Wikipedia

Search results

Showing posts with label Artikulo. Show all posts
Showing posts with label Artikulo. Show all posts

Saturday, January 10, 2009

Walong Diwata ng Pagkahulog


Artwork sa pabalat ng Walong Diwata ng Pagkahulog ni Jason Moss ("Mortality")
"Binubuksan ng nobelang ito ang panibagong yugto sa pagsusulat ng nobela. Malayo na ito sa tradisyon ng mga romantisista at modernista, na laging mabigat sa dibdib ang paglalahad ng naratibo. Sa akdang ito wala nang imposible sa materyal at maging sa pamamaraan ng paglalahad nito... Tinatangka nitong lampasan ang wika ng isipang malay, at nagtatangkang isulong na posibleng ikuwento ang wala o hindi nangyari... Ikinakatuwa ko ang mga akdang tulad nito na nangangahas magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng naratibo."

- Jun Cruz Reyes

Mapangahas ang anyaya ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes para basahin ang kauna-unahang nobela ni Egay Calabia Samar ngunit para siguro sa sinumang manunulat o panatiko sa pagbabasa ng mga akdang pampapanitikan na nababagot sa sinaunang istilo ng paglalahad ng akda, nakadaragdag pa lalo ito ng interes.


Book Launch Programme

Bilang guro sa Filipino sa ikaapat na antas ng sekundarya, inobliga ko ang aking mag-aaral na bumili ng aklat ni Egay bilang panghuling proyekto nila sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Ilang bagay ang aking isinaalang-alang para dito bilang motibasyon sa aking mga estudyante. Una, ang awtor ay kapwa ko manunulat sa Barkada News Magazine sa San Pablo kung saan kami (kasama sina Sol Aragones ng ABS-CBN, Geoff Borgonia ng Bayan Knights Comics) unang nakatikim ng bayad sa pagsusulat. Ikalawa, bukod sa pagiging kapwa San PableƱo, premyadong awtor si Egay. Patunay nito ang ilang mga parangal na natanggap niya mula sa iba't ibang timpalak sa pagsusulat tulad ng PBBY Salanga at Palanca Awards at ilang aklat na nailathala sa kanyang pangalan tulad ng kwentong pambata na Uuwi na ang Nanay kong si Darna at ang National Book Award Finalist for Poetry na Pag-aabang sa Kundiman, Isang Tulambuhay. Ikatlo, bukod sa panibagong istilo sa pagsusulat ng naratibo, San Pablo ang pangunahing tagpuan sa ilang kabanata ng nobela.

Jim Cruz Reyes habang ipinakikilala ang nobela

Audio-Visual Presentation ng Walong Diwata ng Pagkahulog Launch

Bilang paghahanda sa suring-nobela na gagawin ng aking mga estudyante, ipinakilala ko muna sa kanila si Egay sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang impormasyon tungkol sa kanya. Hinayaan ko rin sila sa aking computer class na mag-surf sa Internet ng mga karagdagang impormasyon upang ipaalam sa kanila na hindi ko lamang ginagawa ang pagpapasuri ng nobela para lamang makatulong sa isang kaibigan na bumenta ang kanyang akda kundi dahil bilib ako mismo sa sumulat.

Si Egay at Ako habang pinipirmahan ang aking personal na kopya
Kaugnay pa rin ng nobela, pinilit kong makadalo sa book launch nito sa Ateneo de Manila noong ika-27 ng Enero. Bagamat nakita ko na sa aking Facebook account na dadalo sa pagtitipon ang ilang naging estudyante ko sa Laguna College, natuwa pa rin ako na makita sila ng personal lalo pa't wala akong kontak sa kanila sa loob ng ilang taon matapos nilang grumadweyt ng hayskul. Natutuwa akong malaman na mga young professionals na ang mga dati kong estudyanteng sina Vinnie Brugada, Vernessa Belarmino, Philip Ramos, at Jozzel Ong. Sa kanila ko na rin nalaman na magkakasama pala sila ni Egay sa isang samahan sa simbahang bayan. Ipinakila rin nila sa akin sina Genesis Gubaton at Ma. Aiza Alivio na noong una kita ko'y inakala ko pang mag-syota.


Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis

Dennis, Vernessa, Vinnie, Aiza at Genesis, Phillip at Egay


Aiza, Vinne, Phillip, Genesis, National Artist Virgilio Almario, Vernessa with Egay

Sa nasabing ring pagpapakilala ng akda, personal kong nakita at nakilala ang ilang sikat na manunulat ng panitikan na kalimita'y sa mga libro ko lamang noong hayskul at college nababasa ang pangalan. Natawa nga ako sa ilang naging obserbasyon ko. Ewan ko ba, hindi ko kasi akalain na mataba at mukhang hasendero pala ang National Artist na si Rio Alma a.k.a.Virgilio Almario. Akala ko kasi eh payat rin siya katulad ng mga nakikita kong manunulat na mukhang walang tulog sapagkat ibinuhos na yata ang lahat ng oras sa pagsusulat ng obra. Nasiyahan rin ako sa mga patawa ng hinahangaan kong manunulat na si Jun Cruz Reyes nang ipakilala niya ang akda ni Egay. Natawa nga ako sa kumento n'ya na hindi ako "insecure" na guro nang sabihin ko sa kanya na ipinababasa ko sa aking mga estudyante ang akda niyang Utos ng Hari na kalimita'y iniiwasang ipabasa ng ilang guro sa kanilang mga estudyante kahit pa sabihin parte iyon ng kanilang batayang aklat sapagkat patungkol ang istorya nito sa pananaw at bansag ng mga estudyante sa kanilang mga guro. Nakabibilib malaman na sa bibig mismo niya na malaki ang magiging partisipasyon ni Egay sa magiging pagbabago ng mga akdang naratibo sa darating na panahon. Personal ko ring nakilala ang may akda ng nobelang Peksman na si Eros Atalia na ayon kay Philip ay magandang akda. Ipinangako ko sa sarili ko na bibili ako ng aklat niya parabasahin sa susunod na bisita ko sa Maynila.


Egay, National Artist Virgilio Almario at Dennis


Dennis, Jun Cruz Reyes at Phillip


Dennis at Eros Atalia

Matapos ang book launch ay nagtuloy kaming mga taga-San Pablo (maliban kay Vinnie na may date yata noong gabing 'yun) sa Gateway Mall para maghapunan. Ilang oras din kaming nagkwentuhan ng mga dati kong estudyante. Sa pagkakaalala ko, iyon ang kauna-unahan kong pagkakataon na lumabas na kasama ang ang aking estudyante.

