Wikipedia

Search results

Tuesday, October 20, 2009

Kalay, Ang Batang Ayaw Magsuklay


Akdang sinulat ni Kirby SediƱo, IV-B na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Pansilid na Paligsahan sa Pagkatha ng Maikling Kwento.
Nalathala sa Ang Laurel, Ang Opisyal na Pahayagan ng Col. Dizon MNHS



Si Kalay ang anak ng mag-asawang Mang Karlo at Aling Melay. Trabaho ni Mang Karlo ang paggawa ng suklay habang ang kanya namang asawa ang nagbebenta ng mga ito sa bayan.

Dahil babae at nag-iisang anak, espesyal at iba’t ibang mga suklay ang ginagawa ni Mang Karlo kay Kalay – kakaiba sa ipinagbibili ng kanyang asawa. Ngunit kahit kailan ay hindi man lamang natutunan ng kanyang anak na gamitin ang mga ito. Ginawa na ni Aling Melay ang lahat upang paalalahanan ang anak sa kahalagahan ng pagsusuklay ngunit nauuwi lamang sa wala ang kanyang mga tagubilin.

Nang walong taon na si Kalay, kakaibang suklay ang ginawa ni Mang Karlo sa kanyang anak bilang regalo. Nilagyan niya ito ng makukulay na sihay at malilit na kabibe na nasimot niya sa tabing dagat. Ibinalot pa ito ng kanyang asawa at nilagyan ng laso bago ibigay sa anak. Ngunit ng matanggap ito ni Kalay ay parang balewala lamang. Katulad ng iba pa niyang suklay ay hindi niya ito ginamit.

Isang araw, naglalaro si Kalay nang lapitan siya ng isang bata, “Hoy, Kalay! Bakit magulo ang buhok mo? Mukha kang bruha! Ha.Ha.Ha.”

“Wala kang pakialam!” tugon ni Kalay sa bata.

Isang araw ay pinipilit ni Aling Melay na suklayan si Kalay ng suklay na kaloob dito noong kanyang kaarawan. Dahil dito nagalit si Kalay. Ayaw na ayaw n’ya kasi na pinakikialaman ang kanyang buhok. Pumalag siya at tumakbo papalayo. Nang mapansing naiwang nakasabit sa kanyang magulong buhok ang suklay, hinablot niya ito at itinapon.

Hindi umuwi si Kalay sa kanila. Nagpalipas siya ng ilang oras sa isang abandonadong bahay. Laking gulat niya ng makita roon ang suklay na kanyang itinapon. Pupulutin n’ya sana ito nang bigla itong nagliwanag at nag-anyong mangkukulam. Galit itong lumapit sa kanya at sinabing, “Dahil sa ayaw mong magsuklay, ito ang nararapat sa iyo!” Nagtatakbo si Kalay habang humihingi ng saklolo “Huwag po!”

Bigla na lang nagising si Kalay. Nakatulugan pala niya ang pagmumukmok sa abandonadong bahay. “Buti na lang at panaginip lang pala ang lahat. Natakot ako roon ah! Makauwi na nga at baka hinahanap na ako nina Inay”

Umuwi na si Kalay sa kanilang bahay at humingi ng tawad sa kanyang mga magulang. Niyapos ni Aling Melay ang anak at hinaplos ang buhok nito na hindi napansing humaba na kaysa dati.


Nang nakahiga na si Kalay upang matulog ay biglang nagpakita sa kanya ang mangkukulam sa kanyang panaginip.

“Ikaw yung nakita ko kanina ah! Akala ko’y hindi ka totoo sa aking panaginip” sabi ni Kalay.
“Oo, ako nga!” ang pagalit na sagot ng mangkukulam.

Natakot si Kalay kayat nagtalukbong siya ng kumot. Sa isang iglap ay naglaho ang mangkukulam. Hindi na makatulog si Kalay sa sobrang takot kaya tumabi ito sa kanyang mga magulang.

Kinaumagahan, nagulat ang kanyang mga magulang nang makita ang buhok ni Kalay na sayad na sa lupa.

“Anong nangyari sa buhok mo anak, bakit biglang humaba?” tanong ni Aling Melay

Umiiyak na sumagot si Kalay, “Hindi ko po alam Inay, natatakot po ako.”

Umisip ng paraan ang ama ni Kalay. Agad na kinuha ang gunting at ginupit nito ang mahabang buhok ng anak. Sa halip na umikli ay lalo pa itong humaba na lalong ikinaiyak ni Kalay.

Dahil sa pangyayari, napilitang isangguni ng mag-asawa ang kalagayan ni Kalay sa isang albularyo. Ipinatawas (paraan ng mga albularyo upang malaman kung ano ang sakit ng nagpapagamot) nila ang anak upang malaman kung ano ang tunay na nangyari.

“Misis, nakulam ho ang anak n’yo. Nagalit ang mangkukulam na natamaan sa itinapong suklay ng inyong anak. Ang tanging paraan para gumalingsiya ay ang bawiin sa mangkukulam ang itinapong gamit at ipagamit ito sa kanya sa lahat ng pagkakataon.” ang sabi ng albularyo.

Nag-usal ng salitang Latin ang albularyo at tinawag ang pangalan ng mangkukulam. Agad itong lumitaw. Bagamat gulat ang mga magulang ni Kalay sa mga pangyayari ay nakiusap ang mga ito na ibalik ang suklay na itinapon ng kanilang anak. Hindi pumayag ang mangkukulam. Sa halip ay pinalago at pinapulupot pa niya ang buhok ni Kalay sa buong katawan. Humahagulhol na nagmamakaawa si Kalay sa mangkukulam.

“Kung mangangako ka na araw-araw ay magsusuklay at mag-aayos ng sarili, isasauli ko sa iyo ang suklay na makapagpapabalik sa normal mong anyo.”

Agad na nangako si Kalay na susundin ang kagustuhan ng mangkukulam. Magsusuklay na siya at pipiliting maging malinis sa lahat ng pagkakataon. Dahil sa narinig ng mangkukulam, ibinalik nito kay Kalay ang suklay na no’oy hindi na makita dahil balot na balot na ng mahabang buhok ang kanyang buong katawan.

Pagkaabot na pagkaabot ng mangkukulam ng suklay ay agad itong ginamit ni Aling Melay sa buhok ng anak. Habang sinusuklay niya ang buhok ni Kalay ay unti-unting bumabalik ito sa dati.

Mula noon ay hindi na nila nakikita si Kalay na gulo-gulo at sabit-sabit ang buhok. Natutunan na ni Kalay ang kahalagahan ng kaayusan at kalinisan hindi lang sa buhok maging sa buong katawan.

Friday, October 2, 2009

Photo Essay

Sa lahat ng IV-B,

Brutal ang kapinsalaan na nilikha ng Bagyong Ondoy sa buong Luzon partikular sa Kamaynilaan. Hindi birong buhay, ari-arian at kabuhayan ang winasak nito. Hindi na kailangan pa sigurong sabihin na maaring ganti na ito ni Inang kalikasan sa ating mga tao sapagkat hindi maikakaila ang ginagawa ng marami sa atin na paglapastangan sa kanya.

