Wikipedia

Search results

Monday, August 1, 2016

GLOBAL ANG FILIPINO!


(Paksa: Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran)


            Mabuhay! 
Ito ang pambungad na bati ni Danica Salazar na kinatawan ng Oxford English Dictionary sa kanyang on-line editorial nang opisyal niyang ihayag noong Hunyo ang pagsasama ng apatnapung katutubong salita ng Pilipinas sa pinakabagong edisyon ng diksyunaryong Ingles. Sa nasabi kasing bersyon ng talahulugan, maliwanag na ihahanay ang ilang salitang bahagi ng ating kultura at pagkakakilanlan tulad ng utang na loob, halo-halo, buko juice, barkada, KKB, sinigang, suki, baro’t saya, at iba pa sa mahabang talaan ng salitang Ingles na pag-aaralan at gagamitin ng buong mundo.
Mga giliw kong tagapakinig at kapwa kabalikat sa pagpapayabong ng Wikang Filipino, isang mapagpalang hapon sa ating lahat. 
            Maliwanag ang pagpapatunay ng Oxford English Dictionary na global na ang Wikang Filipino. Kung dati-rati’y tayo lamang ang gumagamit ng ating mga katutubong salita, ngayo’y hindi mapasusubalian na tatanggapin, sasalitain at palalaganapin na rin ng ibang lahi ang wikang ating pagkakakilanlan. Indikasyon ito nang lumalaki nating ambag sa ebolusyon ng Wikang Ingles, na isa sa mga pangunahing lengguwahe sa buong mundo. At ang nakatutuwa pa, sa panahon ng globalisasyon, Internet, at social media kung saan napaka-aktibo nating mga Pilipino ay lalo pa itong magpapatuloy sa pag-unlad.
Kung tutuusin, hindi na naman dapat maging kagulat-gulat pa ang mga kaganapang ito, dahil bukod sa kilala ang ating bansa bilang texting capital ng Asya, kundi man ng mundo ay ang bansa rin natin ang pangunahing pinagmumulan ng migranteng propesyunal at manggagawa sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sabihin pa, kasabay nang pagte-text at nang marubdob na paglilingkod ng mga kapatid nating ito sa ibang bansa, ang maalab na pagpapamalas ng ating wika at kulturang kinagisnan. Kaya hindi na nakapagtataka ang dumaraming bilang ng mga banyagang viral ang video ngayon sa Internet dahil sa matatas na pagsasalita at pag-awit ng mga katutubong awiting Tagalog at iba pang wikain ng bansa na natutunan nila sa mga Pilipinong nakakasalamuha nila. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating pagmamalasakit sa ating katutubong salita.
Tunay na napakahalaga ng tema ng Buwan ng Wika ngayong taon – “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran”. Sa makabuluhang paksang ito, tahasang ipinakikita na ang wika ang nagbibigkis sa naratibo ng ating kasaysayan at sa ating mga hangarin bilang isang bansa.
Nakatutuwang isipin na sa panahon ng bagong administrasyon, batid natin ang malaking papel na ginagampanan ng Wikang Filipino maging sa mga reporma sa sistemang pang-edukasyon na noo’y malimit na ipinagsasawalang bahala lamang natin. Sabi nga ng pahayag ng Tagapangulo ng Komite ng Edukasyon ng Senado na si Sen. Pia Cayetano sa kanyang makatas na talumpati sa Kongreso tungkol sa pagpaplano ng Wikang Filipino, “Sa ilalim ng K-12, itinaguyod ang programang ‘Mother-Tongue Based Multi-Lingual Education’ mula Kinder hanggang Grade 3. Kasama ng Wikang Tagalog ang Kapampangan, Pangasinense, Ilokano, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Maguindanaoan, Maranao, at Chavacano bilang ‘medium of instruction’ o wikang panturo habang lalong palalawigin and pagkatuto ng Ingles at Filipino. Magiging pangunahin kasing layunin ng programa ang mas epektibong pagkatuto ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga akda sa wikang una nilang nakagisnan at mas madaling maintindhan.”
Mga kababayan, kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa. Pakatandaan natin na ang tunay na kaunlaran ay magiging mas masaklaw lamang kung ito’y tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.
Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang wika ang kaluluwa ng ating pagkalahi at ang edukasyon, literatura at komunikasyon naman ang mga salik na nagbibigay-buhay rito. Kung gusto nating tunay umunlad bilang bansa, kailangang mapatatag muna natin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng epektibong paggamit — imbis na magpagamit – sa makabagong teknolohiya at komunikasyon.
Mga kaibigan, alam natin kung saan patungo ang Wikang Filipino sapagkat nasa ating mga kamay ang maraming kaalaman at kakayahan para siguruhin ang pagsulong nito sa makabagong panahon. Kung mapapahamak tayo balang araw dahil sa maling paggamit nito sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay, katulad ng ilang negatibong pagbabagong kinakaharap ng ating wika na resulta nang pagbilis at pagdali ng palitan ng impormasyon sa panahon ng texting, internet messaging, Facebook at Twitter, tayo ang may kasalanan at dapat na sisihin. Kailangang ipaunawa natin bilang mga tagapagtaguyod ng wika, sa bawat isang mamamayan na ang tunay na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi na maaari nating magamit sa pagtatamo ng na kaunlaran ay makakamtan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at  mga bansa. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng kabalbalan, kamangmangan, at baluktot na impormasyon para isahan, lokohin o kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay gamitin natin ito nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki upang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan ng mga wika sa daigdig. Makabuluhang hakbang na patuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa maling pag-aakalang hindi na ito nababagay sa modernong panahon ngunit hindi dapat na binabago nito ang ating esensiya at pagkakakilanlan bilang mga tunay na Pilipino.
Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat tumatatag na ang ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang magpatuloy ang kasiglahan at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay pa rin sa ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito para makaagapay sa pagtatamo ng pambansang kaunlaran, responsableng sanayin natin ang ating mga sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Pananagutan ito na ganap na magpapatibay at magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika na maaari nating kasangkapanin sa pagtatamo ng isang maunlad na Pilipinas.