Habang nagkukwentuhan, ini-upload ni Genesis ang mga kuha naming larawan sa Ateneo sa kanyang laptop (may dala kasing mamahaling camera si Jozzel bukod sa pipitsuging digicam na dala ko). Makalipas ng ilang oras ay dumating ang magpaparing kaklase ni Philip na si Dexter at ang kaibigan nilang lahat na si Dennis Hernandez kasama ang kanyang girlfriend. Bagamat taga-San Pablo rin ang aking tukayo ay noon ko lang siya personal na nakilala.

Matapos ang ilang oras na pagtambay sa Gateway, nagkanya-kanya na kami ng uwian.


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, Phillip


Dexter, Aiza, Vernessa, Genesis, Jozzel, at Dennis

Tuesday, May 20, 2008

Bobi

Matagal-tagal na ring panahon na wala kaming inaalagang hayop sa bahay. Maliban sa mga pusang gala na paminsan-minsang naliligaw at namamahay sa amin ng ilang araw na agad din namang iniliigaw ng Inay sa oras na mabuntis o kayay makapanganak.

Isang buwan bago ang bakasyon, ibinigay na sa wakas ng aking kapwa guro na si Sir Carlo Carag ang asong ipinangako niya sa akin. Kakaiba ang tuwa ko, sapagkat dalmatian ang tutang bigay niya. May lahi, kumbaga. Alam kong mahal ang presyo nito kung bibilhin lalo pa't kumpleto ng papeles at vaccination. Nagpaumanhin pa nga siya sapagkat may maliit na sugat ang tuta sa kanang paa nito na nakuha raw noong gabi bago ibigay ito sa akin.

Pagkabigay na pagkabigay, iniuwi ko agad ang tuta sa bahay at agad ibinili ng gatas. Sabi kasi, ni Sir Carag, payat ang tuta kasi tamad magpasuso ang ina nito kaya painumin ko pa rin daw ng gatas para tumaba.

Ilang araw na paiba-iba ang pangalan ng tuta sapagkat wala akong magandang maisip na pangalan. Minsan Spotty, minsan Baxter, minsan Baki hanggang sa nauwi sa Bobi. Pati ispeling ng pangalan ay pinag-isipan ko talaga. Hindi B-o-b-b-y, at lalong hindi B-a-b-i. Parang pangalan ng babae na parang hindi. Aminado ako na noong una ay gusto kong isunod ang pangalan nito sa pangalan ng tao na kinasusuklaman ko para kahit papaano ay makaganti ako. Ang kaso, babae ang tuta at mukhang malambing. Sa isip-isip ko, hindi bagay ang pangalan at isa pa lalo lamang akong magngingitngit kapag nilambing ko ang aso. Para ko na ring nilalambing ang kaaway ko.

Naaliw talaga ang Inay ko kay Bobi. Para niya itong bunsong anak na pinaliliguan makalipas ang dalawang araw nitong paglilimayon sa apat na sulok ng aming bahay. Idagdag pa syempre na bagong laba ang gagamitin nitong tuwalya mula sa pinaglumaang damit ng Tiyo ko na dati niyang asawa.

Sa simula ay mahirap pakainin si Bobi sapagkat hindi niya gusto ang dog food na binili ko sa kanya. Nangamba nga ako na obligado ko yatang gastusan ang aso kasi baka naamoy nito na mumurahing klase ng pagkain ang binili ko hindi kagaya ng mga iniaanunsyo sa telebisyon na kinakain ng mga mayayamang aso. Pero sa bandang huli, napatunayan ko na kahit ano pala ay kinakain nito. Kagaya ko lang ito na ayaw na paulit-ulit ang pagkain. Kumbaga, kapag kinain na sa umaga dapat ay hindi na uulitin sa tanghali o sa gabi. Kaya malimit eh nag-iiskarsyon ako sa mga tindahan ng ulam sa kabilang riles ng aming tinitirhang bahay. At take note, paborito niya ang bopis at chopsuey na talaga namang ikinamangha at ikinatakot ko kasi bihira akong makakita ng aso na kumakain ng gulay. Isa pa natatandaan ko kasi ang sinabi sa akin noong bata pa ako, na kapag kumain daw ng damo ang isang tuta eh malapit na itong mamatay. Ngayon ko lamang tuloy nalaman na nagoyo ako kung sino man ang nagpauso ng paniniwalang iyon.

Noong mga unang araw, sa loob lamang ng bahay naglalagi si Bobi sapagkat binebeybi siya ng Inay. Ngunit nang maging malimit ang pagdumi nito sa loob ng bahay ay agad na rin bumili ang Inay ng mumurahing kadena at itinali ito sa may veranda (Naks, parang mayaman! paltan ko na lang ang "veranda" kapag naisip ko na ang tamang terminolohiya sa bulok na harapan ng aming inuupahang bahay.) Kapag walang tao sa bahay, ipinapasok siya sa loob at doon hinahayaang maggala o kaya nama'y mamahinga sa kaisa-isang naming sofa. (O 'di ba sosyal?)

Dahil sanay na si Bobi sa veranda (hindi ko pa rin naiisip!), malimit ay doon na lang siya naglalagi. Doon pinapakain at doon na rin natutulog. Hindi na siya pinapapasok sa bahay maliban na lamang kung bagong paligo o gustong makipagharutan ng sino man sa amin.

Marami kami noong balak para kay Bobi. Binalak ko na kasangkapanin siya sa pagpapayat ko. Sabi ko, ipapasyal ko siya tuwing umaga sa Sampaloc Lake pero ang totoo eh para makapag-ehersisyo ako at kahit papaano'y makapagpahili katulad ng iba na mayroon akong imported na aso. (Kolonyal nga talaga siguro ang maraming pinoy, ano? Bibihira kasing askal ang nakikita kong ipinapasyal ng kanilang amo.) Ang kapatid ko namang si Randy, balak na turuan si Bobi ng mga dog tricks kapag tumanda-tanda na ito.

Makalipas ang halos dalawang buwan, isang umagang malakas ang ulan, nawala si Bobi kasama ng kanyang mumurahing kadena. Sa aming hinala, tinalon ng magnanakaw ang bakod ng aming harapan at kinuha si Bobi habang nakatali ito sa rehas ng aming bintana. Sa sapantaha naman ng ilan, ninakaw ang aso noong kasagsagan ng ulan ng hatinggabi. Hindi naman ito kaduda-duda sapagkat mabait at maamong alaga ang mga dalmatian at hindi ito kagaya ng ibang lahi ng aso na kumikilala ng kanilang amo o kakahol kapag may ibang tao o nakaamoy ng panganib.

