Wikipedia

Search results

Tuesday, January 30, 2018

Pagpapakilala sa Panauhing Pandangal na si G. Nico Duma Gutierrez, Batch ‘2007

ni Dennis Lacsam


NICO DUMA GUTIERREZ
Taun-taon, isang tradisyon na sa mga guro ng paaralan ang paghahanap at pagpili ng isang matagumpay at natatanging indibidwal na magbibigay ng isang masalamisim na pananalita at inspirasyon sa lahat ng mga mag-aaral na nagsikhay sa pag-aaral sa loob ng apat na taon.
Ngayon, sa Ikalawang Taunang Araw ng Pagtatapos sa Junior High School, sa temang “Sabay-sabay na Hakbang Tungo sa Maunlad na Kinabukasan.” patutunayan ng ating pinagpipitaganang panauhing pandangal na ang angking talino, sipag, at determinasyon sa buhay na kinambalan ng magandang edukasyon ang tunay na kaagapay ng isang tao upang matamo niya ang isang maningning na kinabukasan.
Likas na tubong San Pablo at panganay na anak ni TEODORICO GUTIERREZ na isang guro at ESTHER DUMA-GUTIERREZ  na dating Overseas Filipino Worker sa America, ang ating panauhin ay  maluwalhating nakapagtapos ng elementarya noong 2003 sa Paarang Sentral, Lunsod ng San Pablo.

Kaakibat ang angking talino na pinanday noong elementarya, itinuloy niya  ang kanyang pag-aaral ng sekundarya sa paaralang pinaglilingkuran at lubos na itinatangi ng kanyang amang guro, ang Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. 

Sa loob ng apat na taong pamamalagi rito kung saan kabilang siya sa pinakamataas ng seksyon,  katulad nang nakasanayan sa simula pa lamang ng pag-aaral noong elementarya, masikhay niyang isinaisip, isinapuso at isinagawa ang pagpapahalaga sa edukasyon sa paniniwalang ito talaga ang magdadala sa kanya sa rurok ng tagumpay pagdating ng panahon.

Sa pamamagitan nang pakikisangkot sa iba’t gawaing pampaaralan, pinayabong niya hindi lamang ang kanyang isip maging ang kanyang buong pagkatao. Bukod sa palagiang pagsali at pagkapanalo sa iba’t ibang kumpetisyon tulad ng Regional Social Studies Quiz Bee noong 2006 , MTAP Challenge, Pagbigkas ng Tula, Talumpatian, Isahang Tinig, Poster-Islogan at marami pang iba ay naging bahagi rin siya ng iba’t ibang samahan at organisayon ng mga mag-aaral tulad ng Math Club, Filipino Club,  Science Club, English Club at Supreme Student Government.

Sa gabay ng ama na noo’y coach ng basketball sa paaralan at kilalang professional referee sa buong lunsod, naging parte rin siya ng school’s basketball varsity na nakikipagtunggali sa mga kumpetisyon sa labas ng eskwelahan tulad Division Athletic Meet at APEX Inter-School Unity Games.  Kaakibat pa rin ng kanyang kaalaman sa larong ito at iba pang larong pampalakasan ay naging bahagi rin siya ng Patnugutan ng The Candor, ang opisyal na pahayagan sa Ingles bilang Sportswriter at nagging kinatawan ng paaralan sa Sportswriting Category sa Division at Regional Schools Press Conferences.

Dahil sa ipinamalas na galing at sipag sa pag-aaral, akademiko o ko-kurikular man, nagtapos siya bilang FIRST HONORABLE MENTION noong Marso 2007 bukod pa sa pagkakamit ng iba’t ibang parangal tulad STI Wizard Award at Best in English.