Bilang mag-aaral, mahalaga na bukas ang inyong kamalayan sa nangyayari sa ating paligid dahil higit sa lahat kabilang kayo sa mundong ating ginagalawan na marahil ay humihingi ng katarungan dahil sa ating mga pagkukulang at kapabayaan.

Bilang gawain, nais kong lumikha kayo ng isang "photo essay" na magpapakita, maglalarawan at magpapatibay kung paano tayo makababawi sa kalikasang patuloy na kumakalinga at nagbibigay sa atin ng buhay.


Narito ang mga pamantayang inyong susundin:

  • Ang "photo essay" ay kinakailangang gawin sa kalahating Manila Paper
  • 5-7 larawan na ginupit mula sa mga pahayagan o magazine ang kinakailangang ilagay sa photo essay. Ang mga larawan ay kinakailangang may kulay, malinaw at naghahatid ng mensahe tungkol sa mga dapat nating gawin bilang ganti sa pag-aaruga sa atin ng Inang Kalikasan.
  • Bukod sa mga larawan, kinakailangan lumikha rin ng isang sanaysay na hindi lalampas sa dalawandaang salita (100) na akma sa mga napiling larawan at temang "Kabataan: Pag-asa ng Inang Kalikasan"
  • Kinakailangang ayusin ang mga larawan at sanaysay sa paraang presentable sa sinumang makakakita nito. Bagamat isusulat kamay ang sanaysay, gawing printed (may upper at lower case) , malinaw at malaki ang sukat nito upang mabasa nang maayos kapag naidikit na sa pader o sa pisara para sa pagmamarka.
  • Lagyan ng pamagat ang gagawing photo essay. Kinakailangang sa pamagat pa lamang ay lumutang na agad ang kaisipan. Hindi maaaring gamiting pamagat ang temang "Kabataan: Pag-asa ng Inang Kalikasan"
  • Gamit ang itim na ballpen, Ilagay sa pinakasulok na kanang bahagi ang pangalan ng gumawa.
  • Kinakailangang maipasa ang photo essat sa Miyerkules (Oktubre 7 sa oras ng Filipino)
  • Ang sinumang estudyante na hindi makapagpapasa ng gawain sa tamang oras ay gagawa ng 5 photo essays na gagawin lamang niya sa loob ng isang araw.
  • Kinakailangang magpasa rin ang bawat isang estudyente ng isang 4X6 index card kung saan nakalagay ang pangalan, pamagat ng kanyang photo essay at ang pamantayan sa pagmamarka na nakasulat sa isang talahanayan (table)

Pamantayan sa Pagmamarka

30%
- Larawan (linaw, ganda ng kuha, kaisipan)
30% - Sanaysay (kaisipan, kaugnayan sa paksa,
30% - Lay-out (ganda ng sulat, paghahanay ng larawan)
5% - Pamagat (hikayat sa babasa, kaugnayan sa paksa)
____
95%





Hangad ko ang iyong pagiging malikhain sa proyektong ito para sa ating naghihingalong mundo.!



Saturday, September 26, 2009

WATER FOR YOU AND ME: How Far Can We Go?

by Dennis Lacsam


It was on March 25, 2001 when Julia Roberts was proclaimed Best Actress in the Academy Awards for her portrayal as Erin Brockovich, an unemployed single mother of three who fought for the world’s largest utility for dumping 370 million gallons of hexavalent chromium into unlined ponds in Hinkley, California, a deadly toxic waste that poisoned the residents in the area. For Julia Robert’s fans, it was one of her most remarkable performances that brought her to Hollywood’s super stardom. But for millions of movie aficionados who have been touched by Erin Brockovich’s life and struggles for clean water, it was indeed heroic and humanitarian.

Ladies and gentlemen, today, we have reached consciousness and apprehensions that man on earth must instantly stop his destruction on any body of water around him for water is truly a valuable natural resource – the uppermost indisputable need of every living creature on the planet. Its importance cannot be estimated for it is an indispensable element to life and society – a main source of nourishment and energy, a raw material for productive activities, a way of transport, and a determinant factor for the preservation of the ecological balance.

Water is a fundamental part of our lives. Human survival is dependent on water. The water we drink literally becomes us since such a large percentage of our bodies is water. We need plenty of fresh water to stay healthy. Aside from aiding in digestion and absorption of food, water regulates body temperature, carries nutrients and oxygen to cells, and removes toxins and other wastes. It also lubricates our joints and protects tissues and organs, including the spinal cord from shock and damage and conversely, lack of water can be the cause of many ailments.

Plants and animals can’t live without freshwater, because all organisms are made up mostly by water. A tree for example is about 60% water by weight and most animals are about 50-65% water.

No industries will survive without water’s help for it is used as a raw material coolant, a solvent, a transport agent, and as a source of energy. It turns the turbines of hydroelectric plants that produce electricity for light, heat and power for factories and communities. Thousands more liters of water are involved in the manufacture of plastics, glass and fabric components. It seems infinite to detail its dynamism in our life, in our environment, in our existence.

For thousands of years, humanity has been aware of the importance of water. In Rome, a couple of thousand years ago, it was considered to be one of the biggest crimes to pollute the water. Unfortunately, a few of us deem the importance until it is in limited supply. Man seems to destroy water through his greed for what he believes to be his personal survival.

In our advanced and modern society, it is effortless for us to forget how completely we depend on it. We believe that we have to sacrifice everything including the water of this planet we inhabit in order to continue the progress and our so-called welfare. We are rapidly destroying water's life-giving capacities. Increased population, industrial wastes and agricultural chemicals are contaminating our water sources. We have unfortunately lost all respect and deference for water and Mother Nature. Water, the very lifeblood of humans, has been neglected and tainted to the limits. Deadly pesticides and other harmful chemicals contaminate our watersheds. The seas and the great rivers that are domicile to teeming water creatures have become a dumping ground of man's toxic wastes.

Today, some 1.5 billion people live without access to drinking water. Nearly 2 billions do not have access to proper sanitation. According to the World Health Organization, 30,000 people die each day from drinking polluted water, 6,000 of which are children. The planet's water resources are becoming increasingly fragile due to over consumption and pollution. No wonder why water is a prime commodity these days. The proliferation of distilled water neighborhood vendors and the popularity of bottled water are testaments to this problem.

But, have we noticed that endless serious campaigns against the factors that brought about our water crisis such as deforestation, improper waste disposal, and the like seem to be useless? Water crisis, an alarming issue, remains an issue until now. And let’s face it, the problem remains a problem.

We, young people have to open our eyes. We have to be aware that our silence means accepting that we are ready to face whatever ill-fate is coming on our way. Can’t we do anything about it?

The government has its role in conserving water resources, then we must also have our own. We should not stop thinking and putting into actions the most effective ways to preserve and protect our water supply.

Friends, the challenge is on you and me, on all of us. Let us be responsive to the call where the answer lies only on our hands. Let us develop consciousness, a sense of preservation, and a sense of responsibility. Let us treasure one of the miracles God has bestowed upon us, the life giving water.
The time to act is now, or it will be too late! Remember that water is life, and without it, we can never go far.