Para akong nawalan ng kapatid sa pagkawala ni Bobi. Ang Inay naman, parang inagawan ng anak.

Naibigay ko tuloy ng biglaan sa aking tiyahing may alaga ring aso ang mamahaling kadena na binili ko para kay Bobi na gagamitin ko sana sa aming pamamasyal.


Friday, April 18, 2008

Celebrity Morph by MyHeritage

Grabe ang pagkainip ko ngayong bakasyon at pinapasok na yata ng hangin ang ulo ko. Dala ng sobrang pagkabagot, sari-sari ang pinagkakaabalahan ko para lamang may magawa. Kanina lamang ay pinangahasan kong subukan ko ang isang natatanging website tungkol sa face recognition. Sadyang nakakaaliw ang site kasi hinahanapan ng mga kamukhang artista at sikat na personalidad ang mga pangkaraniwang tao sa pamamagitan ng pagba-browse at pag-i-scan sa kanyang litrato.

Ngayon, wala ng dahilan ang aking ina upang hindi maniwala na magandang lalaki ang kanyang anak. Isipin mo na lang, dahil sa makabagong teknolohiyang ito biglang naging kamukha ko ang isa itinuturing na "Sexiest Man Alive" ng Hollywood samantalang kahit sa bangungot ay hindi man lamang sumagi ang ganito.

Masdan ang aking transformation at huwag kukurap. Mamangha kayo sa patunay! He.he.he.


MyHeritage: Family trees - Genealogy - Celebs

Wednesday, April 9, 2008

The Color Quiz

Dala nang pagkainip, pinatulan ko ang anyaya ng aming Gilas instuctor na si Jerome Blanco na bisitahin ang online personality quiz ng isang website. Bakit naman ako hindi maeengganyo, eh daig pa ng aming Sir ang mga mahuhusay mang-utong counter persons ng Jollibee sa kanilang pangungumbinsi sa mga kostumer na magdagdag sa kanilang order ng mga produktong hindi masyadong bumebenta. Isipin mo na lang ang mga katagang ito mula sa kanya: "Its amazingly accurate!" O di ba? Dapat siguro ay binabayaran ng kung sino mang gumawa ng website ang aming Sir dahil sa dami ng kanyang makukumbinsi.
In fairness, medyo nga may katotohanan nga yata ang mga teorya ng gumawa ng limang minutong test na ito. Ilan kasi sa mga resulta ay tugma talaga sa aking rousing personality. Kaya naisipan kong isama ito sa aking blog para naman makilala ako ng mga mambabasa ko (Naks! Parang andaming avid reader). Pero 'wag pakaseryosohin lalo na ang resulta tungkol sa aking mga Restrained Characteristics at Desired Objectives ha. Para tuloy totoo 'yung banta ni Sir sa kanyang invitation na medyo scary ang site. Pereho siguro ang assessments at findings sa aming dalawa ni Dr. Max Luscher, ang doktor na nakaimbento ng psychological test na ito. He.he.he.

Now, savor at least 69% of my character traits.
('Yan ha, pinangatawanan ko na 'yung test for the sake of fun!)

My Existing Situation
Imaginative and sensitive; seeking an outlet for these qualities--especially in the company of someone equally sensitive. Interest and enthusiasm are readily aroused by the unusual or the adventurous.

My Stress Sources
An existing situation or relationship is unsatisfactory, but he feels unable to improve it without willing cooperation. Unwilling to expose his vulnerability and therefore considers it inadvisable to display affection or to be over-demonstrative. He regards the relationship as a depressing tie but, although he wants to be independent and unhampered, he does not want to risk losing anything. All this leads him to react touchily and with impatience, while the urge to 'get away from it all' results in considerable restlessness. The ability to concentrate may suffer.

My Restrained Characteristics
Willing to become emotionally involved and able to achieve satisfaction through sexual activity. Feels that he cannot do much about his existing problems and difficulties and that he must make the best of things as they are. Able to achieve satisfaction from sexual activity.

My Desired Objective
Preoccupied with things of an intensely exciting nature, whether erotically stimulating or otherwise. Wants to be regarded as an exciting and interesting personality with an altogether charming and impressive influence on others. Uses tactics skillfully so as to avoid endangering his chances of success or undermining others' confidence in himself.

My Actual Problem
Fights against restriction or limitation, and insists on developing freely as a result of his own efforts.

My Actual Problem #2
Anxiety and restless dissatisfaction, either with circumstances or with unfulfilled emotional requirements, have produced stress. He tries to escape by intense activity, directed either towards personal success or towards variety of experience.

Thursday, April 3, 2008

PABLIK

Hindi ko alam kung consuelo de bobo o pampalakas ng loob pero sa maraming pagkakataon ay pinaniniwala ko ang aking sarili na ang napili kong propesyon ang pinakadakila at pinakamarangal na trabaho na naimbento ng tao. Ngunit sa mga oras na isinisiksik ko ang ganitong paniniwala sa aking kukote, ay malaking bahagi nito ang namamanhid at ayaw gumana sapagkat maaring hindi kumbinsido.

Alam kong hindi ako yayaman sa pagtuturo. Batid ko na ang katotohanang ito bago pa man ako kumuha ng kursong Edukasyon. Tanda ko na malimit sabihin sa aming mga estudyante ng aming Dekana sa kolehiyo na kung ang pangunahin raw naming dahilan para magturo ay upang magkamal ng salapi kagaya ng ilang propesyon, umpisa pa lamang daw ay sumuko na kami dahil napakalayo raw nito sa katotohanan. Wala raw kasi ni isang guro sa istorya na naitala sa kasaysayan ng pagtuturo ang naging milyonaryo dahil lamang sa kanyang kinikita.