Bagamat nangarap na maging isang inhinyero noong umpisa, nanaig ang kagustuhan niyang maging isang kilalang CPA balang araw kayat ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng kolehiyo sa Laguna College kung saan kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Accountancy.
Baon ang kumpyansa sa sarili mula sa mga gurong pumanday at luminang ng kanyang personalidad noong hayskul, ipinamalas niya sa paaralang ito ang galing, pagsisikhay, disiplina at determinasyon sa pag-aaral upang bigyang-dangal hindi lang ang sarili maging ang pamilya at mga paaralang pinagkakautangan niya ng utang na loob.
Sa pagiging kinatawan ng nasabing paaralan sa mga panrehiyong at pampaaralang  paligsahan  tulad ng First On-line Accounting Quiz sa Lucena (3rd Place), Accounting Quiz sa De La Salle Lipa (Participant),  2nd Punong Bayan & Araullo Cup Auditing Theory and Problem Quiz (Participant), 2010 Accounting Wizard Challenge (Participant), PPL Cup ng Lyceum of the Philippines, Laguna College Accounting Quiz Bowl kung saan nagwagi siya ng magkasunod na taon (First Place -2010, 3rd Place 2012) at 2008 Team Basic Accounting Challenge (1st Place) pinatunayan niyang hindi pahuhuli ang isang katulad niya na nagtapos ng pag-aaral sa isang public high school. Dahil sa galing at kasipangang ito, ginawaran siya ng paaralan ng GASTPE Scholarship na ipinagkakaloob sa mga mag-aaral na nakakakuha ng mataas na marka.

Noong 2011, nagtapos siya ng Bachelor of Science in Accountancy bilang Cum Laude at agad ding naging ganap na Certified Public Accountant (CPA) nang maipasa niya ang professional board examination nito noong Oktubre ng taon ring iyon.

Matapos maging isang lisensyadong CPA, noong 2011-2012, agad siyang nagtrabaho bilang Accounts Payable Finance Analyst sa San Miguel Yamamura Packaging Corporation sa Canlubang.

Taong 2013, lumipat siya sa Bayer Business Services Philippines, Inc. kung saan nagtrabaho siya bilang Process Expert.  Bilang isa sa mga resident accountants ng nasabing kumpanya, hinawakan niya ang mga Accounts Payable nito sa mga bansang Indonesia, Vietnam, USA at Philippines sa magkakaibang taon.

Kaakibat ng kanyang propesyon, ang ating marangal na bisita ay dumalo rin sa napakaraming training-seminar na patuloy na nagpapaunlad ng kanyang pagkatao para sa napiling propesyon. Bukod pa rito, siya  ay miyembro rin ng Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) at External Committee Member ng Junior Philippine Institute of Accountants (JPIA).

Mga kaibigan, nais ko pong ipakilala sa inyo, ang isang dating mag-aaral ng Col. Lauro D. Dizon  na simula’t sapul ay kinabanaagan na kakaibang galing, sipag,  talento at determinasyon sa pag-aaral na siyang puhunan n’ya ngayon kung bakit n’ya tinatamasa ang isang magandang buhay at pangalan.

Ipinagkakapuri ko pong ipakilala sa inyo ang mabunyi nating panauhing pandangal. Sabay’sabay tayong tumayo at palakpakan ang magiting na binata, Certified Public Accountant, G. NICO DUMA GUTIERREZ

Monday, August 1, 2016

GLOBAL ANG FILIPINO!


(Paksa: Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran)