Tuesday, September 15, 2009

Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas

Talumpating nilikha ni Dennis Lacsam at binigkas ni John Paul Manalang na nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa APEX Talumpatian 2009.


“Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.” Literal na pahayag na nakatala sa Seksiyong 6, Artikulo XIV ng Pambansang Konstitusyon ng 1987. Isang malinaw na kaisipan na magpapatotoo na sadyang kinikilala maging ng kataas-taasang saligang batas ang pagsulong ng wika na siyang bukal ng kamalayan ng isang bansa. Isang pananagutang magpapatibay na hindi maihihiwalay kailanman ang pag-unlad ng wika sa pag-usad ng panahon – palatandaang patuloy na magpapaalala na buhay ito katulad ng ating hininga na siyang pangunahing pangangailangan natin upang mabuhay at makipag-ugnayan.

Mga kababayan, halos pitumpung taon na nang ideklara ni Manuel Luis Quezon na tubong Baler, Quezon ang Tagalog bilang wikang pambansa sa Kumbensiyong Konstitusyunal ng 1939. Bagamat umani ng batikos partikular sa mga Sebwano ang aksyong ito ng dating Pangulo sapagkat hindi raw natutugunan nito ang pambansang tatak at diwa ng sambayanan, sa halip ay ng mga pangkat etniko lamang, hindi mapasusubalian na yumabong at naging katanggap-tanggap na ito sa pagdaan ng panahon. Sa paniniwalang mas agpang sa pagkilala sa maraming katutubo, ang Tagalog ay naging Pilipino at ang Pilipino sa kalauna’y napalitan ng Filipino – mga pagbabagong nalinang sa kabila ng iba’t ibang nagpanukala, bumatikos, nagtanggol, at nagtrabaho alang-alang sa iisang mithiin na pagkakaroon ng isang pambansang wika na magtataguyod ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Mga kaibigan, maaring tapos na ang papantig na pagbigkas ng mga titik ng ABAKADA at napalitan na ng Ingles na baybay ng ABCD na mas angkop sa modernong mundo ng haute couture at Cyberspace ngunit hindi nangangahulugan ito na tinatalikdan natin ang ortograpiya ng ating pagkalahi. Pinayayabong lamang natin ang ating balarila bilang pagpapatunay na pinapahalagahan natin ang importansya ng dibersidad at multilinggwalismo ng ating Inang Wika upang mabuhay, umunlad at makipagsabayan sa panahon ng globalisasyon.

Ang wikang Filipino, kahit bali-baliktarin, pagandahin o gawing makabago ng sinumang Pilipino na magtatangkang paimbulugin ito sa anumang larangan – pasulat man o pasalita, sa kalauna’y ang paggamit pa rin nito ang higit na mas mahalaga. Walang sinuman ang makapagsasabi na binabastos at pinawawalang-halaga natin ang sarili nating kultura sapagkat bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang interpretasyon kung papaano natin ito mamahalin at ilalapit sa puso bilang tunay at responsableng Pilipino.

Sa aminin man natin o hindi, ay nagdiwang tayo nang pumailanlang sa mga istasyon ng radyo at telebisyon sa Amerika ang kantang Bebot ni Apl. de Ap ng Black Eyed Peas na ayon mismo sa Wikipedia na isang on-line Encyclopedia sa World Wide Web ay nagmula sa balbal na salitang Filipino na tumutukoy sa isang magandang babae.

Malayo na ang narating ng ating Inang Wika. Ang noo’y diyalekto lamang ng Baler at buong Katagalugan ngayo’y wika na ng kapuluan at siya nating pambansang espiritu. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng modernisasyon tulad ng Internet at iba pang midyum ng komunikasyon ay nakikilala na ito hindi lamang sa buong bansa bagkus ay sa buong mundo.

Nakalulugod na hindi natin ipinagpapasa-Diyos ang kahihinatnan ng ating katutubong salita, ngunit lagi nating tandaan na hindi na rin nakatutulong ang mga pagtatalo tungkol sa kapangyarihan ng isang wika kumpara sa iba sapagkat nananatili lamang itong walang katapusan at nauuwi sa kawalan. Pakaaalalahanin natin na ang pagmamahal sa wika ay naipapahayag sa mga pangmatagalang programa at proyektong inako nitong isakatuparan para sa kabutihan ng buong bayan.

Kung naniniwala tayo sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan – maging ito ma’y sa inisyatiba para sa katutubong kaalaman, kaligirang pangliterasiya, integrasyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya at katatagang pampulitika. Napakahalaga na ipabatid sa bawat isang Pilipino na makabuluhan ang wika na siya nating lunggati sa ating pinagmulang lahi. Marapat na umigpaw sa ating mga sarili ang pagsibol ng totoong diwa ng nasyonalismo. Kailangan natin ang marami pang Felipe Jose, Wenceslao Vinzons, Tomas Confesor, Hermenegildo Villanueva at Norberto Romualdez na bagamat hindi masyadong kinilala ng kasaysayan bilang mga unang arkitekto at bayani ng wikang pambansa ay naging huwaran naman ng kadakilaan at tunay na pagmamalasakit sa ating Inang Bayan.

Mga minamahal kong kababayan, ngayon ang simula upang maging bayani tayo ng wikang pambansa. Paimbulugin natin ang kadakilaan nito sa isip, sa salita at sa gawa.

Friday, August 28, 2009

May Uniporme o Wala?

Balagtasang nilikha nina Gng. Rinia Ilagan at G. Dennis Lacsam


Lakandiwa:

Sa mga naritong mga panauhin
Mga katunggali’t kaibigang giliw
Magandang araw po ang pagbati namin
Sana’y masiyahan sa tulaan natin.

Akong lakandiwang ngayo’y naatasan
Na magpakilala sa magtatagisan
Sa paksang napili: na kung kailangan
Na mag-uniporme sa ‘ting paaralan.

Itong si Bernadette ay handang-handa na
Na maipagtanggol yaong panig niya
Dapat mag-uniform ang mga eskwela
Sa kanyang pagtindig, palakpakan sana.

Binatang si Patrick hindi palalamang
Sa pagsasanggalang: na di kailangan
Ang mag-uniporme nitong mag-aaral
Sa pagtayo niya’y ating palakpakan.

Ngayong nagampanan ang aking tungkulin
Handa na ba kayo sa inyong gagawin?



Bernadette at Patrick:

Handa na po kami!



Lakandiwa:

Kung gayon, halina’t simulan na natin
Ang pagtatagisan ng talinong angkin.


Sa pag-uumpisa nitong Balagtasan
Napakahalaga na inyong malaman
Na itong tulaa’y isang tunggalian
Hindi ng damdamin kundi ng isipan

Sa pagpipingkian ng mga talino
At sa pagtatanggol ay mag-ingat kayo
Baka masugatan inyong mga “ego”
Kumulo ang dugo’t uminit ang ulo

Sa pagsasalpukan ng mga taludtod
‘Di maiwasang masaling ang loob
Aking tagubilin, iwasang mapoot
Maging mahinahon sa ‘nyong paghahamok

Sa unang pagtindig atin pong pakinggan
Itong si Bernadette sa kanyang katwiran
At upang magsilbing inspirasyon naman
Salubungin natin niyong palakpakan.