Kung tutuusin, aksidente lamang naman talaga ang pagiging guro ko. Pinili ko lamang ang kursong Edukasyon nang sunggaban ko ang plano ng aking tiyahin na papag-aralin ako ng kolehiyo matapos ang tatlong taong pagtatrabaho pagkagradweyt ko ng hayskul. Kung ako lang kasi talaga ang masusunod at sa sariling bulsa ko manggagaling ang pangmatrikula sa pag-aaral, sigurado na kukuha ako ng mga kursong may kinalaman sa pagsusulat o sa komunikasyon. Hilig ko na kasi sapul pagkabata ang pagkatha ng iba't ibang sulatin at pagmamasid sa paligid. Idagdag pa na ipinanganak akong sadyang may angking kakapalan ng mukha na walang takot humarap sa maraming tao kayat buo ang aking paniniwala noon na mabilis akong magtatagumpay kung ang mga gusto kong kurso ang aking pag-aaralan sa kolehiyo. Ngunit sa kasamaang palad, hindi pa napapag-isipan ng mga dalubhasaan sa San Pablo noon na isama ang mga kursong Journalism at Mass Communication sa listahan ng mga propesyon na pupwedeng piliin ng sinumang estudyante na nais mag-aral ng tersyarya. Kayat pikit mata kong kinuha ang karerang Edukasyon sa paniniwalang magagamit kong lahat ang aking talino at talento sa kursong ito. Isa pa, sobrang kahihiyan na pati siguro kung kukumbinsihin ko pa ang nagpaaral sa aking tiyahin kung sa Maynila pa ako mag-aaral samantalang ang kaniyang mga anak ay sa mga paaralan lamang dito sa probinsya nagsumiksik.

Tanda ko na sa simula pa lamang ay kalbaryo na agad ang dinanas ko sa pagtuturo sa pampublikong paaralan. Dalawampu't apat kaming mga bagong guro na pinilit bigyan ng aytem ng lokal na pamahalaan sapagkat salat sa mga guro ang dibisyon. Malawakan kasi noong inimplimento ang Basic Education Curriculum sa buong bansa kung saan umunti ang oras ng bawat asignatura kaya't ang resulta, nagkulang ang mga guro sa mga paaralan dahilan kung bakit "sinuwerte" kaming ma-empleyo. Sabi ng iba, magandang senyales daw iyon sapagkat agad kaming magkakaroon ng national item. Madalang pa raw kasi sa patak ng ulan sa mga lugar na tagtuyot ang pagbuhos ng ganoong karaming bakanteng posisyon kaya "napakapalad" raw namin. Hindi ko alam kung bakit magandang kapalaran ngang maituturing ang ganoong karanasan. Sa pagkakaalala ko, baon na kami sa utang eh hindi pa namin nasasahod ang ilang buwan naming pinagtrabahuhan. At dahil inampon nga lamang kami ng pamahalaang lokal, sabihin pa na ang munisipyo mismo ang nagpapasahod sa amin hindi katulad ng mga gurong mayron ng seguridad na hindi na sakop ng kapitolyo kahit pa sabihing empleyado pa rin ng gobyerno.

Nakalulungkot isipin na sa loob ng mahigit na apat na taon naming panunungkulan bilang mga locally funded teachers ay dumanas kami ng napakaraming hirap. Kung maituturing ang mga iyon na baptism of fire para sa mga bagong titser, salamat at hindi kami natusta, nasunog at naabo sa apoy ng kamalasan. Isipin n'yo na lang ang buwang-buwang pamamalimos ng pirma sa mga kinauukulang dapat lumagda sa payroll. Magkulang lang ng isa at tiyak na ang sweldo naming inaasam na pambayad ng mga utang ay mapupurnada. Idagdag pa na kinakailangan namin na kahit papaano'y "maglagay" sa sinumang pinagpalang guro na naatasang gumagawa ng "ginintuang payroll" kahit pa sabihing kapalit ng kabawasan ng kanyang teaching load ang pagtupad dito. At ang masama pa, dahil lokal na pamahalaan ang nagpapasahod, mandatoryo na makipagbalyahan ang bawat isa sa amin sa mga ibang kawani ng pamahalaan tulad ng mga basurero at casual employees sa oras ng bigayan ng sweldo sa opisina ng kahera tuwing kubrahan ng sahod. At dahil inampon nga lamang kami ng ng kapitolyo, sabihin pa na may mga natatanggap na benepisyo ang mga may seguridad ng guro na hindi namin natatanggap.

Nang may dumating na national item ang dibisyon, hindi ko na ipagkakaila na isa ako sa agad na natuwa sapagkat buo ang kumpiyansa ko sa sarili na kabilang ako sa unang mabibiyayaan. Nag-rank 1 kasi ako sa listahan ng aming kagawaran na ang pinagbasehan ay ang mga pertinent papers. Idagdag pa na mataas rin naman ang nakuha kong performance rating mula sa aking prinsipal. Isa pa, nangangailangan talaga ng guro sa Filipino ang paaralang pinagdalahan sa akin kaya walang dahilan para hindi ako makakakuha ng aytem. Ngunit sa kasamaang palad, nasilat ang aytem at napunta sa iba sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Talagang ipinagsintimyeto ko nang husto ang pangyayaring iyon ngunit kailanman ay hindi ako gumawa ng marahas na hakbang sa pangambang lalo akong mawawalan ng posisyon katulad ng ilang mga napabalitang aplikante na matapang na ipinaglaban ang kanilang aytem sa punto ng legalidad. Ilang buwan pa ang aking ipinagtiis at ilang mga nasa posisyon sa Division Office koang muntik ko pang makaaway o dalhin ang ang pangalan sa region para isumbong. Malimit ko ngang biruin ang aking mga kasamahan sa pagtuturo na muntik pang mauna ang aking international item bago ang national na agad din naman nilang sinasang-ayunan sapagkat "gamit na gamit" na nga raw naman ako ng paaralan at ng buong dibisyon eh hindi pa pala lehitimo ang pagiging guro ko.

Nang maluwalhati kong napagdaanan ang pagiging ampon ng pamahalaang lokal, akala ko ay doon na magtatapos ang aking mga kalbaryo sapagkat sa wakas ay miyembro na ako ng matatag na samahan ng mga legal na guro na hindi na kinakailangang mangamba sa seguridad ng kanilang aytem. Kumbaga, wala nang dahilan para paulit-ulit pa akong mag-aplay taun-taon o kaya nama'y mag-substitute sa pagtuturo sa sinumang guro na manganganak, magkakasakit o kaya'y tatakas na sa kagawaran papuntang ibang bansa. Hindi katulad ng dinaranas ng mga "Para Teachers" ngayon na nakukompormisong magtyaga sa maliit na sahod kapalit ng mailap na pag-asang mapagkakalooban sila ng ginintuan ngunit mailap na "security of tenure". Ngunit hindi lang pala ang pagkakaroon ng pinagpalang seguridad ang pinaka-esensiya o pinakakabuluhan ng pagtuturo sa pablik.