            Mabuhay! 
Ito ang pambungad na bati ni Danica Salazar na kinatawan ng Oxford English Dictionary sa kanyang on-line editorial nang opisyal niyang ihayag noong Hunyo ang pagsasama ng apatnapung katutubong salita ng Pilipinas sa pinakabagong edisyon ng diksyunaryong Ingles. Sa nasabi kasing bersyon ng talahulugan, maliwanag na ihahanay ang ilang salitang bahagi ng ating kultura at pagkakakilanlan tulad ng utang na loob, halo-halo, buko juice, barkada, KKB, sinigang, suki, baro’t saya, at iba pa sa mahabang talaan ng salitang Ingles na pag-aaralan at gagamitin ng buong mundo.
Mga giliw kong tagapakinig at kapwa kabalikat sa pagpapayabong ng Wikang Filipino, isang mapagpalang hapon sa ating lahat. 
            Maliwanag ang pagpapatunay ng Oxford English Dictionary na global na ang Wikang Filipino. Kung dati-rati’y tayo lamang ang gumagamit ng ating mga katutubong salita, ngayo’y hindi mapasusubalian na tatanggapin, sasalitain at palalaganapin na rin ng ibang lahi ang wikang ating pagkakakilanlan. Indikasyon ito nang lumalaki nating ambag sa ebolusyon ng Wikang Ingles, na isa sa mga pangunahing lengguwahe sa buong mundo. At ang nakatutuwa pa, sa panahon ng globalisasyon, Internet, at social media kung saan napaka-aktibo nating mga Pilipino ay lalo pa itong magpapatuloy sa pag-unlad.
Kung tutuusin, hindi na naman dapat maging kagulat-gulat pa ang mga kaganapang ito, dahil bukod sa kilala ang ating bansa bilang texting capital ng Asya, kundi man ng mundo ay ang bansa rin natin ang pangunahing pinagmumulan ng migranteng propesyunal at manggagawa sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sabihin pa, kasabay nang pagte-text at nang marubdob na paglilingkod ng mga kapatid nating ito sa ibang bansa, ang maalab na pagpapamalas ng ating wika at kulturang kinagisnan. Kaya hindi na nakapagtataka ang dumaraming bilang ng mga banyagang viral ang video ngayon sa Internet dahil sa matatas na pagsasalita at pag-awit ng mga katutubong awiting Tagalog at iba pang wikain ng bansa na natutunan nila sa mga Pilipinong nakakasalamuha nila. Sa isip-isip ko, unti-unti nang nagbubunga ang ating pagmamalasakit sa ating katutubong salita.
Tunay na napakahalaga ng tema ng Buwan ng Wika ngayong taon – “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran”. Sa makabuluhang paksang ito, tahasang ipinakikita na ang wika ang nagbibigkis sa naratibo ng ating kasaysayan at sa ating mga hangarin bilang isang bansa.
Nakatutuwang isipin na sa panahon ng bagong administrasyon, batid natin ang malaking papel na ginagampanan ng Wikang Filipino maging sa mga reporma sa sistemang pang-edukasyon na noo’y malimit na ipinagsasawalang bahala lamang natin. Sabi nga ng pahayag ng Tagapangulo ng Komite ng Edukasyon ng Senado na si Sen. Pia Cayetano sa kanyang makatas na talumpati sa Kongreso tungkol sa pagpaplano ng Wikang Filipino, “Sa ilalim ng K-12, itinaguyod ang programang ‘Mother-Tongue Based Multi-Lingual Education’ mula Kinder hanggang Grade 3. Kasama ng Wikang Tagalog ang Kapampangan, Pangasinense, Ilokano, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Maguindanaoan, Maranao, at Chavacano bilang ‘medium of instruction’ o wikang panturo habang lalong palalawigin and pagkatuto ng Ingles at Filipino. Magiging pangunahin kasing layunin ng programa ang mas epektibong pagkatuto ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga akda sa wikang una nilang nakagisnan at mas madaling maintindhan.”
Mga kababayan, kung naniniwala ang marami sa atin sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Marapat lamang na magsagawa, mag-ugnay at sumuporta tayo sa mga makabuluhang pananaliksik at pag-aaral na pangwika at pampanitikan. Kilalanin natin ang kahalagahan ng mga wikang ating pagkakakilanlan sa lahat ng larangan ng pagka-Pilipino – kultura, etnisidad, kaunlarang pang-ekonomiya, katatagang pampulitika at iba pang layuning intelektuwal sa loob at labas ng bansa. Pakatandaan natin na ang tunay na kaunlaran ay magiging mas masaklaw lamang kung ito’y tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.
Mga giliw kong tagapakinig, lagi nating pakatatandaan na ang wika ang kaluluwa ng ating pagkalahi at ang edukasyon, literatura at komunikasyon naman ang mga salik na nagbibigay-buhay rito. Kung gusto nating tunay umunlad bilang bansa, kailangang mapatatag muna natin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng epektibong paggamit — imbis na magpagamit – sa makabagong teknolohiya at komunikasyon.
Mga kaibigan, alam natin kung saan patungo ang Wikang Filipino sapagkat nasa ating mga kamay ang maraming kaalaman at kakayahan para siguruhin ang pagsulong nito sa makabagong panahon. Kung mapapahamak tayo balang araw dahil sa maling paggamit nito sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay, katulad ng ilang negatibong pagbabagong kinakaharap ng ating wika na resulta nang pagbilis at pagdali ng palitan ng impormasyon sa panahon ng texting, internet messaging, Facebook at Twitter, tayo ang may kasalanan at dapat na sisihin. Kailangang ipaunawa natin bilang mga tagapagtaguyod ng wika, sa bawat isang mamamayan na ang tunay na katatagan ng wikang Filipino na lakas ng ating pagkalahi na maaari nating magamit sa pagtatamo ng na kaunlaran ay makakamtan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman para sa kabutihang panlahat at hindi para sa kapahamakan ng kapwa, institusyon at  mga bansa. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino sa pagpapalaganap ng kabalbalan, kamangmangan, at baluktot na impormasyon para isahan, lokohin o kutyain ang ating kapwa. Sa halip ay gamitin natin ito nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki upang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan ng mga wika sa daigdig. Makabuluhang hakbang na patuloy na pakikipag-usap ng ating sarili’t katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isinasantabi ito sa maling pag-aakalang hindi na ito nababagay sa modernong panahon ngunit hindi dapat na binabago nito ang ating esensiya at pagkakakilanlan bilang mga tunay na Pilipino.
Mga kababayan, lagi nating pakalilimiin na bagamat tumatatag na ang ating katutubong wika, ang pagsasawalang bahala upang magpatuloy ang kasiglahan at pagbulas nito sa mga darating pang panahon ay nakasalalay pa rin sa ating mga kamay. Upang ganap na maging itelekwalisado ito para makaagapay sa pagtatamo ng pambansang kaunlaran, responsableng sanayin natin ang ating mga sarili na maglulan pa rin ng mga produkto ng kamalayan at iba’t ibang kaisipang hango sa maraming kultura. Pananagutan ito na ganap na magpapatibay at magpapaalala sa atin na buhay ang ating Inang Wika na maaari nating kasangkapanin sa pagtatamo ng isang maunlad na Pilipinas.