 

Tuesday, April 26, 2016

Tuesday, April 12, 2016

Ang Wika Natin ay ang Wika sa Pangangalaga ng Kalikasan

ni Dennis B. Lacsam

“Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran? Kay dumi na ng hangin, pati na ang mga ilog natin.

Ito ang mga unang taludtod ng awiting “Kapaligiran” na unang pumailanlang sa mga himpilan ng radyo sa buong kapuluan mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Isang mapithayang awiting nasulat sa wikang Filipino na humihimok sa buong sambayanan na sabay-sabay na kumilos upang maisalba ang kalikasang patuloy na nagbibigay sa kanila ng buhay at pag-asa.

Naisip ko tuloy, kung noon pa lamang sana ay mataimtim nang naisapuso ng ating mga kababayan ang mensahe ng awiting ito na pinasikat ng bokalistang si Lolita Carbon ng bandang Asin, marahil ay hindi na sana dinanas at patuloy na dinaranas pa hanggang sa kasalukuyan ng libu-libo nating kababayan ang hindi na mabilang na kapahamakan na dulot ng pananampalasan ng tao sa kapaligiran para lang matamo ang modernisasyon. Naalala ko rin tuloy ang nakapaninindig-balahibong babala at pangitain sa awitin ni Dessa sa isang patimpalak sa paglikha ng awit telebisyon – “Lason sa hangin, tayo rin ang kikitlin; Ulan na naging baha tayo ang lulunurin; Ang tindi ng araw tayo ang susunugin; Tigang na lupa tayo rin ang gugutumin; Ang masayang ugnayan ng tao sa kalikasan, sige sirain mo ikaw rin ang babalikan!”

 Nakapanlulumong isipin na ang Inang Kalikasan na siyang inspirasyon ng sinaunang tao upang makagawa ng wika sa pamamagitan ng paggaya sa “tunog ng kalikasan” tulad ng rumaragasang ilog, pagaspas ng hangin, langitngit ng kawayan, huni ng ibon at marami pang iba, ngayon ay nasa bingit ng alanganin at kawalang pag-asa sanhi ng pananampalasan ng tao.

Mga kababayan, marapat na maunawaan nating lahat na ang wika ay hindi lamang nagsisilbing simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Matibay itong kalasag ng isang bansa hindi lang para sa kaunlarang pangkabuhayan, pangkapayapaan at pagkakaisa bagkus sa pangangalaga ng kalikasan. Kung hahayaan lamang nating gamitin ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang mga responsableng Pilipino, hindi malayong maipapahayag natin nang tama ang mga ideya ng ating kaisipan at mapagsasama-sama natin ang ating mga gawa na siyang repleksyon ng ating kultura na pinakadaluyan ng kaalaman na magagamit natin upang mapangalagaan natin ang ating kapaligiran. Pakatandaan natin na napakalaki ng pananagutan natin sa ating Inang kalikasan sapagkat dito nakasalalay ang ating kinabukasan. Sabi nga ni Recis Dampayos na isang blogger sa Internet, pakalimiin natin na napakahalaga ng kaugnayan ng wika sa kalikasan sapagkat ang pagmamahal para sa isang karaniwang wika ay ang puso ng pagmamahal para sa kapaligiran ng isang bansa. Nag-uumpisa ang lahat sa pagtanto na kung walang isang pambansang wika, ang isang bansa ay literal na magugunaw. Sapagkat ano nga ba naman ang mangyayari kung pababayaan ng mga mamamayan ng isang bansa ang kanilang kapaligiran, ang kalikasan ng kanilang bansa? Siyempre, ang kapaligiran ay hindi magiging kondaktibo para mabuhay, at ang kaligtasan ng isa ay magiging isang isyu.

Mga kaibigan, nasa yugto na tayo ngayon ng tinatawag na Information Age. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ang pagpapaabot, pagpapalitan at pagpapaunawa ng kaalaman o mga kaisipan upang makamit ang mithiing kaunlaran at pangkalikasan. Gamitin nating kasangkapan sa lahat ng uri ng pakikipagtalastasan at antas ng buhay ang wikang Filipino na pagkakakilanlan ng ating lahi. Pakatandaan natin na sa bawat isang awit, tula, balita, artikulo, maikling kwento at iba pang uri ng panitikan na may tema ng pagmamalasakit sa kalikasan na maaipapahayag natin sa iba’t ibang midyum na pangkomunikasyon ay nangangahulugan ito ng pag-asa para sa maganda at maningning nating kinabukasan at ng mga susunod pang saling-lahi. Kaya’t sa halip na batikusin natin ang mga milyung-milyong kababayan ng bagong henerasyon na hindi kayang mag-Ingles sa mga pandaigdigang websitessocial networking sites at blogsites, tulad ng Youtube, Facebook, Twitter, Multiply, blogspot, atbp upang maipahatid nila ang kanilang malasakit sa bayan at kalikasan, dakilain natin silang lahat dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang wikang Filipino at nakikilala tayo ng buong daigdig bilang lahi na marunong magmahal at kumalinga sa Inang kalikasan na pinagkakautangan natin ng buhay. Tandaan natin na iisa lamang ang ating mundo at ang pagkasira nito ang katapusan ng tao.

Isang pinagpapalang hapon at sana’y maging bayani tayong lahat ng kalikasan at ng wikang Filipino