Sa halos pitong taon kong pamamalagi sa pampublikong paaralan kung saan ako nagtuturo hanggang ngayon, sumabay ako sa agos ng kalakalan. Niyakap ko nang lubusan kung ano man ang nakadulog sa aking harapan sa paniniwalang mas mabuting magtyaga sa halip na maging miserable. Wala naman kasing akong pagpipilian. Kung mayron man, ito ay ang pag-alis sa institusyon at paghahanap ko ng ibang trabaho katulad ng ibang guro na napilitang mandayuhan sa ibang lugar o kaya nama’y napuwersang mamasukan sa ibang institusyon kahit walang kaugnayan sa kursong tinapos nila ang kanilang napiling trabaho. Ngunit wala sa aking hinagap ang alin man sa mga nabanggit. Ang sa akin lang, ay bakit kailangang dumanas ng pagpapakababa ang mga guro gayong propesyunal? Kinakailangan ba talaga ang labis na pagpapakasakit tulad ni Kristo para masabing lubos ang kabuluhan ng pagtuturo?

Kung tutuusin, masarap sanang magtrabaho sa pablik. May professional growth ang mga guro dahil sa dami ng mga libreng seminar. Hindi katulad sa mga pribadong paaralan, na kung gusto mong madagdagan ang iyong kaalaman, ay kailangan pang magbayad para rito. Iyon nga lang, kung pinalad kang idapala sa mga pagtitipong may kaugnayan sa pagpapalawak ng kaalaman, buong giting mo dapat itong seryosohin sapagkat nangangahulugan ito ng karagdagang trabaho ngunit hindi karagdagang sweldo para sa iyo. Isipin mo na lang na ilang guro ang makikinig at mang-ookray sa iyo ng ilang araw kapag inobliga ka ng dibisyon para ibahagi ang iyong natutunan sa seminar sa pamamagitan ng ilang araw na re-echo. Tiyak na kapag walang naintindihan o di kaya nama'y pinasurasahan mo lamang ang mga kapwa guro mong nagsidalo sa pamamagitan ng pagbibigay na karagdagang gawain katulad na malimit mangyari sa mga dumadalong titser sa seminar, siguradong isusumpa ka ng buong kaguruan at kukwestyunin ang iyong natatanging kredibilidad kung bakit ikaw pa ang "mapalad na napili" na dumalo sa seminar at hindi sila. Malimit kasing pinagtatalunan ang pagpapadala ng paaralan ng mga guro sa seminar dahil katumbas ng mga sertipiko ng mga pagtitipong ito ang pagpapataas ng ranggo ng posisyon at ang pagdadagdag ng kaunting umento sa dati nang kakarampot na sweldo pagdating ng araw.

Speaking of sweldo, isa ito sa pinamalaking hinanakit ng mga guro sa buong kapuluan sa gobyernong Pilipino. Kaya't hindi na bago na malaman na may mga titser na sumasama sa pag-aaklas at magpiket sa mga kalsada na humihingi ng dagdag na umento sa kanilang mga sahod o kaya nagsa-side-line sa pagtitinda ng kung anu-ano sa loob ng paaralan kahit pa sabihing kasalanang mortal ito sa kagawaran ng edukasyon sapagkat nagpapababa raw ng imahe ng isang guro. Ewan kung hindi pa ba maituturing na pagpapakababa ng dignidad ang mahabang listahan ng mga gurong laging nakapila kung saan may mauutangan o kung hindi man ay ang dumaraming bilang ng mga titser na nagbebenta ng kung anu-ano sa loob ng paaralan para lamang makaraos sa hirap ng buhay.
 
Maaaring  hindi nga kasing-aba ang buhay ng mga guro kumpara sa ibang propesyunal kung ang pagbabasehan ay kinikita, ngunit isang malaking katotohanan rin na hindi nito kayang agpangan ang pangangailangan ng bawat isang titser para mabuhay nang panatag sa isang materyalistikong mundo ng walang pangamba at pag-aalinlangan. Nakalulunos isipin ang sinabi sa akin ng isa kong kaibigang nagtatrabaho sa isang credit card company na ang mga guro raw ang nangunguna sa listahan ng mga propesyunal na delingkwenteng magbayad ng kanilang utang. Kayat bihira na raw payagan ang sinumang titser na pagkalooban ng credit card sa ngayon. Sampal ito burukrasya na patuloy na naniniwalang walang bahid ng kabalasubasan ang "dakilang propesyong " ito.

Sa totoo lang, mabibilang na yata sa daliri ang mga titser na walang bahid ng kautangan. Paano mo nga ba naman kasi pagkakasyahin ang mahigit sa sasampung libong sweldo sa loob ng isang buwan kung hindi ka mangungutang? Kahit pa siguro anong pagtitipid ang gawin ng isang guro ay mahihirapan siyang lagpasan ito lalo na sa hirap ng panahon ngayon na ang tanging libre na lamang ay ang mangarap. Isipin mo na lang ang araw-araw na gastusin sa bahay - mahal na pagkain, mataas na bayad sa tubig at kuryente, damit at iba pa. Idagdag pa ang gastusin sa pagpapaaral ng mga anak - matrikula, pambaon sa araw-araw, pamasahe, proyekto sa paaralan at iba pa. Paano kung isasama pa ang mga hindi inaasahang gastusin tulad ng mga biglaang pagkakasakit at marami pang iba? Kunswelo na nga lang ng maraming guro ang sinasabi na ilan na pampalubag-loob na sadyang mahal raw ng Panginoon ang mga guro dahil sa pagiging matiisin ng mga ito kaya hindi Niya ito pababayaan. At dahil din siguro sa paniniwalang ito, kaya marami ang patuloy na nagtitiis. Bahagi na kasi ng sistema ng bawat isang alagad ng karunungan ang magpaka-masokista sa paniniwalang wala sa ideolohiya ng pagtuturo ang ang pagkakasangkot sa mga isyu na may kaugnayan sa pananalapi. Hindi raw dahilan ang pera, para hindi makatupad ang guro sa kanyang tungkulin bilang ehemplo at tagapagpalaganap ng karunungan at mabuting asal. Napakaganda sana kung tutuusin ang ganitong paniniwala ngunit maliwanag itong kabalintunaan sa tunay na nangyayari kapag kumakalam na ang sikmura at nagpapatung-patong na ang mga suliranin ng isang guro.

Sa huli, bagamat alam na namin ang lahat ng katotohanang ito, patuloy pa rin kaming nagsisilbi nang buong puso sa paniniwalang pinakamarangal pa rin na propesyon ang napili namin sa kabila ng lahat. Sana nga...

Sunday, March 30, 2008

Dizonians Go to Laiya

Panandali naming tinakasan ang pagtuturo. Bitbit ang suntan lotion, bathing suit at isang damukal na kwento, nagpunta ang kaguruan ng Col. Lauro Lauro Dizon Memorial National High School sa Laiya, Batangas.