 

Tuesday, April 26, 2016

Tuesday, April 12, 2016

Ang Wika Natin ay ang Wika sa Pangangalaga ng Kalikasan

ni Dennis B. Lacsam

“Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran? Kay dumi na ng hangin, pati na ang mga ilog natin.

Ito ang mga unang taludtod ng awiting “Kapaligiran” na unang pumailanlang sa mga himpilan ng radyo sa buong kapuluan mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Isang mapithayang awiting nasulat sa wikang Filipino na humihimok sa buong sambayanan na sabay-sabay na kumilos upang maisalba ang kalikasang patuloy na nagbibigay sa kanila ng buhay at pag-asa.

Naisip ko tuloy, kung noon pa lamang sana ay mataimtim nang naisapuso ng ating mga kababayan ang mensahe ng awiting ito na pinasikat ng bokalistang si Lolita Carbon ng bandang Asin, marahil ay hindi na sana dinanas at patuloy na dinaranas pa hanggang sa kasalukuyan ng libu-libo nating kababayan ang hindi na mabilang na kapahamakan na dulot ng pananampalasan ng tao sa kapaligiran para lang matamo ang modernisasyon. Naalala ko rin tuloy ang nakapaninindig-balahibong babala at pangitain sa awitin ni Dessa sa isang patimpalak sa paglikha ng awit telebisyon – “Lason sa hangin, tayo rin ang kikitlin; Ulan na naging baha tayo ang lulunurin; Ang tindi ng araw tayo ang susunugin; Tigang na lupa tayo rin ang gugutumin; Ang masayang ugnayan ng tao sa kalikasan, sige sirain mo ikaw rin ang babalikan!”

 Nakapanlulumong isipin na ang Inang Kalikasan na siyang inspirasyon ng sinaunang tao upang makagawa ng wika sa pamamagitan ng paggaya sa “tunog ng kalikasan” tulad ng rumaragasang ilog, pagaspas ng hangin, langitngit ng kawayan, huni ng ibon at marami pang iba, ngayon ay nasa bingit ng alanganin at kawalang pag-asa sanhi ng pananampalasan ng tao.

Mga kababayan, marapat na maunawaan nating lahat na ang wika ay hindi lamang nagsisilbing simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Matibay itong kalasag ng isang bansa hindi lang para sa kaunlarang pangkabuhayan, pangkapayapaan at pagkakaisa bagkus sa pangangalaga ng kalikasan. Kung hahayaan lamang nating gamitin ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang mga responsableng Pilipino, hindi malayong maipapahayag natin nang tama ang mga ideya ng ating kaisipan at mapagsasama-sama natin ang ating mga gawa na siyang repleksyon ng ating kultura na pinakadaluyan ng kaalaman na magagamit natin upang mapangalagaan natin ang ating kapaligiran. Pakatandaan natin na napakalaki ng pananagutan natin sa ating Inang kalikasan sapagkat dito nakasalalay ang ating kinabukasan. Sabi nga ni Recis Dampayos na isang blogger sa Internet, pakalimiin natin na napakahalaga ng kaugnayan ng wika sa kalikasan sapagkat ang pagmamahal para sa isang karaniwang wika ay ang puso ng pagmamahal para sa kapaligiran ng isang bansa. Nag-uumpisa ang lahat sa pagtanto na kung walang isang pambansang wika, ang isang bansa ay literal na magugunaw. Sapagkat ano nga ba naman ang mangyayari kung pababayaan ng mga mamamayan ng isang bansa ang kanilang kapaligiran, ang kalikasan ng kanilang bansa? Siyempre, ang kapaligiran ay hindi magiging kondaktibo para mabuhay, at ang kaligtasan ng isa ay magiging isang isyu.

