e. May napabayaan bang elemento ang pelikula? Alin ito?

f. Kung ikaw ang tatanungin, naipahatid ba ng pelikula ang mensaheng nais nitong iparating?


Pamantayan sa Pagmamarka

50% - Pagsunod sa Panuntunan
45% - Orihinalidad ng Gawa
____
95% - Kabuuan



Hangad ko ang matalino, masusi at makatarungan ninyong pag-aanalisa.

Happy Semestral Vacation!

Sunday, September 28, 2008

WATER: Gift and Responsibility

by Dennis Lacsam


“The earth was formed out of water and by water”. This verbatim pronouncement in Peter 2 3:5 of the Holy Bible proves that even long before the olden times of creation, water is with God and God is with water. To show Almighty’s love to humanity, and by his prodigious hands, He landscaped and provided the universe with all the things, things which every part is believed to be “all water”.

Ladies and gentlemen, water is much more than we know. Although it may appear colorless to our naked eye, flavorless to our taste buds, or odorless to our olfactory, there is much more to know about this ancient substance that supports and sustains humanity for thousands of years. It has been proven that the water in its natural and healthy state of purity and integrity is an intelligent and highly responsive substance to all other forms of life.

In most religions, water is considered an absolute purifier. Major faiths incorporate washing into their rituals. It is used from baptism, the innermost sacrament of Christianity to the ritual bath performed for the dead in religions like Judaism and Islam. It seems effortless to mention its vitality in our being for it does not only cleanse our body but symbolically cleanses our soul.

As we all live together on this water planet, in our water bodies, we are inherently and naturally attracted to healthy water. We love it, we play in it, and we holiday near it. Our affinity to this precious resource is undoubtedly inimitable. Scientists and researchers continue to show us that our thoughts affect our own vibrational energy, which directly affects the structure of the very water within our bodies and in our environment. It is therefore no longer a theory, that the water, like everything else, has consciousness. No wonder why this enigmatic substance is an indispensable element in our existence.

Water, no doubt, is an essential part of our lives. Human survival relies on it. It is responsible for carrying nutrients and oxygen to cells, removing toxins to wastes, converting food into energy, cushioning joints, hydrating skins, protecting tissues and organs, and empowering the body’s natural healing processes. A living creature could not survive without the bag of water inside its mother’s womb that protects and nourishes it for nine long months, and conversely, lack of water in the body can be the cause of countless ailments.

Cities and communities have proliferated where water reserve is overflowing. Quality water has become a prerequisite ingredient of our nation’s progress and improvement. The flowing water spins a turbine generator, which then generates electricity. The spent water coming out of the turbine can still be used for irrigation or water supply for homes. Water dynamism in our survival seems endless, but is this really our foremost concern? The infinite uses of the valuable resource God has abundantly bestowed each upon us?

Friends, water quality is a growing global concern. It is heartrending to know that polluted water and inadequate sanitation kill two children every thirty seconds worldwide; and, that the water we drink which literally becomes us since a large percentage of our bodies is water, is the same water that poisons the future generations. Many of us have unfortunately lost respect and concern for water and Mother Nature. We are rapidly destroying water’s life-giving capacities. Water, the lifeblood of human race, has been deserted and contaminated to the limits.

In the local scene, DENR reported that none of the country’s 158 major rivers was clean enough to drink in their natural flowing state. Of the 421 rivers in the country, 50 were considered biologically dead. And, only obnoxious creatures that cause diseases could be found in these rivers due to their rotten condition.

Just recently, massive oil spills in Semirara and Guimaras have tainted our watersheds. It is so depressing to think that the seas that are home to teeming water creatures have become a dumping ground of man’s toxic wastes.

Friends, let us strengthen our relationship with the miraculous element that gives us life. Remember that our concern for water is a public and patrimonial obligation. The protection, revaluation, and sustainable development of the water resources are actions of general interest. The right to use water, as well as the corresponding duties resulting from the water resources protection and conservation shall be exercised in accordance with the provisions of the present law. The human right to water is essential for leading a healthy life in human dignity. It is a pre-requisite to the realization of all other human rights.

Let us actively involve ourselves in taking care of our environment, our nature, our water. We should not stop thinking and putting into actions the most effective ways to conserve and protect our water supply. Using too much or wasting water should have some kind of feeling or sense of concern – some sort of responsibility and a sense of discipline. We must treat water as the most precious thing in the world for us to understand its true worth. Let us be economical with water! Don’t waste it! We still have time to do something about the water problem before it’s too late. Let us give water a healing hand. Let us not wait for the ill-fate to come our way. Let us be responsive to the call so that the prediction in Koran, the war of the twenty-first century is the fight over water, will never become a reality.

Ladies and gentlemen, remember that when God created the universe, He said fence! He created us human with the highest intellect among His creations to guard all the worthy things He has given us including the valuable water we inhabit. I therefore say, that it is our sole responsibility to protect water, God’s ultimate gift to humanity, for water means LIFE.