Alas singko y medya ng umalis ang aming grupo. Apat na jeep na puno ng mga isinumpang guro ang unang tumulak papuntang Batangas. Sumunod naman noong alas syete ang isang grupo na tamad gumising sakay ng van na pag-aari ni Mr. Hernani Ang na guro sa matematika.


Katulad ng mga nauna naming pamamasayal, walang sawang kwentuhan ang namayagpag sa bawat sasakyan. Bawat jeep ay may kanya-kanyang bangka sa tawanan. At syempre pa ang mga hindi masyadong nagpasiklab sa kwentuhan ang sila namang kumabag ang tiyan sa katatawa.

Halos ilang taon ko ring hindi napasyalan ang nasabing paliguan. Hindi ko inakalang sa aking pagbabalik ay malaki na ang pinagbago nito. Oo nga't maalikabok pa rin ang ilang kalsada, hindi na ito katulad noong una na toneladang alikabok kapag tag-araw ang iyong masasanghab at pupuwing sa iyong mata bago marating ang dagat.

Puno na rin ng mga private resorts ang paligid ng Laiya. Halos wala na itong ipinagkaiba sa Puerto Galera ng Mindoro. Iyon nga lang mas pino ang buhangin at mas maraming pasyalan at water activities ang huli. Idagdag pa na mas sosyal nang kaunti ang mga parokyano sa Galera sapagkat mas nauna nang nakagawa ng pangalan ang nasabing beach resort kaya hindi rin kataka-taka na marami na ring hotels at rest houses ang nasabing resort.

Pagkarating na pagkarating sa beach resort na naupahan ng aming grupo, dismayado ang aming Punungguro na si Mrs. Evelyn Malabag at ang Faculty Club President na si Ma'am Nelly Cuasay sapagkat ang inaasahang mga cottages na laan para sa amin ay ay napunta sa iba. (Napagkasunduan na kasi ng may-ari at ng mga namuno ng outing ang tungkol sa cottages isang linggo bago ang swimming party ng mag-ocular visit ang pamunuan). Sakit na yata talaga ng ilang nesgosyanteng Pilipino ang hindi pagkakaroon ng palabra de honor kaya naman maraming negosyo ang nagsasara. Ngunit upang hindi masira ang momentum ng aming kasiyahan, isinawalang bahala na lamang ang problema.

Hindi man gustong mangyari ng grupo na magkaroon ng faction ang mga guro, hindi ito naiwasan sapagkat ilang maliliit na cottages ang nirentahan ng namuno. Kaya nagkanya-kanya pa ring barkada ang mahigit sa animnapung guro na sumama.

Matapos na mailagay sa kanya-kanyang lugar ang mga dalang gamit, gumanap na ng tungkuling iniatang sa kanila ang bawat isa. Nagtulung-tulong sa paghahanda ng pagkain at nag-isip ng mga palaro para sa mga parlor games.

Habang abala ang ilan sa pagluluto, naisipan naming rumenta ng bangka upang makapaglayag sa gitna ng dagat. Sa halagang siyamnapumpiso bawat isa, ipinasyal kami ng bangkero sa Lamesang Bato, isang bahagi ng dagat kung saan may masisisid na mga corals at iba pang lamang dagat. Sa pagtigil ng bangka sa Lamesang Bato, game na nagtampisaw ang aming punungguro sa tubig kasama ang mga gurong sina Jana Orillaza, Shirley MontaƱa, Khrys Labrado at personnal secretary ng prinsipal na si Allan Dayco.

Pagkarating namin mula sa Lamesang Bato ay sinimulan na ang pagkain. Masagana naming pinagsaluhan ang lechon, inihaw na pusit, sinaing na tulingan, alamang, singkamas, manggang hilaw, pinya at chopsuey na mas mukhang lumpiyang sariwa.

Matapos ang masaganang tanghalian at ilang oras na pamamahinga, sinimulan si Sir Egay Victorio na siyang pinuno para sa parlor games ang mga palaro. Lahat ng gurong naroon ay pinabunot ng munting papel kung saan nakasulat ang letra kung saan siya magiging kabilang na grupo.

Tatlong masasayang palaro ang nilaro ng mga guro: Maria Went to Laiya, Paggawa ng Human Sand Castle at Race to Laiya's Beach. Katulad ng inaasahan, syempre nagtulung-tulong ang mga titser na magkakagrupo dahil sa premyong Php 1,500. Hindi ko alam kung consuelo de bobo o sadyang mataas lang talaga ng taste ng mga judges kaya nanalo ang dadalawang grupong naglaban. Parang Saturday Edition ng Thats Entertainment noon ni Kuya Germs na lahat ng grupo mula Monday hanggang Friday eh panalo sa production number competition. Wala nga namang sasama ang loob.

Matapos ang mga palaro humataw naman ang mga gurong panatiko ng videoke sa pagkanta. Dito naghari si Mr. Aguedo LaiƱo at namayagpag naman bilang mga reyna sina Gng. Rosy Audije, Gng. Lynn Yu, at Gng. Delmina Baylon. Nakatutuwang makita ang mga gurong hapit sa pag-awit na para bang nag-a-awdisyon sa Pinoy Idol. Dito ko napatunayan na marami talagang talented teachers sa school namin.

Pasado alas singko ng tumulak ang maraming guro pauwi ngunit nagpaiwan para mag-overnight kaming mga batang titser sa patnubay ng de-otong si Mr. Ang. (Syempre, mahirap yatang maglakad pauwi.)
Nang makaalis na ang aming mga kasama isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Nang makipag-usap ang aking kapwa guro sa may-ari ng beach cottages na tinuluyan namin para humingi ng diskwento sa aming magiging overnight stay ay kung anu-ano ang sinabi nito na hindi maganda sa pandinig. Ewan ko kung tamang maging asal ng isang negosyante ang mambastos ng parokyano lalo pa't mga guro ang mga ito. Kaya dala ng sama ng loob, napilitan kaming lumipat ng ibang resort kung saan namin inubos ang magdamag.

Mahigit isang dosena kaming guro na nagpakasaya noong gabing iyon. Bukod sa cottage na aming nirentahan ng mas mura at mas maganda sa una naming tinuluyan ay pinayagan pa kaming magtayo ng tent katabi ng aming pwesto na kaharap mismo ng dagat ng Laiya.