Bernadette:

Salamat sa inyo bunying lakandiwa
At sa inyong lahat pagbating may tuwa
Kahit ako’y isang anak maralita
Sa ‘king pag-aaral ay nagtitiyaga.

Sa kasuotan ko’y inyong makikita
Na ako’y eskwelang mayrong disiplina
Pagkat sumusunod at nakikiisa
Na mag-uniporme upang makilala.

Itong uniporme ay sadyang sagisag
Na ako’y kabilang sa kilalang pangkat
Mga mag-aaral na nagsusumikap
Marating ang tuktok ng magandang bukas.

Ang aking magulang labis ang ligaya
Kapag uniporme’y suot ko sa twina
May kipkip na aklat, bag na maganda
Sa paningin nila’y ulirang eskwela.

At sa bawat araw di na iniisip
Kung ano ang aking gagamiting damit
Dahil uniform ko’y haya’t nakasabit
Handa nang isuot pagkat malilinis

Pag naka-uniform kay gandang pagmasdan
Mga estudyante nitong paaralan
Subalit pag sila ay nakasibilyan
Parang batang kalyeng dito ay naligaw.

Kapag ang uniform ay pinabayaang
Hindi na isuot nating mag-aaral
Ito ang simula nitong kaguluhan
At sa paarala’y walang kaayusan

Ang simpleng tuntunin kapag di sinunod
Gaya ng uniform na dapat isuot
Ay ano pa kaya ang susunding lubos
Nitong estudyanteng hindi natatakot?


Lakandiwa:

Inyo pong narinig sa unang pagtindig
Magandang pahayag nitong si Bernadette
Ngayo’y palakpakan sa pagmamatuwid
Binatang si Patrick likas na makisig.


Patrick:

Maraming salamat sa inyong palakpak
At sa lakandiwang mahal nating lahat
Ako’y estudyanteng likas na masikap
Pilit nag-aaral kahit na mahirap.

Dahil sa buhay ko na kapus na kapos
Isang uniporme’y di makapagsuot
Bakit pipigilan sa aking pagpasok
Nang sa paaralan dunong ko’y mahubog?

Mahalaga pa ba ang suot na damit
Kaysa sa matalas at matinong isip?
Bilang mag-aaral laging ginagamit
Itong pang-unawa sa lahat ng saglit.

Kahit na nga ako’y di maka-uniform
Itong disiplina’y laging naroroon
Ang aking isipan at itong emosyon
Natuturuan kong maging mahinahon.

Iilan kong damit laging nakahanda
Iba ang pampasok, iba ang panggala
Iba ang pantulog, iba ang panggawa
Kaya ang damit ko ay nagtatagal nga.

Samantalang kapag walang uniporme
Yaong makukulit, pilyong estudyante
Anuman ang gawin sa labas ng kalye
Paaralan natin tiyak malilibre.

Nakalimutan mo yata kaibigan
Yaong palasak na ating kasabihan
Na di nararapat na ating hatulan
Itong mga aklat sa pabalat lamang.

Kagaya rin naman niyong estudyante
Kung sila man ay di naka-uniporme
Hindi masasabing sila ay salbahe
Walang disiplina at hindi disente


Bernadette:

Disiplinado raw at matalino pa
Pero sa uniform di nagpahalaga
Alam mo bang kapag naka-uniform ka
Mayroong dignidad at tiyak na ligtas ka!

Paaralan nati’y walang security
Pag di nag-uniform, outsider dadami
At kapag nagrambol, pano mahuhuli
Pasaway at pilyong mga estudyante?

Pag naka-uniform, di maglalakwatsa
Sa mall at sa parke ay iiwas sila
Pagkat may surveillance sa mga eskuwela
Bawal magcutting-class, mabibisto sila.

Kapag may uniform ay nakakatipid
Di nahahalatang konti lang ang damit
Kahit na nga luma pag ito’y malinis
Ay magandang tingna’t disente ang bihis.



Ang pagkakaroon nitong uniporme
Sadyang mahalaga sa ‘ting estudyante
Saanmang anggulo tunay na ismarte
Sa lakad, sa kilos, napakadisente

Pag naka-uniform nagiging maingat
Sa pagsasalita maging sa paglakad
Pagkat batid nilang kapag nadupilas
Pangalan ng iskul ang mapapahamak

Minsan ang uniform nagiging kalasag
At sa estudyante ay tagapaglitas
Dahilan sa suot nakilala agad
Hindi naituloy ang masamang balak

Hindi tinatanggap doon sa bilyaran
At sa computer shop, at mall na pasyalan,
Sa mga videoke at bar na lasingan
Ang naka-uniform pinagbabawalan.


Patrick:

Ang naka-uniform disente raw tingnan
Ang walang uniform batang kalye naman
Pero pagmasdan mo’t nangagsisigawan
Daig pa ang mga nasa karerahan.

Disente bang tingnan ang naka-jogging pants?
Kababaeng tao ay pakaang-kaang!
Blusa ay maikli, kita na ang tiyan
Kaya naman sila’y pinagtatawanan.

Iyang palda ninyong minsan ay mahaba
Ang peklat sa binti’y tinatakpan yata
Na kapag naupo’y sagad na sa lupa
Laylaya’y kay dumi, at nanggigitata!

Kahit na nga sila ay naka-uniform
Tuloy pa rin silang nakikipagrambol
Kaya naman itong pangalan ng school
Sa matinding hiya ay napaparool.




Sinabi mong ligtas sa masamang balak
Ang naka-uniform na batang lagalag
Ika’y namamali, iyan nga ang hanap
Niyong mga hoodlums na gawa’y mangidnap

Hindi nakikinig kahit pangaralan
Hayun sa tindahan at nag-iinuman
Naninigarilyo’t iba’y nagsusugal
Suot na uniform di na iginalang.

Pag walang uniform maisusuot ko
Damit na binigay kahit hindi bago
Ang mas importante ay malinis ito
Kaya komportable ang pakiramdam ko.

Mura lang ang damit d’yan sa ukay-ukay
Kaya mas matipid sa uniform na yan
Mga signature pa at sadyang matibay
Pwede pang pamporma sa nililigawan.


Bernadette:

Hayan! Lumabas din ang iyong natural
Pamporma lang pala ang hangad mo riyan
Di ka natatakot na sa ukay-ukay
Karaniwa’y damit ng mga namatay!

Ang aking uniform na pang-academic
Minana ko lamang sa aking kapatid
Kaya di magastos at sadyang matipid
Sa perang pambili niyong mga damit.

Saka sa sasakyan pag naka-uniform
Agad na may discount sa pasahe ngayon
Pag nakasibilyan at nakapuruntong
Pagdududahan ka, sori ka na lang Dong.