Mga kaibigan, nasa yugto na tayo ngayon ng tinatawag na Information Age. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ang pagpapaabot, pagpapalitan at pagpapaunawa ng kaalaman o mga kaisipan upang makamit ang mithiing kaunlaran at pangkalikasan. Gamitin nating kasangkapan sa lahat ng uri ng pakikipagtalastasan at antas ng buhay ang wikang Filipino na pagkakakilanlan ng ating lahi. Pakatandaan natin na sa bawat isang awit, tula, balita, artikulo, maikling kwento at iba pang uri ng panitikan na may tema ng pagmamalasakit sa kalikasan na maaipapahayag natin sa iba’t ibang midyum na pangkomunikasyon ay nangangahulugan ito ng pag-asa para sa maganda at maningning nating kinabukasan at ng mga susunod pang saling-lahi. Kaya’t sa halip na batikusin natin ang mga milyung-milyong kababayan ng bagong henerasyon na hindi kayang mag-Ingles sa mga pandaigdigang websitessocial networking sites at blogsites, tulad ng Youtube, Facebook, Twitter, Multiply, blogspot, atbp upang maipahatid nila ang kanilang malasakit sa bayan at kalikasan, dakilain natin silang lahat dahil sa pamamagitan nila patuloy na umuunlad ang wikang Filipino at nakikilala tayo ng buong daigdig bilang lahi na marunong magmahal at kumalinga sa Inang kalikasan na pinagkakautangan natin ng buhay. Tandaan natin na iisa lamang ang ating mundo at ang pagkasira nito ang katapusan ng tao.

Isang pinagpapalang hapon at sana’y maging bayani tayong lahat ng kalikasan at ng wikang Filipino

Sunday, August 10, 2014

Ang Wika Natin ang Daang Matuwid

ni Dennis Lacsam

“Ang Kolonyalismo at ang Di-mapag-isang Wika’t Pagkatao”

Ito ang nakapanlulumong mensahe ng pamagat ng akda ng dalubwika at manunulat na si Propesor Michael Coroza na nagkamit ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagsulat ng Sanaysay ngayong taon. Bagamat hindi ko pa nababasa ang akda sapagkat wala pa namang napapalimbag na sipi nito, mapa-hard o soft copy man sa Internet, hindi ko maipagkakailang tumagos ang mensahe ng pamagat nito sa aking kamalayan at nag-iwan ng isanlibo’t isang katanungan sa mura kong isipan.

Sinimulan ko ang aking pahayag sa ganitong alalahanin upang ipabatid sa ating lahat na sa ayaw man natin o hindi, ang wika, kultura, kasaysayan at pagkatao ng mga mamamayan ng isang bansa ay hindi kailanman mapaghihiwalay. Isang malinaw itong patotoo na kung anong kalagayan mayroon ang ating katutubong salita sa kasalukuyan ay repleksyon ito kung paanong pinahalagahan ng ating mga kababayan sa nakalipas na mga panahon.

Nakalulungkot isipin, na simula nang itatag ang wikang pambansa noong 1936 na dapat sana’y bibigkis sa atin bilang isang lahi ang siya pang nagiging dahilan upang lalo tayong magkawatak-watak. Sa nakalipas ng ilang dekada, hindi na natapos-tapos ang mga balitaktakan kung ano ba talaga ang wikang dapat mamayani sa buong kapuluan. Nakatatawang taun-taon partikular tuwing Agosto, kung saan pa ipinagdiriwang ang kadakilaan ng ating Inang Salita ay salimbayan naman ang mga diskusyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor na may kaugnayan sa wika. Kanya-kanya ng katwiran! Hindi padadaig ang bawat isa! Mga pagtatalong malimit ay nauuwi lamang sa kawalan dahilan kung bakit patuloy na nauudlot ang pagyabong ng wika sa lahat ng aspeto ng buhay.