Planado ang pagpapaiwang ito ng mga batang guro kaya baha rin ang pagkain na inihanda ni Girlie Deomano at ng Ang's Angels. Bukod pa sa mga iniwang pagkain ng faculty. Kunswelo rin ang mga iniwang tsibog ng faculty at red at white wine na bigay naman nina Mrs. Rhodora Loteria at Aylene Reyes.

Grabe ang naging pictorial na aming grupo sa akto ko bilang potograpo. Kung anu-anong pose at kung saan-saang lugar kami nag-photo shoot. Game na nagpakuha sa tabi ng dagat, gilid ng bangka, loob ng tent, at facade ng iba't ibang magagandang resort ang grupo. Idagdag pa ang solo pictorials ng bawat isa na para bang mga kadidata ng Bb. Pilipinas o Ms. Gay Philippines sa kanilang swimwear portion.

Sa tindahang katabi ng aming cottage na nirentahan ay inubos ng ilang gurong malakas ang loob bumirit ang kanilang barya sa paghuhulog sa makinang nagluluwa ng sari-saring kanta. Dito, iniwan nila ang kahihiyan at kumanta ng ano mang makahiligan. Nagpasiklaban sa pag-awit ang mga diva at feeling divang teachers na sina Lea Capule, Jana Orillaza, Mayvelyn Tolentino, Liza Gesmundo, Aylene Reyes, Lynn Yu, Sarah Sario at Claire Rivera habang walang sawang nakikinig at pumapalakpak ang ultimate hunk at artistang si John Apacible na naroon din sa resort na iyon. Sa pagitan ng bakbakan ng boses ang solo pictorial ng bawat isa kasama ang nasabing artista maliban kay Janice Nuevo at Girlie Deomano na mas pinili pang magbulok ng mata.

Sikat na ang araw ng umalis ang aming grupo. Dahil walang tulog ang marami sa amin, asahan pa na ang may-ari lamang ng sasakyan ang gising habang binabagtas ang daan pauwi.



Sunday, March 23, 2008

Semana Santa

Taun-taon ay bahagi ng aking paggunita ng Semana Santa ang pagsama sa prusisyon tuwing Biyernes Santo. Hindi ako relihiyosong tao ngunit nakasanayan ko na ang ganitong gawain sapul noong ako'y bata pa. Isa lamang ito bukod sa Pasko sa dadalawang okasyon kung saan regular na pumupunta ang aming mag-anak sa simbahan.

Katulad ng mga nagdaang Biyernes Santo, marami pa ring tao sa loob at labas ng simbahan. Kilala Kasi ang San Pablo sa buong bansa sa may pinakamagarbong prusisyon ng mga antigong imahen ng mga santo at santa. Hindi iilang pambansang pahayagan at palabas sa telebisyon ang naglathala ng mga artikulo at nagpalabas ng mga dokumentaryo tungkol dito. Kayat hindi kataka-taka kung dinarayo ito ng mga turista at kilalang mga personalidad.

Ngayong taong ito kakaiba ang prusisyon sapagkat pagkalipas ng maraming taon muling pinagsama ang mga imahen ng simbahan at ng mga santo ng mga kilalang tao sa San Pablo. Hindi katulad ng mga nagdaan Semana Santa kung saan bukod ang prusisyon ng "mayaman" at "mahirap". Naging bukambibig raw ito ng mga panatiko ng prusisyon simula nang ihiwalay ng simbahan sa pamumuno nang noo'y Kura Paroko na si Padre Dolleton ang kanilang mga santo sa mga imahen na pag-aari ng mga mayayamang angkan sa bayan na pinamumunuan naman ni Ado Escuderro. Ayon daw kasi sa simbahan, hindi raw makatarungan na magsama ng mga artista sa prusisyon para makahikayat ng maraming tao sapagkat nawawala raw ang kabanalan ng Semana Santa. Idagdag pa na sa halip daw na pagdarasal ang unahin ng mga tao habang lumalakad ang prusisyon ay ang walang katapusang paglingon sa iniidolong artista ang inuuna. Kayat ang nangyayari, ang papuri sa banal na Mahal na Ina o kay Hesuskristong tumubos ng kasalanan ng sanlibutan ay napupukol sa ganda o kinis ng balat ng artista o kaya'y damit na suot niya. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari, sa mahabang taon ay naging dalawa nga ang prusisyon at naging dahilan nang pagkalito ng sambayanan. May mga taon pa nga raw na parang nagpapasiklaban ang dalawang kampo kung saan prusisyon mas marami ang sumasama. At syempre pa, usap-usapan din lagi taun-taon kung kaninong karosa ang higit na maganda at higit na pabulosa. At ang nakalulungkot pa, ang ganitong senaryo ay hindi lamang tuwing Biyernes Santo nagtatapos sapagkat ang iringan ay umaabot pa hanggang Pasko ng Pagkabuhay. Iba ang seremonya ng "Salubong" sa loob ng simbahan at iba rin syempre ang bersyon ng mayayaman nang pagtatagpo ni Hesus at ni Maria sa gitnang bahagi ng plaza ng bayan.

Ngayong taon na bati ang simbahan at ang angkan ng mayayaman, nagkaisa muli ang buong bayan. Sabay-sabay na sumama sa iisang prusisyon ang lahat. Kung noo'y marami ang mga poong nasa karosa ngayo'y higit pang nadagdagan dahil sa magkasanib na pwersa kayat walang paglagyan ng papuri ang lahat nang makakita. At kung noo'y umaawit ng papuri ang mga sikat na artista sa entablado sa gitna ng plaza kapag dumaraan ang mga santong kanilang pinapupurihan, ngayo'y kumakanta na rin sa mga misa sa loob mismo ng simbahan.




Kanina, habang nagninilay ako sa mga tagpo sa buhay ng ating Panginoon sa loob ng simbahan sa pagdalo ko ng Misa ng Muling Pagkabuhay. Iniisip ko ang tunay na kabuluhan ng Mahal na Araw. Kapag kasi nakikita ko ang mga santong nagagayakan ng magagarang kasuotan at ang mga taong dumadaluhong sa mga sariwang bulalak kahit hindi pa nababasbasan ng pari ang gayak ng mga pabulosang karosa ng mga santo, gusto kong isipin kung minsan na bahagi lang talaga yata ng ating kultura ang Semana Santa. Na ang marami sa atin ay sumisimba lamang kahit hindi alam ang tunay na kabuluhan nito sa ating buhay. Idagdag pa na karamihan ay sumasama lamang sa prusisyon hindi dahil sa marubdob na panata kundi dahil nakasanayan na lamang.

Nawa'y pagtibayin at patatagin ang ating pananampalataya tungo sa isang mayapa, maunlad at nagkakaisang bansa.