Pag walang uniform lalo nang kawawa
Ang mga tulad kong anak-maralita
Ang iilang damit agad masisira
Walang ibibili’t sa pera’y salat nga.




Pag anak-mayaman damit mamahalin
Araw-araw iba, ‘di na uulitin
Pag anak-mahirap suot… mumurahin
Kaya nahihiya at baka hamakin


Patrick:

Di ko akalaing ika’y ipokrita
Pati ukay-ukay ay hinahamak pa
Iya’y mga damit ng mga artista
At mga mayamang sa damit sawa na.

Di ba ‘pag may party tayo ay excited
At maisusuot paboritong damit
Dahil ang uniform ay napakainit
Sa ‘king pag-aaral di makapag-isip.

Sa sasakyan naman basta’t mayroong I.D.
Ay mabibigyan ka ng discount sa dyipni
Kaya kahit di ka nakauniporme
Makakatipid din sa ‘yong pamasahe.

Bakit maiinggit sa anak-mayaman
Dahil mamahalin yaong kasuotan?
Dapat mong alamin na hindi sukatan
Ng katalinuhan, damit sa katawan.

Bakit iisipin ang sa ibang suot
Ang mas mahalaga’y malinis ang saplot
Pag amoy pawis na uniform na gusot
Ang makakatabi’y sadyang sisimangot!


Bernadette:

Naku, nagsalita ang mamang mabango
Sa suot mong iya’y mukha kang sanggano.



Patrick:

Kung mukhang sanggano sa kasuotan ko
Para kang pindangga sa uniporme mo!

Bernadette:

Hoy! Ang pinandanggang ‘tong pinipintasan mo
Ay model student ng paaralan ko

Patrick:
At itong sanggano na sinasabi mo
Ay iskolar yata, anong panama mo!

Barnadette:

Palibhasa’y tamad hindi naglalaba
Kaya sa uniform ay tumatanggi ka.

Patrick:

Di na kailangang mag-uniporme pa
Basta mag-aral ka, ‘yan ang mahalaga!

Bernadette:

Hus.. bistado ka na, lalaking mayabang!
Batid na ng taong hangad mo’y porma lang!

Patrick:

Asus nagmagaling, aleng sinungaling!
Sa iyong paratang baka ka maduling!


Lakandiwa:

Tama na! Tigil na ang baliktaktakan
Sapat na ang inyong mga katuwiran
Baka pa humantong sa pag-aawayan
Itong ginagawa nating Balagtasan.

Hindi ko na gusto ang pangangatwiran
Pagkat ang tono nyo’y nagpepersonalan
Uniporme lamang pinagtatalunan
Subalit humantong sa pagyayabangan

Di dapat limutin na sa Balagtasan
Ang mas mahalaga punto ng katwiran
Kapag isinama ang nararamdaman
Ay tiyak na gyera’t kapwa masasakta
Sa mga katwiran na aking narinig
Parehong mahusay dalawang nagtagis
Lubhang mahalaga, maayos na bihis
Maging uniporme’t karaniwang damit.

At sa paaralang hulmahan ng modo
Hindi importante ang isusuot n’yo
Mas makabubuti’y magpakatalino
Huwag magbulakbol nang kayo’y matuto.

Bagamat isyu nga sa bagong panahon
Wastong pagsusuot ng damit sa iskul
Di na kailangang pagtalunan iyon
Lalo’t naghihirap bayan natin ngayon.

Kung ang paghatol ko’y di n’yo naibigan
Kayo ang humatol pagdating sa bahay
Paalam sa inyo mga kaibigan
Mabuhay! Mabuhay! Ating Balagtasan!

Sunday, March 29, 2009

Paalam Na

Sa lahat ng mga naging estudyante ko sa Col Lauro D. Dizon Memorial National High School sa San Pablo City ngayong taong 2008-2009, binabati ko kayo ng isang maligayang pagtatapos. Bilang regalo sa inyong natatanging araw, kumatha ako na isang awitin na sana'y maging gabay n'yo sa pag-alis sa paaralang kumukupkop at kumalinga sa inyo ng ilang taon.

Aawitin ang aking komposisyon sa mismong araw ng inyong graduation. Nawa'y magustuhan ninyo ang melodiya ng kanta ay pumasok sana sa inyong mga puso ang literal na mensahe nito.

Sinadya ko na hindi lang gawing pasasalamat ang titik ng awit bagkus ay maging pangako upang magsilbing panuntunan ninyo sa buhay sapagkat lubos akong naniniwala na may tungkulin kayo higit sa lahat sa inyong magulang, paaralan at bayang patuloy na nagbibigay sa inyo ng buhay.

inilagay ko sa blog na ito ang titik ng awitin. Pag nagkaroon na ako ng pagkakataon ay isusunod ko naman ang video.

Hangad ko na maging matagumpay kayong lahat sa anumang larangan na inyong tatahakin.



Paalam Na

Composed by: Dennis Lacsam
Arranged by: Elaine Adajar
Interpreted by: Wilkester Pujanes

Ito na ang aming pinakahihintay
Hawak na ang diploma sa kamay
Lilisanin na ang nagdaang ilang taon… ng panahon...
At haharap sa mga panibagong hamon


Salamat sa mga guro na sa amin ay nagturo
Nag-alay ng talino at pagmamahal
Iingatan namin ang inyong pangaral
Pangakong gagamitin lang sa kabutihan.


Sa mahal naming magulang na laging gumagabay
Kami sa inyo ngayon ay nagpupugay
Sumpang aalagaan ang yamang n’yong bigay
Payayabungin upang magtagumpay


Chorus:

Paalam na sandaling lilisan
Pagyayamanin namin ang mga natutunan
Gagawa kami ng pangalan
Huhubog ng isang katauhan
Upang maging dangal ng paaralan


Paalam na sandaling iiwan
Mga kaklaseng tunay na naging kaibigan
Hinding-hindi malilimutan ang mga pinagsamahan
Alaalang kay sarap na balikan


Paalam na mutyang paaralan
Mga anak kaming sayo'y nagpapaalam
Lilikha ng kapalaran
Uugit ng isang kasaysayan
Upang ikarangal nitong bayan


CODA:

At sa paglipas ng ilang taon
Babalik kaming dala ang natupad naming misyon
Isasapuso ang pasasalamat
Sa nagpunla ng magandang pangarap


(Repeat the first and third stanza of the Chorus)


Paalam na...

Sunday, March 15, 2009

Sampung Pinakamahusay na Suring-Nobela

Danica Apiles

Gumawa si Edgar Calabia Samar ng isang malaking dibisyon mula sa nakasanayan na o nakagisnang istilo at pamamaraan ng pagbabalangkas at pagbuo ng isang akdang prosa. Ipinahayag niya sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog ang isang malaking pagbabago sa pagkokontrol sa mga damdaming ipinakikita ng bawat karakter ng istorya. Pinagaan ang pagsusulat at ginawang sensitibo sa pagpapahayag ng mga nararamdaman ng mga tauhan ng istorya upang makaagpang sa mga mambabasa.

