Wikipedia

Search results

Monday, July 13, 2020

G 8 - Pambungad na Aralin

Panuto: Basahin at pagnilayang mabuti ang dalawang sanaysay na ito. Humanda sa pambungad na talakayan. 

Ang Makahiya
Onofre Pagsanghan

May damong ligaw sa ating bayan na kung tawagin nati'y "Makahiya." Huwag mong makanti ang damong ito't dagling iikom. At kapag ito'y nakaikom na'y mahirap mo na uling mapabukadkad. Ang Makahiya ay maraming tinik. Kapag nagkamali ka nang tangan ay dagli kang magagalusan. Ang Makahiya ay walang bunga, walang katuturan -- hindi gamot, hindi rin gulay. Ang "Makahiya" ay balakid sa paglaki ng ibang tanim na napapakinabangan. Kung kaya't ang "Makahiya" ay binubunot, tinatapon, at sinisigan; sapagka't kapag napabayaan kay bilis nitong kakalat at maghahari-harian sa buong halamanan.

Taglay ng marami sa ating mga kababayan ang isang kaugaliang tulad ng "Makahiya." Ito'y ang labis na pagkamahiyain. Ang karupukang ito'y isang balakid sa pag-unlad. Ayaw mamuno. Nahihiya. Kiming sumalungat sa kasamaan. Nahihiya. Kiming ipagtanggol ang katarungan. Nahihiya. Kiming makipagpaligsahan. Nahihiya. Ayaw maiba sa karamihan. Nahihiya. Takot mag-isa kahit na sa gawang kabutihan. Nahihiya.

Ang labis na hiya'y nagsusupling pa rin ng ibang karupukan. Ang labis na mahiyain kapag napagsabihan ay nagtatampo; kapag napagsalitaan ay nagmamaktol; kapag napulaan ay nasisiraan ng loob; kapag sumama ang loob ay di na makikiisa kahit na sa kanyang sariling ikauunlad. Ito'y mga karupukang supling ng labis na hiya.

Ako ang huling magpapayong itapon natin sa hangin ang hiya. Ang taong walang hiya ay masahol kaysa taong labis ang hiya. Ang aking iminumungkahi ay ang wastong pagpapahalaga sa hiya. Ikahiya ang dapat ikahiya -- ang paggawa ng masama, ang paglabag sa utos ng Diyos, ang paglapastangan sa kapuwa. Nguni't huwag nating payagang ang ating hiya ay pumigil sa ating pag-unlad sa kasaganaan. Huwag nating payagang magapos tayo ng labis na hiya sa pagsalungat sa kasamaan. Huwag nating payagang ang ating hiya ay maging isang damong ligaw na sasakal sa ating pagpupunyagi sa kabutihan. Lagutin natin ang gapos ng labis na hiya. Bunutin natin ang damong "Makahiya" sa ating katauhan -- bunutin at sigan. Lakas loob na umusad sa ikasasagana ng bayan. Lakas loob na bumukod at sumalungat sa kasamaan. Lakas-loob na ipagsanggalang, kahit na mag-isa, ang katarungan. Lakas-loob na magpunyagi sa ipagtatagumpay ng kabutihan.





Sa Kabataan 
Onofre Pagsanghan


- I -

Isa sa mga salitang napag-aralan natin sa wikang Pilipino ay ang salitang "nabansot." Kapag ang isang bagay raw ay dapat pang lumaki ngunit ito’y tumigil na sa paglaki, ang bagay na ito raw ay nabansot. Marami raw uri ng pagkabansot, ngunit ang pinakamalungkot na uri raw ay ang pagkabansot ng isipan, ng puso, at ng diwa.Ang panahon ng kabataan ay panahon ng paglaki, ngunit ang ating paglaki ay kailangang paglaki at pag-unlad ng ating buong katauhan, hindi lamang ng ating sukat at timbang. Kung ga-poste man ang ating taas at ga-pison man ang ating bigat, ngunit kung ang pag-iisip naman nati’y ga-kulisap lamang, kay pangit na kabansutan. Kung tumangkad man tayong tangkad-kawayan, at bumilog man tayong bilog-tapayan, ngunit kung tayo nama’y tulad ni "Bondying" ay di mapagkatiwalaan—anong laking kakulangan. Kung magkakatawan tayong katawang "Tarzan" at mapatalas ang ating isipang sintalas ng kay Rizal, ngunit kung ang ating kalooban nama’y itim na duwende ng kasamaan—anong kapinsalaan para sa kinabukasan.

- II -

Kinabukasan. Kabataan, tayo raw ang pag-asa ng Inang Bayan. Tayo raw ang maghahatid sa kanya sa langit ng kasaganaan at karangalan, o hihila sa kanya sa putik ng kahirapan at kahihiyan. Ang panahon ng pagkilos ay ngayon, hindi bukas, hindi sa isang taon. Araw-araw ay tumutuwid tayong palangit o bumabaluktot tayong paputik. Tamang-tama ang sabi ng ating mga ninunong kung ano raw ang kamihasnan ay siyang pagkakatandaan. Huwag nating akalaing makapagpapabaya tayo ng ating pag-aaral ngayon at sa araw ng bukas ay bigla tayong magiging mga dalubhasang magpapaunlad sa bayan. Huwag nating akalaing makapagdaraya tayo ngayon sa ating mga pagsusulit, makakupit sa ating mga magulang at sa mahiwagang araw ng bukas makakaya nating balikatin and mabibigat na suliranin ng ating bansa. Huwag nating akalaing makapaglulublob tayo ngayon sa kalaswaan at kahalayan, at sa mahiwagang araw ng bukas bigla tayong magiging ulirang mga magulang.

Kabataan, ang tunay na pag-ibig sa bayan, ang tunay na nasyonalismo, ay wala sa tamis ng pangarap, wala rin sa pagpag ng dila. Ang tunay na pag-ibig ay nasa pawis ng gawa.