Sunday, March 16, 2008

Pamahiin

Namatay si Lola Gloria noong isang araw sa edad na 94. Iyon eh kung tama ang kalkulasyon ng kanyang mga anak sa edad n'ya. Taun-taon kasi ay iba-iba ang petsa ng kanyang kaarawan sapagkat isinilang raw si lola ng Sabado de Gloria. Kayat kung ipinagdiriwang man ang kanyang kaarawan bawat taon ay isinasabay na lamang ito sa panahon kung saan pinatutunayan ng mga batang lalaki ang kanilang pagkalalaki.

Sa pagpanaw ng aming lola, marami ang nagsasabi na may agimat raw ang matanda. Bihira na raw kasi sa kasalukuyang panahon ang humahaba ng ganoon katagal ang buhay. Idagdag pa na hindi man lamang daw ito dinapuan ng sakit katulad ng ilang matanda na naratay muna sa banig ng karamdaman bago binawian ng buhay. Sa madaling salita, pumanaw si Lola nang dahil sa katandaan at hindi sa kung ano pa man.

Ilang buwan bago mamatay si Lola, marami ang nagsabi bulungan na raw namin siya na paluwain ang anting-anting nito o kaya'y ipasa sa iba para ito'y makapamahinga na. Ilan din ang nagpayo na ipakumpisal na ito sa pari at hilingin na sa Panginoon na bawiin na ang buhay nito upang hindi na maghirap pa. Kayat ilang linggo rin siyang pinadasalan ng kanyang mga anak sa pamangkin nitong alagad ng simbahan.

Sa paglisan ni Lola, sari-sari ang pamahiin sa kanyang burol. Hindi naman ito bago sapagkat si Lola noong nabubuhay pa ay isang matandang mahilig rin maniwala sa mga sinaunang kaugalian kaya naman hindi kataka-taka na naipasa niya ang ganitong klase ng makalumang gawain sa kanyang mga anak.

Ewan ko pero hindi ko lubos na maisip at matanggap ang ilan sa mga pamahiin sa lamayan. Gusto kong isipin na ang daming Pilipino na nauto ng ganitong kultura na pinakalat ng sinumang Pontio Pilato. Sa tuwing sinasabi ko na isama na sana ni Lola sa kanyang hukay ang mga pamahiing ito, lagi ay pinagagalitan ako ng aking mga tiyahin. Ano ba naman daw ang ipinagsisintimyeto ko eh wala namang mawawala kung susunod sa mga ito.
Kung sabagay, may punto de bista ang mga tiyahin ko. Pero matay ko mang isipin parang wala ng saysay na sundin pa ang ganitong mga kaugalian sa makabagong panahon.

Ano ba naman ang kaugnayan nang pagwawalis, paliligo, pagsusuot ng matitingkad na kulay ng damit at paggugupit ng kuko sa pagkamatay ng isang tao? At sino naman kayang henyo ang nakaisip na ang pagpapatung-patong ng mga pinggang hugasin, pagkain ng mga gulay na gumagapang at pagpapalit ng kandila sa tabi ng ataul ng hindi nililinis ang kandelabra ay nangangahulugang pagpanaw ng susunod na miyembro ng pamilya? Idagdag pa na huwag raw iiwanang walang bantay ang ataul sapagkat kukuhanin raw ng aswang ang bangkay ng namatay. Hindi ko rin maunawaan kung bakit kailangan pang takpan ang salamin sa bahay upang hindi raw makita ang repleksyon ng yumao. Maging ang mga kamag-anak kong babae na dinatnan ng buwanang dalaw ay pinagbabawalan ring makipaglamay sapagkat maari raw maging dahilan ito ng pag-urong ng kanyang regla. Gusto ko tuloy paniwalaan na ang mga kamag-anak ko mismo ang gumagawa ng sarili nilang multo na sa kalauna'y sila rin ang matatakot.

Friday, March 7, 2008

Gilas


Kahapon ay nagtapos ang tatlong araw na training-seminar namin sa Gil@s tungkol sa Internet Literacy, Networking Administration at PC Maintenance and Troubleshooting.

Oo nga't nagtapos ako ng BSEd, Filipino naman ang aking pinagkadalubhasaan sa kolehiyo kayat walang duda na minsa'y nangangapa ako sa seminar. Napasabak lamang naman kasi ako sa pagtuturo ng Basic Computer nang biglang nagkaloob ng sampung yunit ng personal computer sa aming paaralan ang Department of Trade and Industry. Syempre dahil bata at hindi katulad ng ilang may edad ng guro na may phobia sa makabagong teknolohiya hinugot ako sa pagtuturo ng Filipino at kinumisyon na magturo ng nasabing aralin.

Hindi katulad ng mga ilang seminar na aking nadaluhan na nakasentro sa kikitain ng dami ng mga magsisidalong guro, walang bayad ang training (kaugnay ito ng pagbibigay ng organisasyon ng server at libreng Internet Access sa loob ng isang taon). Idagdag pa na sadyang nilimitahan lamang ang mga nagsidalo upang maging peronal ang pag-atake ng liksyon. Hands-on at one is to one per participant ang ratio ng bawat computer kayat mabilis naming nakukuha ang liksyon.

Hindi rin matatawaran ang galing nina G. Jerome Blanco at G. Pete Rabago bilang mga gurong tagapagsanay. Bukod sa kalmadong boses, kakikitaan din sila ng masayahing personalidad dahilan kung bakit hindi nahihiyang magtanong ang marami sa amin tungkol sa mga liksyong minsa'y nakalilito sapagkat may pagka-teknikal partikular ang mga gawain sa PC Troubleshooting noong huling araw.

Bagamat hindi ginanap sa malayong lugar ang nasabing pagsasanay katulad ng nais ng marami sa aming mga guro para panandaling makapaglakwatsa at makatakas sa obligasyon at trabaho sa paaralan, walang alinlangan na talo pa nito ang aming mga naging karanasan sa mga seminar sa Baguio at kilalang hotel sapagkat taglay namin sa aming pagtatapos ang mga makabagong karunungan na maipapasa namin sa aming mga tinuturuan. Hindi katulad ng mga naging una naming karanasan sa mga nagdaang seminar na nauuwi lamang sa yabangan at pasiklaban ng gurong nagsidalo.

Salamat sa Gilas at naging totoo kayo sa inyong pangalan at adhikain - ang gisingin at pag-isahin ang kabataang Pilipino para sa isang magandang kinabukasan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Umasa kayo na kaisa n'yo kami.