Bagamat kathang-isip ang akda, napagtagumpayan nitong dalhin ang imahinasyon ng mambabasa sa walang hanggang lawak ng mundo ng mayaman at mabusising larangan ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng hayagang pagsurot sa malikot na imahinasyon ng mga ito at papaniwalain na ang kwento’y tunay na nangyari at nasaksihan sa lungsod ng San Pablo.

Bilang isa sa mga kabataang unang nakabasa ng nobelang ito patuloy kong iniisip kung posible o di yata nga’y maaaring ang nailahad sa nobela'y tunay ngang nasaksihan ng mundo lalo pa't madalas na sumasagi sa aking isipan ang mga pangyayari at tagpong aking nabasa sa akda na hanggang ngayo'y pamilyar pa sa mundo kong ginagalawan. Maging ang mga pangyayari sa Atisan na kalapit lugar lamang ng aming barangay ay nakakapagpapaisip at nagsisimulang magpalikot sa aking imahinasyon.

Lubos kong hinahangaan ang pagtatangka ng awtor na isulong ang pagkukwento ng hindi talaga nangyari sa paraang parang totoong nangyari sapagkat nakumbinsi ako ng akdang maniwala sa kayang ginawa.

Sa kabuuan nakapupukaw sa damdamin ang akda. Nakamit ni Edgar Calabia Samar ang inaasam na pagbabago - ang pagbubukas ng isang pinto na maaaring maging daan sa isang makabagong mundo na magpamulat ng hiwaga ng panitikan sa mga mambabasa.


Paul Jhon Dalisay

Sa akdang Walong Dekada ng Pagkahulog, ginamit ng awtor ang konseptong pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang mabuo, mahinuha, at masagot ang mga katanungang pilit na pumupukol sa isipan at damdamin ng mambabasa. Ginawang posible ng akdang ito ang mga bagay na inakala ng marami sa atin na imposibleng maganap sa totoong buhay.

Bagamat payak ang naging konsepto ng akda, masasabi pa rin na nag-iiwan pa rin ito ng mayabong at malawak na kaisipan sa mambabasa. Higit pa, pinagtibay ng akdang ito ang kakayanang ng bawat panatiko ng akdang pampanitikan na umunawa ng mga nakatagong mga talinhaga sa pagitan ng mga taludtod na naghuhumiyaw sa buong nobela.


Mariz Romero

Iba ito sa mga nabasa na nating panitikan dahil hindi sinasabi ang pahina, tanging mga kabanata lamang at ang bilang nito. Pinakikilala rin ng ilang ulit ang mga tauhan sa iba’t ibang paraan.

Hindi na ito ang tipikal na nobelang pinipilit itago ang payak na kahulugan sa pamamagitan ng matatalinhagang salita upang guluhin ang isipan ng mambabasa. Bagamat gumagamit pa rin ang awtor ng mga simbolismo at talinhaga, matatangay ang sinumang bumabasa ng kanyang emosyon dahilan para maunawaan ang daloy ng istorya. Matutuwa ang bumabasa kung natutuwa ang tauhan, magtataka at magtatanong kung naguguluhan ang bida. Dahil rito naniniwala ako na mabisa ang paraan ng paglalahad ng sumulat sapagkat nagiging bahagi ang mambabasa ng akda.



Arnold
Tapay

Ang nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog ay kinapapalooban ng iba’t ibang elemento na may kanya-kanyang kakintalan sa bawat mambabasa kung kaya’t masasabing may sariling anyo na mas nakahihigit sa tradisyunal na nobelang Filipino na ating kinalakihan.

Binubuksan nito ang isang dimensyon sa ating isipan dahilan kung bakit kawili-wili itong basahin. Inilahad ng awtor na hindi lang mga bata ang dapat mawili sa walang hanggang imahinasyon bagkus ang sinumang tagasubaybay ng nobela.

Nakatutuwa ring malaman na pilit sinubukan nitong isulong na maaring kumatha ng isang kuwentong walang malinaw na basehan upang magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng panitikang tuluyan.

Ipinakita ang kasiningan ng elemento ng nobela nang tangkain ng sumulat na ipaunawa sa mambabasa ang kababalaghang bumabalot sa karakter ng pangunahing tauhan sa pamamagitan ng mga matatalinhagang pahayag na mabilis na maunawaan.

Para sa isang mambabasang laki sa modernisasyon tulad ko, mahusay at mabils na maunawaan ang paglalahad ng awtor ang ebolusyon ng mga salita hindi katulad ng mga sinaunang akda na kinakailangan pang halungkatin sa lumang baul ang kahulugan ng bawat salita para lamang maunawaan ang istorya.


Eunice Abuyabor

Isang nobelang pumukaw sa aking makabagong mundo ang Walong Diwata ng Pagkahulog na obra ng kababayan kong si Egay Samar. Isang natatanging katha na nakapagpalikot sa aking imahinasyon at nakapagpagulo sa aking prinsipyo.

Para ngang walang imposible sa nobelang ito dahil nilalampasan nito ang kamalayan maging ng mga paham sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga usapin ng kababalaghan na bagamat hindi tinatanggap ng marami na totoo ay pilit na pinauunawa na maaaring totoo talaga para sa ilan.

Walang limitasyon ang mga salitang ginamit ni Egay pero kahit ganon pa man ay hindi nawawalan ng kasiningan ang kwento. May mga salitang nakakagulat talaga para sa isang batang mambabasa pero nailahad ito sa paraang hindi nababastos ang sinumang bumabasa.

Bilang isang mag-aaral, nakakatuwang basahin ang ganitong uri ng akdang pampanitikan. Tumatalas ang aking isipan at nagkakaroon ako ng kamuwangan sa realidad ng buhay. Natuto akong mapagnilayan ang mga bagay-bagay na bumabagabag sa aking uhaw na isipan.


Samantha Alcantara

Pagsulong ng istruktura, at paglampas sa batayan ng isang naratibong nobela. Ito ang makabagong akdang sining na handog sa mambabasa ng bagong sibol na manunulat na si Edgar Calabia Samar.

Masasabi kong isang obra ang nobelang ito sapagkat bihira lamang ang mga manunulat na nakapagpapabago ng batayan sa pagsulat. Pumukaw sa akin ang isang daan walumpu’t limang pahina dahil sa kakaibang istilo nito. Kailangan munang mag-isip at malito upang mahulaan ang ideyang nais iparating.

Binago ng nobela ang makalumang istilo nang paglalahad ng damdamin sa mambabasa. Ang gasgas na kwento na malungkot at masaklap ay napalitan ng kakaibang istilo ng paglalahad ng realidad ng buhay. Dramatiko ngunit nagpapakita ng katotohanan.


Arlene DiƱoso

Pakiramdaman ko tuwing isasara ko ang libro ay inaakit ako nitong ipagpatuloy pa ang pagbabasa sapagkat alam kong may mga mangyayaring hindi dapat malampasan. Kung sino man ang makakabasa nito ay mauunawaan ang nais kong ipakahulugan.