Mga minamahal kong tagapakinig huli na nga marahil para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili subalit hindi pa huli upang gumising tayo't magkusa sa bawat maliliit na larangang ating kinikilusan na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Huwag tayong mabulag sa maling paniniwala na higit na mainam ang isang wika sapagkat higit itong sinasalita ng karamihan sa lipunan dahil lalo lamang itong nagpapatingkad ng ating mga kahinaan. Tandaan natin na sa panahong ito ng kaalaman hindi na mahalaga kung anong wika o diyalekto ng bansa ang hinirang na wikang panlahat! Ang higit na mahalaga ay patuloy na nakikipag-usap ang ating mga wika sa iba’t ibang wika ng kapuluan at ng buong mundo. Iwasan na natin sana ang pagiging purista sa mga wikang ating nakasanayan sapagkat lalo lamang hindi bubulas ang kapangyarihan nito. Itaguyod natin ang paggamit ng Filipino bilang wikang pambansa habang pinangangalagaan ang mga wikang katutubo sa Pilipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa at pag-unlad ng sambayanang Pilipino. Tandaan natin na mabisang kasangkapan para sa isang tao na magkaroon siya ng kaalaman sa maraming wika ng bansa at ng daigdig sapagkat nangangahulugan ito ng walang katapusang pagyakap niya sa mga bagong karunungang makaaagapay sa kanya sa mundo ng multilinggwalismo para sa isang globalisadong daigdig. At higit sa lahat, pakalimiin natin na ang mga wika natin ay hindi lang daan sa kasaganaan manapay sa pagtatamo ng katarungan at kapayapaan. Ito rin ang mga wikang lalaban sa talamak na katiwalian sa pamahalaan at lipunan, mangangalaga sa kapaligiran at gagamot sa ating kahirapan.

Kung tutusin, napakalayo na ng narating ng ating mga wika. Ang noo’y mga diyalekto lamang ngayo’y wika na ng buong kapuluan at siya nating pambansang espiritu. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng modernisasyon tulad ng Internet at iba pang midyum ng komunikasyon ay nakikilala na ang mga ito hindi lamang sa buong bansa bagkus ay sa buong mundo. Kung noo’y natuwa tayo nang awitin ni Apl de Ap ng Black Eyed Peas sa Hollywood ang Bebot at Tayo’y mga Pinoy na nasusulat sa wikang pambansa, ngayo’y pati tenga nati’y pumapalakpak sapagkat pumapailanlang na rin sa mga himpilan sa radyo at telebisyon sa buong mundo ang awiting Mekeni na nasulat naman sa diyalektong Pampango.

Kung naniniwala tayo sa kapangyarihan ng ibang wika partikular ang Ingles upang makasabay tayo sa mga mauunlad na bansa sa daigdig, makatarungang sabay din nating pagyamanin, palaganapin at panatilihin ang mga wikang ginagamit nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan – maging ito ma’y sa inisyatiba para sa katutubong kaalaman, kaligirang pangliterasiya, integrasyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya at katatagang pampulitika. Napakahalaga na ipabatid sa bawat isang Pilipino na makabuluhan ang wika na siya nating lunggati sa ating pinagmulang lahi. Marapat na umigpaw sa ating mga sarili ang pagsibol ng totoong diwa ng nasyonalismo dahil ito ang diwang aakay sa atin sa tuwid na daan upang matamo ang tunay na tagumpay.

Mga kaibigan, totoong malaki ang ginagampanan ng wika sa paghubog ng isang matatag na republika sapagkat malinaw na pinatutunayan nito na malakas ang pagkakaisa ng isang bansa kung may isang wika sapagkat sa pamamagitan nito, nagkakaunawaan ang mga mamamayan, lumalakas ang panitikan at patuloy na yumayabong ang kultura. Hindi marapat na maging sanhi ito ng ating pagkalito na sa kalauna’y maging pag-iwas sa paggamit dito. Alalahanin nating buhay ang wikang Filipino at iba pang wika ng kapuluan. Hindi ito mga bagay na nakasuspinde sa kawalan. Tandaan natin na sa pagbabago ng ortograpiya, yumayaman, lumalago, umuunlad, at nakaaangkop ang ating mga wika sa tawag ng panahon. Kaya’t kung mayroon mang magaganap na pagbabago sa ating wika, tulad ng nakaambang papagpalit ng titik na F sa P ng Pilipinas, nawa’y magkaisa tayong lahat na tanggapin ito nang buong puso upang sa ganoon ay ganap nating mayayakap ang itelikwalisasyon at siyentipikasyon ng ating wika na huhubog sa kultural na aspekto ng ating mga pagkatao bilang Pilipino. At kung hindi man lahat tayo nagkakasundo, nagkakaintindihan o nagkakaunawaan sa makabuluhang misyon na panaigin ang kapangyarihan ng wikang Filipino at iba pang wikang katutubo sa lahat ng larangan, ang mahalaga ay patuloy tayong nag-uusap sa wikang nagbibigay sa atin ng buhay at pag-asa. Sabi nga ni Tito Boy, kaibigan, usap tayo!