APEX TALUMPATIAN

Noong Agosto 25, 2008, muling nasilat ng aming paaralan ang korona sa Pandibisyong Paligsahan sa Talumpatian na iniisponsoran ng APEX San Pablo taun-taon. Noong isang taon, kaugnay ng selebrasyon ikadalawampu't limang taong nang pagkakatatag ng nasabing samahan ay pinagreynahan ng aming estudyante na si Kristine Grace Paras ang kumpetisyon. Ngayong taon naman ay pinagharian ito ni Marvin B. Custodio sa paksang "Wika Mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!". Narito ang pyesa na ipinanalo ni Marvin at ang ilang larawang kuha sa timpalak na ginanap sa Bulwagang Rizal ng Paaralang Sentral ng San Pablo.

Wika Mo, Wikang Filipino, Wika ng Mundo, Mahalaga!

Nagpupuyos sa galit sa pagkukwento ang Bisayang kapitbahay namin matapos mapanood sa pinilakang-tabing ang pelikulang Sakal, Sakali, Saklolo ng paborito niyang si Juday. Maliwanag daw kasi na sa isang eksena ng pelikula ay harap-harapang niyurakan ang kanyang pagkalahi ng karakter ni Gloria Diaz na isang mayamang lola na walang-pasintabing kinuwestyon ang katulong ng kanyang manugang kung bakit pinalalaking

Bisaya ang kanyang apo. Ang lubha pang nagpasama ng loob ng dismayado naming kapitbahay ay nang palalain pa raw ang eksena sa hindi maingat na pagbibitiw ng diyalogo ni Juday na gumanap bilang ina ng bata, na nagsabing “Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino!” Na sa paniniwala niya’y mabilis na sinang-ayunan ng mga manonood sa pamamagitan ng umaatikabong halakhakan na may halong pangmamaliit na umalingawngaw hindi lang sa buong sinehan bagkus ay sa kanyang kinawawang pagkatao.

Ang nakalulungkot na eksena ng pelikula, sa tanggapin man natin o hindi, ay isang malinaw na realidad na malimit na nangyayari sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang Pilipino. Sa bulag nating paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong ginagamit ng karamihan sa lipunan, ay tayo pa mismo ang nagluluklok dito sa itaas upang ito’y maging makapangyarihan na sa kalaunay nagpapatingkad lang lalo ng ating mga kahinaan. At sa maraming pagkakataon ay ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging purista sa ating kinasanayang wika o di kaya’y pagyakap sa kultura ng iba kasabay nang pagtatakwil sa mga sarili nating kaangkinan.

Kung tutuusin, sa panahong ito ng information age, hindi na nakatutulong ang mga balitaktakan tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Ang mahalaga ay nakikipagsabayan ang ating katutubong salita sa pag-uunahan ng mga wika na animo’y humahagibis na sasakyan sa malawak na kalsada ng information highway ng Cyberspace. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap nating mga Pilipino sa mga bagong karunungang makaaagapay sa atin sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig.

Kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa.

Huwag tayong maniwalang dahop ang Filipino bilang wika ng akademya katulad ng laging sinasabi ng ilang walang malasakit na Pilipino sa ating Inang Wika, sa halip ay tumulong tayo upang payabungin ito sa lahat ng dako. Lagi nating unawain ang pamosong kasabihan ng mga taong masisikap at may positibong pananaw sa buhay na “Kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan!

Mga kaibigan, bagamat ang pagiging Pilipino kailanman lagi nating pakatatandaan ay hindi lamang nakikita at nasusukat sa tatas ng dila ng isang tao sa pagsasalita ng wikang kanyang kinamulatan, gawin nating huwaran ang maraming kababayang sa halip na gawing sagabal ang pagsasalita ng ating wika sa ibang bansa ay kinasangkapan pa nila ito upang makilala ang lahing Pilipino sa mundo. Tulad na lamang nina Allan Pineda na miyembro na tanyag na bandang Black Eyed Peas at Charmaine Clamor na kilalang mang-aawit ng kundiman sa Hollywood. Patunay ang kanilang mga mabentang awitin na tanggap maging ng ibang lahi ang wikang Filipino hindi katulad ng ipinangangalandakan ng iba na walang puwang ang wikang katutubo sa panahon ng globalisasyon.

Mga minamahal kong tagapakinig, katulad ng sinabi ni Propesor Randy David, huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Kailangang makipag-ugnayan ang ating mga katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na balewalain ito, sa maling paniniwalang hindi na ito nababagay sa makabagong panahon. At kapag nangyari ito, dito magmumula ang bukal ng kamalayan sapagkat mananatiling magkaugnay ang pag-unlad ng wika at pag-usbong ng malayang kaisipan dahil sa nag-iisang ugat na kanilang dinadaluyan – ang paggamit nito sa lahat ng anyo ng pakikipagtalastasan.

Mga kaibigan, darakila ang wikang Filipino at ang bansang Pilipinas! Makiisa ka lamang!

Isang magandang hapon sa inyong lahat.