Dahil sa kakaibang istruktura at paraan ng paglalahad ng akda ang ipinakilala ni Egay, naniniwala ako na gagayahin ang pagbabagong ito mga makabagong manunulat na huhubog upang makatulong sa paglago ng panitikang Pilipino.

Hangad ko lamang ang makapaghikayat pa ng ibang mambabasa ang akda nang sa ganon mas mauunawaan ang iba’t ibang bagay na hindi na nabibigyang pansin at tila nalimot na ng makabago at modernong panahon.



Melanie Calupas

Napapagaan ng kakaibang akda ni Egay kahit papaano ang damdamin ng mambabasa, sapagkat nakokontrol na ng manunulat ang posibleng nararamdaman ng mga karakter. Malaki ang magiging epekto ng nobela sa mga mambabasa dahil minsan may mga nag-iisip at nagpapalagay na sila mismo ang karakter na nabanggit sa isang kwento.

Sa kabuuan, nagtataka ako kung bakit kahit medyo sensitibo ang tinatalakay ay naipahahayag pa rin ito nang malinaw at walang pag-aalinlangan. May mga pahayag rin na matatalinhaga ngunit sa halip na tumulong upang magpagulo ng isipan at tumutulong pang lalo na magpagana ng utak ng mambabasa.

Halos lahat ng aspeto ay nakapaloob sa nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog. Hindi aakalain ng sinumang babasa ng akda na ito ay kathang-isip lamang sapagkat nararamdaman sa pagitan ng taludtod ang iba't ibang eksena tulad ng romansa, komedya, drama, at trahedya na karaniwang nangyayari sa buhay ng isang tao.

Tinataglay ng manunulat ang mga katangian ng isang magaling at bihasang manunulat na mahirap matagpuan sa ibang awtor. Nakamamanghang malaman na nagawa n'ya ang akda sa edad na 25.


Angela De Castro

Napakamalikhain ng paglalahad na ito na pumupukaw sa ating atensyon o kamalayan bilang isang mambabasa. Nagbibigay- aral din ito sa pag-unlad ng ating buhay. Maaari din nating ihambing ang ating sarili sa pangunahing tauhan upang mas lalo nating maunawaan ang nararamdaman ng bida at nang mas lalo tayong maaliw sa pagbabasa. Sa akdang ito mas lalo akong naging interesado sapagkat ang pangunahing tagpuan ay ang Atisan sa San Pablo.

Hinahalina ako ng akda na maniwala at patuloy na magtanong kung bakit nahuhulog tayo sa ating damdamin, gaya noong tayo’y mga bata pa.



Miracle Reyes

Sa pagbabasa ko ng bagong nobela ni Edgar, mapapansin agad ang pagkakaiba ng mga salita o terminong ginamit sa kwento kumpara sa mga iba pang akdang pampanitikan. Di hamak na mas madaling intindihin ang mga pananalita rito sapagkat pamilyar ang mga salita sa mambabasa dahil madalas itong gamitin sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Sa “Walong Diwata ng Pagkahulog” lantarang ipinahahayag ang mga katangian ng karakter sa paraang hindi mahalay. Pinabulusok ng awtor sa damdamin ng mambabasa ang pagnanasang nadarama at nararanasan ng bawat tauhan sa nobela.

Isa pang natatanging kakanyahan ng akda ang pag-iiwan nito ng marka sa isipan ng mambabasa. Nagagawa nitong papag-isipin ang bumasa at ipagpatuloy ang paggana ng imahinasyon kahit nakapinid na ang mga pahina ng aklat.

Friday, March 6, 2009

Suring-Nobela



Sa lahat ng IV-B,


Natutuwa ako na binasa n'yo ang ang aklat ni Egay nang walang pasubali dahil sa gusto ninyong makapasa sa Ikaapat na Markahan. Bagama't mahabang panahon ang ginugol n'yo sa pagbabasa ng akda sapagkat isinisingit n'yo lang ito sa iba ninyong gawain sa paaralan ay lubos pa rin akong nasisiyahan sapagkat alam ko na napagtagumpayan ko ang tunay kong layunin na hikayatin kayong magbasa ng isang buong aklat. Bibihira na ngayon ang kabataang tulad n'yo. Sana'y magpatuloy kayo sa maganda at produktibong ugali na pagbabasa dahil higit sa lahat, kayo ang unang makikinabang nito. Anumang salita, pangungusap, kaisipan, diwa, at mensahe na inyong nabatid ay karagdagang talino sa inyo bilang tao na magagamit ninyo hindi lang sa pang-araw-araw na buhay bagkus sa pagharap sa lahat ng aspeto ng buhay.

Bilang pangwakas na pagsulat na gawain, nais kong gumawa kayo ng isang pagsusuri tungkol sa Walong Diwata ng Pagkahulog. Sa akdang inyong gagawin, nais kong patunayan o pasubalian ninyo ang pahayag ni Jun Cruz Reyes tungkol sa nobela na matatagpuan sa likod na pabalat ng aklat ni Egay. Lahat ng suring-nobela ay kailangang maipasa sa Miyerkules (March 11, 2009). Tandaan na bukod sa mababang marka, ang estudyanteng hindi makapagpapasa ng suri sa itinakdang araw ay huli sa talaan ng mga estudyanteng pagkakalooban ng pirma sa "clearance" para sa inaasam na graduation.

Panuntunan:

1. Ang suring nobela ay kinakailangang nasa anyong sanaysay na may simula, katawan at wakas at nagtataglay ng 700-1000 na salita.

2. Ang akda ay kailangang naka-type sa "short bond paper". Gamit ang Font Style na Times New Roman, kinakailangang 12 pt. ang sukat ng buong teksto at 15 pt. ang pamagat

3. Kinakailangang mapatunayan o mapasubalian sa suri ang obserbasyon ni Jun Cruz Reyes tungkol sa nobela sa paraang hindi maligoy at paulit-ulit sa pamamagitan ng paggawa ng talataan.

4.
Ang dalawampung (20) pinakamahuhusay na suri ay mailalahatla sa blog na ito


Hangad ko ang inyong pagiging mapanuri.

Saturday, January 10, 2009

Walong Diwata ng Pagkahulog


Artwork sa pabalat ng Walong Diwata ng Pagkahulog ni Jason Moss ("Mortality")
"Binubuksan ng nobelang ito ang panibagong yugto sa pagsusulat ng nobela. Malayo na ito sa tradisyon ng mga romantisista at modernista, na laging mabigat sa dibdib ang paglalahad ng naratibo. Sa akdang ito wala nang imposible sa materyal at maging sa pamamaraan ng paglalahad nito... Tinatangka nitong lampasan ang wika ng isipang malay, at nagtatangkang isulong na posibleng ikuwento ang wala o hindi nangyari... Ikinakatuwa ko ang mga akdang tulad nito na nangangahas magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng naratibo."

- Jun Cruz Reyes

Mapangahas ang anyaya ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes para basahin ang kauna-unahang nobela ni Egay Calabia Samar ngunit para siguro sa sinumang manunulat o panatiko sa pagbabasa ng mga akdang pampapanitikan na nababagot sa sinaunang istilo ng paglalahad ng akda, nakadaragdag pa lalo ito ng interes.