Isang pinagpapalang hapon at sana’y maging bayani tayong lahat ng wikang Filipino na siyang wika, puso at kaluluwa natin sa pagtahak sa daang matuwid.

Saturday, November 2, 2013

Monday, June 17, 2013

Gintong Laurel Official Theme Song

Gintong Laurel
Music and Melody by Dennis B. Lacsam
Arranged by Michael Austria of 16th of December
Interpreted by Jerwin Pineda
Video by Charisel Jeane Hernandez


http://www.youtube.com/watch?v=J7mOYj5hqks


Ooohhhh

Puputungan ng karangalan huwarang guro ng paaralan
Na nagpunla ng kabutihan at naghasik ng kaalaman
Gumawa ng isang pangalan nagsikhay sa napiling larangan
Nagtaas ng antas ng karunungan, humubog sa isip ng kabataan


Chorus:

Gintong laurel ang ipuputong ko sa natatanging gurong idolo
Gintong laurel ang pabuya ko na sagisag ng aking pagsaludo
Gintong laurel ang kaloob ko sa pantas na mabuting modelo
Gintong laurel ang ihahandog ko sa bagong bayaning Pilipino


Ang mithiin n’ya’y kikilalanin, ang misyon ay tutuparin
Gintong aral ay payayabungin, iingata’t pagyayamanin
Tutularan ang mabuting gawa, kakalingain bawat adhika
Nang mamayani ang kawanggawa nang guminhawa itong bansa



(Repeat chorus thrice)


...sa bayaning Pilpino

Pilipino

Pilipino

Pilipino

Sunday, May 19, 2013

Pasayahan sa Lucena


Pasayahan sa Lucena

Official Song of Lucena City’s Pasayahan Festival 2013



Music and Lyrics by Dennis B. Lacsam
Arranged by Michael Austria of 16th of Decemeber
Interpreted by Lea Marie Hernandez of 16th of December



Iba ang saya, iba ang sigla
Iba ang panghalina nitong aming Lucena
Ang ganda ng kulturang bukod-tangi sa iba
Ang saya ng mga tao laging nakatawa


Chorus:
Pasayahan sa Lucena sadyang angat sa iba
Mga tao sa kalsada nagsasaya’t nagpi-pyesta
May parada ng artista ng pogi at magaganda
Ang sayawa’y bonggang-bongga makulay at ibang-iba

Sa Pasayahan sa Lucena halika na’t makisaya
Makisayaw, makiparada sa handog naming pyesta
Bisitahin ang Lucena at mamangha sa angking ganda
Na alay nitong Quezon sa sinuman na bibisita

Iba ang linamnam ng lutong Lucena
 Chami, buko’t tinapa sa lasa’y bidang-bida
Biyaya sa kabisera na bayan ng pag-asa
Ni San Fernandong mahal na pintakasi ng Lucena


Repeat Chorus 3X


Rap
Dito sa Pasayahan, walang patid ang kasiyahan
Ang dami mong pupuntahan, maraming pagpipiliian
May Perez Park malapit sa bayan, masarap ang isda sa Dalahican
Patunay ito ng pag-asenso ng maunlad naming bayan

Lucenahin ay magiliw, sa bisita’y may paggalang
Mapagmahal sa kalikasan na pundasyon ng kalinisan
Sa edukasyon at sa kultura tao’y nagpapahalaga
At sa Dyos na lumikha patuloy na kumikilala


Pasayahan sa Lucena… Halika na sa Lucena
Pasayahan sa Lucena… Halika na sa Lucena
Pasayahan sa Lucena… Halika na sa Lucena

Pasayahan sa Lucena!