Wikipedia

Search results

Thursday, September 13, 2012

APEX Talumpatian


Noong Agosto 25, 2012 ay muli na namang lumahok ang aming paaralan sa taunang timpalak talumpatian ng APEX na ginanap sa Bulwagang Rizal ng San Pablo Central School.

Bagamat hindi nagwagi ng Unang Karangalan ang pambato namin na Mishael Pontanoza sapagkat pumangalawa lamang siya sa mag-aaral ng LSPU, natutuwa ako na napagtagumpayan pa rin niya ang laban dahil sa ikaanim na sunud-sunod na taon ay hindi pa rin nawawala ang aming paaralan sa talaan ng mga nananalo. 

Narito ang pyesa na kanyang binigkas sa nasabing paligsahan. 


            "Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino"               
                                                   ni Dennis B. Lacsam

               “The Filipino tilt-a-whirl operators are this nation’s backbone! Salamat”

            Ito ang mataginting na linyang binitawan ng kongresistang karakter ng Hollywood Actor na si Will Ferrell sa pelikulang “The Campaign”.  Bagamat noo’y “teaser” o patikim na eksena pa lamang ang ipinapakita sapagkat hindi pa naman lubusang ipinapalabas sa mga sinehan ang nasabing pelikula, animo’y virus na kumalat agad ito sa Internet at iba pang uri ng media. Sa puso at isip ng milyung-milyong Pinoy partikular ng mga Pilipinong naging bahagi ng pelikula, punung-puno sila ng pagmamalaki. Sa wakas ay nakikilala na sa buong daigdig hindi lang ang sipag at galing ng Pilipino, maging ang kanilang inang salita.

                Mga giliw kong tagapakinig, isang pinagpalang hapon sa inyong lahat!

            Matibay na ebidens’ya ang inyong narinig na pahayag na global na ang Filipino! Kasabay kasi ng pagsikat ng marami nating kababayan sa iba’t ibang larangan ay ang pamamayagpag ng ating katutubong wika at kultura. Mula sa pahayag ng pasasalamat ng American Idol Runner-up na si Jessica Sanchez, hanggang sa mga diyalogo ng mga artistang Pilipino sa pelikulang The Bourne Legacy na kinunan pa ang ilang eksena sa bansa ay hindi mapasusubalian na tumatatag ang wikang Filipino.

            Nakatutuwang isipin na katulad ng mga rumaragasang sasakyan sa malawak na kalsada ng information superhighway ay patuloy na nakikipagtunggali ang wikang ating pagkakakilanlan na isang malinaw na pahiwatig ng katatagan nito. Marahil ay napagtatanto na ng marami sa atin na ang tunay na esensiya ng wikang Filipino ay nakasalig hindi lang sa responsableng paggamit dito bagkus ay kung paano itong pahahalagahan bilang importanteng sangkap ng pang-araw-araw nating pamumuhay. Sapagkat kailanman ay hindi matatawag na matatag ang isang wikang tila ikinakahiya ng mga gumagamit nito.

            Mga minamahal kong kababayan, sa mga oras na magbubukas ako ng computer, nangingilid sa luha ang aking mga mata at pumalakpak ang aking mga tenga sa tuwa kapag nakaririnig ako ng mga banyagang koro at orkestra na madamdaming umaawit ng Paruparong Bukid sa mga pambansa at pandaigdigang kumpetisyon.  Gayundin, tumataas ang aking balahibo kapag nakakakita ako ng mga batang kanluraning blonde ang buhok at berde ang mata na katulad ni Luke na may higit isang milyong “hits” sa YouTube na matatas na kumakanta ng mga awiting bayan tulad ng Bahay-Kubo at Sitsiritsit. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating pagmamalasakit sa katutubong salita.

            Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang wika na salamin ng ating pagkalahi ay siya rin nating lakas at kapangyarihan na mahalagang aspeto ng ating katatagan bilang Pilipino. Sabi nga ng isang blogger sa Internet, sa panahong ito na tayo’y minamaliit ng ibang bansa, inaangkin ang ating mga teritoryo at tila ipinapamukha sa ating wala tayong lakas, hindi mga malalaking submarine, fighter planes at dami ng sundalo ang ating  kailangan upang maipagtanggol ang ating bansa. Sapagkat hindi ito simpleng palakasan ng santadahan ng mga bansang nasasangkot. Ito ay palakasan ng pag-unawa at pagmamahal sa bayang kinabibilangan. Kung gusto nating lumakas, kailangang mapatatag natin ang mga mamamayan. At ang pagpapatatag sa mga mamamayan ay hindi kailanman magagawa kung hindi matatag ang ating wika. Makabuluhang hakbang ang pagpapatuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa maling pag-aakalang hindi na ito nababagay sa modernong panahon.

Mga kaibigan, ngayon na nasa yugto na tayo ng bagong henerasyon, nakapahalagang papurihan at tularan natin ang milyung-milyon nating kababayan na gumagamit wikang Filipino sa lahat ng uri ng pakikipagtalasan sa Internet dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang Filipino at nakikilala maging ang panitikan at kultura ng ating bansa sa buong daigdig. Mahalagang ipaalam lamang natin sa mga kababayan nating ito na gumagamit ng Facebook, Twitter, YouTube, at iba pang uri ng social networking sites na kaakibat ng mga pagbabagong ito sa pakikipag-komunikasyon at pagtuklas ng kaalaman ang hangganan at responsibilidad na dapat nilang unawain, intindihin at balikatin bilang mga responsableng mamamayan. Kailangan lang ipaunawa sa bawat isa na ang tunay na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi ay matatamo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at  mga bansa. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng kabalbalan, kamangmangan, at baluktot na impormasyon para isahan, lokohin o kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay gamitin natin ito nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki upang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan ng mga wika sa daigdig.

Mga kapamilya, kapuso, kapatid, ngayon na ipinagdiriwang natin ang ikapitumpu’t limang taon ng pagsulong ng wikang Filipino, nawa’y pagtibayin nating lalo ang pagkalinga sa ating inang salita sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagkasangkapan dito bilang lakas ng K to 12 na siyang pundasyon ng karunungan ng mga itinuturing na kabataan ng ikadalawampu’t isang siglo. Sapagkat sa mga kabataang ito magmumula ang bagong henerasyon ng mga Pilipinong magmamalasakit sa wikang hindi lang bahagi ng kultura bagkus ay mahalagang susi sa pagtatamo ng pambansang kapayapaan at ng matatag na lipunang Pilipino na siyang aakay sa ating lahat sa pagtahak sa isang tuwid na landas.

Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat tumatatag na ang ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang magpatuloy ang kasiglahan at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay pa rin sa ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito, responsableng sanayin natin ang atin mga sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Pananagutan ito na ganap na magpapatibay at magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika. Sa gayon, tayo bilang isang bansa ay mabilis nang makakikilos tungo sa higit na na siyentipikasyon ng Filipino, ang ating tunay na wikang pambansa na siya nating intelektwal na kaakuhan at katatagan bilang isang bansa. At kapag nangyari ito, mapatutunayan natin ang pahayag ni Cam Brady na karakter ni Will Ferrer na tayo ngang mga mamamayang Pilipino ang pinakamatatag at pinakamatibay na sandigan ng bansang ito.

            Muli, magandang hapon at maraming salamat.