Book Launch Programme

Bilang guro sa Filipino sa ikaapat na antas ng sekundarya, inobliga ko ang aking mag-aaral na bumili ng aklat ni Egay bilang panghuling proyekto nila sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Ilang bagay ang aking isinaalang-alang para dito bilang motibasyon sa aking mga estudyante. Una, ang awtor ay kapwa ko manunulat sa Barkada News Magazine sa San Pablo kung saan kami (kasama sina Sol Aragones ng ABS-CBN, Geoff Borgonia ng Bayan Knights Comics) unang nakatikim ng bayad sa pagsusulat. Ikalawa, bukod sa pagiging kapwa San PableƱo, premyadong awtor si Egay. Patunay nito ang ilang mga parangal na natanggap niya mula sa iba't ibang timpalak sa pagsusulat tulad ng PBBY Salanga at Palanca Awards at ilang aklat na nailathala sa kanyang pangalan tulad ng kwentong pambata na Uuwi na ang Nanay kong si Darna at ang National Book Award Finalist for Poetry na Pag-aabang sa Kundiman, Isang Tulambuhay. Ikatlo, bukod sa panibagong istilo sa pagsusulat ng naratibo, San Pablo ang pangunahing tagpuan sa ilang kabanata ng nobela.

Jim Cruz Reyes habang ipinakikilala ang nobela

Audio-Visual Presentation ng Walong Diwata ng Pagkahulog Launch

Bilang paghahanda sa suring-nobela na gagawin ng aking mga estudyante, ipinakilala ko muna sa kanila si Egay sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang impormasyon tungkol sa kanya. Hinayaan ko rin sila sa aking computer class na mag-surf sa Internet ng mga karagdagang impormasyon upang ipaalam sa kanila na hindi ko lamang ginagawa ang pagpapasuri ng nobela para lamang makatulong sa isang kaibigan na bumenta ang kanyang akda kundi dahil bilib ako mismo sa sumulat.

Si Egay at Ako habang pinipirmahan ang aking personal na kopya
Kaugnay pa rin ng nobela, pinilit kong makadalo sa book launch nito sa Ateneo de Manila noong ika-27 ng Enero. Bagamat nakita ko na sa aking Facebook account na dadalo sa pagtitipon ang ilang naging estudyante ko sa Laguna College, natuwa pa rin ako na makita sila ng personal lalo pa't wala akong kontak sa kanila sa loob ng ilang taon matapos nilang grumadweyt ng hayskul. Natutuwa akong malaman na mga young professionals na ang mga dati kong estudyanteng sina Vinnie Brugada, Vernessa Belarmino, Philip Ramos, at Jozzel Ong. Sa kanila ko na rin nalaman na magkakasama pala sila ni Egay sa isang samahan sa simbahang bayan. Ipinakila rin nila sa akin sina Genesis Gubaton at Ma. Aiza Alivio na noong una kita ko'y inakala ko pang mag-syota.


Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis

Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis, Phillip at Egay


Aiza, Vinne, Phillip, Genesis, National Artist Virgilio Almario, Vernessa with Egay

Sa nasabing ring pagpapakilala ng akda, personal kong nakita at nakilala ang ilang sikat na manunulat ng panitikan na kalimita'y sa mga libro ko lamang noong hayskul at college nababasa ang pangalan. Natawa nga ako sa ilang naging obserbasyon ko. Ewan ko ba, hindi ko kasi akalain na mataba at mukhang hasendero pala ang National Artist na si Rio Alma a.k.a.Virgilio Almario. Akala ko kasi eh payat rin siya katulad ng mga nakikita kong manunulat na mukhang walang tulog sapagkat ibinuhos na yata ang lahat ng oras sa pagsusulat ng obra. Nasiyahan rin ako sa mga patawa ng hinahangaan kong manunulat na si Jun Cruz Reyes nang ipakilala niya ang akda ni Egay. Natawa nga ako sa kumento n'ya na hindi ako "insecure" na guro nang sabihin ko sa kanya na ipinababasa ko sa aking mga estudyante ang akda niyang Utos ng Hari na kalimita'y iniiwasang ipabasa ng ilang guro sa kanilang mga estudyante kahit pa sabihin parte iyon ng kanilang batayang aklat sapagkat patungkol ang istorya nito sa pananaw at bansag ng mga estudyante sa kanilang mga guro. Nakabibilib malaman na sa bibig mismo niya na malaki ang magiging partisipasyon ni Egay sa magiging pagbabago ng mga akdang naratibo sa darating na panahon. Personal ko ring nakilala ang may akda ng nobelang Peksman na si Eros Atalia na ayon kay Philip ay magandang akda. Ipinangako ko sa sarili ko na bibili ako ng aklat niya parabasahin sa susunod na bisita ko sa Maynila.


Egay, National Artist Virgilio Almario at Dennis


Dennis, Jun Cruz Reyes at Phillip


Dennis at Eros Atalia

Matapos ang book launch ay nagtuloy kaming mga taga-San Pablo (maliban kay Vinnie na may date yata noong gabing 'yun) sa Gateway Mall para maghapunan. Ilang oras din kaming nagkwentuhan ng mga dati kong estudyante. Sa pagkakaalala ko, iyon ang kauna-unahan kong pagkakataon na lumabas na kasama ang ang aking estudyante.

Habang nagkukwentuhan, ini-upload ni Genesis ang mga kuha naming larawan sa Ateneo sa kanyang laptop (may dala kasing mamahaling camera si Jozzel bukod sa pipitsuging digicam na dala ko). Makalipas ng ilang oras ay dumating ang magpaparing kaklase ni Philip na si Dexter at ang kaibigan nilang lahat na si Dennis Hernandez kasama ang kanyang girlfriend. Bagamat taga-San Pablo rin ang aking tukayo ay noon ko lang siya personal na nakilala.

Matapos ang ilang oras na pagtambay sa Gateway, nagkanya-kanya na kami ng uwian.


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, Phillip


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, at Dennis

Sunday, January 4, 2009

A Poem for the Spitz

Sobra ang cute ng mga tuta ni Ms. Katrina Ponce Enrile na nakita ko sa aking Facebook account. Hindi ko napigilan ang aking sarili na hindi sila papurihan lalo't naka-chat ko pa nang saglit ang mabait na may-ari. Nabasa ko rin ang ilang testimonya ng kanyang mga kaibigan tungkol sa kanyang mga alagang aso kaya naman umapaw ang berso sa looob ng ilang minuto. Narito ang tula at ang larawan ng aso na inumit ko lang mula sa posted pictures ng may-ari sa kanyang Facebook account.

A Poem for the Spitz

(Sabine, Zazu, Channel, Hiro and Iago)


Beleaguered by the pictures of their fuzzy white hair,

mesmerized by the flippant glow of the possessor,

and bystander of the verbatim pronouncement of cyber onlookers…

I felt a sense of elation!

Magnanimous!

…a foremost companion thriving on human contact and attention.